STEVEN PABALINAS' DIVINE COMEDY
May isang nakakatuwang kuwento kung paano ko nakilala si Steven.
Katatapos ko lang noon ng 4th year high school, summer ng 1990. Kinuha ako ng auntie ko para pag-aralin sa Iloilo. Mga ilang linggo pa lang ako du'n pero inip na inip na ako. Naisip ko, hindi talaga pang-probinsya, pang Manila lang yata ang takbo ng utak ko. Humingi ako ng pamasahe sa auntie ko para makabalik sa Manila, sabi ko, doon na lang ako mag-aaral. Hindi ako binigyan. Maghanap daw ako ng sarili kong pamasahe kong gusto kong bumalik.
Earth day yata noon, nabalitaan ko galing sa pinsan ko na mayroong on-the-spot poster-making contest sa plaza ng Jaro, Iloilo. Sugod naman ako, nanghiram lang ako ng crayola sa mga pinsan ko. Pagkatapos ng contest, hindi ko akalaing magiging second place pa ako. Yung nanalo ng first place, lumapit sa akin, binati rin ako. Mabait siya, saka ang tingin ko noon ay malayo ang mararating sa art. Mga second year high school pa lang siguro siya noon. Bilib na bilib pa nga siya sa gawa ko, realistic daw, natatawa pa nga ako. Kinuwento ko rin na gumagawa ako sa komiks. Hindi ko na naitanong kung ano ang pangalan ng nakalaban kong iyon sa contest.
Three year after, nasa Manila na ako. Active pa ako noon sa martial arts, tuwing hapon, nagpa-praktis ako sa Quezon Memorial Circle. Biglang may isang binatilyo na lumapit sa akin. Tinanong kung ako si Randy Valiente, sabi ko, oo. Bigla siyang yumakap sa akin, parang maluha-luha pa nga sa tuwa ang makita ako. Akala ko naman, may sayad. Hindi ko siya kilala.
Bigla niyang sabi, siya daw si Steven Pabalinas. Siya daw 'yung nakalaban ko sa Iloilo three years ago. Nagulat ako. Natatandaan niya ako samantalang siya ay hindi ko matandaan. Nagkabalitaan kami. Sinabi niya na gumagawa na daw siya sa Komedi Komiks, at isa daw ako sa hinanap niya nang mapunta siya sa komiks. Pagpunta ko nga sa GASI nang ilang linggo ay nakita ko si Steven, halos yakapin ulit ako. Ipinakita niya ang kanyang gawa, nasabi ko, malaki ang potensyal ng style niya sa cartooning, pati ang atake ng pagpapatawa.
Maraming-maraming taon ang lumipas, wala na akong naging balita sa kanya. Nalaman ko na lang na may strip siya sa Inquirer, ang Divine Comedy nga. Nagulat din ako nang batiin niya ako noong nakaraang Komikon sa UP (at muli, hindi ko na naman siya nakilala dahil may balbas na siya, siya ulit ang unang lumapit sa akin). Ikinuwento niya ang hirap ng pagpa-publish ng sariling libro. Sabi ko, kayang-kaya mo 'yan, sa totoo lang ay talaga namang maganda ang konsepto ng strip niya, pati ang mismong drawing.
Ang layo na ng narating ni Steven mula nang makilala ko siya na isang uhugin doon sa contest sa Iloilo. At hindi ko akalain na makakasama ko siya sa linyang ito, tingin ko, habambuhay na ito.
Congrats, 'tol! Ako naman ang maghahanap sa 'yo ngayon para lang magpa-otograp!
4 Comments:
Ok ang kwento nyo ah! pwede palang isa-komiks ang buhay ninyong dalawa:)
hehehe, hanggang ngayon nga natutuwa pa rin ako sa nangyari
astig. well put. sana makatagpo ko rin ng personal sina PMJr, Manix/Jess abrera, Steve Pabalinas, at sana nga si alcala.
well put. ayos na ayos. sana makatagpo ko rin ang mortal idols ko sa cartooning/comics gaya ng mag-amang Abrera, Pabalinas, Medina Jr., atbp. gaya ni Gary Larson. At si Larry alcala sa langit.
Post a Comment
<< Home