Wednesday, October 25, 2006

FILIPINO KOMIKS review


Isang bagong komiks na pinamagatang Filipino Komiks ang inilabas ng Risingstar Printing Enterprise. Nakaugat ito sa tradisyon ng komiks sa Pilipinas o sa tinatawag na ‘old school of komiks’. Hindi nakapagtataka dahil ang mismong bumuo ng babasahing ito ay si KC Cordero na isang dating editor ng Atlas Publications.

Ito ay mayroong 76 pages at nagkakahalaga ng PhP100.00. Bagama’t maganda ang ginamit na papel sa cover, ang inside pages nito ay gawa sa newsprint at greyscaled lamang ang mga artworks. Nasa sukat ito ng 6.5 x 10.5 inches na galing din sa sukat ng tradisyunal na komiks.

Sa unang tingin, mapagkakamalang ito ang karugtong ng Pilipino Komiks na inilalabas noon ng Atlas. Ngunit ito ay iba nang entity dahil sa letrang ‘F’ sa halip na ‘P’. Kapansin-pansin din ang logo ng salitang ‘komiks’ na katulad din ng logo na ginamit noong panahon ni Tony Velasquez.

Mababasa sa cover ang pangalan ng mga manunulat at dibuhista sa komiks, kabilang na rin ang mga interviews na makikita sa loob. Ang ganitong strategy ay masasabing ‘insider’s information’ kung saan ang ipinapakilala sa publiko ang mga manlilikha ng komiks. Sa isang karaniwang mambabasa na hindi kilala ang mga taong nakasulat sa cover, ang ganitong pagpapakilala ay magiging lehitimong talentong dapat na abangan sa loob ng komiks na ito. Sa madaling salita, mataas ang kredibilidad ng komiks dahil ipinapangalandakan ang mga kilalang personalidad ng nakaraang industriya tulad nina Nestor Malgapo, Jose Mari Lee, Karl Comendador, Nar Castro at Rico Rival. Kabilang na rin ang mga bagong dugo ng manlilikhang sina Gerry Alanguilan at Gilbert Monsanto. Dalawang magkaibang henerasyon na pinagsama sa isang komiks.

Ang komiks ay kalipunan ng mga short stories na magkakaiba ang haba. Kaiba sa tradisyunal na komiks na naglalaro lamang sa 4-5 na pahina. Ang unang mababasa ay ang Guhit Ng Hangganan na sinulat ni Jose Mari Lee at iginuhit ni Karl Comendador. Tungkol ito sa isang binatang Filipino-Canadian na miyembro ng gang. Nagsimulang umikot ang kuwento nang mabaril ang binata at makausap niya sa isang dimension ang pambansang bayani na si Jose Rizal. Sa kalaunan ng pag-uusap ng dalawa, makikita ang mga rebelasyon sa buhay ng binata. Kabilang din sa pag-uusap ang mga pilosopiya nina Nietzsche, Descartes. Pati ang mga personal na kaalaman ng writer tungkol sa pelikula. Bagama’t marami nang kuwento na may ganitong tema kung saan ang twist sa huli ay isang malaking panghihinayang sa main character, nai-deliver ng maayos ni Lee ang kuwento na hindi magiging predictable para sa mambabasa. Ang kuwento ay isang magandang uri ng realization. Hindi rin dapat palampasin ang traditional way of illustration na ipinakita dito ni Comendador. Mas pulido ito kesa sa mga huling araw niya ng pagdidibuho sa Atlas nitong mga nakaraang taon.

Ang ikalang kuwento ay ang Rabido ni Ofelia Concepcion at iginuhit ni Rodel Noora. Horror-fantasy ito, isang temang aakalain nating hindi na muli pang isusulat ni Concepcion dahil mas nakilala siya sa mga kuwentong drama at romance stories sa pocketbook. Maituturing ko ang kuwento at dibuho nito bilang ‘good old way of storytelling’. Ito ang uri ng kuwentong angkop na angkop sa mambabasang Pilipino ng nakaraang industriya.

Ang ikatlong kuwento ay ang Met Crystal ni Fermin Salvador at iginuhit ni Nar Castro. Ito ang personal choice ko sa kabuuan ng komiks. Traditional Filipino ang pagkakaguhit, maging ang takbo ng kuwento ngunit tatablan ka sa bawat pilantik ng dialogues at captions ni Salvador. Makailang ulit kong binasa ang dialogues na ito: “Lahat ng tao ay may hinahanap sa buhay, Shawn. Kayong mga Pilipino, ‘di ba kailangan niyo ang Amerika? Dito ang kaligayahan niyo?”

“Ako, Amerkano na ako. Ito lang ang kailangan ko (ang tinutukoy niya dito ay ang ‘sex’).”

“Ngayong narito ka na sa Amerika, matutuklasan mo na kung minsan ito lang pala ang kaligayahan dito! Only this crap!”

Agad na pumasok sa isip ko na walang dudang si Salvador ay mahusay na manunulat, nang bigla niyang dalhin ang ending ng story sa hindi ko inaasahan. Brilliant storyteller.

Ang ikaapat ay ang Aliping Mandirigma na sinulat at iginuhit ni Ner Pedrina. Japanese-Manga/anime inspired ang gawa dito ni Pedrina. Sa pag-deliver ng kuwento maging ng drawing. Fast-paced ang takbo ng kuwento, pinipilit I-detalye ang labanan sa pagitan ng dalawang tauhan na naglalaban. Sa bandang huli, dadalhin ka sa isang twist na palasak na noon sa mga kuwento sa GASI partikular na sa Shocker Komiks at Space Horror Komiks.

Ang ikalima ay ang Sa Kamay ng may Likha ni Gilbert Monsanto. Mas makikita dito ang impluwensya ng American superhero stories at maliit na posyento lamang ng Manga. Ang unang nakapansin sa akin ay ang titulong ‘may Likha’, hindi ko alam kung dapat ay mas angkop na gamitin ang salitang ‘Maylikha’. Ikalawang nakabahala sa akin ay ang palasak na paggamit ng caption sa first-person point-of-view. Naligaw ako at hindi ko na masundan ang takbo ng kuwento pagdating ko sa ikatlong pahina. Hanggang sa natapos ko ang kuwento na hindi ko alam kung ano ang ano, at alin ang alin. Gayunpaman, nakita ko ang dynamic na layouting sa drawing ni Monsanto, isang magandang pagpapakita ng modern use of visual storytelling.

Ang sumunod ay ang Remembering Eileen ni KC Cordero at guhit ni Rico Rival. ‘Tatak-Atlas’ ang una kong napansin sa kuwentong ito. Isang mahusay na paraan ng pagsasalarawan sa tradisyon ng 70s at 80s era ng komiks. Mahusay gumamit ng captions at dialogues si Cordero, alam niya kung paano ito gagawin at gagamitin sa mga eksena, isang palatandaan ng mahusay na manunulat ng komiks sa tradisyunal na paraan. Mapapaisip ka rin sa isang comparison ng dalawang tauhan na may magkaibang kuwento na ipinakita niya sa ending kung saan binabasa ng pari ang isang dyaryo.

Ang sumunod ay ang Bonsai: Sa pagyabong ng Isang Pag-Ibig nina Jose Luis Casanova at Dante Barreno. Hindi ako pamilyar sa pangalan ng writer, o kung ito man ay penname lang na ginamit. Gayunpaman, katulad ng mga tradisyunal na komiks na inilalabas noon ng Counterpoint Publications, isa ito sa nakita kong akmang-akma sa mga kuwentong naroon. Pinaganda pang lalo ng drawing ni Barreno, isang mahusay na tandem.

Ang huli ay ang At Nakalimutan ang Diyos nina KC Cordero at Franklin Batolinao. Ang unang nakapansin sa akin dito ay ang muling pagbabalik sa komiks ni Batolinao. Matagal nang panahon bago ko ulit nakita ang drawing niya sa pahina ng komiks. Pamilyar ako sa mga gawa niya noon sa Atlas lalo na sa Ninja Komiks. Ang pamagat ng kuwento ay malinaw na galing sa isang kanta ng bandang The Wudz. Ngunit hindi ito ang ini-expect ko sa takbo ng kuwento. Fast-paced ang paglalahad ng kuwento, hindi mo kailangang huminga. Mahusay ang hook na ginawa ni Cordero dito sa bawat panel. Sa ending, dadalhin ka nito sa isang twist na ikagagalit mo sa lipunan na iniikutan ng mga tauhan sa kuwentong ito. Tagumpay si Cordero dito na galitin ang damdamin ng sinumang magbabasa nito. Isa itong epektibong ‘attack-to-emotion’ story.

Kasama rin sa mga pahina ng komiks ang gallery ng mga dibuhistang Pilipino tulad nina Nestor Malgapo, Charlie Baldorado at Randy Valiente (ako yata ‘yun!)—na hindi ko napansin sa una dahil akala ko ay isa lang patalastas ng isang ad agency.

Mababasa rin ang mga artikulo tungkol kay Nestor Malgapo, Gerry Alanguilan at…sa akin, na isang magandang pagpapakilalang muli ng mga personalidad ng komiks.

Sa kabuuan, ang Filipino Komiks ay isang pagpapakita ng anyo ng komiks na ating kinalakhan (kasing-edad ko syempre) pati na ng ating mga magulang noon. Moderno man ito, ngunit ito ang format na nakasanayan na ng malaking bilang ng mambabasang Pilipino. At dahil sa ganitong tipo na nakasanayana na nating lahat, ang nakabahala sa akin ay ang presyong PhP100.00. Ang pinakahuling komiks na inilabas ng Atlas two years ago ay nagkakahalaga ng PhP15.00. Although mas makapal ito at di hamak naman na mas may kalidad kesa sa huling komiks ng Atlas, hindi maipagkakaila na ang ganitong klase ng format ng komiks ay dapat na abot ng masa sa presyo pa lang. Isa rin ito sa nakita kong pagkakamaling nangyari two years ago sa Siklab Komiks. Sa anu’t anupaman, ang mga Pilipino ay aware sa presyo ng kanilang binibili, mapa-komiks man ito o pagkain sa mesa.

Ang Filipino Komiks ay hindi dapat palampasin ng sinumang nagbabasa ng komiks. Collectors item ito. Inaasahan namin ang second issue, mas maraming laman, at mas mahuhusay ang nasa loob. Hagilapin natin ang lahat ng matatandang writers at artists ng industriya ng komiks, ipasok natin sa komiks na ito. Ito na lang ang magsisilbing bibliya kung sinu-sino at ano ang uri ng komiks na hindi na inabot ng henerasyon ngayon ng mambabasang Pilipino.

11 Comments:

At Thursday, October 26, 2006 9:02:00 AM, Blogger Reno said...

You're right, Randy. The P100 price tag is steep. In order for FILIPINO KOMIKS to get a much wider audience, they have to bring that down. Other glossy, full-color titles sell for much lower than that.

Of the stories contained, I liked the last one the best. The ending was unexpected. Franklin Batolinao's art was a bit uneven at times, though.

And I was surprised to see Karl Comendador's art so polished. I'm used to the way his art being a bit gritty.

RABIDO seemed to meander without any purpose and no real ending. I'm suspecting this may not be the last we'll see of the titular character.

Remembering Eileen turned out to be too predictable for me, but then again I predicted the twist in THE SIXTH SENSE almost from the start, so maybe that's just me. Rico Rival art is still a joy to behold, though.

I better shut up now. Parang mas mabagsik pa yata akong mag-review kesa sayo. =P

 
At Thursday, October 26, 2006 11:00:00 AM, Blogger Randy P. Valiente said...

Hahaha...gusto mo bang magkaroon ng kaaway?

 
At Thursday, October 26, 2006 12:13:00 PM, Blogger TheCoolCanadian said...

Reno, $2.00 is steep? He-he. Dito kasi, 32 pages, at least $4.00. Baka naman wala nang kitain ang publisher kung bababaan pa ang $2.00? Maliit na kasi ang print run ng mga komiks diyan ngayon kaya mas mahal ang charges ng mga imprenta.

Ngayon ko lang napagtanto na para palang nasa infancy ang komiks industry natin ngayon diyan. Iba-ibang direksiyon ang galaw nito.

But I'm pretty sure that ALL'S WELL THAT ENDS WELL. Time will come when the industry WILL rise again, and there will be no more DIVISORIA-like selling for the Komikeros. By then, all they have to do is write and draw, no more worries about how to sell what they have created. Looking at the videos from the blogs, it's heart-rending to see young komikeros struggling this way, something I've never seen when I was doing komiks in the mid 70s. The komiks world today is absolutely another kettle of fish, not even close to the one I used to know.

But you know what? What I've seen is something akin to UNCONDITIONAL LOVE. These young talents are doing their art for the love of it. Money comes next, if they even bother about it at all.

I've been away for so many years and these videos are truly an eye-opener.
SOMETHING must be done to change the situation of the young komikeros. I can't even believe the government is not doing anything to change the status quo for the artists.

The government officials don't even seem to care. It's absolutely PATHETIC.

Randy, tama ka. Hukluban na nga ako :•D

 
At Thursday, October 26, 2006 2:51:00 PM, Blogger Reno said...

Randy: Kaya nga nag-shut up na. hehe. Pero overall, nagustuhan ko ang Filipino Komiks. O, Okey ba pambawi?

Jomari: Sad truth. $2.00, hindi pa makayanan ng ordinaryong Pilipino. Samantalang barya lamang ito sa North America. Gobyerno dito? Asa ka pa. Huling priority ang Arts. Hindi nila naisip, pag pinagyaman mo ang kultura ng isang bansa, maa-uplift ang spirits ng mga mamamayan nito. Kahit nga sports, hindi binibigyan ng appropriate funding. Mga pro athletes dito, ampapayat. Walang proper nutrition. Only a few make it big (like Pacquiao). And even then, walang kinalaman ang gobyerno sa pag-asenso nila.

 
At Thursday, October 26, 2006 6:52:00 PM, Blogger Randy P. Valiente said...

Joem-
hahaha..mali ang words na ginamit ko sa 'matanda', dapat pala 'seniors' hehehe.

 
At Thursday, October 26, 2006 10:44:00 PM, Blogger TheCoolCanadian said...

It's really sad. What was annihilated from the face of the earth was an industry, a huge one. Many people depended on it, and they're not just ordinary people, they were THE MOST SPECIAL ONES - the country’s ARTISTS. Aba'y masahol pa sa nadaanan ito ni MILENYO! Parang NATIONAL CALAMITY ang nangyari, di ba? Dapat lang na magkaroon ng alalay ang government. Hindi naman talaga ito na UMAASA ang mga artist sa gobiyerno, pero, may tungkulin naman ang gobiyerno na magbigay ng voluntary aid. In the long run, gobierno rin ang makikinabang, dahil, mababawasan ang mga jobless, magki-create ng income para sa government, dahil ilang mga creators ang magbabayad ng taxes, hindi ganyang parang nagmistulang UNDERGROUND ECONOMY ang kinahantungan - the artists were driven to put matters into their own hands by peddling what they create sans the government's benefit. Itinulak pa nito ang mga artists sa abbysmal lunga na animo'y nagpuntahan lahat sa talipapa. Pang-aapi ito sa mga artists na ito na may mga katalinuhang dapat na alagaan ng gobiyerno.

Yun namang criticism, okay iyon. After all, it's a matter of one's taste. I've always been vocal about it, anyway. Some people may like what you create, others won't. But the world will not stop turning for the creators and the critics. Life will go on :•D

The old komiks industry, puro O. Henry ang ipinu-push. Katakut-takot na surprise ending.

Sa opinion ko nga, when the reader knows he is getting a surprise in the end, then... it's no longer a surprise. Besides, even of the reader gets a surprise in the end, so what? It's quite immaterial to me, because it will only work in form, but not necessarily in substance.

Sa aking abang opinyon, ang kailangan sa bagong komiks ng Pilipino, LUMAYO na sa iisang pagpapakita ng realistic point of view. Ang dating way ng pagpapakita ng katotohanan per se ay lipas na. Ang mas nakakaintriga ay kung paano ba mailalahad ang reality through the use of (UN) realism. INTERNAL REPRESENTATION, a presentation to the mind in the form of an idea or image, is much more powerful than the overused O. HENRY and GUY DE MAUPASSANT's Obvious story-telling. Passé na nga ang mga ito at dapat na tayong mag move on.

Kaya nga nakakatuwa ang bagong trend ng mga komikero diyan sa atin ngayon. Everybody's experimenting.

Pero kung gagayahin na naman natin ang CSI or XFILES, et al, mahuhulog na naman tayo sa bangin ng pagiging copycat at mundane story-telling.

Themes are limited to at least 10-12 kinds in this planet. Paulit-ulit lang, dapat lang mapaiba ito through presentation.

Kailangan lang ay iwasan ang pangongopya. Use a simple theme if you will, even a proven one before, but present it from a different angle.

Dapat lang, the artist (creator) should assess the critic's point of view and absorb what is objective and what the personal taste, is. Chances are, there will only be disagreement on the personal taste side.

Sometimes, the critic is right, and sometimes the creator is right. The reader, according to his own taste as well, will give the final judgment. Hence, we get books or films or komiks that the critics hated but the readers have adored.

The critics should be there to give us an alternative point of view. The audience will have his final say in the end :•D

 
At Friday, October 27, 2006 8:55:00 AM, Blogger Randy P. Valiente said...

Very well said.

 
At Sunday, October 29, 2006 2:46:00 PM, Blogger Bong Leal said...

Ang P100 na komiks para sa masa ngayon ay mabigat na. Mas nanaisin pa nila ibili ng load at magtext kesa magbasa ng komiks.kung mapapansin nyo baryang barya ibinaba ang halaga ng celphone load, mantakin mo pasa load na 5piso he he he...

Sa presyong yan mas safe sabihin na ang audience ninyo dito ay yung mga datihan ng nagbababsa ng komiks (nuong ang komiks ay laganap pa) na ngayon ay may maganda ng ikinabubuhay. At sila marahil sa ngayon ay mngilan-ngilan na lang

Pero ang Filipino komiks ay magandang simula at dapat suportahan ng mga katulad natin na nagmamahal ng tunay sa komiks. At sa tingin ko ang mas higit na makaksuporta dito ay yaong mga taong katulad ni Reno (o di ba?) na may ibang pinagkukunan ng ikakabubuhay.. ibig sabihin hindi sa komiks lang nakaasa.

Ang masakit na katotohanan kasi para muling maibalik ang interes ng mas malawak na audience sa komiks kailangan talaga magsakripisyo ang bawat taong nakaugnay dito. hindi lamang mga artist at writer kasama na nag publisher.

Itoy tinatawag kong” makabayaning pasisikap” (heroic effort) he he he..

kasi sa tingin ko ang pinagsusumikapan natin ngayon ay hindi na para sa atin, kundi para sa mga generasyong darating.

Sa Filipino Komiks, ako ay kaisa nyo at nais mag-ambag ng serbisyo bilang pagsuporta ko dito.
...sino ba naman dibuhista ang hindi gustong ihanay sa galing ni Rico Rival, maging ang gawa ni Rodel Noora ay mahusay din... at maganda ang kwento ng Nakalimutan ang Diyos.

 
At Sunday, October 29, 2006 2:54:00 PM, Blogger Bong Leal said...

Randy ako pala yan si blogelan.... nagkamali lang ng sign-in. hehehe

 
At Tuesday, October 31, 2006 3:47:00 PM, Blogger derrick macutay said...

randy paki contact sina rey, elmo et al..d matatawaran din ang mga naging contribusyon nila sa industriya ng komiks..kaw n kumausap kay rey. E2 number nila rey-09153158473, elmo-09212099037

 
At Tuesday, October 31, 2006 6:03:00 PM, Blogger Ner P said...

randy, maraming salamat sa review!!!



ner p

 

Post a Comment

<< Home