KOMIKS REVIEW
Noong active pa ako sa songhits, isa sa trabaho ko ay maging reviewer ng music industry. Mostly, ang niri-review ko ay mga bagong banda, kahit na ‘yung mga wala pang album sa major companies. Isa sa natutunan ko kung paano mag-review ay hindi kung ano ang maganda o pangit para sa akin. Ang natutunan ko sa pagri-review ay ang kakayahan kong bumasa sa isang produkto, at kung ano ang magiging papel nito sa audience. Training ground ito sa mas malalim na analysis ng bagay-bagay sa mundo.
Isang salita ang natutunan ko nang maging aktibista ako during college days, MAGSURI! Titingnan ko ang isang bagay hindi lang sa labas nitong hitsura, hindi lang din ang loob, kundi kung ano ang ginagampanan nito.
Ang pagsusuri ng aklat ay tinitingnan ko sa mga kategoryang ito: Sino ang gumawa? Para kanino? Anong panahon ito ginawa? Ano ang laman? Ano ang impact nito sa nagbasa? Wala akong masyadong rules kung paano mag-criticize ng isang libro, ngunit ang limang kategoryang ito ang matibay kong pundasyon para gawin ito.
Lahat ng kritiko ay may sinasabing ‘personal choice’. Ang personal choice na ito ay resulta ng sarili niyang pagkatao—karanasan sa buhay at estado niya sa lipunan. Ang mahusay na kritiko ay hindi nagpapadala sa ‘personal choice’ na ito. Siya ay hindi sakop ng sarili niyang pagkatao. Ang mahusay na kritiko ay dapat maging kritiko muna ng sarili bago ang kanyang iki-criticize.
Kailanman ay hindi pa ako nagsagawa ng ‘komiks review’ sa blog na ito. Lahat ng ‘review’ ko tungkol sa komiks ay itinatago ko lang sa ulo ko. Marami akong isinasaalang-alang kung bakit ayaw kong mag-review ng komiks.
Una, isa rin akong creator ng komiks. Meron akong personal choice. Paano ko titingnan ang isang produkto na sa una pa lang ay alam kong hindi ko na magugustuhan? Ikalawa, dahil nasa loob din ako ng komiks, kaibigan ko ang mga publishers, writers at artists. Paano kung makasakit ako ng damdamin? Kabisado ko ang sarili ko, kapag sinabi kong pangit, talagang pangit. Kapag maganda, talagang maganda. Hindi ako mabait mag-review!
Ang dalawang ito ang pumipigil sa akin kung bakit ayaw kong mag-review ng komiks.
Pero naisip ko minsan, MASARAP MAGING KONTRABIDA. Ikaw kasi ‘yung magiging daan para umangat at makilala ‘yung bida. Kung walang kontrabida, walang kulay ang buhay.
Sa kasalukuyang sitwasyon ng komiks sa Pilipinas…LAHAT AY BIDA. At dahil lahat ay bida, ang paggawa ng komiks ngayon ay para na lang pangungulangot.
Kaya kailangan magkaroon ng ‘quality control’. Of course, wala namang pumipigil na gumawa ng komiks ang lahat. Gumawa sila kahit gaano karami. Mas marami, mas masaya, mas maaksyon. Pero dadaan sila sa ‘quality control’ ng blog na ito.
Sa ganitong paraan, lahat tayo ay matututo. Hindi lang ang mga creators para mapabuting lalo ang kanilang trabaho, kundi sa akin na rin kung paano mag-handle ng maseselang sitwasyon. I’m willing to take the risk. Sa aking pagri-review, wala munang kai-kaibigan, wala munang kila-kilala. Pero isa lang ang mapapangako ko sa inyo, hindi ito personal. Kung ano ‘yung hawak kong komiks, iyon ang magsasalita para sa inyo.
Tumatanggap din ako ng ‘payola’ kung gusto ninyong gandahan ko ang review sa komiks ninyo. Joke!
Puwedeng ako ang inyong maging guardian angel o ako ang maging worst nightmare niyo!
Abangan ang unang komiks na pagugulungin ko sa blog na ito.
1 Comments:
Nay. Kakatakot. :)
Post a Comment
<< Home