KAMAGONG
Isa sa pinakagusto kong kuwento sa komiks na naging pelikula ay ang ‘Kamagong’ na isinulat ni Carlo J. Caparas at iginuhit ni Rudy Villanueva. Pinagbidahan ito nina Lito Lapid at JC Bonnin noong late 80s.
Hindi ko lang alam kung ito ang naging sagot ni Caparas sa pelikulang ‘Bloodsport’ o ‘Kickboxer’ noon nina Jean Claude Van Damme at Tong Po. Pero may mga elemento sa takbo ng kuwento na pinagkapareho ng dalawa. Halimbawa, doon sa ending, bago sumalang sa final battle si Lito Lapid kay Ruel Vernal ay nakaranas muna siya ng bugbog at kinidnap din ang kanyang leading lady. Ganito rin ang nangyari sa pelikula ni Van Damme.
Ang Kamagong ay kuwento tungkol sa kilalang martial art ng Pilipino, ang Arnis. Maaksyon ito, kapana-panabik ang bawat eksena. Isa sa paborito kong action star ay si Lito Lapid kaya sa isang batang tulad ko noon, ang ganitong palabas ay sulit sa bulsa.
Hindi ko sigurado kung marunong ng Arnis de Mano si Caparas, marami kasing mga katawagan na kabisado at alam niya. Gaya ng mga salitang ‘sinawali’ at ‘abaniko’. Ang ‘sinawali’ ang pinakagamitin sa lahat ng estilo ng Arnis—mapa-modern o traditional Arnis man ito. Sa kabilang banda, ang ‘abaniko’ naman ay makikita lang sa ilang traditional Arnis schools.
Pero mayroon din naming sumablay. Halimbawa, ang tamang tawag doon sa kahoy na ginagamit ay hindi ‘arnis kundi ‘baston. Pero hindi naman malaking bagay iyon dahil nga napakagamitin na ng salitang ‘arnis’ na ang pinatutungkulan ay iyong kahoy.
Sa isang nag-aaral ng arnis, ang paghawak ng baston na gawa sa kamagong ay nasa senior level na. Ibig sabihin, mag-iipon ka ng napakaraming taon bago mo magamit ang kamagong. Pero sa traditional school of Arnis, ang pinakamataas na hinahawakan ay hindi na kahoy kundi gulok o bladed weapon mismo.
Nakakatuwa din ang linyang ito na ginamit ni Caparas at naging immortal na: “Lumipad ka na parang ibon, lumutang ka na parang dahon.”
Bata pa ako nang mapanood ko ang pelikulang ito, at gusto ko itong panoorin ulit ngayon. Gusto kong malaman kung magugustuhan ko pa ito tulad ng dati o naging iba na nga ang panlasa ko. Ang problema, mahirap hanapin ang ganitong pelikula dito sa atin. Mas madali pang makita ang mga lumang Hollywood movies na pinirata sa Quiapo.
Ang illustrator sa komiks ng Kamagong ay si Rudy Villanueva, ngunit madalas niyang gamitin ang R.V. Villanueva. Gumagawa pa rin siya sa Liwayway ngayon. Kilala ko si Mang Rudy dahil bayaw siya ni Hal Santiago (asawa ni Mang Rudy ang kapatid ni Sir Hal). Iisa lang sila ng compound na tinitirhan sa Pasay.
Noong tumira ako noon kina Sir Hal, madalas kong makita si Mang Rudy na nagdu-drawing mag-isa doon sa harap ng kanilang bahay—mayroon silang maliit na balkonahe at doon siya lagi nakapuwesto. Kung si Sir Hal ay maraming assistants noon, maraming estudyante, at maraming bumibisitang datihan at bagong artist, si Mang Rudy naman ay kabaligtaran. Maghapon lang itong nakaupo sa drawing table at hindi ko pa natitiyempuhan na may kausap na tagakomiks. Nilapitan ko siya minsan, sumilip lang ako sa ginagawa niya. Ngumiti lang siya. Walang usapan.
Makikita sa drawing ni Mang Rudy ang malakas na impluwensya ng pinaghalong Nestor Redondo ay ‘early Joe Kubert’ (Tarzan years nito). At isa rin siya sa pinakatahimik ang career sa komiks ngunit isa sa paboritong artist, lalo na ng mga editors, noong 70s at 80s.
Ang ‘Kamagong’ ay lumabas sa Action Mini-komiks noong 1987. Mini-komiks dahil maliit lang ang sukat ng komiks na ito, regular-sized komiks na hinati sa gitna.
9 Comments:
Hindi ko nga natapos basahin itong Kamagong. Di ko na maalala kung bakit tumigil ako sa pagbili ng Super Action. Nung mapansin ko uli ito sa newsstands, regular sized comic na siya.
Maganda ang action scenes ni Rudy Villanueva dito. Parang mas akma ang style niya para sa mini-comic, pag sa malaki di ko masyado na-appreciate. Sobrang tahimik nga siya. Sinubukan ko ding kausapin siya noon, puro tungo lang ang sagot. :)
randy, nasubaybayan ko rin yang kamagong sa action komiks. ang labanan ni lorenzo at manuel, at ang tagapagmana ng kamagong na si ariel. may nakita na kong cd nito before, siguro try mo sa mga video shop baka meron pa sila. 1987 yata napelikula 'to ng Viva Films at mismong si caparas din ang nagdirek.
sa tinagal-tagal kong nagpupunta kay mang hal, di ko rin naka-usap si mang rudy. likas talaga yung pagiging tahimik nya.
minor correction lang dun sa katagang "lumipad ka..." ang tamang kataga na binigkas ay "lumipad kang parang isang ibon at lumapag sa lupang parang tuyong dahon".
reno-
o nga, biglang nilakihan ng atlas ang size ng action komiks. siguro malakas ito noon.
erwin-
hahanapin ko ang cd nito, gusto ko siyang ulitin talaga. thanks sa correction ha. nasa komiks ba yang dialogue na yan? ang pagkakaalam ko, sa pelikulang lang ginamit yan. tama ba ni si lito anzures ang nagsalita niyan?
si Sabatini Fernandez ang nagsalita nyan sa movie.
Yes, nasa komiks din yang dialog na yan.
"lumipad kang parang isang ibon at lumapag sa lupang parang tuyong dahon".
galing ata ito sa mga shaolin movie. narinig ko na ito noon bago pa man mapanood yung kamagong dahil mahilig ako sa mga martial art movies.
O nga, e. Parang Mr. Miyagi hehehe.
Gustong-gusto ko ang pelikulang ito! Kaya pala type ko ang kwento ay base sa komiks. Part;y din dagil idol ko si Lito lapid at JC Bonin (lalo nung Ninja Kids siya)
idol ko itong si rudy villanueva. ang galing niya! naaalala ko parin yung "toby". at sino ang makakalimot sa "super gee" na ginawa niyang mala-batman talaga! ang galeeng, sobra. dahil sa illustrations niyang maganda kaya nakatawag ito ng pansin at ginawang pelikula ni nora aunor. naging pelikula din 'yung "roma amor" at "gemma, ang babaing kidlat" na parehong drawings niya. idagdag na rin yung "divino", atbp. yung pinaka-recent ay yung "kumurap ang mga bituin" sa caparas komiks. sana po, i-feature n'yo si rv villanueva at ang mga masterpiece artwork niya!
Matagal ko nang hinahanap ang pelikulang "Kamagong", pero hindi pa ako pinalad na makita ito... Hinanap ko na sa mga tindahang tulad ng "Astrovision", pati na rin sa mga pirata sa banketa... Hinanap ko na din sa mga torrent sites sa internet, wala din... Kung may makapagbibigay po ng impormasyon kung saan makaka kuha (o makakabili) ng pelikulang ito, kung maaring mag post na rin lang dito sa blog na ito.
Maraming salamat po sa may-ari ng blog.
Post a Comment
<< Home