Sunday, January 28, 2007

THE NEED FOR CENTRALIZED KOMIKS BODY

Ilang beses na akong nag-suggest sa meeting ng Komiks Congress para sa pagkakaroon ng ‘centralized komiks body’. Naniniwala ako na mahalagang-mahalaga ito ngayong nasa krisis ang komiks sa Pilipinas.

Kapag magtatanong ka tungkol sa karate, pupuntahan mo ang Philippine Karate Federation. Kung magtatanong ka naman tungkol sa mga aso, pupuntahan mo ang Philippine Canine Club. Kung magtatanong ka tungkol sa mga bading, pupuntahan mo ang PROGAY. Pero ang malungkot, pag magtatanong ka tungkol sa komiks, wala kang mapupuntahan.

Ilang beses nang may kumontak sa akin para magtanong tungkol sa komiks industry. Ang ilan sa kanila ay mga mediamen (na gustong mai-feature ang komiks sa mga programa sa telebisyon) at mga estudyante. Isa lang ang naisasagot ko sa kanila, ‘lapitan mo si ganito, lapitan mo si ganoon’.

Minsan naman ay may magtatanong kung mayroon bang workshop tungkol sa komiks scriptwriting o illustrations. Ire-refer ko na lang si ganito o si ganoon. Minsan din ay may susulat sa akin galing sa international community at magtatanong tungkol sa Filipino komiks, ipapasa ko naman kay ganito. Minsan din, nakakabasa naman ako ng ibang informations galing din sa iba’t iba tao, pero magkakaiba lahat ng sinasabi. I mean, minsan ay marami din akong binibitiwang debatable issues dito sa blog ko, pero personal experiences ko ito. Wala akong niri-represents dito kundi ang sarili ko lang. Kung may grupo akong kinabibilangan, baka magkaroon ako ng ibang point of view, at baka maging more responsible ako sa mga pinagsasabi ko dito.

Sa centralized komiks body na ipinu-propose ko, hangga’t maari ay pagkakasunduin nito ang lahat ng gumagawa ng komiks sa Pilipinas (kahit mga Pilipinong gumagawa ng komiks sa abroad). Wala akong pakialam kahit ano ang style mo, kahit dog style ka pa, basta ang mahalaga ay Pilipino ka at gumagawa ka ng komiks.

Nariyan pa ang mga bigating nag-komiks tulad nina Carlo Caparas, Pablo Gomez, Tony de Zuniga, Hal Santiago, Joelad Santos, Loren Banag, at marami pa. Puwede silang maging advisers, o maging board members mismo para dito. Hindi puwedeng tawaran ang ganitong klase ng organisasyon kapag ganitong mga tao ang nasa likod mo. Anumang projects ang naisip mong gawin sa komiks, magiging credible dahil credible ang organisasyon mo.

Sa organisasyong ito, maiingatan ang lahat ng tala tungkol sa komiks (archives). Magkakaroon ng usapin ang tungkol sa pagtatrabaho ng mga writers at artists sa mga publishers, at kung anu-ano ang mga karapatan ng bawat isa. Makapagbibigay ng mga kaalaman tungkol sa komiks at kung paano pumasok sa larangang ito—mapa-local man o abroad. Makapagsasagawa din ito ng mga workshops, seminars, etc. at magsisilbing matibay na guide ng mga new generation of komiks creators. At higit sa lahat, magkakaroon ng awareness ang publiko na seryosong linya ang paggawa ng komiks dahil mayroong isang seryosong organisasyon para dito (at hindi lang ‘yung mga organisasyon na binuo lang ng magbabarkada o magkakaklase).

Sa gaganaping Komiks Congress sa February, sana ay mapag-isipan ito ng husto ng mga board members. Hiling ko lang ay huwag itong pagsimulan ng pulitika at baka maging dahilan pa ito para magkawatak-watak pang lalo ang mga nagku-komiks.

*************

Matagal na talagang pumapasok sa isip ko ang organisasyon na magri-represents ng komiks ng Pilipino. Nakagawa pa ako ng sample logo noong halos matindi pa ang drive ko na gawin ito.

Naalala ko nga ito dahil dito sa Komiks Congress. Sinulatan ko si Dr. Gene Kannenberg, Jr. ng http://www.comicsresearch.org/ , nagpakilala ako at sinabi ko ang mga karanasan at pagtingin ko tungkol sa komiks natin. Gusto ko ring mag-participate sa mga discussions at kung ano pang activities na puwede akong sumali.

Ang ComicsResearch.org nga pala ay isang organisasyon ng mga mananaliksik sa larangan ng komiks sa buong mundo. Ang representative natin dito ay si Dra. Soledad Reyes, hindi ko lang alam kung aktibo pa siya dito hanggang ngayon.

‘World of academe’ ang ComicsResearch.org pero gusto kong samantalahin ang pagkakataon na isang actual komiks writer/artist ang mag-participate sa kanila.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home