ON PRESS FREEDOM
I-share ko lang sa inyo ang interview na ginawa sa akin ng mga MassCom students ng isang university sa Quezon City last week.
*****
Ilang taon na po kayong nagtratrabaho bilang isang manunulat/ mamamahayag? Kailan po kayo nagsimula?
Nagsimula akong magsulat ng fulltime noong 1995. Pero before nu’n ay nagpapasa na ako ng script sa komiks, paisa-isa lang, hindi ko siniseryoso.
Ano po ang naging inspirasyon ninyo sa pagsusulat?
Ako ay dating komiks illustrator bago ako naging manunulat. Nang humina ang komiks ay nagsimula akong magsulat ng script at pocketbooks. Iyun na ang naging simula ko ng pagsusulat ng iba’t ibang media—articles, interviews, balita, screenplays, teatro, etc.
Ano po ang pakiramdam ng maging isang manunulat/ mamamahayag?
Natural masarap. Hindi kasi lahat ng tao ay kayang gawin ito. At the same time, kumikita ka sa isang propesyon na gustong-gusto mong gawin.
Kung bibigyan po kayo ng pagkakataon na pumili ng ibang karera, ano po ang pipiliin ninyo?
Nasa arts pa rin. Siguro nagpi-painting or nagsusulat ng musika (mahilig din kasi ako sa music).
Anu-ano po ang mga karanasan ninyo sa pagsusulat? Ano po ang pinaka-maganda? Ang pinaka di-kanais-nais?
Makulay ang mundo ng pagsusulat dito sa Pilipinas. Nalinya kasi ako sa fiction writing at hindi sa pagiging journalist. So lahat ng mga taong kausap ko rin ay mga fiction writers. Hindi kami nag-uusap tungkol sa pera, or ‘payola’ or ‘lagay’ galing sa mga maiimpluwensyang tao. Ang usapan namin lagi ay ang craft ng pagsusulat. Ang pinakamagandang karanasan ng pagiging writer ay ang malaman mo na may nagbabasa ng sinusulat mo at sinusulatan ka nila na nagagandahan sila sa gawa mo. Isa rin sa pinakamaganda ay ang makita mo ang pangalan mo na naka-print. Walang pinakamasarap na karanasan kundi makita mo ang sarili mo na isa ka nang professional writet dahil binabayaran ka sa ginagawa mo.
Ang pinakamasaklap naman na experience ay ang nararanasan din ng karamihan ng mga fiction writers dito sa atin. Ang katotohanan, maraming naghihirap na manunulat dito. Una, maliit na nga ang bayad ng mga publications dito, postdated pa palagi ang tseke (lol). Ikalawa, kailangan mo munang patunayan (lalo na sa mga editors at publishers) na magaling ka at maraming magbabasa ng sinusulat mo.
Sa ngayon ay hindi na ako gaanong aktibo sa pagsusulat dito sa Pilipinas. Ang lahat ng ginagawa ko ngayon ay sa ibang bansa na. At tumutok na rin ako sa paggawa ng komiks sa US. Nalaman ko na financially rewarding ang magtrabaho sa ibang bansa kumpara dito, iyan ang masakit na katotohanan.
Saang mga pahayagan/magasin na po kayo nakapagsulat?
Halos siguro lahat ng publication dito sa Pilipinas ay nalibot ko na. Magasin, songhits, tabloids, etc. Nitong nakaraang November, nagsulat ulit ako sa Liwayway. Nagsulat din ako ng short story sa horror para malaman kung uubra pa ba akong magusulat ng prosa. Pagkatapos nu’n hindi pa ulit ako nagsusulat dito at balik na naman ako sa trabaho ko sa abroad (ang trabaho ko nga pala ay internet-based so hindi ko na kailangan pang pumunta ng ibang bansa para magtrabaho). Sina-submit ko lang through emails.
Ano po ang inyong opinyon ukol sa estado ng kalaayaan ng pamamahayag (press freedom) sa bansa?
Ang press freedom para sa akin ay isang ‘political thing’. And i hate politics. Kaya siguro hindi rin ako nagtagal sa pagsusulat ng dyaryo noon. Hindi ako ang klase ng taong kakapit sa isang pulitiko or maimpluwensyang tao para lang umangat. Gusto kong makilala ako as a writer.
Maganda ang pagkakaroon ng kalayaan sa pagsulat. Ngunit dapat ay may kaakibat itong responsibilidad. Hindi lahat ng kalayaan ay para sa nakararami. Hindi mo puwedeng murahin ng murahin ang presidente nang walang dahilan. Puwede mo siyang murahin kung mayroon kang basehan.
Marami kasi ngayon ang hindi nakakaintindi ng salitang ‘freedom’. Na para bang ang tingin nila dito ay isang ‘anarchist’s thing’. Na kapag may kumontra na sa kanila ay ipagdidiinan ang salitang ‘freedom of the press!’
Freedom is all about responsibility.
Kaya nga meron tayong gobyerno or media board na magmo-monitor nito.
Anu-anong mga pagbabago sa pamamahayag at/o pagsusulat ang mga nabatid ninyo mula noon, hanggang ngayon?
Kung sa journalism point-of-view tayo, sa tingin ko ay wala. Of course, mas malaya tayong magsulat ngayon kesa noong panahon ni Marcos. Pero hindi ka rin naman basta-basta magsusulat ngayon na may makakabangga kang tao. Salvage ang labas mo. Medyo comedy ang sinabi kong ito pero totoong nangyayari ito sa isang third world country tulad ng Pilipinas.
Ang pagsusulat para sa akin, it’s all about purpose. Kung ano ang purpose mo kung bakit ka nagsusulat. Hindi ito binabago ng panahon. Ito pa rin ang pinanghahawakan ng lahat ng writers mula noon pa.
May mensahe po ba kayo sa mga nais maging mamamahayag o manunulat?
Love the craft. Be responsible. Iba’t ibang klase ang readers. May mga readers na kokontra sa iyo, meron namang sasang-ayon sa iyo. Ang sinulat mo ay magiging reflection sa ibang tao. Sa iba naman, magiging basehan ito ng pagtingin nila sa buhay. So kailangan ibigay mo ang tama.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home