Friday, March 30, 2007

PILIPINO KOMIKS WITH A 'P'

Naglibot ako kanina sa National Bookstore at nagulat ako sa aking nakita. May karapatan nga namang mag-react ang Atlas Publications dahil inilabas nila ang 'Pilipino Illustrated Stories'. Komiks din ito pero hindi komersyal ang loob kundi parang isang primer. Naka-feature doon kung ano ang sakit na DENGUE, kung saan ito nakukuha, paano maiiwasan, at paano gagamutin. Hindi na ito ang dating Pilipino Komiks na kinasanayan natin. Ngunit anupaman, maaring ang hinahabol ng Atlas dito ay ang pangalan na baka mapagkamalang isa na namang commercial product sa halip na educational.

Medyo iba lang ang reaksyon ko kanina nang mabasa ko nga ang sulat ng Atlas para sa Risingstar. Ang una kasing pumasok sa isip ko, halos bilang na nga sa daliri ng kamay ang lumalabas na komiks ngayon, ito at balak pang ipatigil ang isa.

Kung hahabulin ng Risingstar ang pangalang Filipino Komiks, gagastos pa sila para sa abugado. Abala pa ito sa kanila. Anuman ang maging desisyon nila, tingin ko ay para pa rin sa mabuti. Mawala man ang titulong Filipino Komiks, sana ay hindi sila madala na maglabas ulit ng komiks. At hindi pa rin naman nagbabago ang 'stand' ko at ipagsisigawan na hindi pag-aari ng Atlas ang pangalang Filipino Komiks. Kung katunog man ito ng dating komiks, ay bahala na ang korte na magpasya kung sakali mang maglalaban pa ang dalawa.

Hindi na ako bumili ng kopya ng Pilipino Komiks (nagkakahalaga ito ng P39). Dahil hindi ko na kailangan pang malaman kung ano ang Dengue. Dahil nagkaroon na ako nito noong 2001. Nag-drop ng 50 ang dugo ko, buti na lang ang active ako physically kaya hindi naman ako gaanong nahirapan. At sa araw-araw ba namang pakikipag-usap ko sa mga doktor, nurses, at interns sa ospital, ngayon ay may ideya na ako kung ano ano ang sakit na ito.

****

Nagkita kami ng hindi inaasahan ni Dr. Nolasco ng Komisyon sa Wikang Filipino kanina. Nalaman ko na isa na rin pala siya sa nagbabasa ng blog na ito. Syempre, kasama na rin ang ilang blog at websites na binanggit ko noong nakaraang Kongreso ng Komiks.

Patunay lamang ito na kahit paano ay napapansin na tayo ng mga ahensya ng gobyerno.

****

Pasensya na rin na kung minsan ay medyo 'kontrabida' ang dating ko sa aking mga kasamahan sa komiks. Hindi ko kasi maiwasang hindi mag-react sa mga isyung nagpapabahala sa akin.

Kagaya ng isyung, dapat ay bayaran tayo ng mahal para magturo. Dahil kapag mataas na ang presyo natin, tataas din ang kredibilidad natin bilang isang guro.

Tama naman ito, pero sa kabilang banda, hindi sa lahat ng oras ay aplikable ito. Tingnan natin ang ibang anggulo. Kapag magtuturo ba ako na mura lang ang ibabayad sa akin ay bababa ang kalidad ko bilang isang manlilikha ng komiks? Sa tingin ko ay hindi. Nagtuturo nga ako ng libre, mula sa mga batang mahihirap sa Bulacan, mga preso sa Correctional, at mga estudyante sa UP Los Banos, Laguna, pero tingin ko ay nakakapagpadagdag pa ito ng aking pagkatao.

Halimbawang isang sangay ng gobyerno ang kumuha sa atin para magturo? Magkano ang sisingilin natin? Kumporme. Para saan ang ituturo? Sino ang makikinabang?

Sa isyu ng Komiks Caravan, sino ang tingin ninyo ang makikinabang? Para sa akin, ang KOMIKS MISMO ANG MAKIKINABANG DITO. Dapat ba akong maningil ng mahal kung para rin naman ito sa sarili kong kapakinabangan?

Gusto ninyong maningil ng mahal? Gumawa kayo ng inyong personal na workshop.

****
May ilang nag-email sa akin na interesado na sumali sa ginagawang workshop ng Komiks Caravan dahil napanood at nabasa nila ang tungkol sa ginagawang ito ni Carlo J. Caparas. Ang totoo niyan ay hindi ko alam ang schedule ng Caravan ni Direk Caparas dahil may sarili silang lakad ng kanyang grupo. Ang Caravan na kinabibilangan ko ay under ng Komisyon sa Wikang Filipino, makikita ninyo ang schedule sa isa kong article sa bandang ibaba lang ng blog na ito.

Susubukan kong kumuha ng impormasyon at schedule ng Caravan ni Direk Caparas para mailagay ko rin dito.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home