ANG ARTIST
February 1990. Umaga. Romblon.
Nakita ng mga tao na nakaupo sa tabindagat si Benjie. Tahimik lang ito na nakatingin sa malayo.
February 1990. Hapon. Romblon.
Nakita ng mga tao na nakahiga sa buhanginan si Benjie. Wala nang buhay.
Si Benjie o mas kilala ng marami sa pangalang Nono ay kapatid ng aking nanay. Hindi ako gaanong pamilyar sa kanyang buhay dahil lumaki ako dito sa Manila, siya naman ay nasa probinsya. Nagkikita lang kami noon (bata pa ako) sa mga okasyon, halimbawa ay family reunion o may namatay sa pamilya. Ang alam ko lang, artist siya.
Nitong mga nakaraang taon, kapag umuuwi ako sa probinsya ay isa lang ang sinasabi sa akin ng mga matatandang kamag-anak. Para daw akong si Nono. Sa talent at sa ugali. At sa mga kuwento ko rin nalaman na dalawa lang ang visual artist sa pamilya, si Nono at ako.
Nagkaroon ako ng interes na pag-aralan ang buhay ng aking Uncle Nono last year lang nang may magsabi sa akin na may painting daw na nakasabit sa munisipyo ng Odiongan, Romblon na si Nono ang gumawa. Pumunta ako sa munisipyo, hindi ko naman nakita ang painting. Nagtanung-tanong ako sa mga tao doon pero wala silang alam. Naisip ko, baka nasa loob ng opisina ng kung sinumang empleyado doon.
Sa tanang buhay ko, wala pa akong nakitang drawing o painting ni Nono.
Iyon ang nag-trigger sa akin para hanapin ang kanyang mga trabaho. At pag-aralan ang kanyang buhay. ‘Story material’ ang buhay ni Nono. Pampelikula, pang-tv at pang-komiks.
Nag-stay ako ng isang linggo sa Zarraga, Iloilo para makakuha ng impormasyon tungkol kay Nono. Doon nakatira ang isa pang kapatid ng nanay ko na mahilig magtago ng mga lumang gamit, hindi naman antique collector pero parang katulad ko rin na hindi nagtatapon ng mga lumang gamit. Basta itinatambak lang sa bodega.
Ang malas lang, wala rin silang naitagong trabaho ni Nono. Pero laking gulat na lang namin, ‘yung isa palang kapitbahay ay may naitagong painting niya. Habang tinitingnan ko ang painting, ang bawat brushstroke, nalaman ko na malungkutin si Nono.
Kuwento ng auntie ko, depression ang malaking dahilan kung bakit nag-iba ang buhay ni Nono. Sa Romblon, nagulat na lang ang buong baryo nang masiraan siya ng ulo. Nakita na lang nila si Nono na nagsasalita mag-isa, naglalakad sa kung saan-saan. Tahimik at may sariling mundo. Madalas din, nasa tabindagat lang ito, nakaupo sa buhanginan.
Ayon sa kuwento, nag-aral daw ng fine arts sa FEATI dito sa Manila si Nono. Working student. Naging bread winner ng pamilya. Na-inlove daw sa isang babaeng may anak. Pinaglayo ng mga magulang.
Marami pang detalye sa buhay ni Nono. At tinutuklas ko ito isa-isa. Ngayong June, sa Mindoro naman ang punta ko para alamin pa ang ilang detalye. Sa lahat siguro ng project na naisip ko, ito ang pinakamahalaga sa akin. Dahil ito ang pinakamalapit sa puso ko.
Hindi ko alam kung gagawin ko itong komiks, o isang buong libro mismo. Wala pa akong sinisimulan, nililista ko pa lang lahat sa isang maliit na notebook lahat ng informations.
Siguro kung matapos ko ang kuwento ni Nono, ito na ang pinaka-satisfying na kuwentong nagawa ko sa tanang buhay ko.
Inilibing si Nono after ilang araw na makita itong wala nang buhay sa buhanginan. Ayon sa pagsusuri ng doktor, may pumutok na ugat sa ulo nito.
6 Comments:
Napaka tragic na story naman ito Bro.
Pero naka relate ako doon sa pagahahanap ng mga dibuho ng mga ninuno ng angkan natin. I have a similar experience ng hanapin ko sa simbahan ng Claveria, Cagayan ang Last Supper painting ng tiyuhin kong nagtatago sa America ngayon. Mala Da Vinci daw ang dating ng painting sabi ng tatay ko. Nang nagpunta ako doon, bahagya ko lang nakita ito sa isang dungeon. Hindi ko nagawang pabuksan ang nakatrangkang pinto dahil restricted area ito. Maraming nakatago doong mga sinaunang artifacts at artworks. Isa rin dito ay ang Jesus Christ sculpture ng isa ko pang tiyuhin na nasa Ihawig naman ngayon.
Sana magkaroon din ako ng panahon at drive para balikan ang mga ito gaya ng ginagawa mo ngayon 'tol. Good luck!
Magandang treatment sa kuwentong ito ay parang "in search of" format, na ikaw mismo Randy ay character sa istorya, at from your point of view ang revelations tungkol sa Uncle Nono mo.
Kakaiba talaga ang mga artists. Ang mga eccentricities at di pagka-normal ng kanilang mga katauhan ay di maunawaan ng iba. Pero ang same qualities na ito ang nagbubukas ng kakaibang mundo na tanging sila lamang ang nakakakita.
welcome back! Ka Randy, interesting ang buhay ng uncle mo. Parang movie ang dating, naalala ko tuloy yung movie ni FPJ at Christopher deleon Ang Alamat ng AGILA ata yun or AGILA lang. Apo na tumutuklas tungkol sa kanyang lolo na kung saan saan narin sya nakarating sa paghahanap sa kanyang Lolo.
May pagkaka pareho subalit sa ibang paraan naman. Interesting talaga sya at isa ka sa main character ng kwento ng Uncle nono mo. Kung baga si FPJ eh si Uncle nono mo at ikaw si christopher deleon. AStig, pang movie ano? Cge tuloy mo yan, gusto ko rin malaman kung anong nangyari talaga kung bakit nawala sa sarili si Uncle nono mo at di naglaon namatay sya dun sa buhangin, ano ang iniisip nya. Ahehehe challenging yan Ka Randy, gandang tuklasin, mag eenjoy ka nyan.
Good luck!!!
Salamat sa inyo, mga bro :)
Para palang Van Gogh ang istorya nitong tiyuhin mo, Randy. Sayang naman at walang nakapagpagamot nito.
Iyon nga rin ang ipinagtataka ko, hindi siya inasikaso ng mga grandparents ko at mga kapatid. Ako nga hindi ko alam na may deperensya ang uncle ko, harmless siya at nakakausap naman ng matino. May mga time lang talaga na hindi nagsasalita at gusto lang laging mag-isa.
Post a Comment
<< Home