Tuesday, July 03, 2007

BAKBAKANG KOMIKS

Siguro aware na kayong lahat na iba’t ibang klase ng tao ang dumadalaw sa mga blogs dito sa internet. May idea tayo kung sino ang mga kakilala natin, at wala naman tayong idea kung sino ang hindi. At kung ilan itong mga ‘hindi’ na ito. Open for public ang blog, pwera na lang kung maglalagay tayo ng sign in page bago tayo makapasok. Pero mahirap naman ‘yun, baka wala nang tumingin ng mga pinopost natin.

Ilang beses ko na rin talagang gustong iwan itong blogging. ‘Yung mga early days ko dito na nakatanggap ako ng paninira e talagang halos hindi ako makatulog dahil sa inis. Tatawagin ka nilang bobo, sinungaling, trying hard, poser, may nagsabi pa nga bakla ako. Sori ka, hindi ako bading, tomboy ako. Minsan nagsisisi ako kung bakit nagbukas pa ako ng blog.

Pero dumating sa point na naaliw din ako. Masokista yata ako hahaha. Karamihan din naman ng pumupuna at nanlalait sa akin ay gumagamit ng ‘alyas’. Pero hindi ko na masyado pang iniisip kung sino sila. Ang katwiran ko, sige magsalita ka ng kung anu-ano, paliliwanagan kita sa abot ng aking makakaya hanggang sa kainin mo ang mga pinagsasabi mo. O kita mo ngayon, hindi na bumabalik ang aking mga ‘stalkers’. At kung bumalik man sila, dahil alam kong andiyan lang ang mga ‘yan, nakikiramdam, handa pa rin naman ako. Sabihin na nila ang pinakamasasakit na bagay tungkol sa akin, gagantihan ko naman sila ng isang makapanindig-balahibo at umaatikabong katwiran. Hahahaa, lalim ‘no?

Seriously, ako man ay hindi natutuwa sa mga nangyayari dito sa blog ko. Pero gusto ko ang idea na ‘no hold’s barred’. Gusto ko ng scenario na may ‘katayan’. Ganito ang naging orientation ko sa kaa-attend ng mga workshops sa universities. Kakatayin ka ng harap-harapan. Kaya natuto akong sumagot. Minsan uuwi akong talunan, pero hindi ako luhaan. Natutunan ko kasi ang isang bagay: Gaano ako katatag humarap sa ganitong mga maseselang sitwasyon? Proseso ito ng maturity. Ang gagawin ko, uuwi ako sa bahay, iri-ready ko na ang pangontra sa iyo. Kapag hindi tinablan, kukulamin na lang kita! Joke!

Kaya ‘yung mga ‘trolls’ at ‘stalkers’ ko na personal na nag-I-email sa akin, o kaya nagpo-post kung saan-saan, dinadala ko dito sa blog ko. Inilalagay ko kung ano ang sinulat nila tungkol sa akin, at sasagutin ko ng maayos pagkatapos. Kapag sumagot na naman sila, ipa-publish ko ulit dito sa blog, at sasagutin ko na naman. E di sila ang nagmumukhang katawa-tawa.

Kasalanan ko rin kung bakit nagsibalikan na naman itong mga damuhong ayaw maglagay ng pangalan nila sa mga posts nila dito. Kung sinala ko sana ng maayos, e di masaya tayong lahat. Makakatulog tayo ng mahimbing.

Kasalanan ko rin kung bakit ang hilig kong magsimula ng gulo. Dapat siguro sa akin, mag-organize ng karate tournament. Dapat sana ay nag-post na lang ako dito ng pictures ko habang nagluluto, o kaya picture ko habang namamasyal sa Megamall. O di ba walang away.

Pero gusto ko pa rin ang idea ng ‘katayan’. Gusto ko pang matuto. At gusto rin nating hukayin ang mundo ng komiks sa full-potential nito. Kung minsan, nagiging personal ang maraming bagay, hindi ito maiwasan. Patunay lamang na hindi natin ka-level ang mga taong ito. Kumbaga ay nag-aaral na tayo ng evolution at natural selection, pinag-aaralan pa rin nila kung bakit kinain ni Eba ang mansanas at bakit nagsasalita ang isang ahas.

Para mas safe, hindi ko na tatanggapin ang mga posts dito na hindi maglalagay ng tunay na pangalan. At kailangang ang pangalan nila ay naka-link sa blog or website nila or may email address na kasama. Sa ganitong paraan, magtirahan man kayo maghapon magdamag, at least alam niyo na kung sino ang mga hahanapin ninyo.

Patawarin niyo ako kung ganito ang pananaw ko sa buhay. Tao lang.

1 Comments:

At Wednesday, September 05, 2007 9:36:00 PM, Anonymous Anonymous said...

tama po kuya randy ...ako real ko ang gamit ko eh ...kaya lang po answer mo naman yung Qs ko ... sa anong add ako magpapadala ng komiks via snail mail ko...sa cjc...tsaka wala akong metrobank ATM...RCBC lang ang sakin...

 

Post a Comment

<< Home