RATE MY LOVE (Part 2)
(Pinapayuhan ko sa mga bago pa lang titingin sa blog na basahin muna ninyo ang part 1 na nasa ibaba ng article na ito para makuha ninyo ang buong scenario.)
Taong 1995. Nakapag-decide ako na huwag nang gumawa sa komiks. May bali-balita nang isasara ang West Publication, ibebenta na ang Atlas, tatanggalin na rin ang Counterpoint, nagbabawas na ng titles sa GASI, Sonic Triangle at Infinity. Maugong ang usap-usapan sa mga kapwa ko contributors na pabagsak na ang Roces empire.
Dumadami na ang publication ng romance novels. Karamihan ng editors at writers ay nag-shift na sa genre na ito. Kasama ako. Namayagpag din ako sa pocketbook kahit paano. Mas malaki ang kinita ko dito kesa noong nasa komiks pa ako.
Taong 2000. Na-miss ko ang komiks. Hinalungkat ko ulit ang mga koleksyon ko. Marami nang kinain ng ipis at daga. Nag-decide ulit ako, ayoko nang magsulat ng romance pocketbook! Hindi ito ang gusto kong gawin. Gusto kong mag-komiks ulit.
Pero saan ako magku-komiks? Bumalik ako sa Atlas, na noon ay pag-aari na ng mga Ramos. Pahirapan na talaga. Agawan na sa trabaho, matagal pa ang singilan. Sabi ko, hindi ako makaka-survive sa ganito. Kailangan kong gumawa ng paraan.
Sinubukan kong gumamit ng internet. Ang daming komiks. Magsasawa ka sa trabaho. Ang iingatan mo lang ay kung babayaran ka ng mga nasa internet na ito. Baguhan ako sa freelancing sa internet. Ang dami kong trial and error. Ang daming maling diskarte at maling taong kinakausap. Pero learning process ito para sa akin.
Naghanap ako ng regular job. Naging editorial staff sa tabloid, naging illustrator ng text book at children’s book. Hanggang sa napunta ako sa game development. Malaki ang suweldo. Hindi ko na pinakawalan. Tumagal ako dito ng dalawa at kalahating taon. Hindi ko pinalampas ang pagkakataon na makapag-ipon at mag-research pa ng husto para makabalik ulit ako sa komiks. Nang matapos ko ang contract sa game development, nakapag-decide ulit ako, handa na akong bumalik sa komiks. May bala na ako, may kasama pang kanyon. Kahit dalawang taon akong hindi sumuweldo, may ipon ako sa bangko, kaya kong kumain at makapagbayad ng upa sa bahay. Marami na akong contacts sa mga independent publishers sa abroad, at lahat sila ay subok kong mapagkakatiwalaan.
Ngayon, proud kong masasabi na fulltime ako sa komiks. Walang araw na hindi ako nagsulat, nagbasa, nag-drawing at nakipagtalo tungkol sa komiks. Sa komiks umiikot ang buhay ko ngayon. Of course, kasama na siyempre ang pamilya ko at mahal sa buhay.
Gumamit ako ng mabisang strategy sa isang sitwasyong mahirap. Art of war.
Love and survival. Kailangan kong gamitin ng tama ang dalawang ito. Hindi sila magkalaban. Kailangan lang ay gamitin natin sila sa tamang panahon at pagkakataon.
Ang mundo ng komiks ay punum-puno ng love and survival.
* Carlo J. Caparas
Producer at director siya sa pelikula. Sa mundong ito ay kuntento na siya, hindi na niya kailangan pang mag-iba ng linya. Milyon ang kinikita niya dito. Love but more of a survival
Bumalik siya sa komiks. Nag-conduct ng Komiks Congress, caravan, at tumulong sa mga contributors para magkaroon ng malaking publisher ng komiks. Pero ganu’n pa man, maraming puna at komentaryo sa kanya tungkol dito. Love.
* Joelad Santos
Komisyuner ng Komisyon sa Wikang Filipino. Maganda na ang posisyon niya dito. May sinabi sa gobyerno. Maraming benefits. Love but more of a survival.
Ang daming sakit sa ulo na dumating sa kanya nang simulan niya ang Komiks Congress. Pero ganu’n pa man, handa siyang lumaban para sa komiks. Love.
* Rosenda Sumagaysay
Mataas ang posisyon sa Phillpine Port Authority. Maganda ang suweldo, maraming benefits. Love with Survival.
Pero laging nasa meeting ng komiks, nagpapakababa bilang sekretarya at tagasulat ng minutes ng meeting. Hindi naman siya sinusuwelduhan pero lagi siyang present at ready para magsulat ng mga pinag-uusapan. Love.
* Ofelia Concepcion
Maraming projects lalo na sa writing. Stable na siya sa writing career at kumikita naman ng desente sa pagsusulat niya sa pocketbook at kung saan-saan pa. Love but more of a survival.
Marami siyang nakakabangga sa komiks pero masipag siya sa pagdalo sa meeting at isa sa nangunguna sa pagsuporta sa proyekto ng Kongreso ng Komiks para maisulong ang mga proyekto nito. Maraming problemang nararanasan sa mga tagakomiks pero tuloy pa rin siya. Love.
* Glady Gimena
Propesor sa UP. Stable na sa pagtuturo. Hindi na kailangan pa ang komiks para patunayang magaling siyang magsulat dahil magaling naman talaga siya. Kumikita siya ng desente sa pagtuturo at pagsusulat ng prosa. Love but more of a survival.
Aktibo siya sa Kongreso ng Komiks, nakikipaglaban para dito, kahit marami ring sakit sa ulo na nararanasan. Love.
* KC Cordero
Empleyado ng channel 2, assistant editor ng magasing The Buzz. Nagpi-freelance writing sa kung saan-saan. Kumikita siya ng disente dahil dito. Love but more of a survival.
Aktibo siya ngayon sa mga forums at gatherings ng mga tagakomiks. Inilabas niya ang Filipino Komiks na pinagbantaang idemanda ng Atlas dahil sa title, pero naghahanap pa rin siya ng paraan para makapag-publish ng komiks. Love.
* Gerry Alanguilan
Kumikita ng malaki bilang inker ni Leinil Yu sa mga major titles ng American comics. Love but more of a survival.
Pero pinagpalit niya ito para tumutok sa sariling projects involving Filipino komiks. Gumagawa ng online komiks, online museum, videos tungkol sa komiks, at iba pa, kahit wala naman siyang kinikita dito kundi exposure at kredibilidad. Love.
* Gilbert Monsanto
Stable at maganda na rin ang trabaho sa US comics, kumikita ng sapat para sa sarili at pamilya. Love but more of a survival.
Nag-publish siya ng dalawang titles ng komiks kahit alam niyang hirap ang market ngayon ng komiks. Alam din niya ang hirap ng pagtatrabaho nang mag-isa bilang self-publisher. Love.
* Mario Macalindong, Budjette Tan, Jonas Diego, Reno Maniquis, Gener Pedrina, John Becaro, at sangkatutak pang iba.
Na may mga sariling trabaho tuwing umaga sa opisina at sinusuwelduhan para mabuhay. Survival.
Pero pagkalipas ng maghapong pagtatrabaho sa opisina ay gumagawa ng komiks kahit wala silang kinikita. Love.
Kailangan ko pa bang isa-isahin ang mga taong umiikot ang buhay sa pagtatrabaho para kumita at sa gawaing kahit alam nilang hindi sila kumikita ay tuloy-tuloy pa rin sa ginagawa?
Sa ganitong mga sitwasyon, saan natin hahatulan ang page rate na kayang ibigay lang ng publisher sa isang industriyang halos nakalubog na sa lupa? Ang lalim, ‘no? Ibig ko lang sabihin, nasa krisis ang industriya ng komiks. Walang nagtatangka na maglabas ng komiks ngayon dahil natatakot sila na malugi. Kasi kung business lang din ang pag-uusapan, mas mabuti pang gastusin nila ang pera sa isang negosyong alam nilang malaki ang chance na manalo sila. Kesa sa komiks na hanggang ngayon ay hindi pa rin alam kung aangat nga ba ulit o talagang wala nang pag-asa.
Para sa akin, may panahon ang lahat ng bagay.
Tinanggap ko ang rate ng new publisher kahit wala ito sa kalingkingan ng kinikita ko sa pagdu-drawing sa abroad (ang yabang, ‘no!). Kasi true love ito. Ngunit praktikal akong tao. At sana ay maging praktikal din tayong lahat. HINDI NATIN PUWEDENG IASA ANG ATING NAGHIHINGALONG KATAYUAN SA BUHAY SA ISA RING NAGHIHINGALONG INDUSTRIYA. Pare-pareho tayong mamamatay.
Naiintindihan ko ang new publisher. Puwede siyang magbago ng isip, puwede niyang huwag nang ituloy ang pagpa-publish…at babalik na naman sa wala ang karamihan ng mga gumagawa ng komiks sa atin.
Pero dahil may panahon ang lahat ng bagay, susubaybayan natin ang mga pangyayari. Kung dumating sa puntong inaapi na tayo, kumikita siya ng malaki at barya-barya lang ang napupunta sa atin, kapag hindi na niya tayo itinuturing na creators kundi alipin lang…maniwala kayo, baka ako pa ang magsimula ng civil war!
Mataas ang rate na ibinigay ng Mango Comics sa mga bagong komiks nila. Pero hindi natin alam kung hanggang kailan sila. Kapag kumita, tuloy-tuloy ang malaking rate. Pero kapag hindi, magsasara sila.
Pero itong new publisher, nakapagbitaw ng salita na kaya nilang suportahan ang kanilang sarili sa loob ng limang taon na tuloy-tuloy, kumita man o hindi. FIVE TITLES, WEEKLY, TULOY-TULOY ANG LABAS, FOR FIVE WHOLE YEARS. After five years na wala pa ring nangyari sa kanila, maghihintay na lang ulit tayo ng iba pang ‘messiah’.
Iyon e kung ‘me sayad’ pang maglalabas ng komiks.
3 Comments:
dear randy,
re: "KC Cordero, Empleyado ng channel 2, assistant editor ng magasing The Buzz. Nagpi-freelance writing sa kung saan-saan. Kumikita siya ng disente dahil dito. Love but more of a survival."
Akala ko nga noon ay hindi na ako magkakainteres uli sa komiks. May kinalaman dito ang hindi magandang pagkakasibak sa akin sa Atlas, at inisip ng mga taong galit sa akin noon na balang araw ay makikita nila ako na isa nang taong grasa.
10 years na palang wala ako sa komiks, at hindi nakapagsulat ng comics script. Medyo naninibago na rin ako, may mga kaibigan ako noon na maging ang anyo ko ay hindi na ma-recognize at naaalala lang nila kung sino ako kapag binanggit ko ang pangalan ko. Lumaki raw ang katawan ko, noon kasi ay isang bulati na lang halos ang hindi pumipirma sa akin.
Unti-unti ay nagiging estranghero ako sa komiks. Sa pamamagitan ng koneksyon ay pinilit kong magkaroon kahit isang title na mapaglilibangan ang mga komikero, binaril pa ng Atlas. Hindi rin nakaligtas ang Filipino Komiks sa batikos kahit ng mga beteranong komikero, bagaman at minatyagan ng mga baguhan at indies.
Pero kahit parang estranghero na ako sa komiks, sige lang ako sa pagtanghod. Mahirap kalimutan kung saan nagsimula. Nang matanggap ako noong 1997 sa Star Cinema, isa sa malaking konsiderasyong ibinigay nila ay dahil galing ako sa komiks.
Gusto kong ituring ang sarili kong isa sa mga nagpipilit mag-survive sa komiks up to now. Sa mga pinanggalingan ko nang field; komiks, romance pocketbooks, newspaper, entertainment magazines... admittedly ay sa komiks ako walang napatunayan.
sir kc, sa nakita ko sa yo, sa pagmamahal mo sa komiks. wala ka ng dapat patunayan sa iba!
marami na ang nakakaalam na mahal mo ang komiks. wala ka ng dapat patunayan.
sa akin naman, love talaga! bakit naman ako magpapakahirap magkomiks e sa nabubuhay ko naman ang pamilya ko sa current work ko. pero mas doble sana ang saya kung komiks ang dahilan. pero tanggap ko na, na kahit maliit lang ang kontribusyon ko sa mundo ng komiks ay masaya na ko dahil masarap gumawa ng komiks.
Muntik na akong maiyak sa article na ito, Randy, a. [hikbi]
Pero tulad nga ng sabi ni Ner, kung sa kita lang, di ko kailangan gumawa ng komiks. Pero kahit ano pa ang mangyari, di ko ito maiwan-iwan. Para na rin siguro sa ikatatahimik ng loob ko, kailanagn kong mag-komiks.
Sang-ayon din ako sa sinabi mo. Ngayong nagsisimula pa lang muli ang industriya, puwede pang magsakripisyo muna ukol sa page rate. Pero dpata maging vigilant din, dahil kung sakaling maging matagumpay muli ang komiks, hindi na muli dapat magpa-agrabyado ang mga manunulat at mangguguhit.
Nakausap ko nga si John becaro kamakailan, at may ipinakita siyang gawa para sa local publisher. Tinanong ko kung okey ba ang bayad, sabi niya'y para sa local komiks naman, hindi importante iyon. Tulong lang para sa naghihikahos na industriya.
Post a Comment
<< Home