Wednesday, July 25, 2007

KAILANGAN KO PA BANG SABIHIN?

Akala ko pa naman e marami nang nakakatunog kung sino ang tinutukoy kong magkakaroon ng press conference ngayong Huwebes sa NCCA. Hindi ko akalaing marami-rami rin ang nag-text at nag-email sa akin kung sino nga ‘sila’.

Sige, hindi ko na pahahabain. Tutal e malalaman niyo na rin naman. Walang iba kundi si…

Carlo Caparas.

Sa tulong ni Donna Villa at Sterling Corp.

O ayan, sinabi ko na. Ilang linggo na rin kasing nagmi-meeting tungkol dito at sa kasalukuyan at nag-iipon na ng mga materyales para sa limang titles na bubuksan. As usual, ang lahat ng nagsidalo ay galing sa old industry. Pero walang dapat ipagtampo ang mga bagong gumagawa ngayon dahil kasama sila dito. At sa maniwala kayo at sa hindi, ayon na rin kay Caparas sa mga nakaraang meeting, maglalabas din siya ng ‘manga’ (o di ba ang saya!)

Kung inyong matatandaan noon, binanggit ko dito na hindi kailangan apurahin ang mga programang ito simula pa noong Konggreso ng Komiks. One step at a time tayo. Pinag-aaralan lahat.

Ito na ‘yung sagot sa puna ng marami na: ‘Bakit hindi na lang mag-publish si Caparas ng komiks sa halip na magsayang ng pera sa Komiks Caravan?’ Ito na, magpa-publish na. At ginamit niya ang Komiks Caravan para makahatak ng mga distributors sa iba’t ibang probinsya. Good business strategy. Businesswoman si Donna Villa, alam na niya ang mga actions na gagawin nila ni Caparas. Nai-close na daw nila ang deal sa mga newspaper dealers na basta may dyaryo, dapat may kasamang komiks.

So, bakit ang daming press release at guestings sa tv si Caparas noong bago pa man mag-Konggreso ng Komiks? Ito ang dahilan: awareness. Gumastos si Caparas ng pera, panahon at pagod para dito. At hanggang ngayon, tumataya pa rin siya, parang sugal, kung bebenta pa nga ang komiks. Pero nangako siya na ilalaban niya ito ng hanggang limang tao, bumenta man o hindi.

Pero may nangyayari daw na hindi kaaya-aya. Hmmm.

Business partner issue? Ang pagkakaalam kasi noong una, Mango-Sterling ang magka-partner. Ngayon naman, Caparas-Sterling na. Wala ako sa posisyon para magsabi kung may conflict of interest nga. Nakikitsismis lang ako. Ayaw niyo ba nu’n, may ‘bubwit’ sa loob ng industry na umaali-aligid na ang pangalan ay Randy hehehe?

Aantabayan na lang natin ito sa ibang mga araw kung ano ang mga mangyayari. Kapana-panabik, hindi ba? Parang komiks hehehe.

Pero kung ako ang tatanungin, walang problema kung iisa sila ng business partner. Ang mahalaga ay may regular na lumalabas na komiks. Ibig sabihin nito, may trabaho para sa mga komiks writers at artists. E kung papayagan nga ako ng Sterling, gagawa rin ako ng sarili kong grupo, sila ang mag-finance. Contest na lang kaming tatlo nina Caparas, Mango at ako, kung anong komiks ang bebenta hahaha.

Pero seriously, isa sa naging pasalamat ko kay Caparas ay nang bigyan niya ulit ng trabaho at mapagkakakitaan ang mga beterano nating manunulat at dibuhista. Malambot ang puso ko sa ganitong issue dahil alam ko ang kalagayan ng karamihan sa ating mga beterano. Kung may pulitika o kashowbisan mang nakikita ang iba sa pagpa-publish ng komiks ni Caparas, nakikita ko naman na walang halong pulitika ang pagtulong niya ngayon sa mga dati niyang kasamahan sa komiks. Alam na alam niya ito, galing din siya sa hirap. Hindi naman sa ipinagtatanggol ko si Caparas, pero sometimes, pride ang nagiging dahilan kung bakit hindi natin nakikita ang other side of the coin ng pagpa-publish niya ng komiks.

Mahaba ang limang taon kung tutuusin para sa pag-aaral kung paano sisigla ang sales ng komiks sa modernong panahong ito. Matututunan ito lahat ni Caparas sa mga darating na buwan (iyon ay kung magiging open siya sa mga ideas ng iba).

Samantala, nandito tayong lahat sa mundo natin dito sa internet. Nagkakampi-kampi, nang-aaway, nagtatampo, nagtitirahan, nag-aasaran, nagbobolahan. Pero isa lang ang malinaw, may mundo pa rin ang komiks. At iyon ang pinag-uusapan nating lahat dito.

Bukas, maaga akong papasok sa animation studio. Maghapon na naman akong nakaharap sa storyboard habang kausap ang katabi ko tungkol kina Katrina Halili at Angelica Panganiban. Hindi ako nagbabanggit tungkol sa komiks, alam kong hindi ako masasakyan ng katabi ko.

*****
Tuloy na rin sa July 26 ang BICOL KOMIKS CARAVAN.

Ang magtuturo para sa scriptwriting ay sina Terry Bagalso at Beth Lucion-Rivera. Samantalang sa art naman ay sina JunLofamia at Ernie Patricio.

Hindi ko pa masyadong alam ang ilang detalye dito, manghihingi na lang ako ng mga litrato sa kanila pagkatapos ng seminar/workshop.

Lagare dito si Joelad Santos, tatapusin lang niya ang presscon sa NCCA tapos ay takbo na siya sa Bicol para sa Caravan.

1 Comments:

At Wednesday, July 25, 2007 10:22:00 PM, Anonymous Anonymous said...

uh isa ako sa hindi naka-realize na si Caparas ang magpre-presscon bukas. hehehe.

 

Post a Comment

<< Home