Wednesday, June 11, 2008

TALAS NG MATA

Isa sa katangian ng pagiging artist ay ang ‘talas ng mata’. Hindi ka magiging matagumpay na artist kung mahina ang observation mo sa mga bagay sa paligid. Hindi kailangan e laging sa libro ka na lang nakadepende, kailangan tumingin ka sa totoong buhay.

Halimbawa, kung magdu-drawing ka ng human figure, hindi puwedeng buong buhay mo ay uubusin mo sa kaaaral ng lessons nina Andrew Loomis at Burne Hogarth. Kailangan ay tumingin ka sa sarili mong katawan o kaya sa katawan ng iba.

Ang lessons nina Loomis at Hogarth ay sarili nilang interpretation. Kapag tumanda ka na sa pagdu-drawing, na hindi ko pa rin naman naaabot, dadating ang time na mayroon ka na ring sariling interpretation kung ano ang nakikita ng mata mo at paano mo ito ilalagay sa papel.

Nakatutuwa ang mga artist dahil sa talas ng mata nila, at memorya, ay kaya nilang matandaan ang pangalan ng artist sa isang tinginan lang. Halimbawa, kahit nakatambak ang drawing diyan sa harap mo, siguradong makikilala mo ang drawing ni Redondo, o ni Niño, o ni Jim Lee o ni Eisner. Kasama sa talento natin ang ma-distinguished ang style ng isang artist.

Isa sa pinakamahirap makilala dito sa Pilipinas ay ang pagkakaiba ng style ni Francisco Coching at Federico Javinal, magkamukhang-magkamukha kasi. Pero ako, dahil alam kong matalas ang mata ko, kaya kong kilalanin kung alin ang bawat isa.

Pero may isang pangyayari sa akin na hindi ko makakalimutan. Akala ko ay matalas na ang mata ko, hindi pa pala. Kulang pa ako sa praktis. Tinalo ako ng isang letratista ng komiks kung patalasan lang din ng mata ang pag-uusapan.

Ganito ang nangyari:

Nakausap ko noon ang isang letratista noon sa Kislap, sabi ko, “Ang gagaling naman ninyong mga letratista. Ang dami-dami nating komiks, at ang damidami niyo ring nagli-letra, pero magkakamukha lahat ng lettering niyo. May sinusunod ba kayong standard o pattern man lang?”

Natawa lang siya sa akin, “Hindi kami magkakamukha ng letra, ha. Alam ko kung ano ang niletrahan ko sa niletrahan ni Larry o kaya ni Tony sa unang tingin pa lang.”

Napanganga ako, “Ha? Ang talas naman ng mata niyo. E samantalang ako, tingin ko magkakamukha lahat ng lettering niyo.”

“Yan ang pag-aralan mo, iho. Talasan mo pa ang mata mo, “ sabi niya sa akin sabay ngiti.



1 Comments:

At Thursday, June 12, 2008 2:07:00 PM, Anonymous Anonymous said...

Ako marunong din mag-distinguish ng ki Coching at ki Javinal. Medyo matigas yung sa huli, while dynamic ang rendering ng una. Noong una, nalilito din ako sa gawa nila Nestor Redondo/Tony Caravana, pero noong tumalas ang mga mata, nakuha ko na.
Pero sa Letra, mahirap iyan. Alam ko kung mano-mano o Typeset/Computer...

Auggie

 

Post a Comment

<< Home