Tuesday, July 21, 2009

ANTOK

Alas nuwebe na ng gabi, nag-text ang isa kong kaibigan, 'Bday ko, pnta k dto sa bhay. Dming bsita. Inom tyo.'

Eksakto naman dahil maghapon na akong nabuburo sa bahay, mainit na ang upuan ko sa kadu-drawing. Nagligpit na ako ng mga dapat iligpit, naligo, nagbihis. Mag-aalas diyes na nang makalabas ako ng bahay. Naisip ko, puyatan na naman ito. Kunsabagay, sanay naman akong matulog ng alas tres hanggang alas kuwatro ng madaling araw. Hindi nila ako mapupuwersang doon matulog, uuwi talaga ako. Mas masarap matulog sa sariling bahay kapag lasing ka.

Walang masyadong tao sa kalye, madalang ang jeep, umaambon-ambon kasi. Kinse minuto siguro bago ako nakasakay, wala ring ibang pasahero kundi ako lang. Nakakailang stoplight pa lang kami ay may umakyat na bata. Gusgusin at sira-sira pa ang tsinelas. Alam ko ang ganitong mga eksena sa Maynila. Punas-sapatos ang batang ito, ibig sabihin, aakyat na lang ito bigla sa jeep tapos pupunasan ang sapatos (kahit tsinelas) ang mga pasahero. Malas lang niya dahil ako lang ang nakasakay, saka naka-tsinelas din ako na pambahay.

Pero hindi siya nagpunas, umupo lang siya. Maya-maya ay yuyuko-yuko ang ulo dahil sa antok. Maya-maya ay tuluyan na siyang nakatulog sa pagkakaupo. Sinamantala kong ilabas ang cellphone ko na may camera at kinunan ko siya ng litrato, palihim lang.

Nakaramdam ako ng awa. Halata kasi ang pagod ng bata, kauupo pa lang ay bigla na agad nakapikit ang mata. Naisip ko, maghapon siguro itong nagtrabaho sa kalsada. Nagpunas ng sapatos, nakipagtakbuhan sa mga umaandar na jeep.

Hanggang sa makababa na ako ay tulog pa rin ang bata sa upuan. Wala pa rin naman ibang pasaherong sumasakay.

Lampas na ng alas kuwatro ng madaling araw nang makauwi ako. Inaantok na rin dahil sa alak na nainom ko sa handaan, kasama na rin doon ang kabusugan sa handa at pulutan. Habang nasa taksi na ako pauwi ay naisip ko ulit ang bata. May mauuwian kaya siya? May maayos ba siyang higaan pag-uwi niya? O baka sa kalsada lang din siya nakatira?

Inaantok ako dahil sa kalasingan at kabusugan. Inaantok ang bata dahil sa hindi pa kaya ng murang katawan niya ang maghapong pagtakbo sa kalye. Pag-uwi ko, puwede muna akong magtimpla ng kape, o kaya initin ang natirang ulam at kanin para lang mawala ang lasa ng alak sa lalamunan ko. Pag-uwi ng bata, baka mura pa ang abutan niya galing sa nanay o tatay, buti nga kung mura lang, e kung may kasama pang batok at tadyak.

Maraming kadramahan na naglalaro sa utak ko. Pero hindi ko naman talaga alam kung ano ang kuwento sa buhay ng bata. Basta ang alam ko lang, nakita ko siyang inaantok habang paalis pa lang ako ng bahay. At malamang, habang pauwi naman ako ay siyang gising niya para magtrabaho ulit.

3 Comments:

At Tuesday, July 21, 2009 8:30:00 PM, Blogger pamatayhomesick said...

kala ko ikaw yung tulog at lumagpas sa jeep..

pati ako nagisip tuloy,baka kasi nalaglag payun sa sobrang antok.
yung magulang dapat ang sisihin sa mga ganyang pangyayari.hay nako, makapag kape na nga rin.

 
At Wednesday, July 22, 2009 11:26:00 AM, Blogger Wordsmith said...

Binabasa ko pa lang ito ay naalala ko agad iyong ilang batang lalaki na tumutulong sa shoppers na magbuhat ng grocery bags out of the trolleys and into the waiting cabs (or tricyle). Dito ito sa mall na pinakamalapit sa akin. Hindi naman gusgusin itong mga bata, malilinis kahit luma ang mga suot, halatang anak-mahirap pero halata rin na hindi [pa] corrupted ang isip, i.e. magalang at hindi kakikitaan ang mga mata na tumitiyempong 'makaisa' sa mga shoppers.

Tulad mo, kapag nagpapabuhat ako ng shopping bags (a few steps lang actually ang distansiya), ang tanong sa isip ko: bakit naghahanapbuhay itong mga batang ito na dapat ay nasa paaralan?

Nakalulungkot pero tulad ng sabi ni Ever, ang mga magulang ang dapat sisihin.

 
At Monday, July 27, 2009 10:40:00 PM, Anonymous Anonymous said...

hay..ganyan talaga ang buhay..yan ang realidad..masuwerte ka pa din randy..iba nga walang makain eh...

 

Post a Comment

<< Home