ISYU NG SINING
Ilang beses na rin akong naging judge sa mga contest (drawing contest, poster-making-contest, battle-of-the-bands), at ito ngang pinakahuli ay ang pagiging judge ko sa isang beauty contest sa Pangasinan noong December.
Natutunan ko na kapag ang isang contest ay hindi ko masyadong kabisado, o wala sa 'scope of work' ko--gaya nitong beauty contest--ay dinadaan ko na lang sa technicalities or sa criteria ng judging. Kasi kung hindi ko gagawin iyon ay baka maging 'manyakis' lang ang labas ko dahil may portion ang beauty contest na naka-2-piece bikini lang ang mga contestant at baka maging basehan ko lang ay lakas ng sex appeal o laki ng dibdib.
May mga bagay na kailangan nating maging 'teknikal' at hindi natin kailangan ng emosyon para makapag-desisyon tayo ng maayos.
Puno ng emosyon ang nakaraang 'Paglilibing ng National Artist' sa CCP na dinaluhan ko kahapon. Nang magpang-abot nga ang dalawang grupo--pro at anti--sa NCCA ay kulang na lang magpaluan sa ulo sa sigawan at murahan.
Kumukuha ako ng litrato ng mga naggigiriang grupo nang lapitan ako ni Joelad Santos. Tinanong niya ako ng mahinahon lang, "Kasama ka pala sa nakikipaglibing?" Obvious kasi na hindi ako pabor sa ginawang hatol para sa National Artist dahil nakaitim na damit ako. Napatango lang ako.
Hindi ko gaanong kinausap si Joelad dahil maging siya man ay puntirya ng mga tao. May isa pa ngang sumigaw na, "Isa pa 'yan si Joelad, tuta rin 'yan!" Dumistansya na lang ako. Baka kasi maparatangan pa akong 'spy' ng mga nagpu-protesta.
Malaki ang paggalang ko kay Joelad, bilang editor ko dati sa komiks at senior ko sa industriyang ito. Ganoon din naman kay Carlo Caparas na naging idolo ko rin naman sa pagsusulat sa komiks. Ngunit may mga pagkakataon sa buhay natin na pareho tayo ng pinanggalingan pero magkaiba ang daan na ating pinupuntahan. Ganito ang naging pagtingin ko nang araw na iyon.
Technicalities ang dahilan kung bakit hindi ako pabor na makuha ni Caparas ang titulong National Artist for Visual Art at Film. Dahil kung hindi ako magri-react bilang artist, at hindi sasama sa ganoong protesta, ay madali nang imanipula ang ganitong mga prestihiyosong award sa Pilipinas.
Gusto ko ang sinabi ni Caparas sa isang interview sa TV na, "Ito ay National Artist at hindi Sectoral Artist. Hindi ito dapat high art lang at pang-elitista, dapat magkaroon din ng representasyon ang sining pang-masa." Pabor ako dito.
Pero ang problema nga ay ang teknikalidad ng mismong pagiging National Artist. Paano nga naman natin ipapasok sa Visual Art ang isang writer?
Ang problema kasi dito ay ang kinalalagyan ng komiks medium. Dahil ang komiks ay isang 'visual medium, ang writer ay isa ring 'visualizer'. Sa pagsusulat kasi niya ng script, siya na rin ang naglalagay ng illustration's guide. Tina-translate lang ng illustrator ang sinulat ng writer. Pero malaking debate pa rin ito. Dahil nga daw collaborative effort ang komiks between the artist and the writer, dapat ay bigyan din ng parangal ang mga naging illustrators ni Caparas kabilang diyan sina Ading Gonzales, Nestor Malgapo, Abe Ocampo, Steve Gan, Mar Santana, Hal Santiago, Karl Comendador, at sangkatutak pa. Na hindi naman puwedeng mangyari dahil susuwelduhan mo rin ang mga artist na ito. Ubos ang pera ng taongbayan! (Sabagay, ubos na rin naman talaga.)
Kaya nga ang pinaka-safe na paraan para hindi magulo ay daanin na lang sa teknikalidad. Kung writer ka sa komiks, sa 'Literature' ka ipasok. Kung artist ka naman, doon ka sa 'Visual Art'. Tapos ang usapan.
Ang problema nga dito, sinong komiks writer ang tatanggapin ng literary circle? Samantalang may mga pagkakataon nga noong araw na nagtalo sina Mars Ravelo at Bienvindio Lumbera sa CCP din. Isama na rin natin diyan sina Nonoy Marcelo at F. Sionil Jose na nagdebate na rin tungkol sa poetry at animation.
At sino rin naman illustrator (lang) ang tatanggapin ng mga 'high artist' sa kanilang sirkulasyon? Ito ang nakikita kong isyu kaya ilang beses nang hindi makapasa si Francisco Coching. Hindi lang dito sa Pilipinas nangyayari ang ganito. Alam naman natin na matagal na iniitsapwera ng 'art world' ang illustrator na si Normal Rockwell. Ilang beses na ring nakipag-debate ang illustrator na si N.C. Wyeth tungkol dito.
Siguro para matigil na ang ganitong isyu, tanggalin na ang National Artist award na 'yan (tutal nailibing na rin naman). O kung meron man, wala nang benepisyo at wala na ring pensyon. Sige, maghalal kayo ng kahit National Artist for martial arts o hairdressing, basta wag niyo lang gagamitin ang pera ng mamamayan! Napupunta lang din kasi sa pulitika ang pera ng taongbayan!
Hayaan na lang na ang tao na magpasya sa sarili niya kung sinong mga alagad ng sining ang dapat niyang tingalain at igalang.
(Punk na punk! hehehe)
On the lighter side: Nang dumating ang protesta sa harap ng NCCA, nagpatugtog talaga ng malakas sa speaker ang pamunuan ng NCCA para hindi magkaroon ng programa ang mga nagpu-protesta.
Halatang ayaw bigyan ng pagkakataon ng NCCA na makapagsalita ang mga tao. Sa sobrang ingay nga ay talagang iritado na ang mga nagpu-protesta. Bastos daw talaga ang NCCA.
Pero maya-maya ay bigla na lang namatay ang tugtog. Nagpasalamat tuloy ang mga nagpu-protesta. Salamat naman daw at nakahalata din.
Pero wala silang kamalay-malay sa tunay nangyari...hehehe...kaya pala nawala ang tugtog ay dahil may nagputol ng wire. Ginunting daw ang kuryente. May nakapag-tip na isa raw punk na kasama sa protesta ang gumawa nu'n. Hahaha! Minsan may naitutulong din ang mga anarkistang 'to!
4 Comments:
Ayos ang coverage mo Randy. Sino daw ang pumutol ng Kawad ? he he he...
Mi katwiran din pala si Carlo ano ? National award daw at hindi Sectoral, tama din siya di ba ? kaya lang, bakit siya ? mi ibubuga ba siya sa mga KATHA'T-GUHIT NI FV COCHING, Larry Alcala, Redondo, A.ALCALA o ALEX NINO kaya ? no match ,di ba ?
Kumporme ako sa suggestion mo na alisin na ang PERKS sa mga awards na iyan. Iyan talaga ang MOTIBO actually, at hindi naman ang prestige, at peer acceptance eh. Tingnan lang natin kung pagaawayan pa iyang Awards na iyan.
Auggie
halo halong impormasyos toh..ang galing ng banat dito..para akong napasama sa ncca.:)
"Ang problema kasi dito ay ang kinalalagyan ng komiks medium. Dahil ang komiks ay isang 'visual medium, ang writer ay isa ring 'visualizer'. Sa pagsusulat kasi niya ng script, siya na rin ang naglalagay ng illustration's guide. Tina-translate lang ng illustrator ang sinulat ng writer. Pero malaking debate pa rin ito. Dahil nga daw collaborative effort ang komiks between the artist and the writer, dapat ay bigyan din ng parangal ang mga naging illustrators ni Caparas kabilang diyan sina Ading Gonzales, Nestor Malgapo, Abe Ocampo, Steve Gan, Mar Santana, Hal Santiago, Karl Comendador, at sangkatutak pa. Na hindi naman puwedeng mangyari dahil susuwelduhan mo rin ang mga artist na ito. Ubos ang pera ng taongbayan! (Sabagay, ubos na rin naman talaga.)"
Nang mag-umpisa ang sining ng komiks, gawa ito ng isang taong me talinong writer at artist. Dahil dito naging KAKAIBANG medium ang komiks. Hindi lang visual medium ito. Kakaiba at me sariling kategorya ang "pictorial narrative" o "comics". Kelangan, me talento ng writer at artist ang gumagawa nito kaya naiiba ang lenguwahe.
Ngayon, nang naging commercialized na, at mass-produced ang komiks, na nagsimula sa Amerika noong 1930s, nagkaroon na ng division of labor para mas marami at mabilis ang maging output ng comics. Dito nahati ang gawa ng writer, editor, artist, letterer, colorist, assistant editor, etc. Nang mangyari ito hanggang sa kasalukuyan, maraming comics ang hindi "art" (if you get my drift) naging commercial commodity na at naging "collaborative medium". Bibihira ang mga comics works ngayon na me artistic o literary merit kung saan ay pinupuri ang "collaboration" ng dalawa-writer at artist. EX ng mga gawang comics works na walang collaboration ng 2 tao: writer at artist: mga gawa nina Will Eisner, Art Spiegelman, Herge, Moebius at Charles Schulz. At lalong hindi totoo at napaka-simplistic kung sabihin mo na, "comics is a collaborative medium". This is not exactly correct.
Tungkol naman doon sa sinasabing mahirap i-categorize ang komiks, medyo may kalabuan din ang statement na ito. Mas mainam sigurong sabihin na ME SARILING KATEGORYA ANG KOMIKS MEDIUM O PICTORIAL NARRATIVE, NA DI PA KINIKILALANG SINING SA ATING POBRENG KULTURA. Ang comics ay HINDI visual medium LAMANG. Sa pananaw ng marami (at nakakaalam) ang comics ay naiibang uri ng KOMUNIKASYON na ang ginagamit ay kakaibang halo ng ilustrasyon at salita.
-JM
Sa first photo, sino 'yang payatot na nakasuot ng brown na cap? Lalaki ba yan o babae? Di ko malaman ang gender e.
Sino naman yung katabi niyang bundat na naka-rat tail na buhok na parang naga-aikido? Ganyan ba ang mga artist?
Yung sa pangalawang litrato naman, sino yung nakaitim sa gitna? Parang si AMBETH OCAMPO 'yan a.
--Krystelle
Post a Comment
<< Home