Thursday, July 30, 2009

NATIONAL ARTIST

"So, ano ang masasabi mo ngayong itinanghal nang National Artist si Carlo J. Caparas? May space na sa art scene ang komiks sa Pilipinas."

Ano ba 'yang national artist na 'yan? Kapareho ba 'yan ng national fruit, national animal, national flower? Matagal na akong hindi naniniwala diyan. Kapag sinabing 'national', naka-relasyon sa bansa o pambansang usapin. Kapag sinabi namang 'artist', naka-relasyon iyan sa gawang sining. Kaya kapag pinagsama, ang 'national artist' ay simbolo ng isang indibidwal na gumawa/gumagawa ng sining na may integridad at sumisimbolo ng nasyon na kanyang kinabibilangan. Sa madaling salita, ang National Artist ay ehemplo ng kanyang mga kababayan na may pagpapahalaga sa sariling kultura, tradisyon, paniniwala, at sining.

Ngunit ang lahat ng award-award ay pulitika, galing man ito sa gobyerno o hindi. At ang pulitika ay kayang imanipula.

Nang sabihin ng manunulat na si Edgardo Reyes kung sakaling ma-nominate siya: "National artist? Malaki-laki 'yan a. Masarap tanggihan 'yan!", hindi siya nagpapatawa, sinabi lang niya na ang parangal na Pambansang Alagad ng Sining ay wala nang kredibilidad.

Sa personal kong opinyon, marami rin namang kwalipikado na may titulong Pambansang Alagad ng Sining, pero marami ring hindi. Selection lang naman ito ng mga nasa posisyon at kung sino ang nakaupo, ang may kaibigan, at ang may 'bata-bata'.

Maraming karapat-dapat gaya nitong Si Arch. Francisco Mañosa (na ngayon lang din naging National Artist), kung saan isinulong niya ang tradisyong Pilipinismo sa arkitektura. Ilan sa mga idinisenyo niya ay ang Shrine ng EDSA, Coconut Palace, Amanpulo Resort, at ang pag-restore ng Las Piñas Church. Siya ang tinaguriang 'Champion of Modern Philippine Vernacular Architecture'. At nang malaman nga ng maraming arkitekto, at mga estudyante ng arkitektura ang pagkakatanghal na ito kay Mañosa, ay walang pagsidlan ang kanilang kasiyahan. Wala kang mababalitaan na may nagprotesta.

Ganitong mga kwalipikasyon ang karapat-dapat para maging National Artist.

Sa kaso ng ilan (hindi, marami yata) nating mga National Artist, maraming kuwestyon ang lumulutang sa kanilang kredibilidad. At kung delikadesa lang din naman ang pag-uusapan, kung alam mong maraming kumukuwestyon sa iyong kredibilidad, mabuti pang i-give up mo na lang muna ang ambisyong maging National Artist, mag-ipon ka muna ng respeto sa mga tao lalo na sa iyong mga kasamahan.

Sa pitong biniyayaan ng pagiging National Artist nitong mga nakaraang araw, si Carlo J. Caparas ang naging pinaka-kontrobersyal, kasama na rin si Cecille Guidote-Alvarez (na nakuha ang pagiging National Artist for theater samantalang siya rin ang pinuno ng NCCA).

Pero ituon na lang muna natin ang sentro kay Carlo J. Caparas. Ang nakuha niya ay National Artist for visual art at film.

FILM
Malaki ang respeto ko kay Carlo J. Caparas bilang indibidwal, at bilang dukha na nagsumikap para makamit ang pangarap. Pero kailanman ay hindi papasa sa panlasa ko ni sa kalingkingan ng pinakapatay kong kuko sa paa alinman sa mga pelikulang ginawa niya.

Ang huling pelikulang pinanood ko na siya ang direktor ay ang Tirad Pass: The Story of Gen. Gregorio del Pilar, pinanood ko ito sa cable nang nasa Baguio ako two weeks ago. Sinubukan ko lang kung maa-absorb ko. Pero talagang hindi pumapasok. Ang daming butas sa dialogues, settings, costumes, at kung anu-ano pa. Ni hindi nga yata ako nangalahati sa pinanood ko at inilipat ko na lang sa ibang channel.

Mananatiling hilaw para sa akin si Direk Carlo bilang direktor sa pelikula. Mas papaboran ko pa si Celso Ad Castillo kung mainstream directing din lang ang pag-uusapan.

VISUAL ART
Isang masalimuot na medium ang komiks para sa ganitong award. Saan mo nga naman ilalagay ang komiks, sa visual arts o sa literature?

Kung ipapasok mo ang komiks sa literature, wala ni sinumang scriptwriter sa komiks ang papasa sa kwalipikasyon ng literatura. Bakit kanyo? Dahil ang 'literatura ay laro ng mga salita', samantalang ang komiks ay 'laro ng biswal na may salita'. Sa ganitong punto ay mas angkop na ipasok ang komiks sa visual arts.

Si Francisco V. Coching, nang maging nominado bilang National Artist ay ipinasok sa 'visual arts' at hindi sa 'literature'. So, saan magaling si Coching, sa pag-drawing o pagsusulat? Kung ipapasok din si Larry Alcala sa naturang award, malamang ay sa 'visual arts' din siya mapupunta. Pero paano kung si Mars Ravelo?

Sa tingin ninyo ay tatanggapin siya ng 'literature'? Darna, Kapten Barbel, Dyesebel, Tiny Tony? May puwang ba sa literatura ang ganitong mga karakter ng pantasya? Ano ang kayang i-represent ng Darna bilang Pilipino sa mundo? Na ito ay galing sa Superman at Wonderwoman?

Sa kaso ni Caparas, dahil nga mas malapit-lapit sa 'visual arts' ang komiks kesa sa 'literature', mas safe na ipinasok na nga lang siya bilang National Artist for visual art. Ang problema, mas malaki pa rin ang credentials ni Coching, kung mundo lang din ng komiks ang pag-uusapan. Tiningala si Coching ng halos lahat ng Filipino illustrators sa alinmang panahon. Ang impluwensyang ito ay tumagal mag-iisang siglo na ngayon, dahil hanggang ngayon ay marami pa ring nakatunghay sa gawa ni Coching kahit matagal na siyang nawala.

PAGMUMUNI-MUNI
Si Caparas, para sa akin, ay isang 'popular icon', katulad ni Stan Lee ng American comicbooks, pero hindi sila maaring maging 'literary hero'.

Kaya nga ang titulong 'National Artist' para sa akin, na matagal nang kinukuwestyon ang kredibilidad ng nakararaming alagad ng sining mula sa pelikula, visual art, music, dance, theater, at iba pa, ay para na lamang 'noontime show' na Pera O Bayong.

Kasi kung may kredibilidad nga ang ganitong award-giving body, e bakit todo-react-to-the highest-level-divided-by-two ang lahat ng tagakomiks, taga-pelikula at taga-literatura nang mabalitaang National Artist na sina Carlo Caparas at Cecille Guidote-Alvarez? May mali, ibig sabihin.

16 Comments:

At Thursday, July 30, 2009 8:23:00 PM, Anonymous Anonymous said...

Sa dyaryo ngayon, front page ng Phil. Star, maliwanag na ang description na binigay kay Caparas ay "comic book artist".

Wow. Di ko alam 'yan ha? Nagdo-drawing ba si Caparas? Hindi naman typo siguro 'yung naka-print.

Pero kung totoo na kaya binigyan si Caparas ng National Artist among the others so named, e, mukhang me malaking kasinungalingan at kabalbalan ang tinatapon sa atin ng gobyernong ito.

--Juan Marquez

 
At Thursday, July 30, 2009 9:18:00 PM, Blogger Wordsmith said...

Very telling ang contrast ng reaction ng mga arkitekto at mga estudyante ng arkitektura sa pagkapili kay Bobby Mañosa bilang National Artist, at ang collective reaction ng mga tagakomiks, taga-pelikula, taga-literatura sa pagkapili kay Carlo Caparas.

Kahit maraming National Artists ang karapat-dapat sa karangalang iginawad sa kanila, ang pagkakaloob sa isang obviously ay walang karapatan ay magsisilbing batik, una, sa pangulo na nagkaloob ng titulong ito; ikalawa, sa ahensiya ng gobyerno na responsable sa seleksiyon ng National Artists, at ikatlo, sa kung sinuman ang nagsulong sa nominasyon ni Carlo.

You're spot on, Randy. This prestigious title has just totally, totally lost its credibility.

 
At Thursday, July 30, 2009 10:06:00 PM, Blogger gladi said...

randy,

isa sa mga inamapalan noon kay FPJ upang maging national artist ang nagsabi sa akin (kasama ko sa palanca) na hindi pa talaga panahon para maging national artist noon si FPJ dahil may kakulangan pa at pag-aaral pang kailangang gawin. pero naipilit. isang dahilan kung bakit ni hindi tumapak sa malakanyang si manang susan. alam niya ang kasi ang totoo. may prinsipyo kasi siyang tao. pulitika ang dahilan, randy, pulitika.

 
At Thursday, July 30, 2009 10:23:00 PM, Anonymous Anonymous said...

Randy,

Di ba nag -meet tayo doon sa Intramuros noong 2007 ? siguro naalala mo yung supersize na display ni CJC, ng drowing niya ? ang tanong : pang National Artist ba ang kalidad noon ?

Meron talagang kabalbalan dito sa dalawang ito ( Cecil & Carlo)sa tingin ko. Mukhang nag-aalburuto ang buong creative community.

Pero sa tingin ko , iba ang objective ni CJC dito. Hindi naman siguro respeto ng kaniyang peer group, kundi yung LARGESSE na kaakibat noong award ( Pension for life, hospitalization, Mausoleo pag namatay ? at kung ano-ano pang garbo sa buhay).

Ano sa tingin mo ?


Auggie

 
At Thursday, July 30, 2009 10:44:00 PM, Blogger pamatayhomesick said...

huwat!!!


isa pa.. huwaattttt!

bakit ba naging national artist for visual art si cj caparas???

ewan ko sumasakit ang visual mind ko.

kahit magmuni muni ako di ko magets.makataya na nga nalang sa sweepstakes.

 
At Friday, July 31, 2009 6:55:00 AM, Anonymous Anonymous said...

Kahit sandosenang self-denial ang ibato 'nyo, may kinalaman ang pag-angat nyong mga komikero bilang POP ICON si Caparas kaya siya napagtripan ng mga politiko at balatuan ng NATIONAL ARTIST.

For visual arts and film? Di naman siya visual artist a. Illustrator ba siya? Hindi. Me kalidad ba mga film niya? Oo, sa mga mabababaw ang taste tulad ng NCCA, Gloria Arroyo at Jolad Santos at sa buong masa ng mga komikero. Pero sapat ba ito para parangalan ng National Artist si Direk?

Ano bang mga standard at kategorya ang sinunod ng gobyerno kung meron, para ibigay ang award? National artist ba ang gobyerno, si Arroyo, para magbigay ng ganyang award?

Tiyak me kinalaman nanaman dito si Jolad Santos na nakaupo rin as director ng NCCA at me koneksyon sa Malacanang.

Parang preliminary steps ito para bigyan ng magandang credentials si Caparas. Una, me National award for merit tapos kung ano-ano pa, ngayon, ang pinaka ultimo, NATIONAL ARTIST. Lahat ng award niya galing halos sa Malacanang o me ugnay sa gobyerno. Di ako hinahanda at gino-groom si Caparas for a political position.

Di ako magtataka kung tumakbo iyan later on ng consehal, mayor, congressman o (gulp) SENATOR pagkatapos...(God forbid) PRESIDENT! By that time, marami na 'yang mga credentials at awards para mabigyan ng semblance of legitimacy and POPULARITY with the ELECTORATE.

It happened before. Lito Lapid. Rey Malonzo. Cory Aquino. Joseph Estrada. Si Aquino at Estrada meron pa ngang award yan na doctor of humanities e, di naman nag-aral tungkol diyan ang dalawang 'yan. Noong kapanahunan nina Aquino at Estrada, bagsak ang ekonomiya ng Pilipinas.

Navi-visualize ba ninyo si Caparas bilang komikerong presidente, me suot pang bullcap at shades na di pa umaahit? Laging suot rin ang leather jacket niya na me presidential seal? Joseph Estrada the second!

Kaya iyan ang napapala ng pa pop-icon, pop icon 'nyong mga komikero. Di 'nyo iniisip ang mga consequences ng mga iniisip at sinasabi nyo. Kahit me kababawan ang mga gawa ng pop icon na 'yan, basta POPULAR, ok na.

--Juan Marquez

 
At Friday, July 31, 2009 8:13:00 AM, Blogger KOMIXPAGE said...

Ano pa ba ang aasahan natin sa gobyernong puro "overtake" ang alam? Hindi lang naman sa pagiging National Artist nagaganap ito. Sa paghirang ng Justices, sa mga top military at police officials na naluluklok sa puwesto. It's rampant in this government becuase of politics. Although CJC is one of "us" at dapat sana natin itong ipagbunyi pero naniniwala akong may mga mas nakahihigit at karapat-dapat na taong kanyang hinakbangan and it saddened me a lot sa halip na maging masaya. Hindi ang pagiging popular at malapit sa administrasyon sana ang kanilang naging panuntunan o ang pagla-lobby ng kanilang "hindi mapahindian." Sa puntong ito, paano pa natin maaasahang maging credible ang nabibigyan ng parangal at titulo kung ang panuntunang sinusunod nila ay "weder-weder" lang 'yan.

 
At Friday, July 31, 2009 9:10:00 AM, Blogger humawinghangin said...

T: paano mo malalaman kung may BOBO sa sabungan?
S: may nagdala ng PATO

T: paano mo malalaman kung may MAS BOBO sa sabungan?
S: may PUMUSTA sa pato

T: paano mo malalaman kung may SINDIKATO sa sabungan?
S: NANALO ANG PATO!

makes sense? :D

 
At Friday, July 31, 2009 12:50:00 PM, Blogger TheCoolCanadian said...

T: paano mo malalaman kung may SINDIKATO sa sabungan?
S: NANALO ANG PATO!


He-he-he.

In the end, all of us became sitting ducks.

I think this is the height of Arroyo's ignorance and stupidity.
This only shows to the whole nation how indifferent and callous she can get by doing the most unthinkable thing: insult the intelligence of the 90 Million Filipinos. Does she really think the whole nation is as stupid as she is?

CAPARAS.
GUIDOTE-ALVAREZ.

Kilabutan naman kayo.
Pagtatawanan kayo hindilang ng mga jkapuwa ninyo Filipinos, kundi ng buong mundo!

 
At Friday, July 31, 2009 2:19:00 PM, Blogger Wordsmith said...

Randy:

Isang mabuting oportunidad ang darating na Manila Comics Convention para ipakita ang nagkakaisa nating pagtutol sa iginawad na karangalan kay CJC. Ang tanong ko lang, will this be possible? Papayag kaya ang organizers?

If this is at all possible, kahit mangolekta lang ng signatures of protestors to be presented to the NCCA, puwede mo kayang ipanawagan ito sa iyong blog?

We will be there on the 9th of August, Sunday, to show our objection to Carlo Caparas' elevation as National Artist.

 
At Friday, July 31, 2009 2:26:00 PM, Blogger Randy P. Valiente said...

Tita Josie-

May mga ganitong panawagan na rin sa ibang blog, na mangalap ng pirma bilang protesta. At balak nga rin itong gawin sa Comicon. Lumalaki na itong isyu at may mga universities na rin (kasama ang ilang National Artists) na gagawa ng hakbang para tuligsain ito. Sa tingin ko ay lalo pa itong iinit sa mga susunod na araw. Lalo pa't nagsalita na si Caparas dito:
http://news.abs-cbn.com/entertainment/07/31/09/caparas-airs-side-natl-artist-award

 
At Friday, July 31, 2009 4:32:00 PM, Blogger ARTLINK STUDIOS said...

Juan Marquez,

BAKIT mo na naman siningit sa usapan ang mga komikero at BAKIT ka ba asar na asar sa amin?? KAMI NGA ang halos nagproprotesta kay Caparas!Bulag ka ba?!!! Si Caparas ang usapan dito tapos pilit mong sinisingit ang inis mo sa mga komikero?!

Masyado kana yatang nagtatanga tangan , gumagamit ka pa ng Pen
Name.Panggulo ka lang dito a!

Heto ha? prangkahan na, SINO KA BA Para HUSGAHAN lahat ng Komikero?!!!
Magpakilala ka naman sa amin kung sino ka hindi yang gumagamit ka pa ng "Juan Marquez". Ako matagal na akong naiirita sayo ngayon lang kita tinanong, pwede sagutin mo maayos?

 
At Friday, July 31, 2009 5:56:00 PM, Anonymous Anonymous said...

"from Auggie: Pero sa tingin ko , iba ang objective ni CJC dito. Hindi naman siguro respeto ng kaniyang peer group, kundi yung LARGESSE na kaakibat noong award ( Pension for life, hospitalization, Mausoleo pag namatay ? at kung ano-ano pang garbo sa buhay).
"

Napakababaw naman kung yan lang ang objective. Di bale sana kung retiree si Carlo na walang source of income, pero mayaman sya at marami syang pera. Para sa akin TITLE pa rin as NATIONAL ARTIST ang objective ni Carlo dito dahil habang panahon na itong nakatatak sa kanya.

- Sean Diller

 
At Saturday, August 01, 2009 12:26:00 AM, Anonymous Anonymous said...

"Para sa akin TITLE pa rin as NATIONAL ARTIST ang objective ni Carlo dito dahil habang panahon na itong nakatatak sa kanya.

- Sean Diller"

Maski ipa-tattoo pa niya iyan sa buong katawan niya, kung hindi naman siya deserving dahil sa mga MASSACRE MOVIES niya ay ano ang value?

Nothing. Nothing but emptiness.

- Sean Austin


At saka nga pala, Thank you, John Becaro. You're one heck of a guy. Panahon na nga at nagsalita ka na dahil ang iba nga naman diyan ay parang may LEARNING DISABILITY. Para bang BORDERLINE, hindi nakaka-intindi kung ano ang binabasa.

- Again, Sean Austin, Texas

 
At Sunday, August 02, 2009 2:53:00 PM, Anonymous Anonymous said...

Sean Astin, Texas,


Spot -on Man ! you said it....




Auggie

 
At Monday, August 03, 2009 10:38:00 PM, Anonymous Anonymous said...

Ngaun lang ulit ako naka dalaw at mag komento dito sa usapang-komiks ni Ka Randy.

Tama lahat ng sinabi nyo at dapat lang na mag protesta.

Film at Visual art para kay CJC at naging NA na agad sya? king ina naman oo!

favoritism, sipsiptism saka friendship ang pinangalingan nyan.

Sa ngayon wala nang kwenta ang award award dahil karamihan sa binibigyan ng award may milagro na kabalikat.

observer

 

Post a Comment

<< Home