ANG DIGITAL AT INFORMATION AGE SA PANINGIN NI TATAY
Naalala ko nang unang sumulpot ang digital coloring sa komiks ng Amerika, partikular na sa ilang titles ng Image comics noon, katakut-takot na puna ang inabot nito sa mga dibuhistang Pilipino.
Ang unang puna, kulay lang ang nagpaganda sa comics nila. Kung tatanggalin ang kulay sa kanilang mga trabaho, doon makikita na mahina sa structure, rendering at shades & shadows ang bagong batch of artists ng American comics. Sanay kasi na makakita ang Filipino illustrator ng trabaho na sa black and white (pen & ink) pa lang ay maganda na. Kaya nagtataka sila kung bakit nawawala na sa eksena sina Berni Wrightson, Joe Kubert, at iba pa. Ang naiwan ay mga new sets of artists na kung hindi line drawing (marami ito noon sa Image) ang trabaho, ay ubod naman ng itim na parang tinapunan ng tinta ang buong page (early Jae Lee).
Mahal na mahal ng mga Pilipinong illustrators ang black and white kaya ang dating sa kanila ng computer-colored comics ay isang malaking sampal sa talento ng isang artist.
Pero maging dito man sa atin, ay kailangan na ring sumabay sa panahon. Dahil uso sa Amerika ang computer coloring, naging policy na rin sa mga publications na gawin ito. Ang problema, ang mga unang batch ng computer colorist sa mga publications ay self-study lang, may kaunting background sa Photoshop, ngunit walang knowledge sa paggamit ng kulay o kahit man lang nakakaintindi ng kaunti sa color wheel.
Ang resulta, ang mga komiks natin noon na gumamit ng computer coloring—makikita ito sa mga titles ng Kislap Publication, Solid Gold at Abante—ay masasabing mas mabuti pang hindi na lang kinulayan. Kung hindi sunog ang kulay, ay tiyak na parang rainbow ang kalalabasan, mantakin mong sa isang panel pa lang ay makikita na yata lahat ng kulay—blue, violet, yellow, red, pink, orange, green—sabog ang kinalabasan.
Kaya ang mga datihang illustrators ay galit na galit sa mga kolorista noon sa computer. Sinisira lang daw ang kanilang trabaho. Mas mabuti pang ibalik na lang ulit sa black and white ang komiks, at baka lalo pang mapaganda.
Noong nakaraang 2nd Komikon, habang abala ang lahat sa pakikipag-usap, pagtitinda at panonood sa mga palabas, tahimik lang ako sa isang sulok. Tinitingnan ko ang isang tao. Si Jun Lofamia.
Marahil ay kilala niyo na si Mang Jun sa pangalan, isa sa mahusay na dibuhistang Pilipino. Gumagawa pa rin siya ngayon sa Liwayway—komiks at spot illustrations na kinulayan sa watercolor.
Nakatayo siya sa likuran ng mga digital painters sa Wacom booth. Pinanonood niya kung paano ‘yung digital pen ay ihinahagod doon sa pinapatungan nito tapos ay nagri-register na ang kulay sa screen. Hindi ko alam kung ano ang nasa isip ni Mang Jun nang sandaling iyon, pero alam kong gulat na gulat siya. Kaya nang gawin ng Corel Painter ang lahat ng medium na naisin ng isang painter—oil, watercolor, acrylic, pastel, etc.
Natapos ang kinukulayan nu’ng digital painter, nakatingin pa rin si Mang Jun. Maganda ang kulay, sopistikado. Pero mahina ang foundation nu’ng artist sa human figure, halata dahil sablay-sablay ang proportion ng katawan ng drawing. Kung mababasa ko ang isip ni Mang Jun, baka ito ang naglalaro sa kanya: “Magaling sa teknikalidad ng computer, bihasa sa mga commands, pero mahina ang basic drawing.”
Siguro nga, dahil digital age na ngayon, nakasentro na ang mga batang artist doon sa nagagawa ng computer, pero iyong mismong foundation ng pagiging visual artist ay mahina. Masyadong nakatutok doon sa utak ng computer at hindi sa sariling utak.
Maagang dumating si Karl Comendador, maaga ring umuwi. Nakita ko sa mukha niya na para siyang ‘alien’ sa event na ito. Total stranger. Ito ang sabi niya sa akin, “Ito na pala ang crowd ng komiks ngayon. Ganito na ba ako katanda?”
Sabi ko, “Hindi ho, Mang Karl. Nag-evolved na ang lahat sa komiks. Hindi lang story at art, pati ang komiks community.”
Nakita ko ring palakad-lakad si Joemari Mongcal, niyaya ko siya sa booth ng Pilipino Komiks. Gaya ni Mang Karl, nakita ko rin sa mukha ni Mang Joe ang pagiging ‘alien’. “Ibang-iba na pala ngayon.”
Para kina Mang Jun, Mang Karl at Mang Joe, alam ko kung ano ang nasa loob ng puso nila, ayokong gamitin ang utak, mas gusto kong gamitin ang puso dahil naroon ang tunay na nararamdaman ng isang tao: ‘Ito ang pinakakakatwang nangyari sa komiks ng Pilipinas. Dahil walang dramatic exit ang nakaraang industry at lahat-lahat ng tao nito, ang biglang pag-evolved ng komiks ay pinutol ang mahahalagang kabanata ng kasaysayan ng luma at bagong henerasyon ng komiks.’
Sina Mang Jun, Mang Karl at Mang Joe ay tinubuan na ng uban, nagkaapo na sa paggawa ng komiks, ngunit sa bagong industriyang ito, hindi lang sila nagmukhang baguhan. Nagmukha silang hindi naging bahagi ng komiks kailanman.
Kasalanan ba ito ng digital at information age na nasasakyan lamang ng mga kabataan?
Hindi. Kasalanan ito ng kasaysayan. Ang gap ng old at new industry ay isang mahalagang kabanata dapat pag-usapan. Dahil sa gap na ito, naputol ang lahat ng magkukunekta sa magkaibang panahon ng industriya.
Noong nasa GASI pa ako ng early 90s, mayroong sense of history ang bawat writer at artist kahit kapiranggot. Hindi napuputol ang impormasyon magmula kina Velasquez, Coching, Redondo, Santiago, Santana, Kua at iba pang mga pigura sa komiks. Bigla itong naputol nang magsulputan na parang kabute ang mga independent publishers—na mas kilala pa ang mga Amerkano at Hapon. At dahil karamihan ng komiks creators ngayon ay bunga ng independent bodies na sumulpot noon, ang putol na kasaysayan ng old at new industry ay hindi na napag-aaralan.
Mabuti na lang at nakikilala pa rin natin ngayon sina Redondo at Niño. At lahat ito ay dahil may mga tao na nagpapahalaga sa mga pigurang ito ng komiks. Mahalagang-mahalaga ito para sa mga susunod na henerasyon.
Ang ikinakatakot ko nga, sino ang magtutuloy ng kasaysayan ng komiks sa Pilipinas kapag nawala at nagsitanda na ang lahat ng gumagawa nito ngayon—websites at blogs tungkol sa komiks. May susulpot pa kaya sa mga kabataan ngayon na kapag nakita na pakalat-kalat sa komiks convention ang mga gaya nina Mang Jun, Mang Karl at Mang Joe, ay magsasabing, “Kumusta na po kayo?”
Hindi ko masisisi ang new generation ngayon ng komiks creators kung hindi nila kilala sa mukha si Karl Comendador, pero nakatitiyak ako, sa dinami-dami ng tao na dumalo sa nagdaang Komikon (kulang-kulang 1,000), wala pang 30 ang nakakakilala sa kanyang pangalan.
Ang pagsulpot ng technology ay nagdulot ng malaking pagbabago sa ating lahat. Ang level of understanding ko ay inilalagay ko kung ano ang nasa panahon ngayon. Naiintindihan ko na kung bakit hindi na natin kailangan pang maglagay ng shades & shadows sa ating mga drawings ngayon. Kung magaling ang isang kolorista, magagawa niyang magmukhang painting ang iyong line art.
Makikita sa gawang ito n Mark Brooks kung paanong ang lineart ay napaganda sa pamamagitan ng kulay.
Hindi mo na ring kailangan pang pahirapan ang iyong sarili sa mga technicalities ng drawing tulad ng perspective at katakut-takot na linya, kaya na itong gawin ng 3d software.
Hindi na nagdu-drawing ng background si Brandon Peterson, lahat ay ginagawa na niya sa computer, paborito niyang gamitin ang 3d softwares dahil automatic na itong nakakalikha ng perspective.
Ngunit sa lahat ng ito, ang computer ay mananatiling tool lamang. At ang tool na ito ay walang pinagkaiba sa pen, brush, lapis at pambura na ginagamit ng mga traditionalists.
At kung nabubuhay din sa panahon ngayon sina Da Vinci at Michaelangelo, ang tool na tinatawag na computer, ay tiyak na pag-aaralan din nila.
Ang mundo ng komiks sa Pilipinas ay malaki na ang ipinagbago. At kailangan natin yakapin ang digital at information age sa ayaw man natin at sa gusto. At sa dalawang ito, information ang pinakamahalaga.
*****
Lumabas na sa latest issue ng Liwayway Magasin ang aking maikling report tungkol sa nakaraang Komikon. Kung wala kayong maisip na bilhin sa inyong bente pesos, ito na lang ang bilhin ninyo.
6 Comments:
Anong cover ng Liwayway issue na iyon?
Wala tayong magagawa, dahil sa pag-usad ng technology kailangang makisabay tayong lahat, kundi'y mapag-iiwanan tayo. Nakapanlulumo lang isipin na nawawala na ang basics sa pagdu-drowing. Sa Advertising industry, maniwala ka't hindi, wala pa siguro sa kalahati ng mga artist na nagtatrabaho dito ngayon ay marunong mag-drowing. Kung meron man, mas madalas ay yung mga medyo beterano na (Pero siyempre, meron pa rin mga younger ones na marunong, di ko naman nilalahat).
Kung kaya't dahil dito, nagiging advantage at disadvantage ang computer at technology. Isang tunay na paradox. Napapadali ang mga gawain, pero parang pag nawala ay di na natin alam minsan kung anong gagawin. Tulad na lamang nung may nangyari sa email mo, Randy.
Sayang di ko na-meet sina Karl Komendador at Joe Mari Mongcal. Dapat siguro sa susunod ang mga beteranong tulad nila ay bigyan ng mga name tag. Parang si Jess Jodloman, nahiya kaming lapitan kasi di maalala ng mga Ravelo ang pangalan niya.
Sa computer coloring, ok lang naman kung ang gagawa din mismo ng kulay ay siya ring naglapis at gumawa mula sa umpisa. Pero kung i-aasa ng penciller sa colorist, e dapat ang colorist na ang maging pinaka-superstar artist sa kanila. Parang sa Conan ng Dark Horse. Mas nakikilala si Cary Nord. Pero kung hindi sa galing ng pagkakakulay ni Dave Stewart, ganoon din kaya ang magiging paghanga ng mga tao? Di pa kasama doon ang art assist ni Thomas Yeates.
Angelika Jones ang cover.
Makabili nga ng isyu na iyan.
Randy, maganda itong analysis mo sa luma at bago. Bitter-sweet talaga. Kaya lang, ngayong nakita ko yung tunay mong picture, nagkaroon na rin ako ng GAP sa tunay na Randy at tunay na WENG-WENG.
Hindi ko na ma-distinguish ngayon kung sino na ba ang sino.
Para kasing... kapag nakikita ko ang larawan ni WENGWENG, ikaw na ang naiisip ko. At itong picture mo dito sa komikon, baka ikako ito ang tunay WENGWENG?
He-he. Nagpapatawa lang dahil medyo masakit nga ang nangyari sa mga luma at matatanda nang komiks artists. Para ngang na-out-of-place na sila.
At least, may mga katulad mong nag-aabala na magsulat tungkol dito. Commendable itong mga ganitong bagay.
Reno:
Tinamaan mo. When I was supervising Graphic Designers, sa halos 70 artists, bilang ko lang sa kamay ang marunong mag-drawing. Siguro mga lima o anim, kasama na ako roon.
Ngayon naman kasi, nauuso na yung puro na lang photographs ang ginagamit. Maski nga sa mga posters para sa sine, puro photographs na ng mga artista. Pero dahil din naman sa computer ay masyadong naging vibrant ang mga trabaho sa graphic design. Even those prints ads are so stunning to look at.
At ang uso pa dito ngayon ay ito: Bawa't publications ay may sariling ad agency at ang mga ads ay EXCLUSIVELY for their own publications only. Halimbawa, RALPH LOREN. Yung Interview Magazine ay may sarili silang ad na gagawin s for Raplh Loren para sa magazine lang nila. At yung VANITY FAIR halimbawa, ay gagawa rin ng sarili nilang Raplh Loren. Talagang patasan ngayon ng ihi, and this practice made the industry very vibrant.
Diyan sa atin, ganito rin ba ang trend?
thanks jon. tulong na rin yan sa sales ng liwayway.:)
joem-
hehehe, pagtagal-tagal ang tawag na sa akin ay wengweng valiente. siyanga pala, ano ba ang tunay na pangalan ni wengweng? wenceslao? wencisito?
masyado lang sigurong nahatak ang attention ko ng mga pioneers (ayoko nang gamitin ang 'old' heheh), tiningnan ko nga agad ang hilatsa ng mga mukha nila. malayong-malayo dun sa ibang tao na naroon, lalo na yung mga bata. karamihan ng nandoon, makikita ang pananabik sa event, yung mga pioneers, more on 'pagtataka'. siguro dahil walang ganito nung time nila.
Joem...
di pa naman ginagawa ng mga magazine dito ang ganyang trend. kung ano ang gawa ng ad agency, yun pa rin across all magazines.
Randy...
Marahil ay pagtataka nga lang kaya't ganoon ang expression ng mga pioneers. Malaki kasi ang naging agwat nung dating henerasyon sa henerasyon ng komiks fans/creators ngayon. Halos isang dekada, di ba?
Post a Comment
<< Home