BHAKTI ART
Hindi ako espiritwal na tao, at hindi rin naman relihiyoso, ngunit isang malaking karangalan na makilala at makausap ko kahapon (Linggo) ang isa sa mahusay at hinahangaang pintor ng Bhagavad Gita at Vedic writings sa katauhan ni Syamarani Dasi. Nag-iikot siya sa buong mundo at kasalukuyang narito sa Pilipinas upang magturo ng spirituality.
Unang kita ko pa lang sa kanya ay si Mother Theresa agad ang pumasok sa isip ko. Napakabuting tao, malumanay magsalita at punung-puno ng kaalamang espirtiwal. Hindi nga aakalaing isa pala siyang mahusay na pintor.
Nagdadalawang-isip pa nga ako na magpakuha ng litrato sa kanya, inosente kasi ako sa mga bagay na related sa Indian spirituality, baka kasi 'material thing' itong pagpapakuha ng litrato. Pero nang makita niya na inaayos ko ang camera ng cellphone ko, ngumiti siya at pinalapit ako sa kanya. Ako lang yata ang nagpakuha ng litrato kasama siya sa event na iyon.
Kung ang trabaho nina Michaelangelo at Da Vinci ay pinag-aaralan, ang gawa ni Syamarani Dasi ay literal na sinasamba sa mga templo. Anong klaseng visual art ang tataas pa diyan? Binigyan ng basbas ng mga spiritual guru ang kanyang mga paintings at sinabing hindi lang daw images ang mga ito kundi isang pintuan sa spiritual world.
Bumili ako ng ilang aklat na may paintings niya sa cover. Paboritong gamitin sa mga libro ang kanyang mga artworks. Namigay din siya ng mga prints at nakatutuwang pinirmahan niya ang mga ito. Para sa iba pang impormasyon tungkol sa artist at sa kanyang mga likha, narito ang kanyang website: Bhakti Art.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home