Kung hindi pa ako mapapasyal sa bahay ng kapatid ko ay hindi ko malalaman na nasa kanya pala ang itim na libro na matagal ko nang hinahanap. Nakita ko ito kasama ng mga laruan ng pamangkin ko.
Ilang buwan ko na rin itong hinahanap at hindi ko matagapuan kung nasaan.Puwede ko sigurong sabihin na, mawala na ang lahat ng koleksyon ko sa bahay, huwag lang ito. Gaano ba ito kaimportante sa akin?
Sa lahat ng nakausap ko na nanggaling sa publication, mapa-writer man o artist, ang isa sa madalas kong marinig ay: "Sayang at hindi ko naitago ang mga gawa ko noong araw." Ayokong dumating ang araw na isa rin ako sa magsabi ng ganito. Kahit pa sa katotohanan ay talagang marami rin akong gawa noon na wala akong kopya at hindi ko na nasubaybayan na lumabas.
Ang itim na libro ay mga short stories ko sa prosa na lumabas sa Counterpoint at West Publication. Kulang-kulang 700 pages ito na naka-bookbound, bawat isang kuwento ay may 8-10 pages. Sinulat ko ang mga ito noong 19-20 years old ako. Si Joelad Santos ang editor-in-chief ng Counterpoint noon at assistant niya si Ma'am Rizalina. Siguro masasabi ko na naging paborito ako ni Ma'am Rizalina dahil linggu-linggo akong may lumalabas na short story. At kung may special issue, halimbawa ay Pasko o Valentine's Day ay ako ang binibigyan niya ng assignment.
Binasa ko nga ulit ang ilang kuwento ko, nalaman ko na mas okay pala akong tumipa ng mga salita noon. Malalaman mo na may pagmamahal sa pagsusulat. Pero ngayon, tuwing magsusulat ako ay inaagaw na ng iba ang atensyon ko. Una na riyan ay ang pagkakaroon lagi ng 'career plans'. Para bang hindi na ako makapagsulat na walang kasamang bayad. Kainis, I became a money-making machine, a paid hack!
Kaya siguro hindi ko na rin gaanong kinakarir ang pagsusulat ngayon dahil sa ganitong dilemma. Nimi-miss ko 'yung araw na pagkagaling ko sa publication ay tututok ulit ako sa harap ng makinilya. Ngayon, hindi makinilya ang lagi ko ng hinahanap kundi lapis.