Saturday, January 28, 2006

DIOSA HUBADERA 22



Wednesday, January 25, 2006

Q15

"If we are to draw or represent things realistically we must understand the process of seeing that is, why and how you see things."

Nestor Redondo

REDONDO VS. NIÑO (Part 3)

ANG KOMIKS NG PILIPINO AY DAIGDIG NI REDONDO

Wala akong malinaw na bilang na pagbabasehan kung sino ang mas maraming naimpluwensyahan—kay Francisco Coching ba o kay Nestor Redondo? Sa aking opinyon, ang dalawang ito ang pangunahing pinagkunan ng estilo, kaalaman at technique ng mga sumunod na henerasyon ng mga dibuhistang Pilipino. Ngunit kung ang pagbabatayan ay ang pangkalahatan, naniniwala ako na si Redondo ang mas maraming naimpluwensyahan kesa kay Coching dahil nakaabot ang kanyang mga trabaho sa ibang bansa. Sa katunayan, karamihan ng mahuhusay ngayon sa Amerika—tulad nina Neal Adams, Mark Schultz, Adam Hughes, Alex Ross, etc. ay aminadong nakatulong ng malaki sa kanila ang mga gawa ni Redondo.

Ang standard ng pagdidibuho noon ng komiks sa Pilipinas ay naka-pattern kay Redondo, at mauugat pa ito kay Coching. Lantaran na sa mga panahong ito, ang sentro ng kaalaman ng komiks ay nakalinya sa tinatawag nating ‘perceptual approach’. At mauugat pa nating lalo ito sa mga unang impluwensyang dayuhan tulad nina Harold Foster, Alex Raymond, at Burne Hogarth.

Ang ganitong uri ng presentasyon sa komiks ay madaling unawain ng mambabasa. Natural ang paggamit ng eksena, nakabatay ang mga karakter sa totoong buhay, ang mga panel o frames ay tulad ng telon sa pelikula o screen ng telebisyon na nagpapakita ng malinaw na eksena.
Sa ganitong uri ng presentasyon sa komiks, ang mga dibuhista ay nakatuon sa tamang paggawa ng tao (sukat, proportion), renderings, realistic settings, believable use of camera, at practical angles.

Kaya hindi nakapagtatakang humusay ng husto ang mga dibuhistang Pilipino sa pamantayang ito. Maging ang mga tao sa publikasyon—lalo na ang mga editor—na ang pagkakaintindi lang sa paggawa ng komiks ay tulad ng mga sinaunang dibuhista, ay ginawa nang batas para sa mga nagnanais makapag-drawing sa komiks ang ganitong standard. Kung ikaw ay isang simpleng mambabasa ng komiks noong panahon nina Redondo, hindi mo maa-appreciate ang gawa ng French at Japan dahil hindi ito ang batayan ng komiks ng Pilipino.

Kahit black and white lang ang medium na ginagamit sa komiks ay maari itong ipantapat sa isang painting. Ang black and white sa atin ay kumpleto—may ‘lalim’, ‘ika nga. Mahusay ang gamit ng Pilipino sa itim na tinta. Kaya nitong buhayin at maging realistiko ang isang subject. Kaya nitong maapektuhan ang emosyon ng titingin. Ang mga Pilipino ang isa sa pinakamahuhusay sa buong mundo sa paggamit ng pen & ink. Utang natin ang lahat ng ito sa ‘perceptual approach’. Kung ano ang nakikita natin sa labas ay siya nating ipinapasok sa ating loob. Kaya madaling matanggap ng marami dahil ‘very material’.

Nagtagumpay si Redondo sa linyang ito ng sining. Ayon sa kanyang mga sulatin, at sa kanyang mga naging estudyante, ang kalidad na kanyang taglay ay mapag-aaralan. Ang kailangan lamang ay masikap na pag-aaral. At higit sa lahat, ang dapat na taglayin ay ang mahusay na pagkakaroon ng ‘awareness’ kung paano nag-I-exist ang isang bagay.





Gaya ng aking nabanggit sa artikulong 'May Estilo Nga Ba Ang Mga Pilipino?", dalawa sa pangunahing pinagbatayan ng mga sinauna nating dibuhista ay ang mga trabaho nina Alex Raymond at Burne Hogarth. Nakaimpluwensya sila ng malaki sa anyo ng ating komiks.

ANG SARILING MUNDO NI NIÑO

Si Alex Niño, sa kanyang kapanahunan ng pagdidibuho sa Pilipinas, ay wala man lang kumikilala sa kahusayan (ilang personalidad lang ang nagbigay sa kanya ng malaking break, tulad ni Pablo Gomez, at ang publikasyong CRAF. Bukod doon, si Niño ay isang ‘struggling artist’ katulad ng marami).

Ang takbo ng utak ni Niño ay tulad ng isang ‘rebeldeng’ pintor. Nariyan ang basic na materyales sa paggawa ng artworks—papel, lapis, tinta, at mga reperensya. Ngunit hindi iyon ang pinakamahalaga sa kanya. Para kay Niño, ang sarili at orihinal na konsepto ng trabaho ang pinakamahalaga.

Mula sa layouting, rendering at storytelling ay nakalikha siya na matatawag na sariling kanya lamang. Kumporme sa script na kanyang hinahawakan, nag-iiba-iba rin ang ginagamit niyang estilo at presentasyon. Kapag seryoso ang kuwento, nagiging seryoso din ang kanyang drawing. Kapag comedy, nagiging nakakatawa din. Kapag pantasya, mas nakakalikha siya ng daigdig na hindi maiisip ng ibang tao. Kung napag-iiba-iba ni Niño ang paggamit ng ganitong mga uri ng presentasyon sa mga eksena, napagsasama-sama niya rin naman ang mga ito sa hindi natural na paraan. Halimbawa, seryoso ang eksena ngunit ginagawa niyang eksaherado ang drawing. O kaya naman, pantasya ang tema ng kuwento ngunit gagawin niyang comedy ang mga karakter.

Sa art technicalities naman, may mga script na minsan ay gusto niyang gumamit ng makakapal na linya, minsan naman ay pinung mga guhit, minsan ay sali-saliwa ang ang gamit niya ng shades and shadows. Minsan ay exaggerated ang mga anggulo at paggamit ng camera. Para kay Niño, hindi sa lahat ng sandali ay kailangang resonable ang mga bagay-bagay. Ang blangkong papel na nasa kanyang harapan ay isang daigdig na kaya niyang patakbuhin ano man ang kanyang naisin. Siya ang ‘diyos’ nito at hindi siya puwedeng pakialaman. ‘Art for arts sake’ ang ipinapakita niya sa kanyang mga trabaho. Tutal, ang paggawa ng komiks ay bunga lamang ng imahinasyon (ng writer at artist), maari ba itong bigyan ng batas kung ano ang dapat mong gawin? Nasa daigdig lang naman ito ng creativity ng mga creators, kaya marapat lamang na suklian ito ng matindi pang creativity.

Nagtagumpay din si Niño sa paggamit niya ng ‘conceptual approach’. Nailalabas niya kung ano ang nasa loob niya at naipapakita ito sa mata ng ibang tao. Ngunit ang katotohanan sa kanyang sining, hindi ito maituturo ng direkta sa mga estudyante. Totoong maraming nangopya sa kanyang estilo lalo pa nang kilalanin na ng husto sa Amerika ang kanyang mga trabaho. Ngunit ang mga estudyanteng ito ay hindi nakuha—at kailanman ay hindi maari—ang tunay na diwa ng kanyang sining. Ang makukuha lang nila kay Niño ay ang outer technique ng kanyang art style, iyon ay ang rendering, paggawa ng mukha ng karakter, shades and shadows. Ang kaalamang taglay niya ay bunga ng kanyang mga karanasan sa buhay at pagtingin sa sining.




Walang partikular na tinumbok si Niño kung sino sa mga foreign artists ang gusto niya ang trabaho. Madalas lang niyang sabihin na si Moebius (unang larawan) ang isa sa nagpapadagdag sa kanya ng mga ideya. Samantala, si Phillip Druellet na isa ring Pranses (ikalawang larawan), na kakontemporaryo ni Niño ay may pagkakahawig sa kanyang mga trabaho sa maraming bagay--gaya ng mga kakaibang disenyo at pantastikong layouting.


SINO ANG PANALO?

Masuwerte ang mga bagong gumagawa ng komiks sa panahon ngayon. Available na sa atin ang talino at husay ng ating mga matatandang dibuhista sa komiks—tulad nina Redondo at Niño. Ang gagawin na lang natin ay pag-aralan ito, I-apply sa panahon natin ngayon, at ibahagi sa iba. Sana ay sa pag-aaral na ito ng ating mga matatandang ‘masters’ ay maging malawak pa ang ating pananaw para sa dibuhong Pilipino. Hindi masamang gumaya sa gawa ng dayuhan (lalo na ngayon na malingat ka lang ay ‘manga’ at ‘anime’ na kaagad ang ipapakita sa iyo ng mga baguhang nagsisimula sa komiks), ngunit huwag ring kalilimutang kumuha ng pundasyon sa sarili nating mga dibuhista. Narito lang sila sa sarili nating mga bakuran. Hindi mo na kailangan pang mag-adjust sa estilo nila kahit nagsisimula ka pa lang, kusang lalabas iyan, dahil iisa lang tayo ng kulturang kinagisnan.

Sa labanang Redondo at Niño, sino ang panalo? Tayong mga nasa panahon ngayon na malayang tumitingin sa kanilang mga gawa.

DIOSA HUBADERA 21



Tuesday, January 24, 2006

PAANO AKO GUMAWA

May nag-post 3 months ago pa, nagtatanong kung maglalagay ako dito ng tutorials kung paano mag-drawing. Pasensya na at hindi ko magagawa ‘yun dahil sangkatutak na ang information ngayon kung paano mag-drawing. Maglibot ka lang sa bookstore, magsasawa ka dahil isang buong sections na ang tungkol sa ganito.

Dito lang sa internet, mag-type ka lang ng ‘how to draw’ sa search engine ay sasakit ang ulo mo sa dami ng puwede mong i-download na lessons.

Naisip ko lang na ibahagi na lang sa inyo kung paano ako personal na gumagawa ng artworks. Of course, hindi rin naman ito ang malimit na pattern na ginagawa ko. Usually, kumporme sa assignment na napupunta sa akin. Nag-aadjust ako kumporme sa oras na bakante, pag medyo matagal-tagal pa ang deadline, medyo nagpupulido ako. Pag naman nagmamadali ay binabawasan ko ang sipag. Aaminin ko, marami akong trabahong madalian dahil pinipilit ko lang umabot sa deadline. Pero this past few months, ang tinatanggap kong assignments ay paisa-isa na lang. Ang totoo nga niyan ay ang tagal-tagal ko nang hindi nakakagawa ng komiks. Takot pa kasi ako ngayon sa deadline, baka mapasubo ako dahil pukpukan pa ang sched ngayon sa day job ko.

Anyway, ito lang ang isa kong ‘tutorial’ na maibibigay sa inyo:


Sinisimulan ko siyempre sa sketch. Masyado akong rough maglapis, lalo pa pag alam ko na ako ang magtitinta ng gawa ko. Hindi ko na pinupulido ang ilang bagay dahil alam ko na rin naman kung saan ko ibabagsak ang rendering ng mga ito. Pero kung alam ko na iba ang mag-I-ink ng gawa ko, pinipilit kong puliduhin at linawan ang mga lines. Dahil mahihirapan ang inker na sundan ito (at baka bugbugin pa niya ako). Blue pencil nga pala ang ginagamit ko dahil may katamaran ako minsan sa pagbubura ng nilapis ko (ang kagandahan kasi ng blue pencil, kahit di mo na burahan, hindi naman kita sa printing).




Sa example kong ito, pure brush ang ginamit ko (Pentel brush—nabibili ito sa mga bookstore). Mas sanay kasi akong gumamit ng brush sa totoo lang kesa sa pen dahil mahigpit noon ang teacher ko (si Hal Santiago), hangga’t maari ay ayaw niya kaming pagamitin ng pen. Kung mapapansin niyo, ang dami kong render sa ink na wala naman sa lapis ko. Sabi ko nga, pag alam ko na ako naman ang magtitinta ng gawa ko, hindi ko na pinupulido ang lapis.



Pagkatapos kong tintahan ay nilagyan ko ito ng wash—combination ng traditional wash at computer. Sa traditional, yun ding ink na ginamit ko sa pagtitinta ang gamit ko dito. Kumukuha lang ako ng kaunting patak tapos inilalagay ko sa isang baso, pagkatapos ay lalakgyan ko ng maraming tubig para maging mapusyaw ang pagkaitim niya. Iyon na mismo ang ginagamit ko sa pag-wash. Syempre, kapag nag-wash ka, kailangan ay meron kang knowledge sa shades and shadows para alam mo kung saan mo ipapatak ang grayscale sa drawing mo.


At ikaapat, dahil kukulayan ko ang drawing na ito, mas pinili kong gawin na lang ito sa computer para mas mabilis (dahil wala na rin naman akong pangkulay talaga—watercolor, poster color). Photoshop ang ginagamit ko. Kasisimula ko pa lang kaninang umaga ng pagkulay nito, tingin ko ay aabutin pa ako ng isang linggo dito. Pero at least, may idea kayo kung paano ang stages ng paggawa ko ng artwork.

Sana ay makatulong ito kahit paano. Ang maibibigay ko lang na payo ay napakasimple, magpraktis ng magpraktis. Mag-ipon din kayo ng mga references. Ang dami-daming magagaling na artist, bahala na kayong pumili kung anong style ang gusto nyo. Gawin niyo silang guide para hindi agad kayo maligaw. Concentration at disiplina, iyon ang magandang simula.

Sunday, January 22, 2006

REDONDO vs. NIÑO (Part 2)

DALAWANG URI NG LITERATURA

Noon pa mang unang panahon ay hinahanapan na ng kasagutan ang pagkakaiba ng dalawang sangay ng literatura—ang ‘prosa’ (prose) at ‘tula’ (poetry). Sa pagkakaroon ng malalim na pag-aaral sa dalawang nabanggit, napagkasundo ng mga mananaliksik ang malinaw na kaibahan ng mga ito. Hanggang sa magkaroon sila ng konklusyon na hindi lamang sa literatura nagkakaroon ng esensyal na pagkakaiba ang dalawa kundi maging sa lahat ng uri ng sining.

Ang prosa, sa tunay nitong esensya, ay isang paraan ng paglalahad na direkta ang paglalahad. Sa Inggles, maari nating tawaging ‘descriptive’ at ‘analytic’. Ang tula, sa gamit nito ng mga salita, ay hindi direktang ibinibigay ang ibig ipahiwatig sa nagbabasa. Ang prosaist (isang gumagawa ng prosa) ay gumagamit ng paglalahad mula sa labas. Samantalang ang poet (gumagawa ng tula), ay nagsisimula sa loob patungo sa labas. Ang prosa ay kailangang maglahad, kahit ang inilalahad nito ay hindi literal na katulad ng mundong ating ginagalawan, kailangan itong magsalaysay para sa ikauunawa ng lahat. Ang tula, sa tunay nitong kalikasan, ay hindi sakop ng mundong ating ginagalawan, independent, at may sariling ginagalawan, kahit ito pa ay nagpapahayag o nagsasabi ng totoong reyalidad, ang esensya nito ay ang pagkakaroon ng sariling daigdig.

Ang anyo ng prosa ay imitasyon ng ‘natural’ o ‘ordinaryo’ nating pagsasalita. Wala itong sukat (metrical structure). Ang tula ay gumagamit ng sukat, nagpapahayag ng mga salita at letrang hindi tumutukoy sa totoong ibig sabihin nito—sa madaling salita ay hindi natural itong ginagamit.
Ibibigay kong halimbawa ang deskripsyon ko sa isang dalaga:

Prosa:
Sinong hindi mabibighani sa dalagang mahinhin ang kilos, mapagmahal sa magulang, at mapagmahal sa lahat ng nilalang? Lalo kung siya ay nagtataglay ng katangian ng tunay na Pilipina, mahaba ang buhok, maayos ang pananamit, mayumi ang kilos…


Tula:
Sino itong binibining tila isang panaginip?
Isang tala sa gabi ng aking pananahimik
Na tumatanglaw sa madilim kong pag-iisip
O aking Sampagita, ikaw ay aking iniibig…


Ang pagkakaibang ito ay matatagpuan sa lahat ng uri ng sining—sculpture, painting, etc. dahil kaya nitong ipakahulugan ang mga anyo sa dapat nitong kalagyan.

At para sa mas malawak nitong pagkilala sa iba pang uri ng sining, mas mabuting tawagin natin ang mga ito bilang Prose Art at Poetic Art.

Sa pagkahumaling ng mga Greek sa reyalidad pagdating sa sining, maging ang mga sukat ng sculptures na kanilang ginagawa ay dapat na makatotohanan. Kapag normal na tao ang kanilang ginagawa, kasintaas lang ito ng totoo. At kapag kanilang diyos naman ang kanilang ginagawa, dapat ito ay malaki at mataas kesa sa sukat ng tao. ito ay nagpapakita ng mas mataas na kapangyarihan kumpara sa mga mortal.


Ang prose art ay direktang tumutukoy sa subject/s nito, payak at natural ang pagkakalahad at presentasyon. Maging ito man ay ‘pantasya’, ito pa rin ay nagpapakita ng mga pangyayari at kaganapan na sakop ng eksistidong panahon (time) at kalikasan (nature).







Ang dalawa sa tagapagtaguyod ng realism sa sining ay sina Da Vinci at Michaelangelo. Kapwa tinitingala ng mga artist na mahilig sa paggawa ng human figures.



Ang poetic art ay umaalis sa natural. Itinuturing nito ang sarili na mas mataas kesa sa panahon (time) at sa kalikasan (nature). Kung ito man ay gumagamit ng mga salita (katulad din ng prosa), hindi nito tinitingnan ang salita bilang isang instrumento, kundi, mas tinitingnan nito ang ‘form’ bilang representasyon.










Ang mga trabaho nina Salvador Dali, Pablo Picasso at Jacson Pollock ay umalis sa realistic artworks. Sa kanilang paniniwala, ang mga makatotohanang likhang sining ay para na lamang sa still pictures (litrato).

Ang ‘distinctions’ ng dalawang ito ang pinagmulan ng malalim pang pag-aaral ng mga art theorists sa buong kasaysayan ng daigdig. Noon ay hindi pa gaanong depenido ang mga basehang ito lalo pa’t may mga panahong hindi ito nagagamit ng maayos. May mga pagkakataon din na mahina ang basehan ng representasyon nito. Halimbawa, may mga pagkakataon na ang prose art ay ginagamit ng poetic artist, at ang poetic ay ginagamit ng prosaic artist, ngunit titingnan ng isang hindi alam ang depenisyon ng pagkakaiba ng dalawa.

At dahil ‘napakalawak’ at mahirap (minsan pa ay ‘confusing’) pumili ng isang indibidwal ng dapat niyang tumbukin, ang paggamit ng prose art at poetic ay itinuturing na lang (ng isang indibidwal), na representasyon ng sariling expression.

Si Immanuel Kant ang unang nagbigay ng malinaw na distinctions nang gamitin niya ang mga salitang ‘perceptual approach’ at ‘conceptual approach’ sa sining. Naging malinaw na pagkilala na ang perceptual approach ang siyang ginagamit ng prose artist. Samantalang ang conceptual approach naman ang ginagamit ng poetic artist.

Isa pang malinaw na pagkilala, ang art prose ay gumagamit ng ‘narration’. At ang poetic art ay ‘decoration’.

Sa patuloy na pag-aaral ng mga scholar sa ganitong subject, napagtibay pang lalo ni Herbet Read (modern art philosopher), na ang prose art ay isang ‘constructive expression’, at ang poetic art ay ‘creative expression’.

Narito ang ilang tala ng pagkakaiba ng dalawa:

Prose
Perceptual approach
Narration (illustration)
Constructive expression
Representative art
Symbolic use
Descriptive art
Analytic art

Poetry
Conceptual approach
Decoration
Creative expression
Formal art
Emotive art
Organic art
Concrete art

Sa ganitong mga depenisyon, hindi na maliligaw ang isang titingin kung ano ang dapat na maging basehan sa isang partikular na likhang sining. Maari na nating matukoy ang daan na tinatahak ng isang artist.

Sa ganitong mga basehan, may kakaibang kasaysayan ang komiks pagdating dito. Bata pa ang komiks para masabi natin na ito ay ‘high art’. Ito ay isinilang lamang ng 20th century (huwag na nating isama ang mga ‘cave arts’ at ‘Norman (comic-type) arts’ na sinasabi ng mga comics historians). Ang unang ‘function’ ng komiks ay upang magbigay ng aliw sa mambabasa, maari ring sabihin na upang makipag-communicate. Ang una nitong anyo, sa katotohanan, ay nakapaloob sa prose art. Kailangan nitong magbigay ng malinaw na ibig sabihin sa mambabasa upang ganap na maunawaan.

Sa kabuuan, ang komiks ay pinaghaharian ng ‘prose art movement’ simula’t simula pa.

Sa susunod: Ang tunay na labanang Redondo at Niño sa komiks ng Pilipino. At ano ang anyo at itinataguyod ng mga komiks artists sa kasalukuyang panahon.

DIOSA HUBADERA 20



Thursday, January 19, 2006

REDONDO VS. NIÑO

Sa mga madalas na bumisita sa blog na ito, pasensya na at hindi ko ito masyadong naa-update dahil hindi ko akalaing kahit natapos na ang Pasko at Bagong Taon ay tambak pa rin ang trabaho ko. Mabuti na lang at nagkaroon din ako ng pagkakataon na mapag-isip-isip ang ilang projects para sa komiks. Kabilang dito ang ilang research at analysis sa komiks. Nope, wala akong balak maglabas ng libro tungkol sa kasaysayan ng komiks, o biography tungkol sa ating mga creators, ipinauubaya ko na ito kina Orvy Jundis, Dennis Villegas at Gerry Alanguilan. Ngunit sinisimulan ko na ang aklat tungkol sa komiks, ngunit hindi nga ito gaya ng aking mga nabanggit. Nakatuon ang pag-aaral ko ngayon sa mga sulatin nina Will Eisner, Scott McCloud, at iba pang comics and media theorists.

Noong linggo ay dinalaw ko si Mang Orvy Jundis sa kanyang bahay sa Antipolo. Ipinakita niya sa amin ang lahat ng kanyang reperensya tungkol sa komiks. Sa maniwala kayo at sa hindi, puno ang isang buong bahay sa dami ng libro ni Mang Orvy.



(Mula sa kaliwa: Mario Macalindong (artist), Ravenson Biason (writer), Mr. Orvy Jundis, at Rene Cortes (animator/artist)--seated)

*****

REDONDO VS. NIÑO

Sa simula’t simula pa ng pagkakatayo ng komiks sa Pilipinas, alam na ng mga dibuhista sa industriya kung anong daan ng sining biswal ang tinatahak ng komiks. Ang paraan ng pagdidibuho ni Francisco Coching ang isa sa pinakamalaking nakaimpluwensya sa mga sumunod na dibuhista ng komiks pagkatapos niya—maging ng mga kasabayan niya.

Sina Nestor Redondo at Alex Niño, bagama’t malaki ang pagkakaiba sa estilo ng paghagod ng brush sa drawing board, ay aminadong naging malaking bahagi ng kanilang pag-unlad ang mga gawa ni Coching.

Sa mga dekada ng kainitan ni Redondo sa pagguhit sa komiks, maraming mas batang artist ang nahumaling ng husto sa kanyang estilo. Kabilang na dito ang kanyang mga tinuruan at mga hindi-direktang nahawakan ngunit nagkaroon ng impluwensya ng kanyang gawa—mula kina Mar Santana, Vic Catan Jr., Rudy Florese, Hal Santiago, Hermoso Pancho, Noly Zamora, Lan Medina, Nestor Tantiado, at marami pa. Sa kabilang banda, kung hindi pa napunta si Niño sa Amerika at hindi hangaan ng mga dayuhan ang kanyang gawa ay hindi siya gaanong papansinin ng mas mga nakababatang artists. Tinawid ni Niño ang kabilang bakod ng pagdidibuho ng komiks ng Pilipino na hindi pangkaraniwan noong kanyang kapanahunan.

Sa paglipas ng mga panahon, kung ano ang eksistidong estilo—lalo na kapag ito ang tinatanggap ng marami—isa lang ang pakahulugan dito ng mga kritiko. Ito ang paglalagay nila ng ‘boundary’ sa sinasabing ‘tradisyunal’ at ‘moderno’.

Sa madaling salita, ang oryentasyon ni Redondo ay tradisyunal. Samantalang ang kay Niño ay moderno.

Ngunit ang nakakatawa ay ang katotohanang, noong panahon nina Coching, ang tawag nila sa estilo ni Redondo ay ‘moderno’.



Naging pamantayan na lalo na sa kasalukuyang pagtingin sa komiks na hinahatulan kaagad ang pagkakaiba ng sining ng dalawa bilang 'tradisyunal' kay Redondo (unang larawan) at 'makabago' kay Niño.


Sa pag-aaral na ito, mayroon nga kayang tinatawag na tradisyunal at mayroon moderno? Saang panahon natin hahatiin ang makaluma sa makabago? Kailan namatay ang ‘dati’, at kailan naman nagsisimula ang ‘ngayon’? May posibilidad ba na mamatay ang ‘ngayon’?

Ang katanungang ‘mayroon nga bang ‘tradisyunal’ at ‘moderno’ sa dibuhong Pilipino?’, ay paulit-ulit kong hinahanapan ng sagot. Inakala kong masasagot ko ang tanong na ito sa dalawa sa pinakamagagaling na dibuhista ng komiks—iyan nga sina Redondo at Niño. Libong beses kong tinitingnan ang kanilang mga gawa, ang bawat hagod, ang pitik ng brush, ang pagkakasa ng eksena. Nagkaroon ako ng konklusyon na ang pagkakaiba nilang dalawa ay ang paraan ng kanilang ‘rendering’ o ‘hagod’. Bagama’t parehong ‘organic’ (tatalakayin ko ito sa mga susunod na artikulo) ang oryentasyon ng kanilang mga sining, makikita sa gawa ni Redondo ang disiplina at maingat na paggamit ng hagod. Samantalang si Niño ay ‘loose’ at parang presong pinakawalan sa kulungan ang bawat pitik ng pinsel.

Kabilang din sa nakita ko ay ang paraan ng kanilang ‘storytelling’. Si Redondo ay konserbatibo. Ang isang ‘frame’ o ‘panel’ ay maingat niyang isinasaalang-alang na para bang ito na ang eksistidong mundo ng partikular na eksena. Ibig sabihin, ito ay parang kamera sa pelikula na umiikot ang anggulo sa ‘espasyo’ (tatalakayin ko rin sa susunod ang tungkol sa ‘espasyo’) ng komiks panel. Si Niño ay hindi nagpapasakop sa ‘espasyong’ ito. Bagama’t may sukat ang bawat panel, ay hindi niya ito gaanong pinagtutuunan ng pansin. Mas nakatuon ang kanyang sistema ng ‘pagsukat’ sa diameter ng mismong papel na kanyang ginagamit.

Ngunit sa tinagal-tagal ay hindi ako masyadong kumbinsido sa mga kasagutang ito. Ang mga halimbawang nabanggit ko ay usapin lamang ng teknikalidad ng komiks. Kung hagod at storytelling lamang ang dahilan, at kung ang pagbabatayan ay ang ‘present standard’ ngayon na impluwensya ng American at Manga, sina Redondo at Niño ay pareho na ring ‘makaluma’.


Sa aking personal na opinyon, ang ‘makaluma’ at ‘makabagong’ estilo sa pagdu-drawing sa komiks ay hindi basehan kung anong panahon ka ipinanganak o tumanggap ng sining. Ang sinasabing ‘luma’ at ‘bago’ ay para sa hindi nakakaintindi ng sining sa tunay nitong esensya. Hindi namamatay o nalalaos ang estilo kailanman. Ang nawawala ay ang ‘pananabik’ natin sa estilo. Ang mata at utak natin ay patuloy na nagtatrabaho, naghahanap ito ng bagong titingnan. Kaya relatibo ang bawat isa pagdating sa sining.

Ngayon, balikan natin ang pagkakaiba ng trabaho nina Redondo at Niño. Mayroon nga bang pagkakaiba sa kanilang dalawa? Malinaw na sagot na mayroon.

At ito ay nahanapan ko ng kasagutan hindi sa ‘visual arts world’ kundi sa ‘literary world’. Ang literatura ang makakapag-interpret ng pagkakaiba ng estilo ng dalawa. Abangan niyo ito sa mga susunod na araw.

Tuesday, January 17, 2006

DIOSA HUBADERA 19





Friday, January 13, 2006

DIOSA HUBADERA 18



Wednesday, January 11, 2006

DIOSA HUBADERA 17



TRIVIA 5

Isa sa gumawa ng malaking pangalan sa American comicbook ay si Rudy Nebres dahil sa pagiging pino at makinis ng kanyang brush strokes. Ang ‘Warriors of the Shadow Realm" ang isa sa pinakamagandang kolaborasyon sa kasaysayan ng komiks ng Amerika. Ito ay pinagtulungang gawin ng mga pinakamagagaling na manlilikha ng panahong iyon.

Ang gumawa ng kuwento ay si Doug Moench, ang nagdesinyo at nagdibuho ay si John Buscema, ang nag-render ay si Rudy Nebres, ang nagpinta ay si Peter Ledger, at ang nag-lettering ay si John Costanza.

Ito ay inilabas ng Epic Comics noong 1979.




LIBRE BASA 8

Isang kuwento ni Vincent Kua Jr. ang nabasa ko noon pang grade 3 ako sa elementary. Ito ay tungkol sa isang lalake na napunta sa lugar na kahit suka ng tao ay kinakain dahil sa kagutuman. Nasa isip ko ang kuwentong ito hanggang sa aking paglaki. Nang magkaroon ako ng maluwag na break sa komiks ay muli kong inilabas ang idea na ito ni Kua, iniba ko ang twist ng kuwento sa huli ngunit naroon ang parehong approach ng paglalahad. Dito ay sinubukan kong gawin ang ginagawa ni Kua, ako ang nagsulat, nagdrawing, at nag-lettering.

Title: IT’S THE TRUTH OUT THERE
Vampira Komiks








Tuesday, January 10, 2006

PATALASTAS: ANOTHER MUSIC ALBUM


Marami na sa ating mga kababayan ang gumagawa ng pangalan sa ibang bansa sa iba't ibang larangan. Kabilang dito ang singer na si Thelma Unite na sikat sa Filipino community sa Hong Kong. Iri-release niya ang kanyang album sa February, siyempre, makakarating ang ilang kopya dito sa Pilipinas, sana at suportahan natin siya.

Monday, January 09, 2006

DIOSA HUBADERA 16



Wednesday, January 04, 2006

DIOSA HUBADERA 15



Tuesday, January 03, 2006

OUR MUSIC PROJECT


Aside from making comicbooks and other arts, I am actually inclined with music. NOBODY'S CHILD is a collaboration between me and my cousin JV Muñoz. We are planning to produce an album this year.

You can download a sample music from the album on this site:
http://www.myspace.com/nobodysmusic

Monday, January 02, 2006

BOOK SALE

Tingnan niyo kung ano ang nabili ko sa Booksale (SM Manila) sa halagang P900. Hahaha! ang suwerte ng bagong taon ko!