BAGONG PAKULO, LUMANG PORMULA
Sa pagka-curious ko na baka may makita akong bago, ay pinanood ko ang unang episode ng Captain Barbell sa Channel 7. At tulad ng dati, asa pa ako!, katulad din ito ng mga dati ring palabas na matitindi ang press release sa una pero mapapakamot ka na lang ng ulo kapag aktuwal mo nang pinanood.
Hindi ko masyadong kabisado ang kuwento ng Captain Barbell ni Mars Ravelo, pero alam ko na malayo na ang tv show na ito sa mismong kuwento sa komiks. Ang kuwento sa tv, para ka lang nanood ng Smallville, na may kasamang Spider-Man (The Movie). What else is new? Siguro dahil nga unang episode pa lang, at tatakbo pa naman ng mahaba ang kuwento. Pero pwede ba namang maging excuse ‘yun?
Isa pa sa nakita kong loophole ay ang future ng Pilipinas ayon sa kuwento. Hindi man lang nagbigay ng malinaw na background kung ano ang structure ng lipunang Pilipinas doon sa future. Ang karakter na si General ay isang mayaman at maimpluwensyang tao, kontrabida siya, pero ginawa niya ang bidang si Mr. B. Si Mr. B naman, hindi ko malaman kung kanino nagsisilbi, kay General ba o sa gobyerno ng Pilipinas? Well, baka sagutin ang mga katanungan kong ito sa mga susunod na araw.
Isa sa nakita kong mahina sa presentasyon ng palabas ang inconsistency ng overall designs—mapa-characters at environments. Ang hitsura ni Mr. B (na kahawig ng hitsura sa videogame character ng Tron) ay smooth at malinis tingnan. Ipinapakita nito na ang design ng future ay minimalist electronic age. Kabaligtaran naman ito ng hitsura ng mga tauhan ni General, particular na ‘yung character ni Ian Veneracion—na isa namang impluwensya ng industrial age kung saan maraming mga bakal-bakal na nakalaylay sa katawan, mga wires na nakalawit. Sa madaling salita, rusty at heavy metal ang dating. Ang nakakatawa pa sa role ni Veneracion bilang isang cyborg, nang pinakita na ang mukha niya ay nakalawit pa ang balbas niya—na kinulayan lang ng silver color.
Para sa akin, hindi masama na pagsamahin ang mga elementong ito—gaya ng pagiging minimalist, industrial, organic, o kung ano pa. Pero sana naman ay magkaroon ng consistency at mayroon distinguishing element na magpapatunay na ang mga characters na ito ay galing sa iisang panahon at sa iisang lipunang ginagalawan. At ‘yan ang dapat na sinasala ng concept artists ng bawat palabas. Isa sa natutunan ko sa ganitong linya ay ang awareness ko sa pagtingin sa mga designs ng Hollywood films. Sa pelikulang Star Wars, kung tutuusin ay napakalawak ng universe nito, pero kung panonoorin mo ng buong-buo, wala kang makikitang inconsistency sa designs ng beings at environments ng iba’t ibang planeta. Dahil ang vision at wavelength ni George Lucas ay nakukuha rin ng kanyang mga designers tulad nina Doug Chiang, Ryan Church, etc.
Pagdating naman sa action sequences, masasabi kong napakahina pa rin ng ating pelikula pagdating dito. 70s pa lang ay perfect na ito ng mga Chinese at HongKong films,pero sa atin, mahigit 20 taon nang nakakapanood ng ganito ang ating mga filmmakers ay hindi pa rin makuha ang techniques ng mga Chinese. Halata pa rin sa mga pelikula natin ang paglalagay ng tali kapag lumilipad, tumatalsik, o tumatalon ng mataas ang karakter. Pati ang mga pagsuntok, pagsipa at pagsangga sa mga labanan ay napak-weak ng pagkakagawa. Tinatanong ko tuloy kung may background ba ng ‘art of fighting’ ang mga fight choreographers natin o puro imagination lang kung paano ang actual na sparring sa ginagawa nila.
Mahaba pa ang tatakbuhin ng kuwentong ito at alam ko na mag-I-evolve pa ito. Hindi ko lang alam kung sa ikagaganda o sa lalong ikasasama. Baka magaya lang ito sa mga dating palabas na namatay-nabuhay-namatay-nabuhay ang mga characters para lang humaba. Na kung hindi pa magri-react ang mga naiinip na viewers ay hindi pa tatapusin ang kuwento.
Ang totoo ay gabi-gabi kong sinusubaybayan ang Love of the Condor Heroes at ang Jewel In The Palace dahil lang sa iisang dahilan. Bago ang presentasyon ng mga palabas na ito para sa akin. Mayroon ding mga loopholes pero hindi naman kasing-sama ng mga illogical na palabas natin.
Siguro ako lang ang malakas ang loob na punahin ng diretsahan ang palabas na Captain Barbell sa tv. Although marami na ring mga forums akong nabasa na marami na ring puna ang palabas dito (tulad ng ang costume daw ni Richard Guttierez ay hindi bagay sa kanya dahil ang liit ng kanyang leeg kumpara sa masel-masel na costume). Siguro kailangan ko ring mag-react dahil viewer ako. At may tendency na hindi na ulit ako manood ng pabas na ito.
Sa point of view naman ng mga nasa likod ng palabas, naiintindihan ko rin sila…noon. Pero ngayong tumanda na ako’t lahat, hindi pa rin ako naaaliw sa mga fanstasy-action-adventures na pelikula natin. Sa drama at sexually-oriented films lang talaga tayo magaling.
At ‘yung pormula na matagal nang pinangangalandakan ng marami na PARA SA MASA, hindi ko na rin masakyan. Ang masa para sa atin ay ‘yung mga taong ayaw nilang ipanood ang Da Vinci Code, ‘yung mga nababayaran tuwing eleksyon, ‘yung milyun-milyong walang trabaho ngayon. ‘Yung masang hindi na nila binibigyan ng panahong mag-isip para sa sarili, lumago, at matuto sa kanyang kinalalagyan.