Saturday, December 31, 2005

DIOSA HUBADERA 14



ART ON VIOLIN

Kasalukuyan itong naka-exhibit sa Art Center ng SM Megamall. Sa mga gustong makakita ng naiibang presentasyon sa sining, dapat ninyo itong bisitahin.



















Tuesday, December 27, 2005




TRIVIA 4

Malawak ang naging reperensya ni Nestor Redondo pagdating sa sining. Makikita sa kanyang mga gawa na hindi lamang mga American at Filipino artists ang humubog sa kanya ng husto. Makikita sa mga gawa niya nang huling mga taon ang impluwensya ng Greek at Roman arts, lalo na sa paggawa niya ng mga pigura. Totoo daw ito dahil nang minsang makausap ko ang kanyang pamangkin na si Dennis Redondo, sinabi nitong bumalik nga sa studies ng Greek at Roman arts ang kanyang tiyuhin.

Ngunit hindi lamang doon natatapos ang pinagkunan ng kaalaman ni Redondo. Sa sample painting na ito, makikita na sinubukan niyang gayahin ang painting technique ng Asian brushstroke partikular na ang Chinese painting.

INTERACTIVE KOMIKS

Nasa computer age na tayo kaya’t iba’t ibang medium na ang isinasabay ng ilang manlilikha dito. Kabilang ang komiks sa tinatayang sa mga susunod na taon ay mag-iiba na ang presentasyon. Malaking debate pa rin hanggang sa kasalukuyan kung ano nga ba ang mas maganda sa medium na ito, ang tradisyunal na papel o ang pagkakalathala nito sa digital version? Anu’t ano pa man ang mangyari sa komiks—mapunta man ito sa pader, sa papel, sa internet, at sa cd—hindi mawawala ang tunay nitong anyo—ang makapagbigay ng kuwento sa pamamagitan ng mga larawan.

Nakakuha ako ng isang kopya ng interactive komiks na ginawa ni Ricardo Tuazon Jr. kung saan ginamitan na ng makabagong graphics software ang komiks na kanyang ginawa. Ang ilang tauhan sa mga panels na ito ay gumagalaw, nag pa-pop-up ang ilang dialogues, at ang kapana-panabik dito ay mayroon nang kasabay na musika at sound effects. Sa kasalukuyan ay ini-eksperimento na rin ito ng Marvel Comics, at katulad ng ginawa ni Tuazon, sa mga susunod na panahon ay ilang Pilipino pa ang gagawa nito.

LIBRE BASA 7

Ang editor na si Aloy Tuazon-Serrano ang unang nagbigay sa aking ng break na makagawa ng sariling story and art. Pagkatapos niyang matuwa sa kuwento kong ito ay nagkasunod-sunod na ang pag-approve niya sa aking story and art. Ito ay lumabas sa Fantastika Komiks ng West Publication.








Thursday, December 22, 2005

PASENSYA NA...

Sa mga regular na sumusubaybay ng blog na ito...pasensya na at matagal-tagal na rin akong hindi nakapaglagay ng entry dito. Hindi talaga kaya ng schedule ko sa buwan na ito dahil halos hindi na rin ako matulog sa dami ng trabaho. Pero siyempre, babalik pa rin ako after ng holiday.

At hindi pa rin naman ako makakalimot na pagbati sa inyo...Merry Christmas and Happy New Year!

Monday, December 19, 2005

DIOSA HUBADERA 12




Thursday, December 15, 2005

DIOSA HUBADERA 11



LIBRE BASA 6

Title: MAY IMPYERNO SA LUPA
Artist: Romy Don
Vampira Horror Komiks







Monday, December 12, 2005

DIOSA HUBADERA 10



Wednesday, December 07, 2005

Q14

"One of the American exports to us was cartooning. Thus, Tarzan became Kulafu. Ngayon, pinapadala ang scripts dito at mga Pinoy ang gumagawa ng artwork ng Tarzan at binabalik sa Tate. Kaya ang cartooning, hindi naiwanan. It’s the humor that makes the difference. The style is as effective as any cartoonist in any given place or situation."

Nonoy Marcelo
Cartoonist/ Animator

DIOSA HUBADERA 9



Tuesday, December 06, 2005

DALAW

Pinilit kong iwan muna ang trabaho nang mabalitaan kong nasa ospital ang aking bestfriend na si Marlon Villegas. Ang pagdalaw sa isang dating kasama ay mas mahalaga kesa sa mga deadlines na nasa harap ko ngayon.

Nakilala ko si Marlon noong college days. Naging kaklase ko sa ROTC at kinalaunan ay naging kasama ko sa organisasyon ng mga pintor sa eskuwelahan—ang Pinsel ni Juan. Pareho kami ng hilig ni Marlon—music, films, stageplays, literature—kaya madali kaming nagkagaangan ng loob. Sa isang parte lang kami nagkaiba pagdating sa sining, samantalang siya ay naghahakot ng maraming awards sa literature (ilang beses na rin siyang nanalo sa mga patimpalak ng short stories at poetry) sa pamamagitan ng malalalim niyang paglikha, ako naman ay kumikita ng datung sa malalabnaw at pinagkaperahang fictions sa komiks at pocketbooks.

Kumalas kami sa dating organisasyon at nagtayo ng sarili—ang Guhit Sudlungan—na ngayon ay nakasentro lang mismo sa sining at walang bahid ng pulitika. Nang maging stable na ang grupo ay sabay na rin kaming umalis sa eskuwelahan at nagkaroon na ng kani-kaniyang pinaggagawa sa buhay.

Si Marlon ay nagpatuloy sa pagpapakadalubhasa sa literatura. Nalaman ko na lang na nakapagtrabaho siya sa environmental newspaper ni Howie Severino. Pagkatapos ay nalaman ko rin na naging scholar siya ng filmmaking sa CCP. Iyon na ang mga huling balita ko sa kanya.
Bigla na lang siyang nawala. Walang kontak maging sa mga kakilala at kaibigan. Hindi namin alam ang tunay na nangyari. Nasiraan daw ng ulo. Napasok sa Mental. Ayaw nang humarap sa kung sinu-sinong tao.

Kaya nang malaman ko kagabi na nasa ospital si Marlon, hindi ako nagdalawang-isip na hindi sumama. Naging reunion na rin ito ng dating mga kasama sa Pinsel ni Juan.

Sa ospital, nagkita-kita ulit kami. Nakahiga si Marlon. Halos buto’t balat na lang. Hirap kumilos at magsalita. Awing-awa ako sa kalagayan niya. Ang dating kasa-kasama ko sa lahat ng lakaran at rali, nandito ngayon sa isang masikip na kama. Ang tanging libangan lang niya ay magbasa ng dyaryo araw-araw. Ni hirap siyang makahawak ng ballpen.

Tiningnan ko ang kanyang record na nasa paanan ng kama. Nalaman ko ang tunay na dahilan ng sakit ni Marlon. 2003, bigla na lang namanhid ang buo niyang katawan. Hindi siya makapagsalita, hindi makagalaw. Total numbness. Nagkaroon ng diperensya ang kanyang mga nerves. Tatlong araw bago niya naidilat ang mga mata. Isang biglang atake na kahit siya ay hindi agad nakapaghanda. Mula noon, hindi na siya nakalabas ng bahay.

Kinurot ang puso ko nang sabihin ni Mike, "Pagaling ka, ‘tol, magsusulat pa tayo sa Channel 2." Si Mike ngayon ay production designer sa Dos.

Isang oras lang kaming pinayagang dumalaw sa ospital. Ngunit nagkasundo na ang grupo na gagawa kami ng aksyon at tulong pampinansyal na makakagaan sa gastusin ng kaniyang pamilya. Malungkot ako nang umuwi.

Kinabukasan ay ipinadala sa akin ng mga kaibigain ang link sa internet ng posibleng naging sakit ni Marlon. Itinugma ko ang mga sintomas na nabasa ko sa record ng ospital. At nalaman ko na napakaseryosong sakit ang dumapo sa kanya—ngunit umaasa ako na sana ay mali nga ako. Sana ay makapiling pa namin si Marlon sa mga susunod na taon. Hindi ko alam kung bakit masyado akong nagiging sentimental nitong mga nakaraang panahon. Iniyakan ko rin si Marlon—kung malalaman lang niya ito, alam ko kung ano sasabihin niya sa akin, "Putang ina! Ang korni mo!"

Ang buhay ay hindi gaya ng komiks at pocketbook na ginagawa ko na kaya kong kontrolin ang lahat ng tao. Kapag nagkasakit, kaya ko itong gamutin sa bandang huli. Sa tunay na buhay, hindi mo alam kung ano ang ending mo. Maaring suwertehin ka, maaring malasin.

Naghalungkat ako sa mga lumang gamit. Hinanap ko ang minsang naging collaboration namin noon ni Marlon na ipapasa sana namin sa Philippine Daily Inquirer. Pinagbigyan niya ako sa hilig kong paggawa ng komiks.

Ang comicstrip na ito ay hindi nai-publish at nasa akin ang mga materyales. Si Marlon ang nagsulat at gumawa ng konsepto, ako ang nag-drawing. Isang comicstrip na pinamagatan niyang ‘FAMILY PICTURE’. Kuwento ng tatlong pamilya na bumubuo ng lipunan Pilipino—Gotangco Family bilang upper class family, Gutierrez Family bilang middle class, at Galatucan Family sa below poverty line. Isa ito sa pinaka-orihinal at makatotohanang comicstrip na nakita ko. Wala ni anumang dialogues at captions ang strip, puro larawan lang. Ngunit makikita ang twist sa huli na tiyak matatawa ka, ngunit bigla mo ring mari-realize, "Oo nga, ganito ang pamilya sa lipunang Pilipino."

Umaasa ako na muling makakabangon si Marlon at itutuloy namin ang comicstrip na ito. Hindi ko alam kung hanggang kelan siya aabutin sa kanyang kalagayan, basta itutuloy namin ito.








Monday, December 05, 2005

DIOSA HUBADERA 8



Friday, December 02, 2005

PAUMANHIN

Humihingi po ako ng paumanhin sa mga regular na bumibisita sa blog na ito dahil mahigit na ring isang linggo na hindi ako nakakapaglagay ng bagong post (with the exception of my web comic Diosa Hubadera). Kung mapagkakasya ko lang talaga ang katawan ko sa dami ng trabaho, marami akong hindi makakaligtaan. Nasa critical stage na kami ng project ko sa War of the Worlds at kailangan na naming tapusin ito ngayong December dahil pagdating ng January ay dapat masimulan na ang pre-production.

Mayroon ulit kaming labas sa November issue ng GamesMaster Philippines kung saan ang naka-feature naman ay ang aming working area at ilang mga characters sa game. Kung interesado kayo sa updates ng aming game, bumili kayo. Please.

Inilabas din ng Proletariat Comics ang kauna-unahan nilang magasin na may title na HORIZON, kumbinasyon ito ng prose stories at comics. Hindi nga lang ito available dito sa Pilipinas pero makakakuha kayo ng PDF file ng HORIZON na free download (just click the title Horizon).

Komiks? Hindi ko pa talaga maisingit na makagawa ng komiks ngayong taon na ito. Ngunit nang lumabas ako sa Readers Digest ay tatlong school na ang nag-iimbita sa akin para magturo kung paano gumawa ng komiks. Magiging tour ang workshop kong ito tungkol sa komiks. 2 weeks from now ay magsisimula ako sa Lagro High School dahil iyon ang pinakamalapit. At ang pinakamalayo, na hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala, at pinuntahan pa talaga ako dito sa Pilipinas ng International School para makipag-meeting, ay sa HongKong--pero baka sa summer na ito dahil hindi pa talaga kaya ng schedule ko for the next six months.

Napakarami kong naka-line up na articles and interviews sa blog na ito, ngunit hindi ko pa maia-upload ngayon week na ito dahil kailangan pa ng matinding editing. Pero huwag kayong mag-alala at babalik ako. Kasama ito sa sinumpaan kong tungkulin, ang palaganapin at magbigay ang impormasyon tungkol sa komiks sa nakararaming Pilipino. In the meantime, bisitahin niyo rin ang mga sites na naka-link sa gilid, partikular na ang Komikero, PilipinoKomiks at Pinoy Komix Biz, marami kayong mapupulot sa mga ito tungkol sa local komiks industry.

Mabuhay tayong lahat!