Thursday, April 30, 2009

HAGIBIS

Tumitingin ako sa mga lumang komiks nang makita ko itong itong nobela ni D.G. Salonga at iginuhit ni Jun Borillo na pinamagatang 'HAGIBIS'. Tungkol ito sa kuwento ng isang bata na mabilis kumilos (parang The Flash) na anak ni Mercury (messenger of Roman gods). Lumabas ito noong 1979 sa Hiwaga Komiks ng Atlas Publication.

Napaisip lang ako dahil ang orihinal na pangalang 'HAGIBIS' ay ginamit na ni Francisco Coching noong 1940s, tungkol naman ito sa isang mandirigma (pinaghalong Tarzan at Lapu-lapu). Baka kasi dumating ang panahon na magkaroon ng problema sa paggamit ng kaparehong pangalan ng karakter lalo pa't parehong komiks ang medium na pinaggalingan. Imposible kasing hindi alam ni Salonga na ginamit na ang pangalang HAGIBIS noon pa, lalo pa ni Borillo na isang masugid na follower ni Coching.

Tuesday, April 28, 2009

CELTX FOR WRITERS

Ipinakilala sa akin ng isa kong kaibigang American writer itong software na CeltX, para ito sa mga writers na nasa iba't ibang disciplines--film, comicbook, prose writers. Gusto ko lang i-share sa inyong lahat dahil napakalaking tulong nito. Sa una ay medyo mahihirapan pa kayong mag-adjust kung sanay kayong gumamit ng MSWord o OpenOffice, pero sa katagalan ay malalaman ninyo na napakalaking advantage nito.

Walang kayong dapat ipag-alala dahil free download lang ito: CeltX.

Mayroon na itong script format (ng film, television at comicbooks) para sa mga bagong nag-aaral pa lang.

May section dito para maglagay ng mga images (reference o storyboard).

Saturday, April 25, 2009

ANG KUWENTO

Mahirap maging reader kung ikaw ay isa ring writer. Para bang lagi kang may responsibilidad na pag-aralan at himayin ang trabaho ng iba.

Kailangan mo itong gawin kung gusto mong lumago sa mundo ng pagsusulat.

Minsan ay nanonood kaming mag-anak ng lumang pelikulang Pilipino sa cable. Ang eksena, inatake sa puso si Berting Labra at kailangan itong tulungan ng isang dating child actor (hindi ko na maalala ang pangalan). Kaya nagpatulong (ang bata) sa mga kapitbahay, ang dumating ay ilang kalalakihan na tambay na may dalang sidecar, at kung hindi ba naman saksakan ng eengot ay iyun pang malabo ang mata ang nag-presinta na mag-drive ng sidecar. Ang kinalabasan tuloy, nagkabangga-bangga sila sa pader at kanal. Tapos ay bigla mo na lang malalaman na wala na iyung ibang lalake, ang naiwan na lang ay si Labra, ang child star at ang driver na malabo ang mata.

Hindi ko alam kung ano ang time frame ng eksena pero gabi na nang umabot sa ospital ang tatlo. At patuloy pa ring nakasapo sa puso si Labra dahil inaatake pa rin. Ewan ko kung sa totoong buhay ay kayang atakehin ng isa o dalawang oras ang isang tao o baka tigok na siya kapag ganoon kahaba.

Walang tumatawa sa amin. Naisip ko, hindi naman kasi talaga nakakatawa ang eksena, mas tamang sabihin na nakakaasar. Ang hindi ko makalimutan ay ang reaksyon ng pinsan ko, sabi niya: “Ano ba ‘yan? Komiks na komiks!”

Alam ng pinsan ko na gumagawa ako ng komiks. At nakakabasa siya ng mga gawa ko. Merong bahagi ng kanyang kaalaman na may mga kuwento sa komiks na hindi niya ma-aapreciate. Hindi ko alam kung dahil ito na rin ang pagtingin ng maraming tao sa komiks kaya nakisang-ayon na rin siya.

Anong meron sa kuwentong komiks at marami pang ring kuwestyon dito? May pananagutan kaya tayong lahat na gumagawa ng komiks, o ng mga nauna sa atin, kaya nangyari ito?

Last year, habang ginagawa ko ang storyboard ng pelikulang ‘Dayo’, ay biniro ko ang writer nito habang katabi ko. Ang eksena kasi, lumabas galing sa ilalim ng lupa ang mga ugat ng punongkahoy. Nangyari ito sa loob ng kuwarto ng mga karakter, ang sahig nila ay gawa sa semento, kaya natural na nang lumabas ang mga ugat ay nasira ang semento, kasama ang iba pang gamit na nagbagsakan, sofa na bumaligtad, mesa na humagis, at iba pang flower vase, picture frames, etc.

Ang sumunod na eksena ay nang magdatingan na ang mga tao para tingnan ang mga ugat na naglabasan galing sa lupa, nakapagtataka, parang walang nangyari sa sahig na semento, nakaayos ang lahat—sofa, mesa, vase, etc.

“Bakit biglang umayos ang kuwarto? Paanong nabuo ‘yung sahig?” biro ko para lang asarin ang kaibigan kong writer.

“Hay naku, Randy. Wag ka na umangal! Cartoons ‘yan, ‘no. Hindi naman puwedeng lahat ay may explanation.”

May punto naman talaga siya. Fiction naman ito at pelikulang pambata pa. Hindi na kailangan pa ng mahabang paliwanag.

Pero paano kaya kung ang kuwento ay isang ‘historical fact’? Halimbawa ay galing sa Bibliya? Tatanggapin ba natin ito kahit hindi natin kayang I-explain?

Halimbawa, sa kuwento ng Noah’s ark. Kung saan binigyan ng napakaikling panahon ng Diyos si Noah para gawin ang arko, paano nila itong natapos kung ilan lang silang tao na gumagawa? Paano nila nabuhat ang troso?

Gaano kalaki ang arko at nagkasya dito ang lahat ng magkakapares na hayop sa buong mundo? Aware kaya si Noah na may geographical basis ang existence ng bawat hayup? Halimbawa, ang polar bear at penguin ay sa Arctic lang makikita, nagpunta pa kaya siya ng Arctic? O ang panda na sa China lang matatagpuan? Ang tamaraw at tarsier na sa Pilipinas lang makikita?

Eksakto kaya ang dalang pagkain ni Noah para pakainin silang lahat sa loob ng 40 araw sa gitna ng baha? Nagdala kaya siya ng extrang karne para may maipakain sa mga carnivorous na hayop? Pinagtiyagaan kayang kainin ng leon at tigre ang prutas at gulay sa halip na matakam sa iba pang hayop na kasama nila sa loob ng arko?

Kung napuno ng tubig ang buong mundo, nasaan na ito ngayon? Saan ito nag-evaporate? Sa universe?

Marami pang tanong. Pero ipinauubaya ko na lang ito sa mga Biblista. Hindi ako eksperto sa ganitong isyu kaya wala akong karapatan dito.

Ipinakita ko lang na ang papel ng manunulat ay hindi lang basta magbasa. May option tayo para tanggapin o hindi ang binabasa natin. At kung paano ito magri-reflect kung sakaling tayo naman ang magsusulat ng kuwento.

Wednesday, April 22, 2009

RAMPA PARA SA KALIKASAN

Venue: Sta. Lucia East Grand Mall Entertainment Plaza
Date: April 24, 2009 (4pm)
Admission is free!!!

Tuesday, April 21, 2009

GLASS UTOPIA

Tuesday, April 14, 2009

BAKASYON MUNA

Nasa bakasyon ako sa amin sa Romblon. Masyadong mainit ang panahon sa Maynila. Baka next week na ulit ako makapag-post ng entry dito sa blog. Hanggang sa muli!



Monday, April 06, 2009

JIM FERNANDEZ

Isa sa maraming nagawang nobela sa komiks ay si Jim Fernandez. Bukod sa Zuma ay napakarami rin niyang karakter na nagawa, hindi nga lang sumikat ang karamihan dito dahil hindi nai-pelikula. Mahirap gawan ng pelikula ang ilan sa mga nobela ni Fernandez dahil kakailanganin ang matinding special effects at film graphics para mapalabas ito ng maayos. Noong 1980's, mas nag-explore sa science fiction, historical stories, at high fantasy si Fernandez. Iyon din siguro ang malaking dahilan kaya hindi gaanong nailipat sa pelikula ang mga obra niya.

Sa panahon ngayon na gumaganda na ang graphics ng pelikula, magandang balikan ulit ang mga obra ni Fernandez.

Bago nga pala naging fulltime writer si Fernandez ay dati siyang illustrator noong panahon nina Nestor Redondo.

Ilan lamang ito sa mga nobela niya na iginuhit ng iba't ibang dibuhista.






Thursday, April 02, 2009

ZUMA


May nabasa ako sa isang Yahoo group na may nagkakalat daw ng press release na ilalabas sa TV ang sikat na komiks character na si Zuma at ang gaganap daw dito ay si Dingdong Dantes. Hindi daw ito alam ni Jim Fernandez (creator ng Zuma) at kung sakali ay baka mauwi lang daw sa demandahan.

Dahil ang totoo daw yatang balita ay nabili na ng channel 2 ang rights ng Galema: Anak ni Zuma at isa sa napipisil na gumanap dito ay si Anne Curtis.

Kunsabagay, kung sakali nga kayang gumanap na Zuma si Dingdong ay handa siyang magpakalbo? Saka masyadong maamo ang mukha niya para sa Zuma, kung magkakaganito ay baka maiba lang ang istorya ng Zuma the komiks character.

Pero para sa akin, malabo nang mabuhay si Zuma sa panahong ito. Mamamatay siya sa gutom. Ang kinakain lang niya ay puso ng birhen. May makakain pa ba siyang birhen ngayon? Hehehe joke lang!

Pero seriously speaking, isa si Zuma sa pinaka-interesting na komiks character noong kapanahunan ko sa pagbabasa ng komiks. Mas nasubaybayan ko ang 'Anak ni Zuma' (ito iyong na-pelikula) kesa doon sa 'Angkan ni Zuma' (na Viking era ang setting). Anti-hero kasi si Zuma, kaaway siya ng mabuti, pero kaaway din siya ng masasama. Wala siyang pinapanigan. Basta kung ano ang trip niyang gawin ay gagawin niya, gusto man ito ng reader o hindi.

Kailanman ay hindi ko pa nakita ng personal si Jim Fernandez. Pero sa mga nobelang likha niya sa komiks, nababasa ko na mahilig siya sa science at history. Medyo class A ang tipo ng kuwento ni Fernandez kumpara sa mga 'masang-masang' kuwento ng iba pa sikat sa writers. Hindi nakapagtatakang sa dinami-dami ng characters na likha niya (Zarbot, Olympia, The Gorgon, Horus), ay Zuma lang ang mas tumatak sa masa.

Sa kuwentong Zuma lamang, malalaman natin na may alam sa history si Fernandez. May kutob ako na kinuha niya ang pangalang Zuma sa Moctezuma, emperor ng Aztec empire, kung saan isa ring Aztec ang komiks character na si Zuma.

At ayon na rin sa kasaysayan, mga heiroglyphics na nakita, fascinated ang Aztec empire sa 'ahas'. Kaya ang ama ni Zuma ay isang ahas na may pakpak na pinangalanang Kukulkan.

May tala rin sa kasaysayan na ang libingan (tomb) ni Moctezuma ay napapaligiran ng maze na puro ahas.

Ito marahil ang mga naging inspirasyon ni Fernandez kaya nabuo ang Zuma. Hindi gaya ng ibang komiks characters na direktang humango sa American comicbooks.

Isa ring orihinal na idea ang mga ahas ni Zuma na nasa leeg. Isang karakter na walang pinagkunan alinmang karakter sa ibang bansa. Naisip ko, kung mayroon sigurong Pinoy karakter na ipagmamalaki sa international comics, in terms of originality, ay isa itong Zuma sa nasa itaas na listahan.

(Ang Zuma cover na nasa itaas ay galing kay Arman Francisco.)