Isa sa pinaka-poetic na pelikulang napanood ko ay itong ‘Eternity and a Day’(Evigheten och en dag) ni Theo Angelopoulos, napaka-‘matulain’ nito sa lahat ng aspeto—dialogues, acting, at visual presentation.
Alam naman natin na kapag sinabing tula, hindi lang ito basta ‘play of words’, kasama na dito ang mismong kaluluwa ng poet. Hindi lang ito paghugot ng mga bokabularyo kundi inilalabas din nito ang lahat-lahat—talino, karanasan, at pagkatao.
Sa madaling salita, ang tula ay isang malalim na anyo ng sining.
Hindi ako mahilig sa tula, sa totoo lang. Pakiramdam ko ay hindi naman ako malalim. At isa pa, tamad akong maghalukay ng mga salita kung ano ang ibig sabihin ng mga ito. Kaya nga mula nang maging ‘published writer’ ako, kahit isa ay hindi man lang ako sumubok na magsulat ng tula. At sa totoo lang, kahit sa mga niligawan ko noon ay hindi ako nakagawa ng kahit isang tula.
Sobra ang paggalang ko sa ‘poetry’ kaya ayaw ko itong pasukan. Baka mababoy lang.
Para sa kaalaman ng lahat, noong 70s ay nagkaroon ng ‘maliit na debate’ ang manunulat na si F. Sionil Jose at ang kartonistang si Nonoy Marcelo (Ikabod). Nagtalo sila kung ano ang pinakamataas na uri ng sining. Ang sabi ni F. Sionil, poetry daw. Ang sabi naman ni Nonoy, animation daw.
Sa palagay ko ay magkaiba sila ng ‘wavelength’ kaya hindi sila nagkasundo sa puntong iyon. Si F. Sionil, tinitingnan ang kaluluwa ng lengguwahe, si Nonoy naman ay tiningnan ang teknikalidad at kung gaano kabusisi ang paggawa ng gumagalaw na larawan.
ANG poetic presentation ay kadalasang lumalabas sa ‘tunay na alagad ng sining’ ng isang medium. Sinabi kong ‘tunay’ dahil ang katawagang ‘artist’ ay kasing-normal na lang ngayon ng salitang ‘pare’ o ‘kakosa’ o ‘utol’. Puwede mo ngayong tawaging artist ang isang tao kahit ang alam lang niyang gawin ay gumawa ng tinapay.
Marunong akong mag-drawing, pero hindi ako artist. Marunong akong magsulat, pero hindi rin ako artist. Ang mga ito ay skills. Kaya itong ituro kaninuman, basta may tiyaga at tiwala sa sarili.
Ang depinisyon ng pagiging artist ay kasinlaki ng kalawakan. Hindi ito kayang ikulong sa isang paliwanag, kaya nga walang ‘scientific approach’ dito. Puwedeng kasinggaling mo si Norman Rockwell pero illustrator lang ang tawag sa iyo. Puwedeng kasing-baliw mo si Jacson Pollock at sasambahin ka sa buong artworld.
ANG komiks ay isang uri ng ‘komunikasyon’ (sa pagitan ng creator/s at reader), isa rin itong ‘self-expression’ (na nalilimitahan dahil sa mga rules at guidelines ng publication), ngunit mas mainam na tawagin itong ‘entertainment’.
Inaaliw lang tayo nito para makaalis sa pang-araw-araw na buhay. Hindi nakapagtatakang ang malaking bilang ng mga komiks readers ay mula 30 taong gulang pababa—na mahihilig sa kuwentong pantasya, love story, horror, superhero at adventure.
Ang ‘art’ sa entertainment world ay parang isang oasis sa disyerto. Minsan nga, hindi talaga oasis kundi isang mirage lamang.
Kaya isa talagang ‘rare find’ na makakita tayo ng poetic presentation sa komiks. Bihirang-bihira.
Isa na siguro sa listahan itong ‘Moonshadow’ nina J. M. DeMatteis at Jon J. Muth na nasa American mainstream comics.
Sa local komiks, luluha ka ng dugo bago makatagpo nito. Purely entertainment ang laman ng komiks natin. Pero hindi naman ito masisisi dahil ito naman talaga ang tunay na function ng industry.
Pero sa mga local creators, isa si Vincent Kua Jr. na kinakitaan ko ng ‘poetic presentation’ sa komiks. Siguro dahil sensuwal ang kanyang mga pigura, at may kakaiba siyang panlasa sa visual storytelling, at kasama na siyempre dahil siya ang nagsusulat, nagdu-drawing at nagli-lettering.
Sa graphic novel na ‘Wasted’ ni Gery Alanguilan, makikita ang matulaing presentasyon na may halong pagka-sentimental sa bandang hulihan ng libro.
TAAS-NOO ang pagsasabi ngayon ng marami na: “Panahon na ngayon ng mga independent komiks!” Kasabay din ng pagsasabing: “Art ang ginagawa namin!” Masarap pakinggan ang mga salitang ito…kung ang makakarinig…ay hindi artist.