.
Thursday, June 29, 2006
Wednesday, June 21, 2006
BLOG LESSONS
Kung gusto kong magkaroon ng kakilala, mag-blog ka. Kung gusto mong magkaroong ng kaaway, mag-blog ka. Kung gusto mong may makakilala sa iyo, mag-blog ka. Kung gusto mong may magmura at sumumpa sa iyo, mag-blog ka. Kung gusto mong mag-isip ng ilang araw, makalimutan ang trabaho, masayang ang oras na wala ka namang kinikita, hindi makatulog sa tuwa, at hindi makakain sa inis, MAG-BLOG KA!
Ilang beses ko nang pinlano na iwan na ang mundong ito ng pagba-blog. Ilang beses ko na ring naisip na wala namang akong napapala rito. Puro palabas, wala man lang pakabig. Minsan naisip ko rin na puro kayabangan lang naman ang laman nito. Minsan naman naiisip ko, sa dinami-dami ng tao sa Pilipinas, ako lang pala ang gumagawa ng analysis na ganito (o kung meron mang iba e hindi naman nagsi-share).
Nagkaroon na ako dito ng maraming kaibigan na hindi ko pa nakikita hanggang ngayon. At higit sa lahat, nagkaroon ako dito ng mga kaaway.
Ang problema sa internet, hindi mo alam kung sino ang kausap mo. Hindi mo alam kung kailan seryoso at kung kailan nagbibiro. Hindi mo rin alam kung sino ang seryoso at sino ang tarantado.
Ang pinakamasakit na nangyari sa akin dito sa blog ay nang magtampo sa akin ang teacher ko. Hanggang ngayon hindi ko alam kung bakit. Kung anu-ano na rin ang pinaratang sa akin ng kung sinu-sinong mambabasa nito—charlatan, poseur, siraulo at walang kakuwenta-kuwenta ang sinasabi.
Meron naman dito, ang tinitira ay ang komiks industry, meron naman ang mga artist at writers, meron din naman, iyung mismong mga trabaho ko, at ang pinakamalala, iyong personal na atake.
Naisip ko, hindi talaga nawawalan sa mundo ng taong iba ang takbo ng utak kesa sa mga nakasanayan mo.
Pero kailangan kong tanggapin ang lahat ng ito. Ginawa ko kasi ang blog na ito. Kung hindi ko ito ginawa, e di sana nananahimik lang ako sa bahay. Kesa naman nagsasayang ako ng ilang minuto o oras sa pagsusulat nito ay dapat gumagawa na lang ako ng synopsis ng isang nobela, o kaya nagbabasa ng libro, o kaya nagpa-praktis ng drawing, o kaya nag-gy-gym.
Pero ang dami kong natutunan sa blog. Hindi lang itong topic ko tungkol sa komiks. Sa blog, natuto akong bumasa ng takbo ng utak ng tao, natuto din akong maging pasensyoso, natuto akong mag-isip sa mga bagay na hindi ko naiisip dati para lang may maisulat dito.
Malutong akong magsulat, sanay akong magmura sa mga isinusulat ko, marunong din akong makipagsabayan sa mga kahayupan ng mas hayup pa sa kahayup-hayupan. Pero dahil nga hindi naman ang paghahanap ng kaaway ang purpose ko para magsulat, kaya natuto rin akong magpigil at maging disiplinado.
Gusto kong maging malinis ang laman ng blog na ito. Malinis in the sense na puwede tayong magpunahan ng kani-kaniyang trabaho pero dapat objective. Maniwala kayo, ako ang pinaka-open at pinaka-liberated at pinakamawalak ang pang-unawa na taong makikilala niyo. Sabihan niyo lang ako sa tamang paraan.
Kung makikita ninyo ako ng personal, at makikilala niyo ako ng harapan, masasabi ninyo na ibang-iba ang nakikita ninyong hitsura ko dahil sa mga pinagsusulat ko dito. Sa totoong buhay, tahimik ako, mahiyain, at hindi sanay makipag-showbisan.
Kaya sa aking mga fellow bloggers, at mga bisitang readers, pagpasensyahan niyo na minsan kung nasasaktan kayo sa laman nito, o kaya naman ay tumataba ang puso ninyo, o kaya naman ay tumatalino at bumubobo kayo. Isa lang ang ibig sabihin, kahit paano ay pinag-aaksayahan ninyo ng panahon na damhin ang laman ng blog na ito.
Pasensya na din na kung minsan ay may mga wrong spelling, wrong grammar, wrong sentence, wrong paragraph. Meron din na hindi masyadong na-edit. Meron ding nai-copy-paste ko lang dahil sa pagmamadali. May nakaligtaang pangungusap. Nakalimutan ang credit na dapat ay sa kanya. Nabaligtad ‘yung ibig sabihin. Lumihis ‘yung ibig kong puntuhin. Ibig lang sabihin nito, kina-career ko man itong pagba-blog e meron akong ‘real life’ na mas pinagtutuunan ng pansin. Kailangan kong magtrabaho para lang may makain at maka-survive sa araw-araw na gastusin. May mga tao akong tinutulungan, financially and morally.
Masuwerte nga ‘yung mga taong ipinanganak sa mayamang pamilya, o ‘yung may mga mana sa magulang, o ‘yung kahit hindi na magtrabaho kahit kailan ay may kakainin. ‘Yun bang mga wala nang pinu-problema kundi ano ang isusuot sa date nila, anong sine ang panonoorin sa weekend, anong cellphone ang in ngayon. Subukan ninyong magkaroong ng ‘tunay na responsibilidad’ sa sarili niyo at sa pamilya niyo, malalaman ninyo ang sinasabi ko.
Hindi bagay sa edad ko ang takbo ng utak ko. 14 years old pa lang ay naka-focus na ako sa gusto kong mangyari sa buhay ko. Ngayon, ang dami kong nakikita sa kalye, magsisingkuwenta na e hindi pa rin alam ang gagawin sa sarili. Kasama na diyan ‘yung mga talangka ang utak, mainggitin, tamad, hindi responsable, at kulang sa edukasyon. Ang sarap pagkakaltukan ng mga taong ito. Paano kang uunlad kung ganitong mga tao ang nakapaligid sa iyo? O kung umuunlad ka man, hindi ka tatantanan ng mga hinayupak na ito. Titigil lang sila pag nakasubsob ka hindi lang sa lupa kundi sa poso negro.
Pero alam niyo bang sa lahat ng ito ay natutuwa pa rin ako. Dito ko na-realize na kahit paano pala ay may silbi ang existence ko. Dahil kung hindi, wala nang makikialam sa akin. Para sa inyong lahat: I love you all. Tang inumin niyo, ‘wag Milo. J
(dahil kailangan niyo ng Vitamin C, hehe.)
Monday, June 19, 2006
SARILING MATA
Isa sa weakness ko sa pagdu-drawing ay ang makita ang sariling trabaho na accurate sa paningin. Ibig kong sabihin, minsan sa sobrang pagkahumaling natin sa sarili nating gawa ay hindi na halos natin napapansin ang ilang errors.
Ako kung minsan, kapag actual ko nang ginagawa ang isang artwork, alam ko na ang capacity na kaya kong gawin. Kapag satisfied na ako sa outcome, iniiwan ko na siya na ganu’n. pero madalas ay ilang beses ko muna itong titingnan, pagsasawain ko muna ang mata ko sa mismong image. Pag nakahanap ako ng error, saka ko siya babalikan.
Pero madalas kasi, may mga nakakalampas na hindi mo mapapansin sa una. Ang madalas makalampas sa akin ay iyong proportion ng mga objects sa loob ng artworks—particular na ang human figure. Kapag tinitingnan ko, okay naman siya. Pero kapag nakita ko nang nai-print, saka ko nakikita ang mali. O kaya naman, kung kailan nai-submit ko na sa publisher tapos ay titingnan ko ulit after ng ilang araw o linggo, saka ko nakikita ng malinaw ang mga errors.
May pakiramdam ako sa sarili ko na minsan ay hindi pa ganoon katalas ang mata ko. Good thing na may kasama ako sa bahay na kapag hindi ako kumpiyansa du’n sa dinrawing ko ay sa kanila ko pinapakita. Nakakatulong ng malaki sa akin ang mata ng iba. Minsan ‘yung hindi mo nakikita, nakikita nila.
Dahil hindi naman mga artist ang kasama ko sa bahay, ang mga punang ito ay hindi ko itinuturing na criticism. Kundi isang normal na paningin ng isang karaniwang tao, honest at walang halong theory o philosophy ng art. At kagandahan sa mga taong ito na hindi alam ang mundo ng art, wala silang personal inclination. Kumbaga e wala silang pinagdaanang basic lessons, o art appreciation o kung anumang opinion na pinagkunan kundi parang bata na nakakita ng laruan. Alam kaagad kung baluktot ang daliri, o saliwa ang mata, o hindi pantay ang mga hita.
Noon, kapag wala akong mapagtanungan, ang ginagawa ko ay itinatapat ko ang artwork ko sa harap ng salamin. Mas nakikita ko ng tama ang ginawa ko kapag binaligtad. Pero ngayon ay madali na, pini-flip ko lang ito sa Photoshop. At presto! Kita ko kaagad ang deperensya.
Then na-realize ko, normal siguro na sakit ito ng artist. Sinubukan ko kasing pag-aralan ang gawa ng mahuhusay na artists (mga idol ko), tapos ini-scan ko ang mga trabaho, saka ko binaligtad sa Photoshop, nakakita rin ako ng ilang maling proportions.
Hindi ko alam kung naka-set na ang mata natin sa visual image na nakatanim sa ating isip. Na hindi natin nari-realize minsan na kapag binaligtad ito, ang layo doon sa visual image na una nating nakita. Well, siguro nga, kailangan natin ng ibang mata para makatulong sa atin.
Friday, June 16, 2006
ADJUSTMENT
Two and a half years din akong pumasok sa opisina. Ngayong tapos na ang contract ko ay hawak ko na ulit ang oras ko. Magagawa ko na ang mga personal projects na hindi ko magawa noon dahil nakatali nga ako sa day job.
Pero dalawang linggo na ang nakalipas pero hindi pa rin ako sanay sa set up ng schedule ko. Kung tutuusin ay mas marami sana akong magagawa ngayon dahil naka-line up na ang mga freelance jobs ko pero baligtad ang nangyari, mas hindi ako makapagtrabaho. Hinahanap ng katawan ko ang nakasanayan kong pagpasok sa opisina. Paggising ng maaga, ligo, sakay ng jeep, ‘yung nagmamadali ka ng oras, ‘yung pressure na binibigay sa inyo ng boss niyo. Kaya ngayon, halos nauubos ang maghapon ko na nakahiga, nanonood ng tv, nagbabasa, at nakikipagdaldalan sa kung sino mang mga tambay sa labas ng bahay.
Noong nag-o-opisina pa kasi ako, sanay ako na umuuwing pagod tapos ay babanatan ko pa ang mga komiks na ginagawa ko. Inaabot ako ng madaling-araw sa kadu-drawing pero okey lang sa akin. Nasanay ako sa ganoong set up.
Ngayon ko lang naintindihan ‘yung mga matatanda na nagsilbi ng 20-30 years sa pagpasok sa trabaho, na kahit nag-retiro na ay bumabalik pa rin sa trabaho kahit walang suweldo. Ang hahanapin mo na lang sa dati mong pinapasukan ay ‘yung amoy ng mesa at upuan mo, ang mga kasamahan, at ‘yung daily activities mo sa trabaho.
Pero nagtataka rin ako sa sarili ko. Noong mga past jobs ko ay hindi ako ganito. Siguro dahil na-enjoy ko ng husto ang pagiging game designer. Ang dami ko kasing natututunan araw-araw.
MALAY MYSTERIES
Sa wakas ay natapo ko na rin ang project ko para sa Shoto Press. Mahigit dalawang buwan ko ring tinapos ito. Ibang-iba kasi ito sa mga komiks na nai-drawing ko. Bukod sa puro lapis lang na may tonal value, maliit pa ang size (kasinlaki lang ng bond paper ang original drawings), at fixed na ang mga panels.
Kung tutuusin ay pinag-eksperimentuhan lang ako ng writer nito na si Jai Sen. Ang series kasi ng The Malay Mysteries ay talagang ‘manga’. Kaya naman napunta sa akin ay dahil iyung 4th issue ay medyo dream-like at puro flashback ang nangyari. At ayaw nila na maging Japanese style ang dating nito.
Pagkatapos kong gawin ang kuwentong ito, doon ko lang nalaman na mahusay palang writer itong si Jai Sen. Noong una ko kasing binasa ang script, hindi ko naramdaman. Pero nu’ng dinu-drawing ko na, saka ako tinablan. Kaya pala nominated ito sa Eisner Award. May time pa nga na talagang konti na lang ay maiiyak na ako sa ending. Ang ganda kasi ng banat ni Jai sa caption: “Yes, they take our spices and our wood and whatnot…But this place takes things from them too…”
“Think of how different our islands are from where they come from, how strange and lonely their lives must be…”
Habang mababasa ang caption na ito, makikita sa eksena ang isang basag ngunit mamahaling tasa. Sa background ay makikita ang isang magsasaka na nagtatrabaho at isang dalagang papalayo sa malaking mansyon.
Ang kuwento kasi nito ay tungkol sa pananakop ng Dutch sa Malaysia noong 1800. Pero hindi violent ang approach. Nakatutok ang kuwento sa isang mayamang hacienderang Dutch at sa isang manggagamot na gumagamit ng traditional medicine.
Sa lahat ng naging project ko sa mga indies abroad, ito ang maipagmamalaki ko. Sana nga lang ay maging available ito dito sa Pilipinas para mabasa ng ating mga kababayan. Naka-relate ako sa kuwento siguro dahil naging bahagi rin ng kasaysayan na masakop din tayo ng mga dayuhan.
Monday, June 12, 2006
KUWENTO
Sabi ni Gary Granada sa intro ng isa niyang album: “Ang tao ay hindi lamang religious at political being, siya rin ay created for endearment. Ibig nating lumingap, at ibig nating lingapin. Sa madaling salita, madrama.”
Ang malaking bahagi ng kuwentong Pilipino ay madrama. Nakatatak na sa atin ang mga kuwentong emosyonal mula sa mga libro, tv shows, pelikula, radyo at iba pang media. Likas sa atin ito. Dahil tayong mga Pilipino ay maalalahanin, magalang, mapag-aruga, mapagmahal at romantiko. Ang mga katangiang ito ang dahilan kung bakit nakaka-relate tayo sa mga sitwasyong nakakapagpalambot ng ating puso.
Ang mga pelikula nina Lino Brocka, Ishmael Bernal, ang mga kuwento nina Lualhati Bautista, Ricky Lee, ang mga komiks nina Pablo Gomez, Elena Patron, Gilda Olvidado, iyan ang resulta ng tunay na damdamin ng karaniwang Pilipino.
Sa kabuuan, ang mga kuwentong ito ang itinuturing nating ‘may puso’. May puso ang kuwento kapag naiiyak tayo sa mga eksenang nakakaiyak, tumatawa sa mga eksenang nakakatawa, nagagalit sa mga eksenang nakakagalit. Ibig sabihin, nakukuha tayo ng buong-buo ng kuwentong ating pinanonood o binabasa.
Sa kabilang banda, ang kapatid ng kuwentong ‘may puso’ ay ang kuwentong tinatawag na ‘may utak’. Sa mga kuwentong ito, sinusubok ang ating kakayanan, ang estado natin sa buhay, at ang abot ng ating pang-unawa at pag-iisip. Mas malaking bahagi ng mga kuwentong ito ang madalas kong makita at mabasa sa gawa ng mga Westerners. Sa mga pelikula pa lang, kahit fantasy ay logical, nakukundisyon tayo na dapat natin itong paniwalaan dahil may matibay na basehan at eksplanasyon. Masarap panoorin ang mga palabas na CSI o kaya ay X-Files, nakakapag-exercise ang isip natin.
Hindi ko alam kung may teoryang ganito: Bakit ang mga kuwentong ‘may puso’ ay karamihang nagmumula sa mahihirap na bansa? At bakit naman ang mga kuwentong ‘may utak’ ay karamihang nagmumula sa well-developed countries? Dahil ba sa kalagayan ng mga mamamayan nito? Gaya rin ng mga katanungang: bakit ang dami-daming relihiyon at pinaniniwalaang ‘Diyos’, ‘Tagapagligtas’, ‘Manunubos’ ang mga mahihirap na bansa? Wala na ba silang pag-asa kundi ang mga ‘celestial beings’ na ito?
Gawin pa nating mas particular: Ang mga nagsusulat ba ng mga kuwentong ‘may puso’ ay ‘yung mga taong may masakit at mapait na karanasan sa buhay? Gusto ba niyang I-share ‘yung emotion, at ‘yung lesson na natutunan niya sa mga karanasang ito?
Samantala, ang mga nagsusulat ba ng mga kuwentong ‘may utak’ ay iyong stable ang emotion? Aware nga kaya sila sa feelings ng sensitiveness ng isang individual?
Anu’t anupaman ang kasagutan sa mga tanong na ito, isa lang ang malinaw, ang kuwentong ating pinanonood at binabasa ay nagiging repleksyon ng ating sarili.
Gusto ko ang mga kuwentong may mabababaw na plot. Nakakaaliw ang mga pelikulang kung-fu na nagliliparan at nagtatalsikan sa mga suntukan at sipaan. Ang mga kuwentong ito ay nakakapagpasaya ng panandalian.
Ngunit ang mga kuwentong ‘may puso’ at ‘may utak’ ay mga kuwentong nagiging bahagi na ng buhay ko as a reader at viewer. Ang mga kuwentong ito, kahit ilang taon na nating napanood at nabasa, nakatatak pa rin sa ating isip.
Isa sa paborito kong komiks na ‘may utak’ ay ang Watchmen ni Alan Moore. Bawat isang issue nito ay naghahamon sa reader na mag-isip kung ano ang mangyayari sa susunod.
Isa rin sa gusto kong komiks na ‘may puso’ ay ang American Splendor ni Harvey Pekar. Nararamdaman ko ang emosyon ng writer at mga karanasan niya sa buhay sa bawat issue nito.
Wednesday, June 07, 2006
VINCENT'S FRIENDS
Ilang buwan na rin mula nang mamatay si Vincent Kua Jr. pero madalas pa ring may sumulat sa akin (pati na blog entry ko) tungkol sa kanya. Siguro dahil konti lang kami sa web world na may tribute tungkol kay Vincent (kasama sina Dennis Villegas, Gerry Alanguilan at Elvert Bañares). 'Yung ibang mga sumulat sa akin ay mga dating kaibigan ni Vincent na wala nang contact sa kanya. Kahit paano ay nagpapasalamat sila sa space na inilaan ko dito para sa isang batikang creator ng komiks.
Sa totoo ay wala na rin akong contact sa mga kamag-anak ni Vincent. Hindi ko alam kung active pa 'yung number niya na ginagamit ng kanyang pamangkin, dahil minsan ko nang tinawagan pero laging naka-off. Wala rin akong idea kung nasaan na rin ang mga original drawings at compilation ng mga nobela ni Vincent. Pero pipilitin kong makipag-kontakan sa iba pang kaibigan ni Vincent sa industriya kung sino pa sa kanila ang nag-iingat ng ilan niyang trabaho.
Sa mga kaibigan ni Vincent, maraming salamat sa inyong lahat sa pagbabasa ng blog na ito.
Tuesday, June 06, 2006
KOMIKS AS ART!
Nakabili ako ng back issue ng Modern Painters magazine noong isang linggo at hulaan niyo kung ano ang main feature nila.
Yes! Comics as an artform!
Ang makikita sa cover ay ang Peanuts ni Charles Schulz. Ang buong article ay tungkol sa mga visionaries ng American comics tulad nina Jack Kirby, Will Eisner, Robert Crumb, Art Speigelman, Chris Ware, Charles Schulz, at marami pang iba. May nag-post dati sa message board ni Gerry Alanguilan ang tungkol sa exhibition ng mga comics art sa New York, ang kinalabasan ng event na iyon ay ang article na mababasa sa magazine na ito.
Sa kasalukuyang panahon natin, highly debatable pa rin kung tatanggapin nga sa artworld ang komiks. Gaya rin ng debate kung tatanggapin din ang komiks sa literary world naman. Ang lupit ano? Bastardo talaga ang komiks alinman sa art at literature.
Ang weird talaga minsan ng mga sitwasyon. May nabasa naman akong article, ang tunay daw na painter ay ‘yung gumagamit lang ng oil paint. The rest, gaya ng watercolor, acrylic, pastel, etc. ay hindi daw maituturing na tunay na art. Napapakamot na lang ako sa ulo kapag nakakabasa ako ng ganito. Meron talagang mga taong conservative pagdating sa maraming bagay. Mali ang ganito, mali ang ganoon. Doon natin malalaman na talagang iba-iba ang tao. Ang gusto nating mangyari ay hindi applicable sa iba.
Ako, ang tingin ko sa komiks ay parehong art at literature. At ako bilang creator ang mag-iinterpret nu’n kung bakit art at literature ang tingin ko dito. Siguro naman ay mas kapani-paniwala ang komiks kumpara sa mga ito:
Sleeping as an Art Form
Killing as Art
The Art of Motorcycle Riding
The Art of Nothing
Ilan lang ‘yan sa mga libro at article na nabasa ko.
Ito pa ang iba: itinuturing na ngayon na ang pagtatahi ng damit ay art. Pati ang paggawa ng cake ay art. Pati ang pagmumura ay art na rin. Hehehe! Ang lawak-lawak naman ng sinasakop ng demonyong art na ito.
Isa pa sa nakikita kong ‘wall’ kung bakit talagang hindi ikino-consider na art or literature ang komiks ay dahil sa rating dito ng maraming tao. Hanggang ngayon, ang paniniwala pa rin, ang komiks ay talagang pambata lang. Well, siguro nga dahil sa pangalang ‘comics’ (funnies). Mabuti na lang at binigyan ito ni Eisner ng bagong katawagan (graphic novel).
Pero sa maniwala kayo at sa hindi, kung sa ibang bansa ay pambata ang tingin nila sa komiks, dito sa Pilipinas ay hindi ganito ang tingin ng ating mga kababayan. Mabibilang ko sa daliri ang lahat ng komiks na pambata na lumabas dito sa Pilipinas, pero ‘yung mga komiks na may temang pang-adults e siguradong tatambakan tayo. Ano lang ba ang komiks na pambata dito? Funny Komiks, Bata Batuta, Kiddie Komiks, Culture Crash (pang-teenager).
Isa lang talaga ang sa tingin ko ay masakit na tingin ng ating mga kababayan pagdating sa komiks. Baduy at bakya! Pero hindi pambata.
ART & PHYSICS
Kasalukuyan kong binabasa ang librong Art & Physics: Parallel Visions in Space, Time and Light ni Leonard Shlain. Masasabi ko na isa ito sa pinakamagandang libro na nabasa ko tungkol sa art history and theory. Siguradong magugustuhan din ito ng mga mahihilig sa science.
Mababasa sa pagsisimula ng librong ito ang sinabi ni Shlain: “I am by profession neither a physicist nor an art critic, but a surgeon, so I brought to both art and physics a relatively unbiased eye and a beginner’s mind. Though my innocence demanded that I do far more research than an expert might have had to do to understand the nuances of my subject, it also had distinct advantages. Because I do not rely on either field for my living, for instance, I can be somewhat freer in my speculations than professionals who have something at stake to lose. I approach physics as if I were an artist trying to explain its principles to other artists. Similarly, by using a scientific interpretation, I hope to demystify art.”
Dahil sa librong ito, naintindihan kong lalo ang abstractionism at abstract expressionism na talagang hindi ko masakyan noon pa.
Meron ditong mga points na tingin ko ay makakapagbigay ng further observations pagdating sa komiks art. Lalo na sa styles at presentations na nagdi-depende sa culture na pinanggalingan ng isang creator.
Isa pa sa pinakagusto ko sa librong ito, nagkaroon akong interes sa subject na Physics na talagang isinusuka ko noong nasa eskuwelahan pa lang ako. Ngayon, gusto ko tuloy mag-enroll ulit sa fourth year high school para maintindihan ko ang pinagsasabi ni Shlain.
Para sa discussions at personal niyong matanong si Shlain o kaya naman ay bumili ng libro, puwede kayong bumisita sa www.artandphysics.com
Sunday, June 04, 2006
SKETCHING FOR A CAUSE
Isang magandang project ang naisip ng Concerned Artists of the Philippines. Isa ako sa naimbitahan na sumama sa isang sketching session na ginanap noong nakaraang June 2. Naka-pose sa harapan ng mga artists ang mga magsasaka, mangingisda, estudyante, propesyunal, at iba pang uri ng tao sa lipunan. Hindi biro ang event na ito dahil naging gathering na rin ng mga sikat at mahuhusay na pintor ng bansa. Mas maraming dumating na mga social-realist artists dahil ito ang forte nila.
Ang lahat ng mga drawings at paintings na ginawa ay ipagbibili at ang lahat ng kikitain ay ibibigay sa pangangailangan ng mga mahihirap nating kababayan.
Magkakaroon pa ulit ng ganitong mga sessions at bukas ang CAP na mag-imbita pa ng mga artists para dito. Magpo-post ako dito kapag may mga susunod pang activities tulad nito.
Puwede ring mag-email sa concerned_artists_phil@yahoo.com
KOMIKS AS ART?
Dinalaw ako noong isang araw ng dating kasamahan sa ‘pakikibaka’. Active member din siya ng Concerned Artists of the Philippines at madalas na ang exposure niya ngayon pagdating sa sining—mapa visual arts, films, music at theater—ay social realism.
Dati rin akong social realist pero dahil sa experiences ko as a commercial artist (at bayaran para mabuhay) pero mahilig magbasa ng mga libro tungkol sa history at theories ng art, na may kahalong personal na kabaliwan, nalaman ko sa sarili ko na mas surrealist-leaning ako ngayon.
Kung magpipinta ulit siguro ako ngayon, ang message na gusto kong iparating sa viewer ay hindi ko ibibigay ng harapan at direkta (social realists). Masyado akong fascinated sa imagination at thinking process ng isang tao. Gusto kong matuto siyang umunawa sa mga messages na hindi parang kanin na isusubo sa kanya. Gusto kong magkaroon ng ‘intellectual masturbation’ sa sarili ang viewer kung ano ang pakahulugan niya sa art na nasa kanyang harapan.
Para sa akin, ang direktang message na ibig ipakita ng artist ay mayroong particular na ‘target market’. Halimbawa, ang isang painting na makikita ang mga magsasakang nagra-rally, maaring maka-relate dito ang isang mahirap at ordinaryong manggagawa. Ngunit kung ipapakita mo ito sa isang tulad ng boss ko sa Makati na tumira ng matagal sa New York, USA at may malaking bahay sa Forbes Park, mapapailing lang siya. “Leftist!” Maaring ito kaagad ang reaction niya.
Sa aking pananaw, ang mga interpretations ng viewer sa isang art ay magdi-depende kung ano siya. Relativity!
Ang tingin ng pulubi sa litsong baboy ay pagkain. Sa mayaman naman ay cholesterol. At maari din na ang tingin naman dito ng relihiyoso ay isang santo na dapat sambahin.
Nang makita ng kaibigan ko ang mga original komiks pages na naka-displey sa dingding ng working area ko (kasama sa mga naka-displey ang gawa nina Hal Santiago, Mar Santana, Jun Borillo, Nestor Malgapo at Nestor Redondo), naitanong kaagad niya. “Anong tawag sa style na ‘yan?”
Sabi ko, “Komiks art. Pen & ink.”
Nagulat ako dahil iba ang pananaw niya sa art ng komiks. “Napaka-sensual pala ng art ng komiks. Ngayon lang kasi ako nakakita ng original na ganito. Hindi siya bastos pero nararamdaman ko na may libog siya. Ibang klase ang dating niya sa akin.”
Sa puntong ito, may natutunan ako sa ibang klaseng pagtingin sa art ng komiks.