May bumili minsan sa Filbars: “Magkano ‘yan?” sabay turo sa graphic novel ni Will Eisner na pinamagatang ‘A Contract With God’.
Sumagot ang saleslady: “Alin? Itong pambata?”
Will Eisner? Pambata?
Una kong na-encounter ang isang napaka-seryosong kuwento na ginamitan ng cartoons na drawing nang mabasa ko ang ‘Maus’ ni Art Speigelman. Aaminin ko sa inyo, nang mabasa ko ito ay bigla nitong binago ang pagtingin ko sa komiks.
Pero bago itong ‘Maus’ encounter ko, naguguluhan ako bilang komiks reader. Kung gusto kong magbasa noon ng seryoso at malalim-lalim na kuwento, prose o kaya ay libro ang hinahanap ko. Nagiging takbuhan ko lang ang komiks noon kapag may nakita akong magandang drawing. Sa madaling salita, hindi ko siniseryoso ang pagbabasa ng komiks, drawing lang ang habol ko. Mas siniseryoso ko ang libro na gawa ng mga matitinik na writers.
Mas gusto ko ang kuwento ng mga totoong tao. Fictional man, basta nasa reality. Kaya siguro mas marami akong nabasang Filipino komiks kesa gawa ng mga Amerikano. Mas sayad sa lupa kasi ang kuwento ng mga Pinoy. Ayoko ng mga diyos na nag-uusap, o kaya nagpapalakasan ng powers, o kaya mga anik-anik na nilululon, sinusubo, sinusuot, sinisigaw tapos magiging tagapagligtas na ng buong sangkatauhan (lahat e gustong maging Kristo).
Huwag niyo itong ma-misinterpret. Gusto ko rin namang gumawa ng ganitong mga kuwento paminsan-minsan, pero mas natitipuhan ko talaga ang ‘kuwentong totoo’. Kung sa pelikula nga, ang madalas kong naririnig na paborito nila ay ‘Star Wars’ o kaya ‘Lord of the Rings’, ang paborito ko naman ay ‘Forrest Gump’. Punyemas! Apat na beses ko itong pinanood, ito ang kaisa-isang pelikula na pinanood ko ng ganito karaming ulit.
Ang ‘Maus’ ang nagdala sa akin sa mundo ng ‘pantasya’ pero nasa reyalidad. Pantasya dahil hindi naman mga tao ang bida kundi mga daga, pusa, baboy at kung anu-ano pang kahayupan. Ang unang nag-register kaagad sa akin, napaka-symbolic ng kuwentong ito. Isang makapanindig-balahibong kuwento ng ‘Holocaust’ sa isang napakagaan na presentasyon. Hindi ko talaga makalimutan.
Pagkatapos nito, naghanap pa ako ng iba pang komiks na katulad ng ‘Maus’. Seryoso ang paksa, pero hindi kinakailangang seryoso din ang drawing. Ang ganda ng kumbinasyon. Inaaliw ka ng visual side, pero tumatama sa puso mo ang kuwento.
Kaya siguro sa mahigit fifteen years ko sa komiks na pagdu-drawing ng mga seryosong tao (dahil sa training namin kay Hal Santiago), bigla e naisipan kong gawin ang ‘Diosa Hubadera’ na ang naging inspirasyon ko naman ay ang ‘Persepolis’ ni Marjane Satrapi.
Siguro kung buhay pa ang mga malalaking publications dito, kung magsa-sample ka sa mga editors ng ganitong drawing, ang mga komiks lang na ito ang babagsakan mo: Ayos, Komedi, Happy, Bata Batuta at Funny Komiks. o kung mamalas-malasin ka pa, sasabihan ka ng editor na magpunta ka na lang sa mga dyaryo at doon ka gumawa ng comic strip.
Dito sa Pilipinas, hindi pa gaanong nai-explore ang ganitong klase ng presentasyon. Medyo conservative pa tayo sa pagpapasok ng ibang idea sa paggawa ng komiks. Either malalim ang ugat ng orientation natin na kapag seryoso ang kuwento ay dapat seryoso ang drawing, or kailangan nating maging seryoso ang drawing para ma-penetrate natin ang malaking pera ng Marvel at DC. Of course, nakatanim na rin sa ating utak na kailangan nating gumawa ng cartoons para maging ‘patawa’ sa mga dyaryo.
Ngayon ko lang na-realize na masarap palang namnamin ang mga symbolic na bagay. Minsan kapag nakahiga tayo at nakatingin sa kisame, nakakakita tayo ng mga mukha, imaginary faces. Minsan naman ang tingin natin sa harapan ng kotse, mukha rin. Para bang nakatanim na sa ating utak na may mga bagay na naka-arrange para maging mata, ilong at bibig kahit hindi naman.
Sa tingin ko, effective ang ganitong klase ng presentasyon sa komiks. Hindi mo lang basta bibigyan ng kuwento ang readers, hindi mo lang isusubo ang lahat ng visuals sa kanila, bibigyan mo sila ng chance para magkaroon ng realization: “Oo nga, ‘no! Ganito nga ‘yun!”
Sa cartoony na drawing, hindi mo idi-distract ang tuloy-tuloy na pagbabasa ng reader (kapag super realistic kasi, minsan nagpo-pause pa ang reader at maiiba na ang kanyang atensyon), ibibigay mo sa kanya ang masarap, magaan at ‘universal’ na storytelling.
Ibinibigay mo rin sa kanya ang kauna-unahang paraan ng paggawa ng komiks. At para sa kaalaman nating lahat, ang kauna-unahang komiks ay gawa sa cartoons.