Nagsimula ang lahat sa isang cartoon character (‘Yellow Kid’ sa Amerika samantalang ‘Kenkoy’ naman sa Pilipinas). Mula rito ay ipinanganak na ang iba’t ibang kuwento sa komiks—mula sa adventure, pantasya, katatakutan, drama at love story.
Sa American comics, ang 80% ng genre na kanilang inilalabas ay patungkol sa superheroes at mga pakikipagsapalaran nito. Sa superhero genre na-develop ng husto ang dynamic na visual storytelling sa komiks dahil sa maaksyon nitong mga eksena, mga anggulong malilikot, mga eksaheradong galaw at diyalogo.
Samantala, ang malaking porsyento ng mga kuwentong inilalabas sa Pilipino komiks ay palagi nang sa drama/melodrama at magic-realism o pantasya kaya ang dinamikong visual storytelling dito sa atin ay hindi kapareho ng sa American comics.
Kagaya rin ng sa Japanese comics na ibang-iba rin ang porma ng storytelling..
Ang lahat ng ito ay salamin ng kultural na pananaw ng magkakaibang lahi.
Matagal na panahon na itinuring ng marami ang komiks bilang ‘funnies’ o isa lamang panlibang at pampalipas oras. Kumbaga, ang role lang nito ay para kunin saglit ang panahon ng mambabasa at huwag na siyang pag-isipin pa ng matagal. At kung maaari ay huwag na itong makaapekto sa kanyang buhay at pananaw.
Sa nakaraang dalawampung taon, mayroong mga indibidwal na may ibang paniniwala tungkol sa midyum ng komiks. Si Art Speigelman, halimbawa, nang ilabas niya ang ‘Maus’ at maging kauna-unahang komiks na nakakuha ng Pulitzer Prize, ay isang comics creator na may ibang panlasa at ‘vision’ para sa komiks.
Sa kasalukuyan, ang mga creators gaya ni Speigelman ay maituturing nating ‘movement’ ng ‘pagpapaangat ng nilalaman ng komiks para sa kamalayan ng mambabasa nito’. Dahil sa nabuksan na sa publiko na ‘puwede pala ito sa komiks’, maging ang mga superhero stories nila ay umangat din ang lebel ng ipinapakitang istorya (bagama’t pantasya pa rin) na makikita sa gawa nina Alan Moore at Frank Miller.
Sa Pilipinas, dahil nakakawing tayo sa drama/melodramang mga istorya, mas malapit-lapit tayo sa reyalidad ng buhay. Halimbawa, ang kuwento noong araw nina Pablo Gomez at Clodualdo del Mundo ay normal na pagpapakita ng buhay dito sa Pilipinas. Ngunit dahil nga ‘komiks lang’ sa taguri, nagpapakita pa rin sila ng eksaherasyon sa mga eksena at pangyayari na kung pakaiisipin natin ay hindi naman puwedeng mangyari.
Halimbawa, sa mga pelikula ni FPJ kung saan ang kuwento ay umiikot lang sa labanan ng mga sanggano at alagad ng batas—mga kuwentong totoong nangyayari sa reyalidad—na hinaluan ng eksaherasyon. Naka-dalawampung putok na yata ang caliber 45 ni FPJ ay hindi pa ubos ang bala, nakipagbarilan siya ng sabayan sa sampung goons pero nauunahan niya pang pagbabarilin ang mga ito, at ang pinakamalala, nagbabarilan na ay nagdadaldalan pa ng kung anu-anong dialogues na aabot ng sampung minuto ang sagutan.
Subject for exaggeration ang komiks dahil nga ang primary function nito ay bilang entertainment lamang—noong mga panahong iyon.
Ngunit maraming likha sa komiks ang walang eksaherasyon kundi pagpapakita lamang ng totoong pangyayari sa buhay. Halimbawa, ang short story na ito ni Lualhati Bautista na pinamagatang ‘Mga Tanong Mga Sagot’ kung saan isang tumatandang ina ang nagkaroon ng pagtatanong sa sarili na kung hindi kaya siya nakapag-asawa ng maaga ay malayo pa kaya ang mararating niya sa buhay.
Sa kuwentong ito ni Fermin Salvador na pinamagatang ‘Met Crystal’, kung saan isang Pilipinong nagtatrabaho sa Amerika ay pagpapakita ng pagkakaiba ng dalawang kultura patungkol sa isyu ng seksuwalidad.
Sa kuwentong ‘Marami pa ring Tanga sa Maynila’ ni Rading Sabater, kung saan ipinapakita ang tunay na hitsura ng lungsod na kahit ang mga taong dito na lumaki ay marami pa ring hindi nalalaman.
Mabibilang pa sa daliri ang ganitong uri ng kuwento sa komiks ng Pilipino. Sumusundot-sundot lang ito sa mga short stories, at lalo pang mas madalang sa mga nobela. At kalimitan pa, mga babaeng manunulat ang nagsusulat nito sa nobela—Elena Patron, Nerrisa Cabral, Gilda Olvidado, Ofelia Concepcion, at iba pa. Paboritong paksa ang isyung relationship at problemang pampamilya. Ngunit nasa lebel pa rin ng ‘entertainment’, iyan ang ‘sumpang’ kailanman ay hindi maalis-alis sa komiks.
Sa Western comicbooks, gaya nga ng nabanggit ko, may ‘silent movement’ na nagsusulong ng mga kuwento na kasing-taas ng mga isinusulat ng mga literary writers at mga manunulat na nasa akademya. Ito ang mga komiks na walang halong eksaherasyon, walang ‘flowery elements’, at higit sa lahat, wala ni katiting kang matatawag na ‘funnies’.
Halimbawa, sa likhang ito ni Miriam Katin na pinamagatang ‘We Are On Our Own’, kung saan inilarawan niya ang karanasan nilang mag-ina sa pagtakas nila sa Germany noong panahon ni Hitler (pamilya sila ng Jew), ay naging tapat sa tunay na kalagayan ng mga Hudyo sa mata ng mga Aleman at Ruso.
Sa kuwentong ‘Chicken With Plums’ ni Marjane Satrapi, inilarawan niya ang buhay, pag-ibig at kamatayan ng kanyang tiyuhin na may makabagbag-damdaming rebelasyon sa dulo kung bakit ito namatay.
Sa ‘Pedro and Me’ ni Judd Winick, ikinuwento niya ang lahat-lahat ng karanasan niya sa MTV Real World (parang Pinoy Big Brother dito sa Pilipinas), kung saan nasaksihan niya ang masakit na kamatayan ng ka-housemate na isang bakla.
Ang mga komiks na ito ay salamin ng totoong buhay. Wala ritong bayani, walang bida, walang kontrabida, lahat ay sumasabay lang sa agos ng mga pangyayari.
Sa reyalidad, ang lahat ng tao ay may kani-kaniyang dahilan bakit sila bida at bakit sila kontrabida. Wala silang ‘fixed role’ tulad ng mga napapanood natin sa pelikula at nababasa sa ‘komiks’. Ang role lang nila ay kung paano makipamuhay sa mundong kanilang ginagalawan.
*****
Kung ang komiks ay bunga ng 20th century culture, ang kasalukuyang dekada naman ang panahon kung saan ang kontribusyon ng komiks ay hindi na matatawaran mapa-‘entertainment’ man o panitikan.
Magkakaroon ako ng series of articles tungkol sa mga modernong anyo, makabagong nilalaman at pagtanaw sa komiks. Gusto kong itaon ito habang papalapit ang ‘Pasko ng Komiks’ na gagawin sa UP Diliman. Naniniwala ako na panahon na para mapag-usapan sa akademya ang mga bagay na ito upang sa mga susunod na panahon ay hindi na natin masasabing GUMAGAWA LANG kami ng komiks.
Dapat ay: KAMI AY GUMAGAWA NG KOMIKS!
Sa susunod: KOMIKS BILANG INSTRUMENTONG PULITIKAL