‘SILENT SCHOOLS’
Aminado ang mga matatandang illustrators na nagkaroon ng malaking impluwensya sa kanila ang gawa nina Hal Foster (Prince Valiant) at Alex Raymond (FlashGordon, Rip Kirby). Hindi naman kataka-taka dahil kahit na sa ibang bansa ay kinilala rin ang dalawa bilang mga top comics creators.
Si Hal Foster ang pangunahing idolo ni Hal Santiago sa komiks. Sa katunayan, pati ang pangalan niya ay isinunod sa pangalan nito. Maging ang kanyang mga anak na sina Tristram at Parcenet ay galing sa mga tauhan ng Prince Valiant.
Si Alfredo Alcala ay hindi rin kinakalimutan na isa sa kanyang hinangaan sa komiks ay si Alex Raymond
Ang katotohanan, karaniwan nang iginuguhit ng mga artist noon sa komiks ay galing sa konsepto ng ‘caucasian standard’. Kung atin ding babalikan ang kasaysayan ng pelikula, karamihan ng mga artista lumalabas noon sa pelikula ay puro mestiso at mestisa. Sa madaling salita, iba ang naging na ‘appeal’ sa atin ng kagandahang hindi naman talaga likas sa atin.
Ang komiks ay maihahalintulad sa pelikulang isinalin sa papel. Ang nag-‘eexecute’ ng mga larawan at hitsura nito ay nasa kamay ng illustrator. Kahit pa nga sandamukal ang ‘illustration’s guide’ ng writer, sa dibuhista pa rin mauuwi ang pinakahuling pagpapasya. At dahil papasibol na rin ang pelikula noong araw, ang mga magasin ay kinatatampukan ng mga ‘caucasian beauties’, nakakuha ng basehan dito ang mga Pilipinong dibuhista.
Sa kabilang banda, ang pagpatok ng mga ‘Western standards’ partikular na ang gawa ng mga Amerikano, ay mayroon pa rin mangilan-ngilan sa ating mga dibuhista ang ipinagpatuloy ang ‘ilustrasyong Pilipino’ sa basehang hindi dapat sundin ang mga ‘caucasian type’ of human figure drawing—halimbawa, hindi dapat na nagdu-drawing tayo ng lalake na may walong ulo ang sukat, ang Pilipino daw ay nasa lima hanggang anim na ulo lamang ang sukat. Kapag lumampas sa batayang ito, itinuturing nang gawa ng Amerkano ang impluwensya.
Kabilang sa kilusang ito ang trabaho ni Francisco Reyes. Kung papansining mabuti, ang estilo ng paggawa niya ng tao ay nasa ‘standard’ ng sukat ng Pilipino. Nakuha ito ni Coching, at isinalin naman sa mga susunod pang mga estudyante—tulad ni Rico Javinal. Pinilit din ng kilusang ito na maging ang mga mukha ng tauhan ay maging Pilipinong-Pilipino. Karaniwan nang hindi gaanong tinatangusan ang mga ilong ng babae’t lalake, ang kilos ng mga tao sa eksena ay natural na galaw-Pilipino na matatagpuan sa pang-araw-araw na buhay ng panahong iyon.
Bagama’t ganito ang itinataguyod ng kilusang ito, pagdating pa rin sa paggamit ng shades and shadows, rendering, linya, ay nakabase pa rin sa standard ng West.
Samantala, habang pilit na itinataguyod ng kilusang ito ang pagpapakita ng paggamit ng ‘likas na Pilipino’ sa mga dibuho sa komiks, patuloy pa rin naman ang ilan sa pagsunod pa rin sa standard na sinimulan ng Kanluranin.
Isa sa nagtagumpay sa linyang ito ang mga gawa ni Nestor Redondo. Ang paggawa niya ng mga tao ay pampelikulang Hollywood ang kinaangkupan, ang paggamit ng liwanag at dilim, pati ang hagod at linya.
Nagkaroon noon ng dalawang school—na maituturing kong ‘silent school’—sa paggawa ng dibuhong Pilipino sa komiks. Mauunawaan natin ito sa ‘linyang’ tinutumbok ng mga sumunod na artist pagkatapos nina Coching at Redondo.
Nagkuwento sa akin noon si Hal Santiago. Una siyang lumapit kay Francisco Coching. Ipinakita niya ang kanyang mga sample drawings, at dahil nga si Hal Foster ang pangunahin niyang ginagaya, ang sabi kaagad sa kanya ni Coching ay, “Kay Redondo ka pumunta, Americanized ang drawing mo.”
Ibig sabihin, mayroon na ring standards na sinusundan ang ating mga dibuhista noon.
Sa pag-usad ng panahon, nagkaroon ng ‘merging point’ ang dalawang eskuwelahan. Ganito kasi ang sistema ng mga gustong sumubok maging dibuhista sa komiks noong araw, hindi ka puwedeng matutong mag-drawing hangga’t hindi ka nangongopya. Sa traditional na pagtuturo ng mga matatandang illustrators, hindi ka nito tuturuan ng kung anu-anong teorya, pilosopiya, at teknikalidad sa paggawa ng komiks. Sasalangan ka kaagad ng mga ito ng mga reperensya at ipapakopya sa iyo ng gayang-gaya ang bawat panel at eksena na makikita mo. Pati ang mismong pagpitik ng rendering at paggamit ng ‘thick and thin lines’. Tuturuan ka pa ng mga ito na, dahil nagsisimula ka pa lang, kopyahin mo ng angkop na angkop ang mga reperensyang nasa harap mo.
Dahil may mga dibuhista na hindi naman talaga puwedeng pagkasyahin sa isang reperensya at iisang estilo, may mga pagkakataong napagsasama ang mga batayan ng dalawang pangunahing ‘eskuwelahan’ ng paggawa ng dibuho sa komiks. Ang kinalabasan, pagsasanib ng dalawa at tinatawag na ‘bagong estilo’ sa paggawa ng komiks.
Ngunit sa katotohanan, hindi naman talaga nagbago ng husto ang paggawa ng komiks.
Dahil sanay na sanay ang mga dibuhistang Pilipino sa mga standard na ating kinamulatan sa pagtangkilik sa sining, mas pinaboran natin ang mga mahuhusay na artist na kahit hindi nakalinya sa komiks ay nagkaroon ng malaking impact sa kanila. Sabi ko nga, kahit kailan ay walang nanggaya noon sa mga trabaho nina Jack Kirby at Will Eisner. Mas tinangkilik ng mga matatandang illustrators ang mga gawa nina Frank Frazzeta, Joseph Christian Leyendecker, Charles Dana Gibson, Burne Hogarth, Norman Rockwell, Howard Pyle, at iba pang kakontemporaryo. Sa madaling salita, ang basehan noon ng mga papasok sa komiks ay kailangang makilala ang mga painters/artists na ito.
Hindi noon pinahahalagahan ang ‘storytelling’ sa paggawa ng komiks. Walang pormal na kaalaman dito ang mga unang illustrators natin. Ang malinaw na basehan lang ay gumawa ng eksena na parang sa pelikula.
Mas napagbuhusan ng pansin ang paggawa ng pigura ng tao, ang rendering, ang paggamit ng shades and shadows, ang pagkakasa ng mga tao sa isang partikular na panel (layouting), at ang consistent na paggamit ng brush stroke (kaya hindi matatawaran na magagaling ang mga dibuhistang Pilipino sa paghawak ng brush—ayon sa kuwento ng mga matatanda, kahit na ang pagli-lettering noon ng captions at dialogues ay brush ang ginagamit).
Sa kabuuan, ang mga dibuhistang Pilipino nang mga panahong iyon ay nakatuon sa pagiging illustrator (literal na pagkaunawa) at hindi maging 'storyteller' (sa batayang Amerkano ng paggawa ng komiks). Kaya nga hindi mapapasubalian, pagawin mo ng pin up at single illustration ang dibuhistang Pilipino, hindi lang manlalaki ang mata mo, siguradong tutulo pa ang laway mo. Makikita ito sa mga covers na ginawa ni Coching, sa mga published artworks ni Redondo at Alcala, at sa mga full-spread illustrations ng iba pang maestro sa komiks.
Nagkaroon ng biruan noon ang mga dibuhista, na si Frederic Remington daw, kapag nag-painting ng kabayo, hindi lang mukhang totoo, maaamoy mo pa ang kabayo. Ibig sabihin, napapalabas nito ang mga karakter sa painting na makatotohanan. Kaya naging lesson ito sa mga sumunod na dibuhista, sabi ng mga matatanda, kapag nag-drawing ka, hindi mo lang dapat na maramdaman ang ginagawa mo, dapat ay naaamoy mo pa.
Maituturing na master of pen & ink technique si Howard Pyle, ilang dibuhistang Pilipino ang kumuha ng style dito, kabilang si Alfredo Alcala.
Isa rin sa maimpluwensya ay ang mga trabaho ni Norman Rockwell. Malambot ang kanyang layouting at may 'humorous in nature'. Makikita ang impluwensyang ito sa paggawa ng ilang 'cover arts' ni Francisco Coching.
Si Joseph Christian Leyendecker ay hinangaan sa pagkakaroon ng kakaibang paggawa ng tupi ng damit at rendering ng balat. Makikita sa ilang painting ni Alcala ang impluwensyang ito. Maging ang mga late '70s artists na sina Joey at Louie Celerio ay kakikitaan ng estilong ito ni Leyendecker.
Sumikat ang 'Gibson Girl' ni Charles Dana Gibson, hindi dahil sa kanyang rendering kundi kapag gumawa siya ng babae ay hindi lang hahanga ang titingin, siguradong mai-in love pa. Napakalakas ng impluwensyang ito, sa katunayan, maging si Leyendecker ay gumaya rin kay Gibson ngunit nakasentro naman ito sa paggawa ng lalake. Kung papansining mabuti, kapag gumawa ng babaeng drawing si Hal Santiago ay makikita ang lakas ng impluwensya ni Gibson.
Hindi maaring kalimutan ang mga obra ni Frank Frazzetta kapag 'fantasy comcepts' ang pinag-usapan. maraming dibuhistang Pilipino ang naimpluwensyahan din nito lalo na nang umusbong na parang kabute ang mga fantasy-adventure sa ating komiks noong araw.
Ngunit ito ay isa lamang puwersa kung bakit pigil ang pag-aaral ng mga dibuhista noon sa sinasabing 'storytelling'. Mayroon pang ilang dahilan kung bakit hindi natin nasusunod ang 'storytelling' na sinasabi ni Will Eisner. Iyan ang ibibigay ko sa susunod.