ANG HINAHARAP NG KOMIKS NG PILIPINO
(Ang artikulong ito ay isinulat ko ilang taon na rin ang nakararaan. Naisip kong ilabas na rin ito sa blog ko dahil bahagi na rin ito ng aking karanasan sa industriya.)
Ayokong maging manghuhula. Wala akong karapatan para sabihin kung ano ang hinaharap ng komiks ng Pilipino. Ang sasabihin ko ay ang kasalukuyan dahil ito ang magtuturo ng pinto kung ano ang pupuntahan nito.
Naging computer graphic artist ako sa isang sikat na publication. Ang kumpanyang ito ay naglalabas ng lima hanggang walong komiks sa loob ng isang linggo (ito na ang panahong mahina na ang komiks kaya hindi na ganoon karami ang produktong inilalabas nila kumpara noon). Nang humina pang lalo ang sales ng mga produkto ng naturang publication (kabilang ang showbiz magazines, songhits at puzzle books), naapektuhan pati ang singilan ng mga contributors ng komiks kabilang ang manunulat, dibuhista, letratista at kolorista. Maraming hindi nababayaran ng regular. Sa sitwasyong ito, masasabi ko na aping-api ang mga taga-komiks. Karamihan ng contributors ng komiks ay maituturing nating hindi ganoon kaganda ang buhay at wala nang ibang inaasahan kundi ang trabahong ito—ngunit sila pa ang hindi nakakasingil ng maayos. Samantalang ang mga manunulat ng showbiz magazine at songhits, kahit hindi bayaran ng publication ay tiyak na makakakuha ng ‘payola’ at ‘padulas’ sa mga artistang ibabalita nila—ngunit mas nakakasingil pa ng maayos ang mga ito. Ang kalamangan kasi ng mga reporters na ito, kapag hindi sila binayaran ng publication, magsusulat sila sa iba pang publication at tiyak na uulanin ng paninira at batikos ang publikasyon na hindi nagbabayad. Sa mga ito natatakot ang may-ari (sa totoo lang, ilang beses na rin kasing na-dyaryo ang mga ito dahil hindi nga nagbabayad ng wasto sa mga empleyado, kaya kung tutuusin, anumang gawin nila ay sirang-sira na rin sila sa mata ng mga contributors ng iba’t ibang local publications).
Parang ‘supreme court’ ang accounting department noon sa dami ng nagrireklamo. Inaabot ng tatlong buwan o higit bago makasingil ang isang contributor. Nauso ang ‘tseke syndrome’ kung saan wala na talagang cash na inilalabas ang accounting. Ultimo isandaang piso, nakatseke. Ang masakit pa ay post-dated pa ito ng isa hanggang dalawang buwan. May isang letratista na nagwala (kapatid ni Jomarie Mongcal), inabutan ng P98 na tseke, post dated ng dalawang linggo. Ito mismo ang kanyang sinabi, “Binababoy niyo naman kami! Anong palagay n’yo sa ‘min, patay gutom?” sabay punit ng tseke sa harap ng may-ari. Iyong may-ari, tumawa lang, pero halata rin namang napikon.
May nangyari din naman na isang writer ang nagwala, si Jeff Abubot na anak ng illustrator na si Mang Ding Abubot. Hindi na nito nakayanan ang ilang kapapabalik-balik sa accounting na hindi malaman kung kailan talaga makakasingil, pinagbabagsak nito at pinagsisira ang mga upuan sa artist’s room. Ipinahuli ito ng may-ari sa guwardya, nanakot pa na magpapatawag ng pulis kapag naulit pa.
Mga ilang linggo pa ay hindi na talaga makatiis ang mga contributors kaya hindi na nagbalikan. Pinabayaan na lang ang utang ng publication. Para naman sa aming mga regular na empleyado, hindi rin namin nakayanan ang patakarang pinairal sa amin. Binabawasan kami ng monthly tax at SSS, nang mag-check naman kami sa ahensya ng gobyerno, wala namang ibinabayad ang may-ari. Nagsampa ng kaso ang mga kaempleyado ko, umabot pa sa korte. Hindi na ako sumama, umayaw na ako ng kusa at nag-full time na lang sa pagsusulat ng pocketbooks. Nabalitaan ko na lang na ang gulo-gulo daw ng nangyari sa husgado. Pero hindi pa rin tumitigil ang publication, naghanap pa ulit ng ibang editorial people. Maging ako ay kinontak ulit, ipinahawak sa akin ang dalawang komiks at dalawang songhits—sa akin ang lahat, editing at layouting. Kahit may atraso na sila sa akin ay tinanggap ko pa rin, ginawa na kasi akong per publication, babayaran nila ako pag nakatapos ako ng isa. Kaya binara-bara ko ang trabaho, anong aasahan mo e ako lang mag-isa ang gumagawa (saan ka naman nakakita ng lingguhang apat na titulo na isang tao lang ang gumawa? Dapat e bigyan ako ng award noon bilang ‘pinakamalaking tangang’ may hawak ng komiks at songhits).
Ang naging problema ko noon ay ang komiks. Wala nang contributors. Kahit ang mga kaibigan ko na pinilit kong mag-drawing at magsulat ulit ay ayaw na. Kaya bilang solusyon ng may-ari, ipinahukay sa amin ang mga lumang materyales mula pa noong 1950s. Sinubukang i-reprint ang mga lumang files. Dahil printed materials na ang mga ito, at wala naman kaming original, kailangan pang linisin ng husto sa computer. Hindi ko nga ma-imagine kung paano ko nagawa ang ganoon kahirap na trabaho.
Pero hindi rin ako nakatiis. Bigla rin akong umayaw sa trabaho. Naghanap na lang sila ulit ng iba.
Makalipas ang ilang linggo ay nakita ko sa mga komiks stand ang mga na-reprint na komiks. Napamura ako, hindi ko alam kung dahil sa asar o panlalait. Ang pangit ng kinalabasan! Malabo ang ilang pahina at distorted ang ilang characters (dahil hindi nagtugma ang sukat nito sa pahina). Hindi na rin angkop sa modernong panahon ang pagkakasalaysay ng mga kuwento (isang nakatatawang halimbawa ang pagri-reprint ulit ng nobelang may pamagat na ‘Maynila 1966—sa mga kolektor ay gusto ito, ngunit sa isang ordinaryong mambabasang Pilipino, hindi na sila interesado sa mga pangyayari noong 1966.’). Maski ang pagkaka-layout ng cover ay hindi naging epektibo. Negatibo ang naging feedback nito sa market, wala talagang tumangkilik.
Ito ang cover ng isang reprint products kung saan mababasa ang lahat ng unang isyu ng mga nobela noon. Hindi na maayos ang pagkakalay-out, sabog pa ang kulay.
Ito naman ang halimbawa ng isang pahina sa loob kung saan hindi masyadong nalinis ang drawing kaya malabo ang lumabas.
Naisip ko, walang future ang komiks kapag nagpatuloy ang ganito.
Ilang linggo lang ang pagitan, pinatay na ang lahat ng komiks ng naturang publication. Ang dahilan, wala na talagang bumibili. Atlas na lang ang naglalabas noon ng komiks, wala na silang kalaban sa market, ang problema, sa kanila na rin nagtakbuhan ang lahat ng writers at artists ng industriya ng komiks. Naging contest ang nangyari, kapag hindi malakas sa editor ay hindi mabibigyan ng trabaho. Gutom talaga ang kinalabasan.
Nang matapos kong sulatin ang aklat na ‘Pambalot ng Tinapa: Isang Pagtanaw sa Komiks ng Pilipino’, nagkaroon ako ng assignment para puntahan ang mga publishers ng mga local na komiks upang maipaalam sa kanila na may lalabas na ganitong aklat tungkol sa kanilang produkto, at para na rin humingi ng permiso para gamitin ko ang ilang illustrations ng kanilang mga komiks.
Isang sikat (na naman) na publishing house ang una kong nilapitan. Hindi pumasok ang editor kaya ang nakausap ko lang ay isang tauhan nito sa accounting department. Nang makausap ko ‘yung ale, at matapos akong magbigay ng mahabang intro tungkol sa laman ng aking libro, isa lang ang naitanong niya sa akin, “Bakit ka pa nagsulat ng ganyang libro, patay na ang komiks?”
Sabi ko, “Maaring patay na ang komiks ngayon, pero naniniwala ako na sisigla ulit ito. Proper timing lang ang kailangan at bagong strategy. Baka makatulong ulit ang librong ito para mapasigla ulit ang komiks.”
Umiling siya, “Wala nang pag-asa ang komiks. Nagsasayang ka lang ng panahon!”
Pabiro niya iyong sabi, natawa nga rin ako. Pero sa loob-loob ko, ang mga ganitong klase ng tao ang dapat na unang-unang tinatanggal sa publication. Nakakadismaya dahil sa kanila nga dapat magsimula ang paghihimok na mapasigla ang komiks ngunit kabaligtaran pa ang nangyari.
Pagkatapos ay tumuloy naman ako sa isa ring sikat na publication ng komiks. Wala ang publisher kaya ang nakausap ko lang ay ang sekretarya nito. Sabi nito, “Wala na kaming komiks, printing na lang galing sa labas ang ginagawa namin.”
Sinabi ko sa kanya ang laman ng aking libro, naunawaan naman niya. Nag-iwan ako ng sulat (para mapirmahan ng publisher na ginamit ko sa aklat ang ilang pahina ng komiks nila nu’ng araw) kasama ang xerox copy at back cover ng aking aklat.
Pagbalik ko nang sumunod na araw, malungkot ang salubong sa akin ng sekretarya, “Ayaw pirmahan ni sir.”
“Bakit?”
“Bakit mo daw nilait ang komiks dahil sa title na ‘Pambalot ng Tinapa’?”
Napanganga ako. Bobo ba ang mga ito? “Marketing strategy ‘yun,” sabi ko. “Magiging interesting kasi ang title na ito sa unang makakakita ng libro. Kailangan kasi ay maka-catch tayo ng attention para pag-ukulan ng pansin ang produkto mo. Kung gusto niyo, ipapabasa ko sa inyo ang laman ng libro ko para maunawaan n’yo ng husto.”
Umiling lang ang sekretarya. Ibinalik sa akin ang sulat at ang mga xerox copies.
Ipinabasa ko sa kanya ang ‘teaser’ sa back cover.
“…aklat ng karanasan, ng kasaysayan, ng katuruan, at PAGTATANGGOL (ipinagduldulan ko sa kanya ang salitang ‘pagtatanggol’) sa isang uri ng babasahing pinaratangang naglalaman ng ‘kabalbalan’ at ‘kabulastugan’.”
Hindi ko alam kung naunawaan niya. At hindi ko rin alam kung naunawaan iyon ng kanyang amo.
Umalis akong masama ang loob. “Ako na lang yata ang may pagpapahalaga sa komiks. Maski publisher e wala nang pakialam.”
Nang tingnan ko ang mga masasakit na karanasang ito, nasabi ko sa sarili ko na mahirap nang paangatin ang industriya ng komiks kapag ganitong mga tao ang makakasalamuha mo.
Sa kabilang banda, nagpapasalamat pa rin ako. At least, alam ko na kung saan at kanino ulit magsisimula ang komiks.
Hindi na sa kanila.