Thursday, January 31, 2008

KOMIKS WORKSHOP NGAYONG SUMMER

Maraming taon na rin ang nakaraan na nagbigay ako ng mahaba-habang workshop tungkol sa komiks. Ngayon summer, naimbitahan ako ng isang animation studio para maisama sa kanilang kurso. Noong una ay nag-aalangan pa ako dahil wala na sa isip ko ang magturo ng mahabang workshop dahil mas gusto ko na ng aktuwal na trabaho o kaya ay sa production na mismo gumawa. Pero nang pumunta ako sa meeting ng mga instructors, bigla ay nagkainteres ako, tutal ay summer lang naman. Inaalok nila ako ng 6 months course pero hindi pa ako nakakapag-decide, hindi ko kasi alam kung kakayanin ko pa.

Kaya sa mga walang gagawin sa summer at gusto ninyong umattend sa komiks workshop, paghandaan niyo na ito ngayon pa lang.

Ang magsasagawa nito ay ang Mindtap Studios at Asia Pacific College.

Narito ang mga kursong maari ninyong kunin:

Basic Line Animation (2D)
Basic 3D Animation (Juvenile Program)
Basic Techniques in Digital Photography
Comics Illustration
Graphics Design for Multimedia Publication
Action Scripting for Game Authoring
Flash Animation
Advanced Techniques in 3D Animation
DigiPhoto: Doing Portraits
Web Design and Development

Para sa karagdagang impormasyon, mag-email sa admin@mindtap-ph.com o kaya ay tumawag sa (02) 729-5951 at hanapin si Maila Fermil.

Ilalagay ko dito ang ilan pang detalye tungkol sa workshop sa mga susunod na araw.

MIND TAP STUDIOS UNIFIED PROGRAM FOR ANIMATION AND MULTIMEDIA : LAUNCHING THIS MARCH 2008

Mind Tap Studios is the pioneering animation and multimedia group in the Philippines that introduced the concept of a unified original content animation education. It is such an irony, that this valuable concept came from a small studio but creatively and technically capable studio with a big heart.

In MARCH 2008, Mind Tap will launch a series, take not "a series", of animation and multimedia programs directed towards the development and management of original content animation, web design, digital imaging and comic book creative and technical construction. This is a mind blowing push towards its segmented plans to encourage creative and technical individuals to empower themselves through original content development and management.

Tuesday, January 29, 2008

AUDIENCE APPEAL

Bago ka husgahan kung mabait ka ba o mabango, titingnan ka muna sa hitsura. Minsan unfair ang mundo pero ganito talaga ang eksistensya natin bilang tao.

Ganyan din kahalaga ang 'cover' ng isang produkto.

Kapag tumitingin ako ng komiks, o kaya ay libro, natatawag agad ang pansin ko sa cover. Saka ko na lang inaalam kung mura ba ito o mahal, kung gusto ko ang istorya o drawing.

Importante na makuha agad sa pabalat pa lang ang interes ng tao. Ito ang starting point.

*****

Una akong na-attract sa cover ng The Arrival ni Shaun Tan nang makita ko ito sa isang bookstore, pero malas ko lang dahil nakabalot sa plastik at hindi ko makita ang loob. Pinagmasdan kong mabuti ang drawing. Saka ko tiningnan ang back cover.

Nagulat ako. Pinuri ng mga alternative comics creators tulad nina Art Speigelman, Marhane Satrapi, Dan Clowes, at iba pa, ang aklat na ito ni Shaun Tan. Lalo tuloy akong naintriga. Kaya nang makauwi ako ng bahay, tiningnan ko sa internet kung ano ang laman ng libro.

Ito ang nakita ko:





Binalikan ko nang sumunod na araw ang bookstore, pero hindi ko na nakita ang libro. May nakabili nang iba.

Ilang beses nang nangyari sa akin ito na tuwing may natitipuhan akong libro o komiks na hindi ko agad nabibili, bigla nang lang itong nawawala. Mukhang may pakalat-kalat din sa mga bookstores na kapareho ko ang 'trip' na reading material at reference.

*****

May mga nag-react sa nakaraan kong post na napaka-negative ko daw sa pagsasabing 'harapin na natin ang katotohanan na hindi na ulit aangat ang komiks.'

E di sige, bigyan niyo ako ng specific na gagawin para iangat ulit ang komiks.

O kaya ako na lang ang magbibigay ng suggestions. Tatlo lang ang sekreto kung paano ulit magtatagumpay ang komiks sa Pilipinas: Audience appeal, good marketing strategy, at quality of your product/s. Kapag na-meet ninyo ang tatlong ito, ililibre ko kayo sa McDo. Promise.

Saturday, January 26, 2008

REALITY CHECK

Siguro kung magtatanong ako sa inyo ng ganito: “Sino dito ang naniniwalang sisigla pa ulit ang komiks?” Malamang ay magtaasan ng kamay ang lahat.

Nakatutuwang isipin na ang dami-daming nangyari noong 2007 kung tungkol sa komiks lang din ang pag-uusapan. At mas nakatutuwa dahil ang dami na rin ngayon napapabalitang maglalabas ng sari-sariling nilang titles ng komiks. Dumarami na ang sugo.

Na tingin ko ay mapapasubo.

Sa paglibot ko sa mga probinsya—Cebu, Ormoc at Tacloban—nakita kong mahihirapan na ang komiks na pasukin ang kani-kanilang teritoryo. Ibig kong sabihin, kahit tambakan pa ng sangkatutak na komiks ang bangketa at mga bookstores ng mga lugar na ito, isa lang ang konklusyon ko, wala na ang readership ng mga Pilipino. Tamad na tayong magbasa, kahit ng komiks na itinuturing na pinakamagaan at pinakasimpleng basahin sa lahat ng reading materials.

Ito ang malaking problema ng print industry kaya ang karamihan ng print materials ngayon ay hindi na umaasa sa readership kundi sa sponsors.

Of course, hindi naman ako nag-conduct ng survey sa mga probinsyang pinuntahan ko, pero malakas ang pakiramdam ko….

NA MALABO NANG SUMIGLA ANG KOMIKS…gaya nang kinagisnan natin noong araw.

Nakikita ko na ang komiks ay magiging isa na lamang SPECIAL READING MATERIAL at ART REFERENCE sa malapit na hinaharap.

Nakapaligid sa atin ang mga dahilan kung bakit nasabi ko ito:

1. Readership (problema ito hindi lang ng komiks kundi lahat ng print sa buong mundo)
2. Pagdami ng entertainment (uubra pa ba tayo kung mas naaaliw na ang new generation sa idinudulot ng computer, internet, cellphone at iba pang gadgets?)
3. Mabilis, agresibo at modernong galaw at pag-iisip ng mga tao (kasama dito ang ‘international thinking’ at ‘worldwide approach to living’ ng mga bagong sibol na Pilipino.

May kani-kaniya nang galaw ang mga tao. At sa mga galaw na ito, mahirap nang isingit ang pagbabasa ng komiks.

Kaya nga nasabi kong magiging isa na itong ‘special reading material’, dahil kung espesyal ang ginawa mong komiks, tiyak na may babasa sa iyo. Pero kung walang espesyal sa ginawa mo, pasensya ka, hindi ka dadamputin ng tao. May pera man siya o wala. Mura man ang komiks mo o mahal.

Magiging ‘art reference’ ang ginawa mo kung may maiku-contribute ka sa visual world, maging ito man ay sa fine arts, illustrations, graphics at iba pa.

At dahil magiging espesyal na tayo sa paningin ng mga readers, panahon na para hainan natin sila ng espesyal na putahe.

Ituring natin silang espesyal, ituturing din nila tayong pareho.

Harapin na natin ang reyalidad na ang komiks ay para na sa mga espesyal na tao.

Simulan na nating hukayin ang highest potential na maabot ng komiks—artistically at literately. Wala na tayong iba pang pagpipilian kundi ito.

Sa malapit na hinaharap, ang magsu-survive sa industriyang ito ay ang mga mahuhusay at magagaling...at ang mga may bagong ihahain.

*****

Mukhang aabutin ng mahigit isang oras itong documentary na ginagawa ko dahil sa dami kong ginawa at dinaanan. Kaya naisip kong bigyan na lang muna kayo ng maikling teaser kung ano ang puwede ninyong makita sa video.

Thursday, January 24, 2008

KASAL

Binabati ko si Rey Macutay sa pakikipag-isang dibdib sa asawang si Letty. Sayang at hindi ako nakadalo dahil nasa lakaran ako.

Si Rey Macutay ang isa sa pinakamahusay na estudyante ni Vic Catan Jr. at isa sa pinaka-maimpluwensyang artist sa komiks noong mid-90s. Ang ilan sa nakita kong sumunod sa kanyang estilo noon ay sina Elmo Bondoc, Ron-ron Amatos at Rommel Fabian.

Nang lumabas ang Dark Pages, biglang-bigla ay naging iba ang estilo ni Rey. Dahil isa siya sa pinakamahusay sa animation layout, naisama niya ito sa komiks art. Hindi ko makakalimutan ang sinabing ito ni Rey noong tanungin siya tungkol dito: "Ang artist kailangang nagbabago ang trabaho at sumasabay sa panahon. Kailangan nadadagdagan ang kanyang kaalaman."

Ang mag-asawang Rey at Letty.

Ang magkapatid na Roderick at Rey Macutay.

ANG PAGBABALIK

Halos dalawang linggo rin akong nawala sa Maynila dahil nagpunta ako sa kung saan-saan na hindi ko pa nararating at gumawa ng mga hindi ko pa nagagawa. Bigla akong napauwi kaninang umaga dahil ipinatawag ako ng isang animation studio para sa isang importanteng meeting bukas.

Pasensya na kina Auggie Surtida at Arnold Fuentes ng Apex Animation dahil hindi na ako nakapunta sa Iloilo para tingnan ang Dinagyang Festival. Kulang na kulang talaga ako sa oras. Pipilitin kong makapunta diyan sa inyo baka mid this year.

Kasa-kasama ko sa lakaran ko ay ang aking maliit na digicam. Kasalukuyan ko pang ini-edit ang mga shots dahil balak ko itong gawing documentary film pero ia-upload ko naman ng libre sa YouTube. Hindi ko alam kung paano ko ito patatakbuhin pero kumpleto na ang materyales ko ng mga shots sa mga lugar na napuntahan ko.

Narito ang ilang samples na makikita sa video:

- Pagtira ko ng ilang araw sa bahay ng mga anarkista sa Cebu

- Mga punkistang namigay ng pagkain sa mga mahihirap sa harap ng Magellan’s Cross

- Sinulog Festival

- Pakikipagkita sa mga members ng CEGP (College Editors Guild of the Phils.) para sa Komiks Workshop

- Lasing na humiga sa kalye na muntik nang masagasaan

- Nakatabi ko si Ricky Lo (Channel 7) sa pier habang nag-aabang ferry boat.

- Hubo’t hubad na bata ang sumalubong sa akin sa pier ng Ormoc

- Rally sa Tacloban

- Nilakad ko ang San Juanico Bridge mula Tacloban hanggang Samar ng alas-siyete ng gabi

- Basic drawing workshop sa UP Tacloban

- Inuman ng tuba sa tabi ng etatwa ni Mc Arthur sa Mc Arthur Park

- Naharang ako sa airport

Ilan lamang ito sa mga naging karanasan ko sa byahe. Medyo aabutin siguro ng mahigit isang linggo bago ko matapos ang editing ng video dahil pagbalik ko ay tambak na kaagad ang trabaho ko sa bahay—maglaba, maglampaso, at mga pending na drawings na kailangan na ng kliyente.

Tuesday, January 15, 2008

ANG PAGBABAGO?


Wednesday, January 09, 2008

ISANG MAHABANG, MAHABANG PAGLALAKBAY PAUWI

Ang 2007 ang pinaka-nakakapagod na taon siguro sa akin. Nakatapos ako ng apat na indies sa US comics, nakagawa ng concepts at storyboards sa dalawang animation studios, naging active sa lahat ng gatherings at forums ng local komiks, nag-edit at nag-layout ng libro tungkol sa komiks, nag-sideline sa advertising ng storyboards at designs, nagsulat ng nagsulat ng husto dito sa blog ng kung anu-anong isyu hanggang sa mag-away-away na ang mga tao, magtirahan ng magtirahan, at magturingan nang mortal na magkagalit hehehe.

2008. Medyo payapa na ang mundo ko. Tapos ko na ang mga deadlines, tapos na rin ang kontrata ko sa animation. Nakadalaw na ako sa tatay ko na nasa Bulacan, nabisita ko na rin ang mga kamag-anak sa Pampanga at Tagig.

Wala na akong masyadong iniintindi nitong January kundi gumawa na lang ng kabastusan dito sa APAT NA HINDI (heheh). Pinagpa-praktisan ko ito, isang publisher kasi ang nag-iimbita sa akin para gumawa ng libro na nakakatawa (parang Bob Ong). Masyado akong excited dito, pero tingin ko ay praktis muna, masyado ko kasing kinarir ang komiks issues ng 2007 kaya nawala ang pagiging komedyante ko hehehe.

Sa komiks illustrations, inihahanda ko na rin ang sarili ko sa superhero genre. Malamang na sa taong ito ay gumawa na ako ng maraming samples ng Marvel at DC characters na hindi ko pa naidu-drawing. Pagbali-baligtarin man natin ang mundo, nasa ‘big 2’na ito ang pera kung komiks ang gusto kong gawin, wala dito. Hindi ko pa alam kung kanino ako lalapit (agent o editor) pero naka-set na talaga ang utak ko para mag-tryout sa American mainstream comics.

Nakatakda na ang alis ko sa January 16 papuntang Cebu, then diretso ako ng Tacloban at Iloilo. Wala akong gagawin sa byaheng ito kundi I-enjoy ang freedom. Videocam at sketchpad lang ang dala ko, hindi ko rin alam kung kelan ako babalik ng Maynila. Gusto ko pagbalik ko ay refresh na ulit ang utak ko at handa na ulit sumabak sa deadlines.

Medyo adventure itong gagawin ko dahil wala naman talaga akong particular na pupuntahan, may sasalo lang sa akin na ilang kaibigan para may matuluyan ng ilang araw, tapos byahe na naman kung saan-saan. Puwede akong umupa ng hotel, o matulog sa kalsada, kumporme na siguro kung saan ako makakarating.

Para sa iba, siguro kaweirduhan itong gagawin ko. Para sa iba naman, gastos lang ito. Pero para sa akin, part ito ng experience. At parang premyo ko na rin ito sa sarili ko.

Kung may mga taga-Cebu na nagbabasa ng blog ko na gustong makipag-meet sa akin, okay sa akin, dahil sa Tacloban, pipilitin ko ring makipagkita kay Bluepen, sa Iloilo naman, dadalawin ko rin ang Apex Animation.

Ang title nga palang 'Isang Mahabang, Mahabang Paglalakbay Pauwi' ay galing sa short story na ipinanalo ni Ka Levy Balgos dela Cruz sa Palanca noong 70s. Na-miss ko ang nature, at na-miss kong makisalamuha sa mga karaniwang tao. Sa byaheng ito, ang dala ko lang ay ang sarili ko.


(Ito ang isa sa pinakahuling byahe na ginawa ko noong taong 1999 yata, hindi ko na matandaan, nang magturo ang Pinsel ni Juan (painter's organization) ng pagpipinta sa mga kapus-palad na bata ng Bulacan. Nakatayo sa gitna si Ka Levy.)

Hanggang dito na lang muna….at hanggang sa muli.

Monday, January 07, 2008

APAT NA HINDI: ang karerista

I-klik ang image para mabasa ang text.

TOPAK CHRISTMAS PARTY (kahit january na!)

Stanley Chi, Ariel Atienza, Bien del Rosario, Randy Valiente at Ed Padilla.

*****
WANTED PENCILLERS FOR IAS MANILA

IAS Manila, Inc. is once again searching for pencillers!

Send e-mail at jonas (at) storyboardsonline (dot) com with five of your best pencil samples (jpg format, low resolution) and/or links to your online portfolio. Shortlisted candidates will receive notification via e-mail (so keep an eye on your inbox) and will be invited to take a penciling test at the studio.

Check out IAS Manila, Inc.’s site here, and their dA portfolio here.

Saturday, January 05, 2008

APAT NA HINDI: mata

I-klik ang image para mabasa ang text.

Thursday, January 03, 2008

KOMIKS BUBUHAYIN NG SENADO


Anong kapangyarihan mayroon ang komiks ngayon at parang pinagtutuunan na ito ng pansin ng marami, kahit ng Senado? Dahil ba malapit na ang eleksyon? Marami na bang hindi marunong magbasa kaya nababahala na ang gobyerno? O sadyang wala lang maipasang batas ang Senado kaya itong komiks na lang ang pagtuunan nila ng pansin?

Kung ano man ang kanilang mga agenda, magandang balita pa rin ito sa industriya ng komiks. Sana ay makapagbigay ito ng maraming trabaho para sa atin. At dahil napagtutuunan na ito ng atensyon ng iba’t ibang ahensya at organisasyon, panahon na para magkaroon ng isang samahan ang mga tagakomiks. Samahan na mangangalaga sa kapakanan ng lahat ng mga manggagawa ng komiks, at kung paanong mapapanatiling masigla ang industriyang ito.

Paulit-ulit kong sinasabi sa blog na ito na kung may mabubuo mang organisasyon ng mga manggagawa ng komiks ay maging kapaki-pakinabang ito para sa atin. Napakarami nang organisasyon ng mga komiks crerators ang nagawa simula pa noong 1960s at panahon na rin ang nakapagsabi kung nasaan na ang mga ito—SPIC (Society of Philippine Illustrators and Cartoonists), SKP (Samahang Kartunista ng Pilipinas), HANDS, UAP (United Artists of the Philippines), at marami pang ibang maliliit na samahan ng mga manunulat at dibuhista.