HIGH SCHOOL REUNION
After 18 years ay ngayon ko lang ulit nakita ang mga classmates at teachers ko noong high school. Parang awkward nang una akong pumasok sa venue na ginanap sa Philippine Columbian sa Paco, Manila. Nakita ko kasi agad ang teacher ko sa Social Studies, alam kong hindi na niya ako natatandaan, kaya binati ko na agad. “Sir!”
Tapos ay bigla kong nakita ang schoolmate ko na siyang may pakana ng reunion na ito. “Solomon, ikaw ba ‘yan?” tanong ko. Ibang-iba na nga ang panahon, mga mukhang tatay na kaming lahat. Sila lang pala hehehe, binata pa ‘ko.
Eight years ago, nagkaroon din daw ng reunion, pero 6 persons lang ang dumating. Kaya wala na talagang balak si Solomon na magkaroon pa ulit. Kaya ang ginawa niya, kasama ang ilang pang opisyal ng school, ay gawing Grand Alumni Homecoming ng Gen. Emilio Aguinaldo Integrated School, mula batch 1989 hanggang 2007.
Wala na akong balita sa ganitong mga event ng eskuwelahan, wala na rin akong kontak kanino man sa mga classmates ko. Nagkaroon lang nang mag-open ako ng account sa Friendster, 'ayun, 'andun karamihan ng lahat sa kanila.
Marami nang hindi nakakilala sa akin sa reunion. Ang liit-liit ko daw kasi noon, payatot pa.
Nanalo ako sa poster-making contest, binigyan ako ng premyo ng Principal.
Sa dinami-dami naman ng makakatabi ko sa upuan, si Florita pa ang nakatabi ko. Si Florita ay crush na crush ko noong araw. Mukha na ring nanay, dahil dalawa na rin ang anak. Ang kapal na rin ng salamin sa mata. “Di ba dati wala ka pang salamin?” tanong ko.
“Malabo na kaya ang mata ko noon pa. Naka-contact lens lang ako noon nag-aaral pa tayo.”
Sumunod na nagdatingan ay ang iba pa naming classmates na babae, may mataba, may payat, hindi ko na maalala ang mga pangalan nila, sa mukha na lang. Reunion din daw ng grupo nila, meron kasi silang parang frat noong high school, ang pangalan ay W.E.T.L.I.P.S. Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin nito, nakakatawa lang talagang maalala, kasi kami noon ay meron din, PG Boys at Blind Troops. Ang corny kapag naaalala ko.
Nagsalita sa harap ang isang valedictorian na ngayon ay isa nang Engineer. “Kaya maraming hindi nagdatingan ngayon ay iniisip nila na itong reunion ay payabangan lang ng magkakaklase, kung sino ang successful at kung sino ang may maayos na buhay.”
Maganda ang sinabi niya. Masarap tingnan ang reunion na purely balitaan lang ng mga magkakaklase. Pero ang reyalidad, karamihan ng barkada ko noon ay wala doon. Maraming taon na ang nakararaan ay nakita ko sa QC Circle ang isa kong matalik na kaibigan at kaklase noong high school, varsity siya ng chess, mas mahirap pa sa daga ang katayuan ngayon at nakatira sa Payatas. May panahon pa kaya siya na umattend sa ganitong reunion? Alam kaya niya na may ganito? May Friendster account kaya siya?
Maraming kuwentuhan at balitaan sa magkakaklase. Nagkaroon din ng awards sa mga teachers namin na dalawampung taon nang nagtuturo sa eskuwelahan. Isang teacher ang pinananabikan kong makita, si Bb. Arcas. Titser ko siya sa Pilipino. Ang paborito kong subject sa school ay Science at Social Studies, nagustuhan ko lang ang Pilipino dahil sa titser kong ito. Iba ang karakter ni Ma’am, para niya kaming mga anak at barkada. Hindi siya mahigpit sa klase pero iginagalang siya ng lahat.
Dalaga pa si Ma’am noon, siguro kaya itinuturing niya kaming anak ay dahil gusto niya na ring magkaroon. Minsan ay nagkaroon kami ng tour, dinala niya kami sa bahay niya, hindi ko matandaan kung Laguna o Batangas. Ipinakita niya sa amin kung gaano kasimple ang kanyang buhay sa probinsya.
Hindi ako mahusay sa klase, wala akong maipagmamalaking karangalan sa high school maliban sa ilang beses din akong representative ng school para sa mga poster-making contest. Wala sa isip ko noon na magiging writer ako.
Kaya ngayon ko lang napag-isip-isip, nagkaroon pala ng malaking impact ang pagtuturo ni Bb. Arcas kaya nahilig akong magbasa ng mga maikling kuwento at nobelang Tagalog. Siya ang unang nagpakilala sa amin ng mga batikang manunulat sa Filipino.
Nang lumapit sa mesa namin si Ma’am, hanggang tenga ang ngiti ko. Pumuwesto siya sa gitna namin ni Florita, niyakap ko si Ma’am. Na-miss ko talaga ng husto. Pero naramdaman ko na hindi niya ako natatandaan, mas natandaan niya si Florita. “Kilala niyo pa ba ako. Ma’am?” tanong ko.
“Naku pasensya na, iho, sa dami ng naging estudyante ko, hindi ko na maalala lahat. Ano nga ang apelyido mo?” natatawa na lang siya na parang nahihiya.
“Valiente po.”
“A, oo, natatandaan na kita.”
Napansin ko kaagad ang nametag sa damit ni Ma’am: Mrs. Arcas-Cruz.
“Nakapag-asawa na pala kayo, Ma’am.” Natuwa ako ng husto para sa kanya.
“Oo, sa wakas. Nakahabol pa rin.” Pabiro niyang sagot.
Si Gng. Arcas-Cruz at ako.
Nabaling ang atensyon ko nang magsalita sa harap si Solomon. Nanginginig ang boses. May isa siyang titser na pinagsasabihan. Tumutulo ang luha niya. Humihingi ng pasensya. Ito lang ang natatandaan ko sa sinabi niya: “Pagpasensyahan niyo na po ako noon. Dala ng kabataan at kamusmusan kaya marami akong naging pagkakamali.”
Hindi ko alam kung ano ang tinutukoy niya, pero parang may naging kaaway siyang titser noong high school. At sa tinagal-tagal ng panahon, ngayon lang siya humingi ng tawad.
Niyakap siya ng titser na naluluha din. Para rin akong maiiyak sa eksena. Tinablan ako ng paghingi ng tawad ni Solomon.
Pagkatapos ng maraming balitaan ay nagkaroon ng sayawan. Niyaya ako ng mga kaklase pero sabi ko na lang na may kakausapin pa ako. Pero ang totoo ay mas gusto kong nakaupo na lang at pagmasdan silang lahat. Ang kabuuan ng reunion. Ang lahat ng tao na naging bahagi ng kabataan ko.