Paikut-ikot ako sa table ng mga indies noong nakaraang Summer Komikon nang matawag ang pansin ko sa isang komiks na may pamagat na
‘Baboy’. Nalaman ko na nanalo pala ito ng award sa Komikon bilang best independent komiks.
Matagal nang naglalaro sa isip ko noon na makipag-collaborate sa isang indie artist na hindi ko kilala. Saka miss na miss ko na ang magsulat ng kuwento. Hanggang istorya lang muna ang kaya kong gawin dahil ang number one ko talagang problema ay oras sa pagdu-drawing.
Kaya habang binubuklat-buklat ko ang indie na ‘Baboy’ ay panay naman ang sulyap ko ng palihim sa author nito na si Mel Kristopher Casipit. Medyo radikal kasi ang kuwentong naglalaro sa isip ko kaya gusto ko ring malaman muna kung makaka-relate ang artist na kakausapin ko. Pero mukhang kaya namang sakyan ni Mel ang trip ko, dahil isa rin sa itinitinda niyang indie ay may pamagat na ‘Dog Style’. Parang pareho kaming may kabaliwan sa ulo.
Bata pa ako nang maabutan ko ang martial law, ni hindi ko nga ito naramdaman. Iyung mga kuwentong mahigpit daw ang mga pulis, may curfew tuwing gabi, ay hindi ko talaga naranasan. Bata pa rin ako nang magkaroon ng People Power I noong 1986.
Noong nakatuntong lang ako ng college nang magsimula akong magtanong. Hanggang ngayon ganu’n pa rin ang tanong ko: Bakit malabo pa rin ang dapat managot sa kaso ng pagkakapatay kay Ninoy Aquino samantalang naging presidente na si Cory? May malalim bang ‘lihim’ ang pangyayaring ito?
Samantala, medyo malinaw naman sa akin kung bakit nagkaroon ng People Power II kung saan napatalsik si Estrada at pumalit si Arroyo. Pero naging malabo na naman nang magkaroon ng People Power III, at ang nakakagulat pa, meron pa ring People Power IV.
Naging palaisipan na tuloy sa akin mula noon, ano ba ang EDSA? Entablado lang ba ito ng mga pulitikong gustong maupo sa posisyon? O takbuhan lang ito ng mga taong naghahanap ng pag-asa?
Sabi sa isang kanta ni Jess Santiago: “Nag-People Power I, nag- People Power II…nag-People Power III, nag- People Power IV…kahit mag- People Power tayo maghapon, bayan natin ay hindi susulong…hangga’t hindi tayo natututo.”
Ang kuwentong ginawa ko ay walang kinalaman sa mga pinagsasabi ko, well, konti lang, at si Mel Casipit ang naisip kong mag-drawing nito. Tungkol ito sa EDSA 25, future na ito, kung saan prominenteng makikita na lang natin sa kalsada ay ang ‘Our Lady of Edsa’.
Natapos na ni Mel ang ilang pahina at target naming tapusin bago ang susunod na komiks event.