Ang kauna-unahan kong isinulat na nakatanggap ako ng sangkaterbang sagot ay ang ‘Peace Be With You’ na isinulat ko sa Liwayway noong 1995. Short story ito sa kanilang ‘Bagong Manunulat section’, kuwento tungkol sa isang tao na naghahanap ng kapayapaan. May patama ito sa mga aktibista kaya kaya alam kong uulanin ako ng puna dito.
Pagkatapos kung makatanggap ng mga sulat, doon ko nalaman na isa pala akong public figure. To be exact, ‘yung mga gawa ko, damay na rin ang pangalan ko. Kumbaga sa artista, huhusgahan ka ng mga tao dahil nakikita ka nila sa screen at sa print. Sa isang writer naman, nakikita ka nila dahil sa sinusulat mo.
Binuksan ko ang sarili ko sa buong mundo. Hindi ko alam kung hanggang saan nakakarating ang sinulat ko, at hindi ko rin alam kung sinong mga tao ang nagbabasa nito. Pinili ko ang ganitong buhay dahil ito ang gusto kong gawin. Kasi kung hindi ko ito ginusto, dapat ay nagsulat na lang ako ng diary at saka ko kinandado.
Noong early years ko ng pagdu-drawing sa komiks, ang natatanggap ko lang na puna ay galing sa mga editors at mga senior illustrators. Pero nu’ng magsulat ako, lahat ng klase ng tao may mga opinyon, pati mga kamag-anak ko ay may mga puna sa pinagsusulat ko. Doon ko nalaman na may buhay pala ang sulat. Pagkatapos mo itong isapubliko, tutubo ito na parang ugat. Makakarinig ka na ng kung anu-ano.
Dahil sa tagal ko na ring nagsusulat, tinanggal nito ang pagiging sensitibo ko. Of course, sensitive din ako minsan kapag talagang wala na sa ‘hulog’ ang pumupuna sa akin. Pero sa kabuuan, aware na ako sa mga ganitong scenario.
Napansin ko sa sarili ko, kapag nagsulat ako ay wala akong sinasanto. Kahit sinong pontio pilato e tinitira ko—kaibigan, katrabaho, idolo ng masa, at iba pa. Pero bago ko isapubliko ang isinusulat ko, pinag-aaralan ko muna. May masasaktan kaya? May magagalit kaya sa akin? At kapag nalaman ko na ang mga consequences, saka ako mag-I-edit. Tatanggalin ko ang hindi dapat at dadagdagan ko naman ng mga dapat. At kapag naaprub na sa sarili ko, saka ko ilalabas sa publiko.
Ito ang sistema ko bilang writer. At gusto kong iparating sa mga batang manunulat na kung gagawin ninyong career ang pagsusulat, pag-aralan niyo na ang ganitong uri ng scenario. Hindi kayo magsu-survive sa media na ito kung sasarilinin lang ninyo ang lahat. Kung gusto ninyo ng isang pribadong buhay, pumasok na lang kayo sa opisina o kaya ay magtinda na lang kayo ng mais.
Masaya din ang magsulat, minsan din malungkot, masarap at masakit. Lahat ng klase ng emotions nandito. Kaya kahit mas fulltime ako ngayon sa pagdu-drawing, hindi ko pa rin iniiwan ang pagsusulat. Mas personal kasi ito para sa akin. Nandito ang expressions ng kaluluwa ko, na hindi ko pa naa-achieve sa pagdu-drawing hanggang sa ngayon. Kung papipiliin ako between writing and drawing, hindi ko alam kung ano ang mas gusto ko. Natatandaan ko noong bata pa ako, nagdu-drawing na ako pero laging may kasamang kuwento ang dinu-drawing ko. Kaya siguro walang ibang pinakamagandang medium na para sa akin kundi ang komiks dahil ito ang bagay sa sarili ko.
Kung ang iba, nakikita ang komiks na isang industry, o isang career, o isang personality-upliftment, nakikita ko naman ito bilang mundo ko. Corny rin ako minsan, pero ang makakapagpatunay na talagang ipinanganak ako para sa komiks ay ang aking mga mahal sa buhay. Bata pa lang (bago pa mag-kinder) ay kinakitaan na nila ako ng pagiging ‘adik’ sa medium na ito. Nandito ang focus ko. Weird, ano?
Focus ang malaking dahilan kung bakit nagtatagumpay ang isang tao. Maraming naiinggit sa akin ngayon sa totoo lang. Ang kulang kasi sa kanila ay focus. Kung anu-ano kasi ang gumugulo sa isip nila—envy, frustrations, insecurities, fear of rejection.
Hindi na ako struggling ngayon sa career tulad ng dati. Ako na lang ang tumatanggi sa ibang projects dahil talagang hindi na kaya ng oras ko. Nagbunga rin ang mahabang taon ng paghihirap ko. At mabuti na lang, kahit nagkagutom-gutom na ako noon ay naka-focus pa rin ako.
Three to five years from now, hindi ko alam kung hanggang saan pa ako makakarating. puwedeng nasa Marvel or DC na ako, o baka nasa Amerika na mismo ako, o kaya ay isang publisher ng komiks, o kaya ay isang mabuting ama ng aking mga anak. Isa lang ang sigurado ko, dahil sa pagiging writer ko, napaka-creative ko sa buhay. Creativity na optimistic.
Kamakailan, may sinulat ako na talagang kumikita ako araw-araw.
‘ICE FOR SALE.’