Ngayon ko lang nabasa ang limang komiks ng CJC-Sterling kahit noong isang linggo ko pa ito nabili. As usual, karamihan ng nababasa kong reactions ng marami ay ang art at printing issue.
Unahin natin ang printing. Karamihan ng hinahanap ng marami (dito sa internet) ay book paper, glossy at colored. Ano ba naman kayo? E di kung ganito ang ginawa ng Sterling, e di hindi na sampung piso ‘yan dahil malulugi sila sa presyo. Kaya nilang gumawa ng komiks na kasing quality ang papel at printing, pero siguradong magtataas sila ng presyo. Kaya nga nila ginawang newsprint at black ‘n white ang loob dahil balak nila itong ibenta ng mura at makakayang bilhin ng marami. Subukan niyo ngang magbenta ng P120 na komiks sa bangketa, tingnan natin kung may bibili.
Puntahan naman natin ang art. Napaka-subjective at relative na topic nito. Of course, sa isang sanay makakita ng komiks na gawa sa Amerika, ang standard na nakatanim sa isip nila ay tulad din ng sa Amerika. Ilang readers ang tinanong ko kung sino ang gusto nilang illustrators (wala silang kamuwang-muwang sa komiks ng Amerika o Japan, at sila ang tingin ko ang representative ng wide target audience ng ‘masa komiks’), ang itinuro nila sa akin ay ang gawa ng Celerio brothers (nakapagtatakang hindi nila kilala pero natatandaan nila ang drawing) at ni Hal Santiago. Walang muwang sa art or illustration technicalities ang mga taong ito, pero ang mga ito ang target audience ng ‘masa komiks’. Sa businessman’s point-of-view, mas gusto kong targetin ang wide market kesa I-please ko ang mga critic artists. Hindi natin puwedeng isaksak ang kaalaman natin sa art at I-compare natin sa mga taong ito. Hindi sa pinapababa ko ang ‘masang amoy-pawis’ pero gusto kong dalhin ang marketing strategy sa dahan-dahan at hinay-hinay na paraan. Magbabago ang lahat ng iyan sa takbo ng panahon. Ganoon naman ang takbo ng magaling na businessman, pag-aralan ang market, at mag-evolved sa market na ito.
Mas gusto kong punahin ang limang komiks internally. Pasensya na mga Sir at Ma’am, trabaho lang….
OFW Superstories – 5 nobela at 1 series. Lahat beterano.
KLASIK KOMIKS – 4 nobela, 1 series, 2 short stories
GWAPO KOMIKS – 4 nobela, 3 short stories
ESTUDYANTE KOMIKS – 4 nobela, 3 short stories
SUPER FUNNY KOMIKS – 4 nobela, 1 series, 2 short stories
Iyan ang laman ng limang komiks. Lahat ng nobela at series na nariyan ay hawak ng mga beterano. Ibig sabihin, makakasingit lang ang ‘young generation’ sa mga short stories. Although tingin ko ay open naman sa proposal, pero tiyak na pag-aaralan pa ng editorial board. Suma-tutal, mas pahirapan sa baguhan ang makakuha agad ng nobela o series.
Sa next issue, ilalagay na ang gawa nina Dell Barras at Nestor Infante. Ibig sabihin, dalawang short stories ang kailangang mawala para isingit ito. At ibig ding sabihin, mas maliit ang tsansa na mabigyan ng break ang mga baguhan dahil tiyak na magsisiksikan sila, kasama ang ilan ding beterano na walang nobelang hawak, sa kakaunting slot ng short stories ng limang komiks.
Kaya ilang linggo pa lang ang nakararaan, at isang linggo pa lang ang nakalipas buhat nang lumabas ang komiks, naka-hold na kaagad sa ibang short story illustrators ang trabaho, at nakatambak na rin ang nai-submit na short stories ng mga writers na hanggang ngayon ay marami pa ang hindi nababasa.
Unahan na ay siksikan pa sila sa limang komiks.
Samantala, ang mga may pangalan na ay may mga tigda-dalawa hanggang tigta-tatlong nobela at hindi na apektado nitong ‘hold sa script’ para sa artist at ‘hindi pa nababasa’ para sa writer.
Kung magpapatuloy ang ganitong sistema, paano tayo makaka-discover ng bagong talents? Paano tayo makaka-train ng mga bagong tao na magpapatuloy ng mga komiks na ito? Sino ang magtutuloy ng komiks na ito kung ang iniisip lang natin ay ang mga tao sa nakaraan sa halip na mga tao sa hinaharap?
I suggest na kahit isa man lang sa mga komiks na ito ay ilaan para sa short stories. Sa ganoong paraan, kahit beterano o baguhan ay may tsansa na makagawa nang hindi namo-monopolyo ng mga nobela.
Malaking question sa akin ngayon kung papatok pa ba ngayon ang mga nobela na tingi-tinging tiglilima at tig-aapat na page. For the past years kasi, ang kumikita na ay ang mga tapusan—Shocker Komiks, Horoscope, etc. Ang mga komiks na ito ang nangunguna sa sales noong 90’s. Isa kasing tanong diyan ay kung matiyaga pa ang mga Pilipino na mag-abang ng nobela linggu-linggo o mas gusto na lang nilang magbasa ng isang tapos na kuwento.
Ito rin ang dahilan kung bakit lumakas ang graphic novel. Hindi mo na kailangan pang maghintay kung ano ang mangyayari sa susunod, ibibigay na sa iyo ang kuwento ng isang buo.
Dahil sa ganitong sistema ay nag-reformat din ang GASI at Atlas noong mid-90s. unti-unti nilang tinanggal ang mga nobela at napalitan ng short stories. Lumabas rin ang komiks na may isang kuwento na lang (parang American comics format).
Halus linggu-linggo ay pumupunta ako sa meeting sa Sterling office. Napupuna ko na habang tumatagal ay nadadagdagan ang mga taong dumarating, may mga bagong nagsusulputan at mga datihang nagbabalikan. Tantiya ko ay 30-50 persons ang regular na dumarating.
Paano mo mapagkakasya ang ganito karaming tao sa limang komiks na ang laman ay puro nobela?
At sa tingin ko, sa mga susunod pang linggo ay madadagdagan pa ang mga taong ito. Nakakaakit ang propagandang: “Buhay na ang komiks!”
Pero hindi pa nito kayang bigyan ng hanapbuhay ang marami. Marami sa mga ka-batch ko ang nagbalikan, pero nang makita nila ang totoong eksena, out of frustration, isa sa mga ito ang nag-text sa akin: “Babalik na lang ulit ako sa animation.”