Wednesday, November 30, 2005

DIOSA HUBADERA 7



Sunday, November 27, 2005

DIOSA HUBADERA 6



Wednesday, November 23, 2005

DIOSA HUBADERA 5



LIBRE BASA 5

Huminto ako sa pag-aaral ng kursong Architecture sa kolehiyo. Unang-una, mahirap lang ang aking mga magulang at hindi ako kayang pag-aralin. Ikalawa, nagtuloy-tuloy na ang kita ko sa komiks. Ayon sa tsismis ng mga taga-komiks, humihina na daw ang komiks ng time na ‘yun, pero hindi ko pa gaanong nararamdaman. Ang laki pa rin naman ng singil ko kada-linggo. Tuwing Miyerkules at Biyernes ay sampung script lagi ang ipinapasa ko sa editor ng iba’t ibang komiks. Dito na ako bumanat ng husto, nilibot ko ang lahat ng publication ng komiks. Ang hindi ko lang kayang tapatan sa pabilisan noong magsulat ay si Armando Dollente. Tuwing pupunta sa GASI ang taong ito ay 50 pirasong script ang inililibot sa mga editor. Kaya tuwing singilan ay talo pa ang manager ng bangko sa laki ng sinasahod.

Hindi lang sa sahod ako masaya. Mas masaya kapag nakikita mo ang gawa mo na dinu-drawing ng magaling na illustrator. Halos lahat yata ng artist noon na idol ko noong araw ay nakapag-drawing ng script ko (malas nga lang at hindi na kasama ‘yung tinatawag na mga ‘class A’ illustrators).

Title: ALAALA NG PANAHON
Artist: Sonny delos Santos
Love Song Komiks






DEVIL CAR


Bisitahin niyo rin ang blog na ito ni Vic Poblete tungkol sa isa sa pinakasikat niyang obra sa komiks.

http://devilcarkomix.blogspot.com/

Tuesday, November 22, 2005

CLOUD


Hindi ko alam kung dapat kong ilagay ito dito. Pero talagang hindi ko mapigil na i-share sa inyong lahat ang indie game na ito na may pamagat na 'Cloud'. Napakasimple ng laro, pero nakakabilib ang concept. Lalo na ang music. Sa maniwala kayo at sa hindi, maghapon kong pinapakinggan ang music nito.

Huwag kayong mag-alala, free download lang ang game na ito, pati na ang music.

Monday, November 21, 2005

PAGLILINAW

Mula nang gawin ko ang blog na ito tungkol sa komiks ay nagkaroon ako ng tungkulin sa sarili at sa mga mambabasa nito na ipagtapat at sabihin kung ano ang katotohanan sa mga naranasan ko at pananaw sa loob ng industriyang mahigit-kumulang labingpitong taon kong pinaglingkuran. Kung hindi ko ito gagawin, sino? Kung hindi ngayon, kailan?

Ngunit naniniwala din ako na may maseselang bagay na hindi na kailangan pang ibunyag dahil baka pagsimulan ito ng kaguluhan, kundi man, ay pagdemanda sa akin. Kaya hangga’t maari ay iniiwasan ko ang ganoong mga topic (na sa masakit na katotohanan, mabuti na lamang at hindi ko itinuloy na i-publish ang dalawa kong aklat tungkol sa komiks—dahil marami ang tatamaan). Hindi ko alam kung katapatan sa panulat, katapangan, o hinubog lang ako ng isang prinsipyo dahil ilang taon din akong naging radikal na aktibista sa kalye. Naniniwala ako sa kasabihang ang pagsasama ng tapat ay pagsasama ng maluwat.

Malungkot na balita ang nalaman ko noong Sabado nang makipagkita ako sa ilang kaibigan. Nagkaroon pala ng awayan dahil lamang dito sa blog ko. Ang masakit pa, pati ako ay nadamay. Kung tutuusin ay maliit lamang ito at walang kinalaman dito ang lahat ng nagbabasa sa blog na ito. Ang masakit ay ang mga mismong hindi pa nagbabasa nito ang nag-away. Maliit man ito, na mayroong tampuhan at hindi pagkakaunawaan, mabuti na rin na unahan ko na.

Kung mayroon man akong pagkakamali, inihihingi ko na ito ng paumanhin (dahil alam ko, mula nang malaman ko ang tungkol doon ay nagbabasa na sila ng blog na ito). Wala akong intensyon na manirang-puri o ibaba ang pagkatao ng mga artist. Naniniwala ako na matalino ang lahat ng mambabasa ng blog na ito na hindi ko na kailangan ipagduldulan sa kanila na huwag lamang itong tingnan bilang ‘text’ kundi tingnan din ng malinaw ang ‘context’ upang ganap na maunawaan ang ibig kong sabihin.

Gusto ko ring linawin, na sa dinami-dami ng mga grupo ng artist na nakasama ko—mula sa mga literary writers, filmmakers, poets, painters, performance artist, directors, at mga commercial artists—walang pinakamalapit sa puso ko kundi ang mga taga-komiks. Walang katulad na kasiyahan ang nararamdaman ko kapag kasama ko ang mga tulad kong mahilig at nagbabasa ng komiks.

At gusto ko ulit linawin, na sa dinami-daming art instructor na humubog sa akin, pinakauna ko sa listahan, at walang ibang kapalit, ang mag-amang Joseph Christian at Hal Santiago.

2ND ANGONO PUBLIC ART FESTIVAL

Ikalawang taon pa lang ng pagsasa-publiko ng sining para sa mga anak ng Angono. Magandang activities ito para magkaroon ng awareness ang mga artist na gustong dumayo sa lugar na ito tuwing sasapit ang kanilang pyesta. Hindi ako taga-Angono, ni isang artist ay wala akong kilala doon. Ngunit naging bisyo ko noon pa na pumunta sa ganitong mga gatherings tungkol sa art lalo pa’t alam kong may matututunan ako.

May komiks silang ilalabas (malas ko lang at hindi pa pala nila ipamimigay nang araw na iyon) tungkol buhay at sining ng dalawa sa pinakamahusay na artist noong panahon ng Kastila na sina Tandang Pedro Piñon at Tandang Juancho Senson. Ipinakita pa sa akin ang mga orihinal na pahina ng komiks bago ito dalhin sa printing (ang gumawa ng ilustrasyon ay si Rod Lofamia na kasalukuyan ay gumagawa pa rin sa Liwayway).

Sayang nga lang at hindi ako umabot sa art discussion tungkol sa sining ng mga Pilipino noong panahon ng Kastila na ginawa sa Nemiranda Café. Ngunit naimbitahan naman ako sa installation art na ginawa sa Wawa ng San Vincente. Kasabay nito ang mga street performances at pagpapakita ng iba’t ibang uri ng anyo ng sining.





















Saturday, November 19, 2005

DIOSA HUBADERA 4




Friday, November 18, 2005

STEVEN PABALINAS' DIVINE COMEDY


May isang nakakatuwang kuwento kung paano ko nakilala si Steven.

Katatapos ko lang noon ng 4th year high school, summer ng 1990. Kinuha ako ng auntie ko para pag-aralin sa Iloilo. Mga ilang linggo pa lang ako du'n pero inip na inip na ako. Naisip ko, hindi talaga pang-probinsya, pang Manila lang yata ang takbo ng utak ko. Humingi ako ng pamasahe sa auntie ko para makabalik sa Manila, sabi ko, doon na lang ako mag-aaral. Hindi ako binigyan. Maghanap daw ako ng sarili kong pamasahe kong gusto kong bumalik.

Earth day yata noon, nabalitaan ko galing sa pinsan ko na mayroong on-the-spot poster-making contest sa plaza ng Jaro, Iloilo. Sugod naman ako, nanghiram lang ako ng crayola sa mga pinsan ko. Pagkatapos ng contest, hindi ko akalaing magiging second place pa ako. Yung nanalo ng first place, lumapit sa akin, binati rin ako. Mabait siya, saka ang tingin ko noon ay malayo ang mararating sa art. Mga second year high school pa lang siguro siya noon. Bilib na bilib pa nga siya sa gawa ko, realistic daw, natatawa pa nga ako. Kinuwento ko rin na gumagawa ako sa komiks. Hindi ko na naitanong kung ano ang pangalan ng nakalaban kong iyon sa contest.

Three year after, nasa Manila na ako. Active pa ako noon sa martial arts, tuwing hapon, nagpa-praktis ako sa Quezon Memorial Circle. Biglang may isang binatilyo na lumapit sa akin. Tinanong kung ako si Randy Valiente, sabi ko, oo. Bigla siyang yumakap sa akin, parang maluha-luha pa nga sa tuwa ang makita ako. Akala ko naman, may sayad. Hindi ko siya kilala.

Bigla niyang sabi, siya daw si Steven Pabalinas. Siya daw 'yung nakalaban ko sa Iloilo three years ago. Nagulat ako. Natatandaan niya ako samantalang siya ay hindi ko matandaan. Nagkabalitaan kami. Sinabi niya na gumagawa na daw siya sa Komedi Komiks, at isa daw ako sa hinanap niya nang mapunta siya sa komiks. Pagpunta ko nga sa GASI nang ilang linggo ay nakita ko si Steven, halos yakapin ulit ako. Ipinakita niya ang kanyang gawa, nasabi ko, malaki ang potensyal ng style niya sa cartooning, pati ang atake ng pagpapatawa.

Maraming-maraming taon ang lumipas, wala na akong naging balita sa kanya. Nalaman ko na lang na may strip siya sa Inquirer, ang Divine Comedy nga. Nagulat din ako nang batiin niya ako noong nakaraang Komikon sa UP (at muli, hindi ko na naman siya nakilala dahil may balbas na siya, siya ulit ang unang lumapit sa akin). Ikinuwento niya ang hirap ng pagpa-publish ng sariling libro. Sabi ko, kayang-kaya mo 'yan, sa totoo lang ay talaga namang maganda ang konsepto ng strip niya, pati ang mismong drawing.

Ang layo na ng narating ni Steven mula nang makilala ko siya na isang uhugin doon sa contest sa Iloilo. At hindi ko akalain na makakasama ko siya sa linyang ito, tingin ko, habambuhay na ito.

Congrats, 'tol! Ako naman ang maghahanap sa 'yo ngayon para lang magpa-otograp!

Thursday, November 17, 2005

DELL BARRAS INTERVIEW (Part 2)


Sa tingin niyo, at base sa inyong karanasan, in terms of artistic abilities or creativity, ano ang meron noong panahon ninyo na wala sa mga bagong batch of artists ngayon? At ano naman po ang meron ngayon sa mga artists na sana ay nagkaroon kayo noong panahon ninyo?

Actually, handicapped kami sa mga references at books noong araw. Di kagaya ngayon na may internet na kahit ano e puwede mong hanapin at i-download. May mga computer softwares na you can use like inking chracter designs on ILLUSTRATOR and color it on PHOTOSHOP. Ang pinaka book bible namin noong araw sa figure drawings e kay Andrew Loomis at Pogany lang. Di katulad ngayon na sangkatutak ang mga tutorials and 'how to's' ngayon sa internet. Pati yata paggawa ng bata e may tutorials. On creativity, it comes with lots of patience and PRACTICE. Hanggang ngayon nga e nagpa-practice pa rin ako. Remember na a good anatomy drawing comes from good proportions, and good proportions comes from good constructions etc.



Any thoughts on digital art and how it affects the 2d artists na tulad nating mga taga-komiks? Although sa tingin ko, traditional drawings will always be there. Lalo na sa sa inyo kapag gumagawa kayo ng storyboards, iba pa rin ang freehand drawings and traditional animations. Pero nakaapekto ba talaga ang bagong technology sa artist?

Hindi yata kayang palitan ng digital art ang traditional drawings. There is an equipment here called CYNTIX that are being used by some studios here na you can draw straight from the monitor (almost $3.000.00 dito). But i still prefer doing my art on raw paper. Mas masarap maramdaman ang pahid ng brush o pen sa cartolina just like old times. Malaki rin ang naging effect ng mga makabagong technology sa mga artist, noon at ngayon. Ang ibang mga kasabayan ko dito e ayaw mag-aral ng computer. I told them na we should go with the trend or be left behind. But I still do my storyboards and artwork on paper. Walang makapapalit niyan.

Current projects? Or meron po kayong comics na gagawin (of course, ‘yung project niyo with Guhit Pinoy, aabangan namin ‘yan). Babalik po ba kayo sa paggawa ng komiks dyan sa States?

Projects? Right now, like you mentioned, The Anthology of Pilipino Short stories (4-5 pages each) na pagtutulungan namin dito with the help of Guhit Pinoy. Handicapped lang kami sa mga writers dahil ilan lang yata kaming marunong magsulat dito. Another thing is my big project from Japan (i lived in Japan for 6 years). I will illustrate Japan's Book of Knowledge. Kasama ko dito e anim na graphic artists at limang colorists. We will start on it next year (as they are preparing for the materials now). Kaya pag punta ko sa Japan, tuloy na ako riyan sa Pilipinas at baka makagawa ng film with Ronnie Rickketts. Di mo naitatanong e tapos ako ng Filmmaking dito sa UCLA at maaring magamit ko ito pagdating ko riyan. I turned down a lot of comicbook work dahil nga sa schedules ko. I'm not getting any younger so i have to take care of my health too. Not like before na 5:00 am na ako matulog noong comicbook artist pa ako.


Advice po sa tulad naming hindi pa nararating ang mga naranasan ninyo. Or message para lalo pa kaming ganahan sa paggawa ng komiks or kahit anong art.

Walang set of rules ang drawing o art. It is a never -ending quest for learning. Self satisfaction comes when you're going to the top. Because like they said: It Gets Thinner (competition) when you are on the top.

Ito po ang pinakagusto kong tanong na kahit kanino ay itinatanong ko. Favorite quotation?

ANG TAONG HINDI MARUNONG LUMINGON SA PINANGGALINGAN, AY HINDI MAKAKARATING SA PAROROONAN.

Thank you Randy for bearing with me and it's my Honor to be interviewed in your site.
Mabuhay ka!



Ang ibang impormasyon at mga artworks ni Dell Barras ay matatagpuan sa kanyang website.

Wednesday, November 16, 2005

DIOSA HUBADERA 3




LIBRE BASA 4

Title: YOUNG LOVE, FIRST LOVE: COMPUTER OF LOVE
Writer: Hal Santiago
Love Klasiks Komiks

Mahalaga sa akin ang gawang ito dahil ito ang pangalawa kong published work na si Hal Santiago mismo ang nagsulat. Ginawa niya akong guest artist dahil hindi na kaya ni Elmundo Garing ang deadline (nagsisimula na kasing makilala si Garing kaya marami nang editors ang nagbibigay ng trabaho sa kanya). Ipinalagay pa ni Sir Hal ang picture ko para daw maraming makakilala sa akin.

Sa aking natatandaan, wala ni isa mang panel akong ginawa dito. Lahat ay ipinakopya ni Sir Hal sa kung saan-saang komiks. At iyong ibang panel naman na walang mapagkopyahan ay siya mismo ang gumawa sa lapis, at ako na ang naglinaw.

Sa ikalimang pahina ay makikita ang ‘Chattie Dolls’ na sa tunay na buhay ay kasintahan ni Joseph Christian (anak ni Hal). Ako rin mismo ang gumawa ngunit ipinangalan kay Chattie (Christianne Concepcion sa tunay na pangalan).













Sunday, November 13, 2005

DELL BARRAS INTERVIEW (Part 1)


Si Dell Barras ay isa sa ipinagkakapuring dibuhista sa industriya ng komiks sa Pilipinas dahil hindi lamang siya nakilala dito sa atin kundi maging sa ibang bansa. Hindi ko na masyadong pakahahabain ang introduction, hayaan nating kilalanin ang isang batikang artista ng komiks sa aking panayam sa kanya.

Paano po kayo nagsimula sa local komiks at paano po kayo napunta sa American comics?

I started doing short stories for Horror komiks then Nestor Redondo hired me as art director in his Superyor komiks ( doing letterings, art revisions while I studied under him) then Mars Ravelo hired me to work for Atlas and Gasi where I did lots of novels like Javlin Ang Taong Isda, Darna at ang Babaing Linta to name a few. Ravelo then built his own publishing house and took me with him, where I did Candy (which later was bought by my late kumpadre Ricky Belmonte and starred her daughter Sheryl Cruz for film. I had to follow my wife to the States, so from Japan (I sang there for 6 years) I came here to the States. Romeo Tanghal took me to D.C. comics and I started as an inker on various titles like Blue Beetle, Green Arrow and helped Romeo on Teen Titans. Then Marvel Comics called me up to ink The New Defenders and The Incredible Hulk. And Conan the barbarian (which I’m working on now as an animated direct to DVD)

Sino po ang mga kasabayan niyo sa local komiks, I mean yun pong mga ka-batch niyo dati?

I still remember Ernie Guanlao and Vic Catan as my batch.
From local komiks to international market, nag-adjust po ba kayo sa style or during that time, talagang bilib na ba ang mga Americans sa gawa ng Pinoy na kahit hindi na sila mag-adjust?
I started as an inker. I inked with my Filipino style of inking which they approved. Those days, they liked the styles of Filipinos because of the greats like Nestor and Nebres are already there. We didn’t have time to adjust because of the deadlines. Just ink it as you get the job.

Ano po ang hindi niyo makakalimutang ginawa nyo sa local komiks? Then sa US?

Javlin ang Taong Isda / Darna at ang Babaing Linta / Candy// at iba pa
U.S.: Death’s Head ( I went to London to do this for Marvel comics U.K.) and my collaboration (penciling and Inking with Neal Adams for his Continuity Comics where I showed Tor Infante’s work to Neal Adams and he was called and hired the same day.

Ano po ang usually na pinupuri ng mga editors, fans or followers tungkol sa mga Filipino artists? Is it the style, or the discipline? Ano naman po ang madalas nilang puna?

Their being always on deadline and perseverance for work. Wala pa akong puna na nakuha sa kanila maliban doon sa mga puti na naiinggit dahil hindi sa kanila naibigay ang assignment. It’s always praising the Pinoys for a job well done. Sobrang manira ang mga puti dito, maraming back biters.

During your time dito sa local komiks, sapat po ba ang binabayad ng mga publishers sa mga artists? I mean, mas mura ang bilihin nu'ng araw, mas mababa ang standard of living, ang kinikita niyo po ba sa komiks noon ay talagang makakabuhay ng pamilya? Or talagang naramdaman ninyo na hindi sapat ang kita dito sa local komiks kaya sa US po kayo nagtrabaho?

Mars Ravelo always takes care of his artists.Kaya those times. Pag kinuha ka ni Mars Ravelo, You’re made! I think sapat nang bumuhay ng pamilya ang kinikita sa komiks noong araw, kaya nga yung ibang artists tatlo- tatlo ang kabit those days ( hindi ako kasama doon, hanggang girlfriend lang ako dahil ako ang hinahabol ng mga babae noong araw( joke only). Kung hindi lang nandito na ang misis ko, I will not leave. I like being a comicbook artist. That’s why I miss those days na pag nakasingil, e tuloy na kami sa beerhouse. I really miss those days. Those days that will never come back.

Ano pong mahalagang-mahalagang aral ang natutunan ninyo sa local komiks na hanggang ngayon ay isinasabuhay ninyo diyan sa US, kahit po nasa animation at storyboarding na kayo?

Pakikisama, sipag at tiyaga. Study the trend and always apply it. Practice, practice, practice. Remember na ‘Nothing is Forever’, everything will soon come to an end. Everybody should save for the future. Dito sa States, pag wala kang job , you’re screwed. Kaya bago pa lang matatapos ang job n’yo, try to network agad.

May pagkakaiba po ba ang fans ng mga local komiks noong araw sa mga fans na inyong naranasan diyan sa US?

Wala kaming masyadong fans nu’ng araw dahil walang conventions diyan na katulad dito. Pinipilahan kami para sa autograph ng ginawa naming comics (ang mga artists sa Japan ay itinuturing na ng mga fans na gods).





If given a chance na makapag-drawing ulit sa local komiks, gagawin niyo po ba?

Are you kidding? I would love to! I’m still a Filipino! As of right now I’m putting together an anthology of shorth stories comic book para sa Pilipinas.with the artists here contributing kasama na ang mga Guhit Pinoy sa Saudi.

(to be continued)

DIOSA HUBADERA #2




Saturday, November 12, 2005

TRIVIA 3

Nauso sa komiks ang pagkakaroon ng ‘bansag’ o ‘katawagan’ ng ilang manlilikha, lalo na iyong madalas magtambal sa nobela. Ilan sa mga ito ay sina:

Jim Fernandez – The Philippines’ Finest Writer
Hal Santiago - The Philippines’ Finest Illustrator
Pablo Gomez – Philippines’ Most Loved Writer
Joey Celerio – Philippines’ Most Loved Artist
Mar Santana – The Godfather
Clem Rivera _ The Godson

Mas naging kontrobersyal ang naging katawagan kina Fernandez at Santiago dahil kinalaunan ay naging Philippines’ Greatest Writer at Illustrator ang inilalagay nila sa komiks. Maraming hindi sumang-ayon dito. Ayon mismo kay Santiago, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa mismong nag-letra sa mga pamagat ng nobela nila ni Fernandez. Ang dapat na nakasulat dito ay ‘The Official Philippines’ Greatest Writer and Illustrator’…nang panahong iyon lang.

Q13

“The ingenious synthesis of the written word and illustrations proved to be an attractive and ‘easy’ alternative for the masses who never gained a foothold in the traditional written literature. Philippine poetic and dramatic forms were rooted in oral traditions. Previous to komiks-magasin, literature was elitist, and even its progressive wing lured only the intelligentsia. As one komiks-magasin suki put it, ‘Hindi nakakasakit ng ulong basahin.”

Danny Mariano
In The Name of the Masses
TV Times 1978

Wednesday, November 09, 2005

DAGDAGAN ANG SARILI

Totoong ang medium ng komiks ay isang uri ng komunikasyon at pakikipagtalastasan sa mambabasa. Ngunit dapat nating tandaan na ang writer at illustrator ay kapwa alagad ng sining—anumang lebel ang pagiging artist nila, basta alagad pa rin sila nito. Maaring may editor, publisher, at reader na hindi artist, ngunit hindi dapat pagdudahan ang dalawang nabanggit ko.

Ang paggawa ng komiks ay question of quality and creativity. Magandang malaman natin na dapat ay maraming pintong bukas para sa pagpapalawak ng medium na ito. Isa sa katotohanan kung bakit sa paglipas ng maraming panahon ay nawala ang kalidad ng komiks ay dahil kapos na ito sa mga ‘bagong bagay’. Tinalikuran na ng mga manlilikha ang ‘creative side’ at hinarap na lang ito bilang ‘pangkaraniwang’ na uri ng hanapbuhay.

Sa publication, base sa aking karanasan, walang naging brainstorming sa pagitan ng mga artist, writer, editor at publisher. Ni walang ‘bonding’ kaya walang ‘harmony’ ang finished product ng komiks at walang bagong konsepto na lumalabas. Noong buhay pa ang Counterpoint Publishing ay tinipon kami ni Joelad Santos (editor-in-chief) sa isang open forum kung paano ulit mapapalakas ang komiks. Hindi nagtagumpay ang meeting, halos sampu lang kaming dumalo.

Para sa akin, relatibo ang salitang ‘Paano ulit mapapasigla ang komiks?’ May mga pangyayari na ang tagumpay ng isang produkto ay dumarating sa hindi inaasahang pagkakataon. Mayroong mga survey at pag-aaral sa ‘target market’, ngunit kabiguan lang din ang kinalalabasan. Mayroon namang ‘suntok lang sa buwan’ ngunit bigla naman palang sisikat. Ang hirap habulin ng pag-iisip ng tao—lalo na ng mambabasa. Hindi sa nagiging pessimistic ako ngunit naniniwala ako na kaya nating anihin ang tagumpay hindi sa isang iglap kundi sa pagtitiyaga.

Kapapalabas lang noon ng pelikulang ‘Titanic’, pumatok sa manonood. Nag-suggest si Karl Comendador na gumawa ng mga nobela na katulad ng ‘timespan’ ng Titanic. Ibig sabihin, direct-to-the-point ang kuwento. Hindi na iyong magsisimula pa sa pagkabata ng character hanggang sa magbinata, mag-asawa, magkaapo, at mamatay. Isang plot lang na tapos kaagad sa loob ng napakaikling panahon tulad nga ng pelikulang nabanggit ko. Sumang-ayon naman si Joelad. Kaya naglabas sila noon ng komiks na kung saan mayroon lang isang tapos na kuwento (tulad ng komiks ng Amerika). Ngunit hindi rin nasunod ang ‘timespan’ na sinasabi ni Karl. Writer pa rin ang nasunod kung anong klaseng kuwento ang gusto nilang isulat.

Ayokong maging hipokrito, ngunit talaga namang wala kang mapapalang bago nang panahong iyon. Ang mga drawing ay minadali, ang mga kuwento ay paulit-ulit na ginamit. Ang mga artist na nagbi-break away sa ganitong estilo ay lumipat na lang sa paggawa ng iba (halimbawa ay sa komiks sa abroad at animation studios). Ang mga bagong plot na hindi kayang sakyan ng mga ‘makalumang editors’ ay hinayaan na lang na amagin sa kanyang tambakan ng mga nakapilang script at synopsis. Mas pinagtutuunan ng pansin noon, lalo na ng mga editor at publisher, ang mangalap ng impormasyon kung anong klaseng komiks ang mabenta na kailangan nilang gayahin. Kaya magsasawa ka noon. Pumatok ang ST (Seksing Tapusan) ng GASI, naglabas pa sila ng L Na L, pati ang Komedi Komiks ay ginawa na nilang ‘nakakatawang kabastusan’. Ang Happy Komiks naman ng Atlas ay ganitong tema rin ang ginawa. Ang West ay naglabas ng Seksi. Nang mauso naman ang horror stories, naglabasan ang mga komiks na Nightmare, Kilabot, Space Horror, Holiday, Dugo, Salamin ng Lagim, Daigdig ng Lagim, Dilim, at napakarami pa.
Hanggang nitong mga bagong panahon, ganoon pa rin ang sistema dito sa atin. Nang mag-klik sa market ang Culture Crash ay kung sinu-sino na rin ang naglabasan na may ganito ring tema. Nang mauso din ang romance pocketbooks ay naglabasan na rin ang iba’t ibang publisher nito. Pati ang pocketbooks ngayon na inilalabas ng PsiCom ay ginaya na rin ng kung anu-anong publication. Ultimo Anvil Publishing ay nanggaya. Wala namang masama sa ganito, kung tutuusin ay ‘safe’ pa nga sa market. Ang problema, nabu-burn out ang readers. May nagsasawa kaya bigla na lang umaalis. Kaya hindi ka magtataka kung bakit hindi naging mahaba ang buhay ng mga produktong iisa ang laman. Ang masakit pa ditto, pati iyong original ay naaapektuhan.

Ang problemang ito ay mauugat sa individual creativity. Kung ikaw ay manlilikha o editor ng komiks, at wala kang ginagawa araw-araw kundi tingnan ang komiks na iyong nai-produce, wala ka ring mapupulot na bago. Nagkukulong ka sa sarili mong kahon. pag-uwi mo sa bahay, manonood ka ng TV, o kaya ay makikinig ng radio, o kaya ay magbabasa ng tabloid. Pagkatapos, haharap ka na naman sa sariling produkto na paulit-ulit-ulit mong tinitingnan.

Ang buhay ay isang creative work. Hindi ito kuwestyon kung may ‘contentment’ ka o wala. Ang mahalaga ay may ‘satisfaction’ kang nararamdaman kapag nakakatuklas ka ng bago at alam mong mapapakinabangan ng marami.

Madalas akong makarinig ng ganito: "Komiks lang ‘yan, wag mo nang pag-aksayahan pa ng panahon na pagandahin pa ang trabaho!" Ang masakit ay galing pa mismo ito sa mga tao sa publication. Ang hindi nila alam ay sila rin ang apektado.

Ayokong magdikta ngunit isa ito sa nakikita kong maayos na paraan para mapasigla ulit ang komiks ng Pilipino. Creativity. Maging kritiko kahit isang saglit. Manood ng sine, stageplay, concert, debate—at i-criticize ang mga ito. Magbasa ng poetry, makinig ng music mag-isa, tingnan ang cover ng lahat ng naka-display na libro sa bookstore mula sa puzzle, childrens book, magazine, fictions, references, mangalkal ng mga lumang gamit sa garage sales, manood ng VCD ng mga pelikulang kahit sa panaginip ay ayaw mong panoorin, mamasyal mag-isa, makahalubilo sa mga kakilala—sosyal, estudyante, propesyunal, manggagawa, pulubi at lumpen.

May dalawang exercise akong natutunan buhat sa karanasan ni Julie Cameron, ang author ng aklat na ‘The Artists Way’, upang madagdagan an gating creativity. Ang una, tinatawag niyang ‘artist date. Kung saan mag-set ka ng isang araw sa isang linggo na makipag-date sa sarili mo, o sa artist na nasa loob mo. Wala ka dapat kasama. Gawin mo ang gusto mo—mamangka, kumuha ng pictures, maglakad kahit saan ka makarating, kumain ng pagkain na hindi mo kinakain. Ang mahalaga, damhin mo ang kalayaan at hinahayaan mong pumasok sa iyong utak ang karanasan na hindi mo lagging ginagawa sa buhay.

Ang ikalawa, tinatawag niyang ‘morning pages’, kung saan nagsusulat ka o nagdu-drawing pagkatapos mong gumising sa umaga. Mas maganda kung hindi ka pag naghihilamos o nag-aalmusal. Isulat mo ang unang pumasok sa isip mo. Puwedeng ang panaginip ng nakaraang gabi, ang kagat ng lamok, ang mabahong laway sa unan. Puwede kang mag-drawing ng kahit ano, mag-lettering, puwedeng nilalaro mo lang ang lapis mo hanggang makabuo ka ng pigura. Sa ‘morning pages’ ay walang batas. Lahat ay tama at walang mali.

Ang komiks ay hindi lang para sa ating sarili. Ipinakikita at ipinababasa natin ito sa ibang tao. Kaya kailangan ay ‘open’ tayo sa lahat. Itabi muna natin ang ‘technicalities’ ng paggawa nito. Sabi nga ni Albert Einstein, ‘Imagination is more important than knowledge."

Kung matututunan nating tingnan ang ibang anyo ng creative works, kahit hindi nakarelasyon sa komiks, ay madadagdagan nito ang ating sarili hindi lang sa pagiging artist kundi sa pang-araw-araw na pagharap natin sa buhay.

Ang komiks ay isa lamang kapiranggot na bahagi n gating buhay na nangangailangan ng creativity. Kapag ang buhay ay puno ng ideya, napakamalikhain, walang puwang para mawalan tayo ng pag-asa. At ang mga bagay, malaki man o maliit, ay kaya nating pasunurin kahit ano ang ating naisin.

Ang creativity ay nagdudulot ng evolution at transformation. Sa daigdig ng sining, ang mga pagbabagong ito ay hindi nangangahulugan ng pag-ayaw sa isa at pagtanggap sa ikalawa. Ang pagbabagong ito ay ang pag-angat natin mula sa unang antas patungo sa ikalawa, ikatlo, ikaapat, hanggang sa kung saan ito abutin.

Kahapon ay sila, tayo ngayon, bukas ay iba naman. Ganyan lang naman ang ebolusyon ng mga pangyayari. Ang mahalagay ay may maiwan tayo ngayon, upang ang mga susunod sa atin ay may maipasa rin sa iba.

Tuesday, November 08, 2005

DIOSA HUBADERA 1


Nagwala ako sa komiks na ito. Bastos at radikal ang tunay na esensya ng kuwento nito, ngunit iginuhit sa drawing-pambata.

Nag-propose ako ng nobela sa Atlas noon, kasama ang isang mahusay na illustrator. Matapos basahin ng editor ang synopsis na dala ko ay agad siyang napangiti. "Okey ‘to. Kaso wala akong mapagsingitan sa komiks ko nito e. Puno na ako ng nobela. Kung gusto mo, iwan mo na muna sa akin. Pag may nabakanteng space sa komiks ko, saka natin ilabas."

Napag-isip-isip ko, kelan naman kaya matatapos ang mga nobela sa komiks na hawak niya? Ang sistema kasi sa komiks natin, kapag baguhan ka at wala ka pang ‘name’, mahihirapan kang makagawa kaagad ng nobela. Kahit napakaganda at bago ang plot mo. Uunahin siyempre ang mga kilala na at batikan dahil may followers na ang mga ito. Kaya ang mga huling nobelista ng komiks na sumikat ay hindi na umabot sa batch namin. Naputol na ito noong panahon nina Mike Tan, Almel de Guzman, KC Cordero at Armand Campos. Sa mga naging ka-batch kong manunulat, wala akong natatandaan na nakagawa ng nobela na sumikat dahil dumating sa puntong puro short stories na rin ang inilalabas ng mga publication dahil pagod na raw ang mga readers sa kasusubaybay ng pagkahaba-habang nobela sa komiks.

Inabot talaga ako ng malas (pati na ang mga kasabayan ko) dahil ang pasok namin sa komiks ay kung kailan unti-unti na itong humihina. Madali ka kasing sumikat sa komiks noon kapag halos lahat ng komiks linggu-linggo ay may labas ka. Kahit gaano ka kagaling, kung sa isang taon e dalawang kuwento lang ang napa-publish sa ‘yo, good luck kung sumikat ka! Padami ng padami ang writers at artists, pakonti-ng pakonti ang komiks.

Hindi na natuloy ang proposal ko. Hanggang sa nabaon na ito sa limot. Nang mabasa ko ang graphic novel na Persepolis ni Marjane Satriapi, tinablan ako ng kuwento. Ewan ko kung bakit isang araw na lang ay bigla kong hinalungkat ang mga luma kong synopsis. Idinrowing ko lang ito. Hindi ko alam kung sino ang magbabasa at kung sino ang magpa-publish. Basta trip ko lang siyang gawin. Naisip ko nu’n na ipa-xerox at ibenta ulit sa underground scene (sa Tandem, Recto) kahit sampung piso lang ay okey na. Kaso hindi rin natuloy, dahil kalagitnaan e bigla ulit akong tinamad. Ang haba kasi. 120 pages. Kinakain ang oras ko. Kesa i-drawing ko pa ito e gumawa na lang ako ng raket na pagkakaperahan.

Nang madiskober ko itong blog ay hindi pumasok sa isip ko na maglagay dito ng online komiks. 2 weeks ago ko lang ito naisip. Tutal e may halos 40 pages na rin naman akong nagawa, puwede ko na itong i-upload dito. Iisa-isahin ko na lang tapusin para di maputol ang susubaybay (kung may magbabasa man!).

Actually, ang layo na nito sa kuwentong ipinasa ko noon sa Atlas. Mabuti na lang at hindi marunong mag-blog ‘yung artist na ka-team ko noon, baka matawa lang siya pag nakita ito ngayon.

Lalabas ang DIOSA HUBADERA tuwing Miyerkules at Linggo sa blog na ito.

Sabi nga ni Brad Pit, "Basa!"



Click the image for higher resolution.

Sunday, November 06, 2005

SCRIPT MO, DRAWING MO

Tumigil ako sa pagdu-drawing ng komiks noong 1991. Nang bumalik ako ako ng 1995 sa publication, full-time writer na ako. Nagsusulat ng radio scripts at romance pocketbooks.

Tanong ng misis ni Hal Santiago nang minsang dalawin ko sila. “Paano ka natutong magsulat?”

Si Sir Hal na mismo ang sumagot. “Kapag marunong kang mag-drawing, matututunan mo ring magsulat. Ita-translate lang naman ng mga salita ang nakikita mo at nararamdaman.”

Naniniwala ako sa sinabi niyang ito. Isa lang naman ang basoc foundation ng writer at illustrator, ito ay ang ‘awareness’.

Kung ano ang nakikita ng artist sa kanyang paligid, ililipat lang niya ito sa pamamagitan ng papel at lapis. Ganoon din sa writer, ilalagay lamang niya sa makinilya o computer. Kung may galit na nararamdaman ang artist, magri-reflect ito sa kanyang drawing. Kung may galit din ang writer, mapapansin ito sa kanyang isinulat. Magkaiba ng paraan na ginamit, pero pareho lang ng proseso. From outside to inside to outside.

Sa komiks, ang ilan sa mga manlilikha ay parehong pinag-aaralan ang pagsusulat at pagdidibuho. At karamihan sa mga taong ito ay sumikat dahil mas napapaganda nila ng husto ang kanilang trabaho. Nariyan sina Francisco Coching, Nestor Redondo, Virgilio Redondo, Mars Ravelo, Alex Niño, Alfredo Alcala, Jim Fernandez, Hal Santiago, Mar Santana, Vic Catan Jr., Nestor Malgapo, Karl Comendador, Vincent Kua Jr, Rod Santiago, Gerry Alanguilan, Carlo Vergara, Arnold Arre, at napakarami pang iba.

Isang ‘bentahe’ kung parehong napag-aralan ng sabay ang dalawang talentong ito. Ngunit ‘ika nga, may mga tao na hindi kasinlakas ang pagnanais (gaya ng ibinigay kong mga halimbawa) na maabot ng sabay ang dalawang talento, kaya nagkakaroon na lang ng isang ‘specialization’. Nasa puntong kailangan nilang pumili sa pagiging writer o pagiging artist. Ngunit hindi dapat ipag-alala dahil karamihan din sa kanila ay nagtagumpay. Sa mga naging writer ‘lang’ ay nariyan sina Pablo Gomez, Tony Tenorio, Elena Patron, Gilda Olvidado, Nerissa Cabral, Helen Meriz. Sa mga artist naman, sina Nestor Infante, Clem Rivera, Lan Medina, Noly Zamora, Federico Javinal, at iba pa.

Kung titingnan, mas napili nga nila ang isang talento at nagtagumpay sila dito. Ngunit sa kaloob-looban ng kanilang pagkatao ay pareho na nilang ginagawa ang pagiging wrtier at artist. Halimbawa, ang writer na si Rosahlee Bautista, hindi siya nagdu-drawing sa komiks pero mahilig siyang kumopya sa drawing ng mga cartoon characters tulad ni Garfield at Popeye. Ang writer din na si Michael Sacay ay matalas ang ‘visualization’ sa mga drawing na ‘unproportion’ at kulang sa detalye. Pareho silang writer ‘lang’ pero pareho din silang aware kung ano ang nangyayari sa pagdu-drawing.

Ang illustrator na si Arman Mercado, kapag nakakabasa ng script na may ‘loophole’ (butas) ay agad niyang pinupuna. Kapag mali naman o kulang sa detalye ang dialogues at captions ay siya na mismo ang nagdadagdag, saka na lang niya sasabihin sa editor.

Sa madaling salita, sa komiks, nagkaroon ng boundary ang pagiging writer at illustrator. Ngunit sa kaloob-looban ng ating paggawa ng alinman dito, hindi lang natin napapansin, pareho na nating itong pinakikinabangan.

Sa pag-aaral ng science at psychology, nahahati ang ating utak sa dalawa function nito:

Kaliwa Kanan
Verbal -non-verbal
Syntactical -perceptual
Linear -global
Sequential -simultaneous
Analytical -synthetic
Logical -intuitive
Symbolic -concrete
Temporal -non-temporal
Digital -spatial

Bilang manlilikha ng komiks, artist man o writer, napatunayan na ng siyensya na mas nagagamit natin ang kanang bahagi ng ating utak, tanggap natin ito dahil dito umuusbong ang salitang ‘creativity’. At dahil nga ‘right-side of the brain’ ang ginagamit natin, walang dahilan para mapaghiwalay sa layunin ang writer at artist.

Mahalaga ang ‘awareness’ na ito para sa mga taga-komiks dahil magdudulot ito ng ‘harmony’ sa trabaho. Kung ikaw ay isang writer, dapat ay nabi-visualize mo na ang kalalabasan ng iyong kuwento kapag nai-drawing na ito. At dahil pumapasok na sa iyong utak ang visualization, maililipat mo ito ng maayos sa iyong ‘illustrations guide’ na ipagagawa sa artist. Tandaan na ang komiks ay isang ‘still image’ at hindi gumagalaw (gaya ng animation) kaya kailangan ay handa ang writer kung ano ang tamang eksena na ipapa-drawing sa artist.

May ilang mga experiences ako dito sa local komiks maging sa abroad kung saan hindi naging mabisa ang scriptwriter sa paglalahad ng guides para sa artist. Totoo na mahalaga ang pagkakaroon ng isang magandang kuwento, ngunit hindi lamang doon natatapos ang obligasyon ng isang manunulat. Dapat din niyang isaalang-alang ang trabaho ng magdu-drawing. Isa sa na-encounter ko sa local komiks ay ang guide na ganito…

‘…ipakita si Damian na napalingon sa likuran. Nang makita niya ang bag ay lumapit siya dito at sabay tumawa ng malakas…’

Paano ko ilalagay sa isang panel ang ganitong eksena? Hindi naman gumagalaw ang komiks? Ang solusyon, naisip kong magdagdag na lang ng isang panel. Sa unang panel, nakita ko siyang nagulat na napalingon. Ang ikalawa, ipinakita ko nang hawak niya ang bag habang tumatawa. Ngunit dahil sa katamaran kong magdagdag ng isa pang panel, hindi ko ginawa ang naisip kong ito. Sa halip, nag-drawing na lang ako ng lalakeng tumatawa habang hawak ang bag. At binawi ko na lang sa caption na: ‘Napalingon si Damian. Nang makita ang bag ay biglang…’ pinakialaman ko na ang script ng writer, bahala na ang editor na magpasya.

Ito pa ang isa kong na-encounter sa isa sa ginawa kong komiks sa US:

BEAH runs to the room's exit out to the hall, holding a lighting gun that she took out of one of SIDER #2's spare holsters and shooting at WREN but missing. She doesn't hit anyone but WREN and the other SIDER (let's call him SIDER #4) start to turn her way as the shot goes between them. WREN shoots at BEAH as she runs out, and she has to duck down low so that the shot goes over her head and is unable to return fire. But she's practically out in to the hallway already.

Hindi ko tuloy malaman kung ang purpose ng writer ay gumawa ng prosa o magsulat ng script ng komiks. Imposibleng mailagay ko ang ganitong eksena sa iisang panel. Kaya sa ayaw mo man at sa gusto, magdadagdag ka talaga ng supporting panels.

Sa illustrator naman, hindi lang dapat nakatali sa illustrations guide ang ‘visualization’. Huwag maging limitado sa dikta ng writer. Paminsan-minsan ay umakto kang writer kahit hindi ikaw ang nagsulat mismo ng istorya. Napapagaan ng ‘visual storytelling’ (although sa paniniwala ko na mayroon lang talagang obra na inaayunan ito) ang paglalahad ng kuwento, kaya magandang palalimin ang pag-aaral ukol dito. Napakaraming posibilidad sa execution dahil ang artist ang ‘final judge’ ng materyales, sa kanya ang huling hirit, ‘ika nga.

Isa sa sekreto sa estilo ng pagdidibuho ni Harold Foster ng Prince Valiant ay ang pagdadagdag niya ng ilang detalye sa event ng eksena. Mapapansin na ang kanyang mga tauhan ay inihahalintulad niya sa totoong buhay ang paggalaw. Minsan, makikita mo ang karakter na napapasuntok sa hangin kapag nagsasalita, nagkakamot ng ulo, at natututong ma-distract sa environment ng eksena kahit wala sa mismong kuwento.

Kung naipagkasundo na natin ang ating sarili sa pagiging writer at artist, papasok tayo ngayon sa isang pundasyon na ang komiks ay isang ‘visually-oriented medium’. Kahit pagsusulat lang ang alam mong gawin, kailangan mong malaman na ang komiks ay unang nakikita sa mata.

Ayon kay Betty Edwards, ang author ng aklat na ‘Drawing On The Right Side Of The Brain’ at ‘Drawing On The Artist Within’, ang pagdu-drawing ay bahagi na ng ating pang-araw-araw na pamumuhay, “Nearly everyday you do a drawing using line, one of the basic components of art: You ‘draw’ your name. Embedded in that ‘drawing’—in the line of your signature.”

PRACTICE..

Thursday, November 03, 2005

nasa READERS DIGEST ako...!





Q12

"Once, somebody asked me to do a caricature. I did it in practically five minutes. The man categorically asked me how much it would cost. I told him P300. He complained ‘Bakit naman ganyan, five minutes lang at kaunting guhit lang, you charged that much.’ I’m charging you not for the number of minutes I did it, but for the number of years of experience that went into that style and technique, I told him."

Larry Alcala
Cartoonist

TRIVIA 3


Kasabay ng pagiging kartunista ni Larry Alcala, siya rin ay isang propesor ng Fine Arts sa University of the Philippines kung saan nagtuturo siya ng Animation and Graphic Arts.