Saturday, July 29, 2006

PATALASTAS...baka naha-highblood na kayo...

Friday, July 28, 2006

TABLOID PHILOSOPHY

“To be an entrepreneur you have to be a visionary. You have to see how to exploit the market, how to stimulate and then supply a demand. It’s creative like that.”
-Unknown character from Brian Talbot’s The Tale of One Bad Rabbit comics

Struggle para sa baguhang publisher ang maglabas ng komiks ngayon. Magsusugal ka sa isang abstract market. Maglalabas ka ng ‘Manga’ dahil iyon ang tingin mong uso. Pero magtataka ka, nakakailang isyu pa lang ay humihina na rin. Maglalabas ka ng komiks na pa-‘artsy-fartsy’, pampa-boost ng ego. Okay lang ‘yun, sarili mo namang pera ‘yun.

Ngunit para sa isang seryosong publisher na handang maglabas ng pera para bumenta ang produkto niya, kailangan niya ng masusing pag-aaral sa market. Ang kauna-unahang pag-aralan dito ay ang kultura ng Pilipino, ang kanyang pangangailangan, ang kanyang kakulangan, ang nagpapaaliw sa kanya, ang kapupulutan niya ng aral na mayroon pa pala siyang halaga sa lipunan, ang magpapaangat ng kanyang kaligayahan.

Sa sitwasyon na nakikita ko sa mga naglalabas ng komiks sa kasalukuyan, ang mga independent publishers na ito ang gumagawa ng sarili nilang ‘limitadong ‘market’. Bakit natin lilimitahan ang market kung may pagkakataon na magkainteres dito ang lahat ng Pilipino? Wag niyo nang pansinin ang mga komiks enthusiasts, wag niyo nang intindihin ang mga geeks and nerds and weirds na teenagers. Kunin niyo ang malaking bilang ng Pilipino.

Tabloid philosophy. Ito ang hindi sinusubukan ng mga independent publishers ngayon. O kaya ay ang pilosopiya ng romance pocketbooks (ayon sa latest survey, ang romance pocketbook ang may pinakamalaking readership sa bansa, pangalawa sa mga nagbabasa ng Bibliya).

Ginawa ko ang sample cover na ito hindi para sabihin na mukhang pera ang mga Pilipino. Ginamitan ko ito ng tabloid philosophy na kung sakali mang kahit ikaw ay isang simpleng tao na napadaan sa bangketa at makita ang komiks na ito, siguradong mapapalingon ka. Kalimutan mo kung ano ang content nito, o kung sinu-sino ang mga nag-drawing sa loob. Ang mahalaga dito, sa labas pa lang ay makakuha ka na ng atensyon.

DETAILING RESPONSIBILITIES

Huwag ipagkamali ang sinabi kong ang dapat lahat ay kumuha ng reponsibilidad para alagaan ang industrya ng komiks. Alam kong marami akong nasagasaan, o kaya ay may nagtaas ng kilay sa nakaraang post ko. Alam ko rin na marami ang nagbabasa nito na mga seniors ko sa publication na hindi na lang nagsulat ng comments.

Gusto ko ring sabihin na tama ang sinabi ni Gener (bahala siya kung ayaw niyang magpakilala, okay lang sa akin) na dapat ang isa na bumubuo ng industriya ay maging responsible. Tama rin ang sinabi ni Gerry Alanguilan na hindi dapat akuin ng writers at artists ang responsiblidad para paangatin ulit ang komiks.

Magkakontra ba?

Pero para sa akin ay hindi. Parallel ang idea ng dalawa. Hindi magtatagpo pero iisa ang purpose—ang bigyang linaw ang nakaraang pangyayari sa industry, at bigyang linaw din ang nangyayari sa kasalukuyan. Kaya sa puntong ito, minabuti kong bigyang linaw (para mas malinaw) at idetalye ang binitiwan kong salita tungkol sa responsibilidad.

Para sa akin, ang responsibilidad ay kumporme sa kakayahan ng isang tao at kumporme sa sitwasyon. Relative ang responsibilities na dapat hawakan.

Hayaan niyong isa-isahin ko ang bawat taong bumubuo ng komiks industry at kung paano maia-apply ang responsibilities na dapat ay sa kanila:

Publisher- ito ang big boss. Ang trabaho nito ay pag-aralan ang kanyang business at kung paano ito magsu-survive sa isang society. Responsibilidad nito na gumawa ng paraan para pag-aralan ang nangyari, nangyayari at mangyayari pa lang sa industry na kanyang kinalalagyan. Kumporme sa kakayahan ng publisher na pag-aralan ang lahat ng ito. Kung hindi abot ng kanyang kapasidad ang ilang aspeto ng industry, o kaya ay hindi niya mabigyan ng pansin ang bawat detalye ng business, dapat ay mag-hire siya ng mga taong capable sa mga gawaing alam niyang hindi niya napagtutuunan ng pansin.

Nang magsimulang lumaki ang comic strip sa Western countries, naisip ni Don Ramon Roces na maglagay din ng ganito sa magasing Liwayway dahil alam niyang tatanggapin din ito ng mga Pilipino. Unang-una, aware na ang mga kababayan natin noon na may lumalabas na mga strip tulad ng Yellow Kid at Krazy Cat. Kaya nga nang I-launch ang Kenkoy, nagkaroon itong magandang feedback.

Half page lang ang nakalaan para sa Kenkoy sa magasing Liwayway. Nang makilala ito, ginawang whole page. At ilang taon pa, ginawa nang 2 pages, at naging colored pa. Responsibilidad ito na gawin ng editor (na sa pagkakaalam ko ay si Don Ramon Roces na rin—correct me if I’m wrong) dahil alam niyang isa sa kinakagat ng tao sa Liwayway ay ang Kenkoy. Marketing wise, kung sino o ano ang bumebenta, iyon ang ibigay mo sa mamimili. Strategy ito ng editor (na niri-report naman niya sa publisher/namumuhunan) para gumanda pang lalo ang sales nila.

Magaling ang pag-aaral na ginawa ni Don Ramon Roces. Dahil nagsusulputan na rin sa local market ang ilang titles tulad ng Prince Valiant, Flash Gordon, etc., lumabas na rin ang mga kuwentong tulad ng Kulafu, Palasig, etc. Nang mabuo ang tinatawag na comicbook ng Superman, Batman, etc. (ibig sabihin ay hiwalay na itong entity at hindi na palaman lang sa magasin), naglabas na rin ang Roces ng hiwalay na komiks (although nauna na ang Halakhak na hindi rin naman nagtagal sa market). Ang pagkakaroon ng sariling identity (na hindi kasama sa magasin) kung kaya lumakas ang komiks sa Pilipinas.

Kinuha ni Don Ramon si Tony Velasquez na mamahala sa creativity side ng komiks dahil alam niya na pioneer ito sa larangang ito. Sabay nilang pinag-aralan ang market. Kung ano ang hinahanap ng mga tao. Kaya sa kasaysayan ng komiks, makikita mo kung ano ang kinahihiligan ng mga tao. May era na malakas ang horror, kaya naglalabas sila ng ilang titles pa ng mga kuwentong horror. May era din na malakas ang adventure, kaya nadadagdagan ang titles ng mga adventure komiks.

Kakaunti pa lang ang may television at radyo noon. At karamihan ng mga baryo sa Pilipinas ay walang libangan. Kaya binigyan sila ni Don Ramon ng isang libangan na madali nilang maaabot, mura ang presyo, malawak ang circulation. Ang ganito kagandang timing ang dahilan kung bakit lumakas ang komiks.

Ang lahat ng ito ay malinaw na halimbawa ng tamang marketing strategy.

Mid 70s hanggang mid 80s, sa aking pagkakalam, ito ang pinakamalakas na dekada ng komiks. Marami na ang may radio, marami na rin ang may tv. Wala pa akong malinaw na study tungkol dito, pero tingin ko ay isa sa malaking dahilan ang sistema ng lipunan. Martial law years. Hindi ko alam kung dahil maunlad ang Pilipinas (pangalawa sa pinakamayamang bansa sa Asya kung hindi ako nagkakamali) at hindi gaanong mabigat na gumastos para maipambili ng komiks, o dahil masyadong nasasakal ang freedom noon ng mga gustong manood ng tv at sine. Sa komiks, ang dami-daming kuwento, iba-iba. May sobrang bait sa gobyerno, at may metaphorical na ang pinatatamaan ay ang gobyernong Marcos. Again, ang number one source of entertainment ng isang pangkaraniwang Pilipino ay ang komiks. Dahil mura, at malawak ang circulation. Dito na nagsulputan ang iba’t ibang publishers ng komiks, bukod sa mga Roces. Pero sa kabuuan ng kalagayan ng industriya noon, malinaw na monopolyo ng Roces ang kabuuang business ng komiks sa bansa. Mula sa mga writers, artists at distributors ay hawak nila.

Then, nawala si Marcos sa pamumuno. Hindi na rin si Don Ramon Roces ang may hawak ng publication, naisalin na niya sa mga anak at apo. Nagbago ang sistema ng lipunan. Nagbago ang papel ng advertising sa bansa. Nag-iba ang anyo ang business world. Maging ang media ay nag-iba. Mas naging adventurous ang mga pelikula at palabas sa telebisyon.

Sa kabuuan, nag-evolve ang thinking ng mga Pilipino (hindi na mahalaga kung dumami ang tumalino o bumobo, ang importante dito ay nag-iba ang sarili ng isang Pilipino-media appreciation, pagtingin sa society, pakikisalamuha sa kapwa, paghahanap ng libangan sa sarili).

So kailangang sumabay sa pagbabagong ito ng lipunan. Kapag hindi ka sumabay, tiyak na mapag-iiwanan ka.

Offguard sa ganitong sitwasyon ang namamahala ng komiks ng panahong ‘yun. Naglalabas pa rin sila ng komiks na iba’t iba ang titles ngunit marami sa mga ito ay hindi na kinakagat ng maraming Pilipino. Offguard din ang mga maliliit na publishers kaya wala na silang nagawa kundi ang magsara.

Naiwan na lang na nag-I-exist ang komiks ng mga Roces dahil kaya pa nilang igapang ang kanilang komiks. Marami pang puhunan, hawak pa nila ang distributors at mga contributors. Sila pa rin ang nagmo-monopolyo ng industriya.

Then, patuloy sa pag-evolve ang society, mas naging adventurous ang media appreciation ng mga Pilipino. Marami nang komiks ang hindi nila kinakagat—una, dahil nagsusulputan na dito ang salitang corny, baduy, luma na. Ibig sabihin, talagang hindi na nakasabay ang komiks sa pag-evolve ng thinking ng mga Pilipino.

At dahil mag-isa na lang na nag-I-exist ang komiks ng mga Roces, nang mag-collapse sila, nag-collapse na rin ang lahat ng nasa ibaba. Distributors, contributors. Wala nang ibang sumalo. Sino ang sasalo e wala namang ibang komiks noon maliban sa pag-aari ng Roces?

Ito ang synopsis ng kasaysayan ng publisher kung ano ang role niya sa komiks. Nagtagumpay ang komiks noong mga bata pa tayo. Maganda ang sinimulan ni Ramon Roces. Ang masakit, nang magbago na ang lipunan, hindi na rin nagbago ang ilang mga aspects sa paggawa ng komiks. Hindi napagtuunan ng pansin ang mga maliliit na detalye, tulad ng papel na gagamitin, kalidad ng printing, sistema ng distribution (wala na sa bangketa ang major market ng komiks nitong mga huling taon, nasa bookstores na, at meron pa nga sa ilang tindahan na wala namang kinalaman sa publishing, halimbawa ay drugstores, 24-hours stores, etc.).

Nawala na rin ang pananagutan ng publisher/namumuhunan na gumamit ng mabuting advertising para I-promote ulit ang komiks. Business wise, sumakay na lang sa agos ng pagbagsak ng komiks ang mga publishers. Noong regular employee ako sa Kislap, nakita ko kung paano patayin ng publisher ang ilang titles kapag bumaba na sa 3,000 ang purchased order (dami ng ipi-print na komiks). Pero dumating pa rin na inabot ito hanggang 1,000 copies. Nagtipid na rin sa papel, gumamit ng mababang quality ng newsprint. At mula sa 32 pages, ginawa na lang 29, kung hindi ako nagkakamali. Pinahalungkat sa amin ang mga lumang komiks noong 60s, at ang ilan doon ay pina-scan at ni-reprint. Sa sobrang higpit ng sinturon ng publisher sa pagtitipid, ginawa na ang mga paraan kung paano hindi siya gagastos ng malaki. Of course, nag-suffer ang quality dahil sa ganitong sistema. Parang inilalabas na lang ang komiks noon para lang maipakita sa distributors na linggu-linggo pa rin ay may lumalabas. Pero business wise nga, wala nang panahon ang publisher para iangat ulit ang industry. Wala akong natatandaan noon na nag-meeting kaming lahat na gumagawa ng komiks para pag-usapan ang kasalukuyang nangyayari sa industrya namin.

Natural death ang nangyari sa komiks. Kumbaga sa isang pasyente, hindi na binigyan ng gamot. Dinasalan lang at pinabayaan na lang na mamatay.

Ang publisher ang nasa itaas ng lahat ng gumagawa ng komiks. Responsible siya para pakilusin ang nasa ibaba ng kanyang posisyon. Alam kong ginagawa rin niya, ngunit hindi buong puso. Wala na sa kanya ang passion na sinimulan noon ni Don Ramon. Dito siya nagkulang.

Itutuloy

(Mahaba pa ang article na ito, kaya sana ay subaybayan niyo ang mga susunod pa. Open ako sa suggestions at puna sa kung ano man ang isinulat ko dito.)

Monday, July 24, 2006

PAGSUSURI SA NAKARAANG INDUSTRIYA

Nakapag-produce tayo ng mahuhusay na writers at artists noon. Ang ilan sa kanila ay yumaman sa larangang ito. May nagkapangalan. At mayroong nagkaroon ng karangalan sa lipunan.

Ang nagawa ng komiks sa mga taong ito ay nakapagpaangat sa kanila—materially at socially. Kumita ang publisher, naging maayos ang buhay ng mga contributors. Nagkaroon ng malaking readership ang komiks. Sa katunayan, dumating sa puntong 90% ng tao sa Pilipinas ay nagbabasa na ng komiks. May mga awards sa mahuhusay na writers at artists. May mga nobelang naging pelikula.

Maganda ang takbo ng industriya ng komiks noon. Naroon ang fame and glory. Ang daming humahanga, ang daming nag-aambisyon na makapasulat at makapag-drawing sa komiks. Ang daming gustong magkapangalan.

Ngunit sa biglaang pag-ikot ng mundo…ito na…biglang humina ang komiks. Pahina ng pahina. Yung magagaling, nag-alisan na. Yung mga dating nag-aambisyon na maging publisher, nag-isip na lang ng ibang business.

Biglang nawala ang malaking bilang ng readers ng komiks. From 90%, naging 1% na lang. Nawala na ang mga awards night. Nag-retiro na ang mga nagkapangalan at yumaman.

Ang kawawang industriya, iniwan na lang sa kangkungan. Pero huwag ka, hindi pa rin sila tumitigil sa kakukuwentuhan. Ginugunita (ang lalim ‘no?) pa rin nila ang nakaraan, ‘yung awards, ‘yung malaking singil, ‘yung inuman tuwing payday.

Pag napupunta ang usapan nila sa pagbagsak ng industriya, ang sinisisi ay ang kultura ng Pilipino. Kesyo daw hindi naman tayo readers (e bakit naging 90% ang readership ng komiks?). May nagsabi naman na kasi ang dami nang form of entertainment, may tv, computer, sinehan (e bakit ang Japan mas marami pang form of entertainment kesa sa atin?). May nagsasabi naman na kasi mahirap na ang ekonomiya ng Pilipinas (e bakit kapag sale sa SM o kaya showing ng Lord of the Rings at Superman, ang dami-daming tao, nakakabuwisit dahil di ka makahinga?) May mga nagsasabi naman na dahil ang papangit na ng mga kuwento at drawing (bakit kaya? Wala kayang responsibilidad ang mga editors at art directors para salain ang mga trabahong ito?)

Andito na tayo ngayon sa modern age. Bagsak na ang industriya. Si Mars Ravelo, kumikita pa rin sa kanyang mga creations kapag ipinapalabas sa sine at tv. Si Carlo Caparas, tuloy-tuloy pa rin ang pagdi-direk sa pelikula.

Ito ang tanong. May pakinabang pa ba ang komiks sa kanila? Ibahin natin. May nagagawa pa ba sila para sa komiks?

Ano ang punto ko sa mga kuwentong ito ng nakaraang industriya ng komiks? Simple lang. Nakikita natin ang karaniwang sakit ng isang mortal na tao. Kapag may pera ka, kapag may pakinabang sa ‘yo, ang dami-dami mong frends. Ang dami-daming umaangkas sa ‘yo. Pero kapag wala ka nang silbi, at sa tingin nila ay wala nang mangyayari sa ‘yo, aba! Bahala ka sa buhay mo! Mamatay kang mag-isa diyan!

Yan ang tunay na kuwento ng komiks.

Bakit kaya nagkaganito?

Aba! Ewan. Itanong kaya natin sa mga lolo nating panot.

Baka kasi noong kasikatan ng komiks dito sa atin, lahat e nasilaw sa kita at katanyagan? Wala bang nag-predict na darating ang panahon na baka biglang mag-iba ang ikot ng mundo ng industriya? O kung meron mang nag-predict, naisip kaya agad nila kung paano kokontrahin ang mga problemang darating? May nagkaroon na ba ng vision noon na baka nag-iiba na ang market a? Nag-I-evolve na ang kultura ng Pilipino? Dumadami na ang kalaban sa entertainment, so kailangang makaisip tayo ng mainam na strategy na kaya pa rin nating tumapat sa kanila as a medium of entertainment?

Sa palagay ko wala. Kasi kung meron, bakit bumagsak pa rin ang komiks?

Ibig sabihin, hindi sila alert. Naka-offguard, kumbaga sa boxing.

Sino ang sinisisi ko sa pagbagsak na ito? Lahat. Mula sa publisher hanggang sa letratista. Bakit? Ito ang magandang tanong. Bakit nga ba?

Gusto niyong malaman ang simpleng sagot? RESPONSIBILIDAD. May responsable ba sa inyo? O ang salitang responsibilidad ay iniwan niyo na rin mula nang wala na rin kayong nahihita sa komiks?

Andito kami ngayon, mga bagong dugo ng industriya (kung industriya pa nga itong masasabi). Hindi namin inabot ang glory days niyo sa komiks. Ang inabot namin ay ang mahinang kalagayan nito. Ang marami sa inyo, hindi na nga namin inabot.

Gumagawa kami ng studies. Sinusuri namin ang nangyari dati, para kahit paano ay matuto kami sa generation namin ngayon. Ayaw na naming maulit ‘yung dati. Gusto naming maging responsible sa abot ng aming makakaya. Ang marami sa amin, hindi trabaho ang turing sa komiks…kundi buhay, karugtong ng sarili. Kaya ayaw naming makita na bumabagsak ang komiks.

Kaya tulungan niyo kami. Ngayon ko kinukuha ulit ang salitang responsibilidad na galing sa inyo. Ilatag niyo ang mga dapat ilatag. Ilabas niyo ang mga kaalaman niyo na dapat naming matututunan. Gawin natin solid at matatag ulit ang industriyang ito.

O baka naman…wala talaga kayong mailalatag. Masakit ang katotohanan.

Sunday, July 23, 2006

ANG PINAKA-COMMON NA TANONG SA ARTIST (na lalake)

"Buti hindi ka napapasma?"

Sa babae kaya, tinatanong din 'to?

(wala na ako mai-post e, hehehe...joke muna)

Thursday, July 20, 2006



Ito ang inked version ng isang page na ginawa ko.

Ito ang sulat sa isa sa nagpost dito:

Kung gayon, kung ikaw ay isang comics artist tama lang na 'wag mo nang pansinin ang aspeto ng pangangalakal?
Kung ikaw'y interasado naman sa pangangalakal ay tama lang na wag mo namang intindihin ang ebolusyon ng sining sa komiks?
Siguro mali po ako pero, kung ang mga tila magkahiwalay na mga interes na ito ay di maiintindihan ng magkabilang panig, ay hindi ba't maaring lalong lumalim ang di pagkakaunawa ng sining at pangangalakal? Kaya nga tinawag na comics "industry" dahil hindi lang ito art kundi pati komersyo, hindi po ba?
"Commercial art" ang involved ika nga. Nakasalalay ang buhay ng isang comics creator at publisher sa aspeto ng "pangangalakal"; sa paglalako ng "komiks" para mabuhay siya. Ang pagiging comics creator at ang paggawa at pagbenta ng komiks ay 'livelihood' din, hindi po ba?
Wala po akong sinasabi o hini-hint na dapat diktahan ng malaliman na pag-aaral ang history ng comics industry sa Pilipinas. Ang pinupunto ko lang, ay ano naman ang consequences kung hindi naman malaliman ang pagtingin natin sa history na ito?
Mas mabuti ba na limitahan natin ang pagunawa natin sa history ng Pilipino comics INDUSTRY? Ang art at commercial aspects nito ay may hiwa-hiwalay na mga departments tulad ng nabanggit ninyo? East is east and never the twain shall meet?
May hiwalay na history para lang sa Pilipino comics "art" history at may hiwalay naman na history para sa Pilipino comics business? Kailanman ay walang ugnayan ang dalawa?
Dapat ba na habambuhay na lang nakatuon ang comics creator sa "art" aspect? Kung gayon, kaya pala maraming Pilipino comics artist NGAYON ang walang trabaho bilang comics artist at writer sa SARILI NIYANG BANSA. KARAMIHAN NAGTATRABAHO PARA SA COMICS, ANIMATION, AT GAMING INDUSTRY NG IBANG BANSA. Kung ang publisher naman ay habambuhay nakatuon sa komersyo, 'wag na lang tayo magtaka kung bakit hanggang ngayon, maliit ang respeto nila sa "sining" ng mga Pilipino sa comics at pipitsugin ang binabayad ng mga businessmen na ito sa mga Pilipino comics creators.
Inuulit ko po: wala po akong dinidikta kung ano ang dapat tuunan ng pansin sa history ng Pilipino comics industry. Ngunit kung patuloy ang di pagkakaunawa (ng malalim) sa sining at pangangalakal ng Pilipino comics; ang di pagkakaroon ng isang ika nga'y "holistic history" ng Pilipino comics industry, ay wag na lang tayo magtaka kung bakit hanggang ngayon, bagsak ang industriyang komiks sa Pilipinas.
Ito po ay isang wari na kumukulit sa isip ko matagal na, dala marahil ng kadalasang bisita at pag-appreciate ko sa mga datihan ninyong entries dito sa blog 'nyo. Dati po akong sumusulat komiks at ngayo'y nasa ibang propesyon dala ng matinding pangangailangan sa pera. Nandoon pa rin ang pagnanasa ko na sana bumalik sana ang dati nating industriya. Nakapanghihinayang. Pati ang mga kabataan ngayon, hindi alam at hindi nawawari ang nawawalang "legacy" ng industriyang ito. Sayang.
Sana po ay hindi ako nakasakit ng ninumang damdamin sa inihayag ko dito sa blog 'nyo, Mr. Randy. Salamat po sa pagkakataong naibigay ninyo sa aking makahayag dito sa blog 'nyo.

Ito naman ang sagot ko:

Ang totoo ay gusto ko ang mga ganitong usapan sa komiks dahil nahuhukay natin ang mga dapat nating malaman tungkol sa industry. Ang mga ganitong usapin ang dapat na kasama sa mga conventions dito sa atin para lahat tayo ay matuto. Sabik ako sa ganitong mga usapan dahil sa totoo lang ay iilang tao lang ang nakakausap ko tungkol sa ganito (wala pang lima).

Sa punto naman ng pag-aaral ng history, dapat talaga ay pag-aralan natin ang lahat ng aspect ng industriya ng komiks. Makakatulong ito ng malaki sa industry mismo. Masasabi ko na si Scott McCloud ang example ng ganitong uri ng tao sa American comics. Pero may mga taong tulad nina Alan Moore na ang pinagtutuunan ng pansin ay pagpapaganda ng kanyang kuwento. Ganun din si Jim Lee na ang pinagtutuunan naman ng pansin ay ang pagpapaganda ng drawing niya. Hindi naman natin puwedeng i-deny na kasama pa rin naman silang dalawa sa history ng komiks ng US. Sabi ko nga, personal choice ito. Kung may lalabas na isang Scott McCloud o isang Neil Cohn sa Pilipino komiks, makakatulong siya ng malaki sa mga tanong ng maraming tao tungkol sa komiks. Sa kasalukuyan ay wala pa tayong naipu-produce na ganito. Pero kahit paano ay meron tayong mga websites at blogs na nagbibigay ng informations tungkol sa komiks. At malaking tulong ito sa mga ngayon pa lang mag-aaral ng tungkol sa komiks.

Sa aking pagkakaalam din, dalawang propesor lang sa university ang nag-aaral tungkol sa industriya ng komiks. Pero ang pag-aaral nila ay nakatuon pa rin sa mga creators of the past, at ilang highlights ng industry. Pero 'yung visions, theories at internal aspects ng Pilipino komiks ay kulang pa tayo ng tao.

Hindi ko itinuturing ang sarili ko na pinag-aaralan ng husto ang industry ng komiks. Kung ako ay magiging bahagi ng history ng komiks natin, gusto kong maging isang creator tulad ni Coching o Ravelo o Redondo at hindi bilang isang historian. Although meron akong mga studies sa sarili kong pananaw, pero hindi ko puwedeng i-inject sa lahat ng tao na ito ang absolute truth sa pag-aaral ng komiks. Masuwerte rin ako kumbaga dahil nag-iisip ako tungkol sa industry at hindi lang sa craft at talent na taglay ko. Mas maraming magagaling na writers at artists sa akin sa komiks. Sumikat sila, ako hindi. Ang lamang ko lang ay may vision ako at ilang prinsipyo sa paggawa ng komiks. Bukod doon ay wala na, dahil artistically speaking, kaya nila akong ilampaso.

Bukas ang blog ko sa lahat ng usapin tungkol sa komiks. Ang gusto ko nga ay magkaroon talaga ng debate at malalimang discussions dito na magsisimula sa mga readers. Pero syempre, dapat nakatuon lang sa komiks. Wag na nating pag-usapan kung butas ang brief ko o mabaho ang singit ko.

Sunday, July 16, 2006

Friday, July 14, 2006

DRAWING QUESTIONS

Tatlong tao na ang nag-email sa akin tungkol sa pagdu-drawing. Ito ang mga tanong nila:

Ano po ba ang sekreto niyo para gumaling sa pagdu-drawing?
Gumagamit ba kayo ng models, halimbawa ay baril, kotse, etc. para kopyahin?
Ano po bang ginagamit niyong lapis o kaya ay pen?

Ito ang mga sagot ko:

Ang totoo niyan ay hindi na ako naniniwala sa panahon ngayon na mayroong sekreto pa sa pagdu-drawing. Lahat na ng techniques at paraan ng mga great masters sa pagdu-drawing—noon ay ngayon—ay itinuturo na kahit saan. Ang dami nang libro na nagkalat sa bookstores, ang daming tutorials na puwedeng I-download dito sa internet, at ang dami nang workshops at eskuwelahan na puwedeng puntahan.

Ang kailangan na lang pagtutuunan ngayon ng estudyante ay ang pagtitiyaga sa pagpa-praktis. PRACTICE, PRACTICE, PRACTICE. Iyan ang pinakamahalaga sa lahat. Aanhin mo ang sangkatutak na technique at tutorial kung hindi mo ito ina-apply ng aktuwal? Ako nga, may panghihinayang sa sarili ko. After kasi na mag-quit ako sa komiks noong early 90s, itinigil ko na rin ang pagpa-praktis ko sa pagdu-drawing. Napunta ako sa kung anu-anong career. Naisipan ko lang ulit hawakan ang lapis noong year 2000. Biruin mo ‘yung mahigit sampung taon kong nawala sa pagpapaunlad ko pa sana sa pagdu-drawing. Honestly, naghahabol pa rin talaga ako ngayon. Hindi ako tumitigil sa pagpa-praktis. Sa katunayan, magugulat ka sa dami ng sketchpad ko sa bahay, lahat ‘yun puro praktis ang laman.

Technically speaking, Yes, gumagamit ako ng references lalo na doon sa mga bagay na hindi ko kabisado. At naniniwala ako na kahit ang mga great masters ay gumagawa rin nito. Lalo sa linya ng pagiging komiks artist, hindi puwedeng wala kang reference. Kapag hiningian ka ng drawing na ang eksena ay noong 17th century, kailangan mo talagang maghanap ng kokopyahan.

Mayroon akong dalawang technique kung paano kumopya. Ang una ay ang pagkopya ko ng aktuwal. Halimbawa, naghahanap ako ng pose ng isang magandang babae, maghahalungkat ako sa magazines at maghahanap doon ng magandang shot at iyon ang kokopyahin ko. Kagandahan sa technique na ito, nahahasa ang awareness ng mata ko. Napagkukumpara ko ang layo ng mata sa kilay, halimbawa. O ang lapad ng balikat kumpara sa balakang.

Ang ikalawang technique ko ng pagkopya ay sa isip. Dito, nahahasa ang pagiging palatandain at imagination ko. Halimbawa, may nakita akong poster sa isang billboard, tinatandaan ko ‘yun ng husto. Kaya pagdating sa bahay, idinu-drawing ko yun sa papel. Alam ko na hindi kopyang-kopya ang nangyari pero at least nagkaroon ka ng recall doon sa nakita mo. Kaya nga ang dami kong references sa bahay. Alam ko naman kasi na lahat ‘yun ay hindi ko makokopya ng aktuwal. Kaya ang ginagawa ko na lang ay tinatandaan ko sa isip kung ano ang nakikita ko at ‘yun ang nagsisilbi kong lesson.

3. Pagdating naman sa gamit. Sa tingin ko ay walang particular na lapis o pen o papel ang ginagamit ko mula noon pa. Although may ilan akong mga kaibigan na nagsa-suggest na gamitin ang ganitong klase ng ink o ganitong klase ng cartolina. Minsan nga nakaka-discover na lang ako ng gamit na hindi rin alam ng mga kaibigan ko. Para sa akin kasi, ang materials ay secondary lang. Kabisaduhin mo muna ang craft mo, then ang materials dadating na lang ‘yan ng kusa base sa pangangailangan mo.

Tuesday, July 11, 2006





Ito na siguro ang pinakama-trabaho kong komiks na ginawa. After kasing matapos ang contract ko sa game designing, nag-promise ako sa sarili ko na babalik ako sa komiks as fulltime. Ito ang kauna-unahan kong project mula nang tumambay na lang ako sa bahay maghapon. So dito na nakatutok ang atensyon ko. Hindi ko alam kung special sa akin ang project na ito, pero kakaiba ito sa lahat ng indies na ginawa ko. Kung 'yung mga dati e nakakagawa ako ng 3-pages a day, ito naman ay nakakaisang page lang ako sa isang araw, minsan pa nga e dalawang araw. Saka nag-presenta na rin ako sa publisher at writer na ako na mismo ang magkukulay nito para may personal touch ang buong art.

Kaya ngayon, wala muna akong ibang raket. Ito muna. Dahil gusto kong detalyehin ng husto ang bawat page nito. Nakakaulol nga lang dahil ang hirap kulayan.

Sunday, July 09, 2006

GALLERY ART VS. COMMERCIAL ART

Naipakilala ako ng isang kaibigan sa may-ari ng isang maliit na gallery. Nauwi kami sa kuwentuhan sa isang maliit na cofeeshop.

Ipinakilala ako. Sabi ko, gumagawa din ako ng art. Ang ini-expect sa akin ng gallery owner, isa ako doon sa mga artists na nakakausap niya sa galleries at museums. Sabi ko, iba ako. Sabihin na nating nasa pinaka-mainstream ako ng ‘popular art’ (pop art) nakalinya. You pay me, gagawa ako ng art. Or gumawa man ako ng art, gusto kong matiyak na may makakaintindi o maka-relate man lang sa ginawa ko.

In short, I’m one of those paid hacks or one of those guys na ‘want-to-be-famous’ sa point of view ng mga ‘art people.’

Ang mga ginagawa ko ay komiks, art concept and design, book illustration, animation at 3d.

Sabi ko pa, minsan cruel ang art world. May wall na nakaharang sa pagitan namin at doon sa mga ‘gallery artists’. Sila ‘yung mga itinuturing na ‘nagpapabago ng mundo sa pamamagitan ng kanilang sining’, samantalang kami, nag-aakyat lang ng pera sa producer o publisher. Ang tingin pa nila sa amin, hindi namin naiintindihan ang geometry sa paintings nina Edouard Manet, o ang time and space sa gawa ni Pablo Picasso, o ang motion and light sa gawa ni Jackson Pollock, o ang non-Euclidian vision ni Salvador Dali. Well, sa tingin ko, marami sa amin ang hindi alam o hindi naman interesado sa mga art ek-ek na pinagsasabi ko, pero ang mga taong kagaya ng trabaho ko-- illustrators, animators, graphic designers, ay nakakaintindi ng conceptualization, perspective, rendering, color theory, execution at style. In fact, maipagmamalaki ko na ang mga taong ang mas malakas ang ‘radar’ o ‘awareness’ para maipakita ng tugmang-tugma sa tunay na buhay ang kanilang mga trabaho.

In komiks illustrations for example, hindi puwedeng ang alam mo lang I-drawing ay stick na tao na ang background ay parang kinahig ng manok na halos na yata ng kulay ay ginamit tapos tatawagin mo itong love story. Pero sa painting, puwede mo itong gawin. Then lalagyan mo lang ng matinding title tulad ng ‘The Parallelism of Love’ tapos pababayaan mo lang ang viewer na magbigay ng sarili niyang interpretation.

Dito natin malalaman na ang komiks illustrator ay disiplinado sa paggawa ng human figure, pagpapakita ng emotions sa mga characters, at believable background drawings. Sa gallery artist, bumili ka ng malaking canvass, lagyan mo ng kulay itim na tuldok sa gitna, lagyan mo ng title na ‘The Beginning of the End’, puwede mo na itong I-display sa gallery. Sigurado, kahit paano ay may papalakpak sa iyo. At ‘yung pumapalakpak na ‘yun, bibilhin sa ‘yo ‘yun ng kalahating milyong piso.

Ang pangontra naman dito ng mga gallery artists, nasa age na tayo na wala nang imposible na mai-translate ang mundo sa tunay nitong features—may camera, videos, etc. na-explore ng ng husto ng ating mata ang lahat ng sulok ng mundong ito. Hindi man tayo nakarating sa ilalim ng dagat o sa loob ng bulkan, meron namang mga pictures diyan na puwedeng tingnan, or website na puwedeng bisitahin. Pero ‘yung ‘inner universe’ ng isang artist, na exclusive lang para sa kanya, siya lang ang puwedeng magpakita nu’n sa atin bilang viewer. Ma-appreciate man natin o hindi ang kanyang ginawa, at least naipakita na niya kung ano ang meron siya sa kanyang sarili.

Weird ang pagtingin ng mga tao sa art, hindi ba?

Nang mabasa ko ang biography ni Norman Rockwell, isa pala siya sa hindi nakaligtas sa puna ng mga ‘art critics’. Ang totoo nga niyan, si Rockwell mismo ay hindi itinuturing na artist kundi isa lamang simpleng ‘illustrator’. Sabi nga nu’ng sumulat ng life story niya, napaka-bias ng ‘art history’. Ni hindi man lang nabanggit kahit palayaw ni Rockwell bilang isa sa most-influential and most-loved painter ng 20th century.

Dito tuloy pumasok sa isip ko, na halimbawang kasabay ni Rockwell nabuhay sina Michaelangelo at Da Vinci, susubukan kaya nilang gumawa rin ng cover art para sa Saturday Evening Post newspaper? O kung nabubuhay sila ngayon, susubukan din kaya nilang gumawa ng 3d sa computer o Flash animation?

Naisip ko rin, nakakulong tayo sa sarili nating panahon. Kung ano ang available, doon tayo kakapit.

Sa western countries, mahalaga ang original paintings na nakasabit sa mga galleries. Pero sa Japan, ganoon din ka-importante ang mga printed artworks bilang pang-displey sa loob ng bahay.

Sa title ko na ‘Gallery Art vs. Commercial Art’, ano kaya ang tunay na commercialized o ang kumikita ng malaki? Ang komiks illustrator ba o ang gallery painter? Kung si Jim Lee kaya ay bigyan ng offer na 100 million dollar para gumawa ng painting para sa gallery, ano kaya ang magiging desisyon niya? Kung si Andy Warhol kaya, bigyan din ng offer na 500 million dollar per page para gumawa ng drawing sa Superman comicbook, ano rin kaya ang magiging desisyon niya?

Pantasya ko lang ang mga ito. Pero puwedeng mangyari sa real world.

Pera ba o art?

Nag-painting na lang si Toti Cerda kasi wala siyang kinikita noon sa GASI. Iniwan ni Frank Frazzetta ang pagiging comics illustrator at nag-concentrate na lang siya bilang book cover painter, dito siya nababayaran ng sulit.

Si Jackson Pollock, kaya tuwang-tuwa sa pinaggagawa niyang pagsasaboy ng pintura sa canvass (action painting) dahil binabayaran siya ng malaki dito. Pagawin mo siya sa cover ng isang contemporary fiction book, tatanggi siya. Unang-una, maliliitan siya sa bayad, or, baka masiraan siya ng bait sa hirap mag-painting ng human figure. Pero subukan mong alukin ng 10 billion o kaya ay ibayad mo ang kalahati ng Amerika, bukas-makalawa, bibili ‘yan ng librong Dynamic Human Anatomy ni Burne Hogarth para pag-aralan.

Weird, di ba? Well, art is art. Kaya nating mabuhay bilang hard-core, fully-pledged, die-hard, super-duper loyal sa pagiging artist, pero dapat tapatan din ito ng equal at karapat-dapat na bayad (pera man o kung anumang may pakinabang tayo). Lahat ay may kapalit.

Pero halimbawa kayang ang isang artist ay inalok ng malaki para maging isang accountant sa bangko o kaya ay maging buy and sell agent?

Ibang usapan na ito. Dito na natin makikilala ang artist na praktikal, at ang artist na art lang talaga ang gustong gawin.

*******
Sa nagpost dito na nagtatanong ang tungkol sa Devil Car (hindi ko alam kung saan entry mo pinost dito sa blog, basta natanggap ko lang sa email)...puwede mong i-visit ang site na ito http://devilcarkomix.blogspot.com
Official blog yan ni Vic Poblete, ang writer mismo ng Devil Car. Sa question mo kung sino ang artist nito, si Karl Comendador, then si Lan Medina.

****
May free download na rin sa game na Terrawars...
www.terrawars.net

Thursday, July 06, 2006

Tuesday, July 04, 2006

Sunday, July 02, 2006



Naisip ko na huwag munang dumaldal dito...puro drawings muna ilalagay ko dito ng ilang linggo. Pero pagtiyagaan niyo na lang muna dahil puro hindi pa tapos ang mga artworks na ito, di ko pa kasi puwede ilabas ang mga ito hehehe (tigas lang ng ulo ko...hindi naman alam ng client ko ang blog na ito weheheehehe!!!)