.
Tuesday, November 28, 2006
Sunday, November 26, 2006
ABOVE VISUAL STORYTELLING
Ang malaking dahilan kung bakit hindi ko gaanong tinatanggap ang visual storytelling ni Will Eisner at ipinangangalandakan ng American comicbooks na ito ang ultimate rule sa paggawa ng komiks ay dahil sa ‘kakaibang view’ ko sa medium na ito.
Visual storyteller ako by heart pero hindi ko puwedeng I-deny ang katotohanan na ang komiks ay isang uri ng artform na maghahanap at maghahanap ng ibang paraan para maipakita ang pagsasama ng words at images.
Dalawang uri ng tao ang gumagawa ng komiks. Writer at artist. Ang dalawang ito ay parehong alagad ng sining. In short, mas tinitingnan ko ang komiks as a way of self-expression at hindi lang isang simpleng communication.
Puwede ba nating kuwestyunin ang writer at illustrator (artist) kung artist nga sila?
ART ang dahilan kung bakit hindi ko isinasabuhay ang visual storytelling ng American comicbooks.
What is art, anyway?
Still life? Realism?
O puwede ring Expressionism, Impressionism, Abstractionism, Cubism, Surrealism, Dadaism, Futurism? Nakakalitong mga terms, hindi ba? Pero ang mga ‘movements’ na ito ng artworld ang nagpabago sa art as a whole. Ibig lang nitong sabihin, hindi mo puwedeng ikulong ang isang artist sa Still Life at Realism. Gagawa at gagawa siya ng paraan para sirain ang ‘rule’ ng paglikha ng artwork.
Sinisira niya ang rule hindi dahil gusto lang niyang sirain ang artworld. Sinisira niya ang rule dahil mas marami pang gustong kumawala sa kanyang utak—ideas, concepts, other possibilities of forms. Ito ang nature natin bilang human being. To evolve, to change, to cultivate more of ourselves.
Dahil sa ganitong view ko sa komiks, isa ako sa mga komiks creator na kailanman ay hindi magpapatali sa idea ng visual storytelling. Nag-I-evolve ang takbo ng utak ko, at kasama na rito ang idea na dadating at dadating ang panahon na maghahanap ako ng ibang pormula para sa kakaibang presentation sa komiks.
Malaki ang paghanga ko sa salitang ‘Express yourself!’ Kaya nga sa kabuuan ng career ko as an artist, hindi ako hayagang nanggaya kahit kanino. Ginawa kong influence or kinuhanan ko ng idea or naging inspiration ko ang mga magagaling na artists, pero hindi ako direktang naging Xerox copy (well, siguro noong early years ko dahil developing stage iyon para sa akin, pero kahit na, hindi pa rin talaga ako sumubsob sa salitang panggagaya).
Kaya kayong mga ‘Manga’ artists diyan na Pilipino, tigilan niyo na ‘yan! Gumawa na kayo ng sarili niyo! (away na naman ‘to tiyak…hehehe)
Seriously speaking, ang number one na kalaban ng Western style ay hindi ang Japanese style. Kundi ang mga surrealists at abstractionists sa komiks. Hintayin niyong lumaki ang movement na ito, maniwala kayo, magkakasundo ang Western at Manga para kalabanin ang bagong form na ito ng komiks.
Sa pagbabasa ko ng mga independent at underground comics ng America at Europe, nakita ko na lumalakas ang ‘surrealist movement sa komiks’ ngunit hindi pa aware ang industry dito. Ang mga surrealist creators na ito ay may ibang panlasa sa paggawa ng komiks na hindi katulad ng mga komiks na nakasanayan na nating basahin at tingnan.
Unti-unti ay nakakapasok na rin ang mga ito sa mainstream. In fact, humahawak na ng major titles ang mga ito, kasama na ang mga superhero stories. Few years from now, nakikita ko na marami pang radikal at avant-gardes na susulpot sa komiks. At mas gagawin pa ng mga ito ang mas kakaibang anyo ng ‘words and images marriage’. Walang makakapigil dito. Hindi ito mapipigil ng ‘conservative world of visual storytelling’, sorry to say.
Si Alex Niño ang Pilipinong komiks artist na nakita kong ‘surrealist at heart’. Kailangan ko pa bang ipaliwanag? Makikita naman sa mga trabaho niya. Nagwala nang husto si Niño nang magsimula siyang maging writer/illustrator sa mga komiks ng CRAF (dahil mas ‘open’ noon ang management ng CRAF kesa sa Roces). Bukod pa sa mga trabaho niya sa abroad.
Ang malaking pagkakaiba ng trabaho ni Niño kumpara kina Redondo at Alcala ay ang malaking role ng ‘imagination’ na makakakita sa kanyang mga artworks. Ang reality, makikita mo sa mata. Ang imagination, sa utak ka titingin.
Pero huwag kayong mag-alala, kailanman ay hindi mawawala ang visual storytelling movement. Ito ang ‘commercial side’ ng komiks. At ang ‘wild side’ ay para sa mga avant gardes.
Nang magkaroon ng exhibit ng mga comics visionaries sa New York, malakas ang statement ni Art Speigelman (Maus) tungkol sa medium ng komiks na makikita sa isa niyang artwork: Comics as a Medium of Self-Expression!
Comics As A Medium Of Self-Expression/Art Speigelman
Ang mga susunod na pahina ay galing sa iba’t ibang surreal at abstract comics. Malamang ang karamihan sa inyo ay hindi pa gaanong tanggap ang comics artform na ito, at baka nga matawa pa kayo at sabihin ninyong ‘ang dali namang gawin niyan’ (katulad din ng reaksyon noon ng mga unang nakakita sa paintings niya Picasso at Pollock), ngunit nagsisimula na itong lumaki. At gigibain ng mga ito ang nakasanayan na nating basahin at tingnan.
House of Secrets/Teddy Kristiansen
Menu and Blanquet/Julie Doucet
Amy and Jordan/Mark Beyer
Two Questions/Lynda Barry
Syncopation/Luis Bunuel
Little Lulu Clouds/ Andrei Molotiu
Untitled/ Andrei Molotiu
A Candy Colored Smile/ Noriku Ohashi
Lapula/ Andy Bleck
Now We Are Poor Again/ Dale Beran & David Hellman
Radars/ Aeron Alfrey
The Thing In The Window/ Aeron Alfrey
Friday, November 24, 2006
PIRMA NI FRAZETTA
Bilib ako dito kay Elmundo Garing (kaklase ko siya sa Art Nouveau Comics Workshop) , halos ikutin ang buong Amerika makita lang ang mga artists na paborito niya. Matapos niyang makipag-picturan sa mga comics greats, pati kay Lou Ferigno, at sa mga chikababes na nakabikini sa Comics Conventions ay ito na naman at nilusob niya nang biglaan ang bahay ni Frank Frazetta.
Mantakin mong ayaw pa daw ipalabas ng misis si Frank Frazetta dahil daw may sakit. O baka naman natakot kay El, e biruin mo ba namang isang Asian ang lulusob du’n nang bigla-bigla…hehehe. Attack!
Pero sa wakas ay inilabas din ni misis.
Ito ang chikahan namin ni El, itsismis ko na lang sa inyo:
Randy: Gallery ba ‘yan? (ang tinutukoy ko ay ‘yung venue ng kuha nilang dalawa ni Frank)
El: Oo.
R: May sariling gallery si Frazetta?
E: Sa tabi lang ng bahay niya ‘yan.
R: Yaman a.
E: Ngayon lang. Dati taghirap din ‘yan.
(Naalala ko nga pala, kung hindi pa nag-shift sa painting si Frazetta at nag-stick lang siya sa comics, baka nga iba ang naging takbo ng buhay niya. Naging leading fantasy artist siya nang pasukin ang paggawa ng covers sa mga fantasy books. Sa comics noong time niya, walang masyadong pumapansin sa kanyang artworks.)
R: Dapat nanghingi ka ng original artwork niya. Kahit sketch.
E: Naku, Malabo ‘yun. Alam mo ba kung magkano ang pirma niya. Pirma lang ha.
R: Magkano?
E: US$ 250.
R: WHAT???!!! Pirma lang?
E: Oo, ganu’n katindi.
R: Ginto pala ang kamay niyan.
E: Pero mabait siya, palabiro din. Tinanong niya pa ‘ko…Are my paintings beautiful? Taran…. Nagtanong pa ang loko.
R: Hahaha.
E: Binigyan niya ako ng mga libro. ‘Yun nga lang, walang pirma.
R: Haha, baka pagbayarin ka pag pinirmahan na?
E: Andu’n kasi ang misis niya, pero kung wala, okay lang kay Frank na pirmahan ang mga libro. Si misis lang kasi, nakabantay.
R: Buti hindi ka siningil dahil nagpa-picture ka sa kanya? Baka pati pagtabi sa kanya ay may bayad?
E: Hahaha.
(Weird talaga kung ang propesyon mo ay isang artist. Kapag taggutom, talagang gutom! Halos walang kumukuha sa ‘yo. Pero pag sikat ka, baka pati kulangot mo e may presyo.)
Ayon pa kay El, US$ 2 million ang halaga ng pinakamurang painting ni Frazetta.
Thursday, November 23, 2006
NOW AVAILABLE!
Lizzie Santos' 3rd book 'Straight From The Horse's Mouth' is now available nationwide.
Cover Artist: Dennis Miguel
Inside Cartoons: Randy Valiente
Publisher: National Bookstore
Pangalawang pagtatambal na namin ito ni Lizzie. Ang una ay 'How To Be A Feature Writer' na inilabas naman ng New Day Publishers.
Si Lizzie Santos ay columnist ng Chic Magazine at contributor ng iba't ibang women's magazines-print and on-line. Scriptwriter siya ng mga drama sa radyo. Tumatanggap din siya ng invitation para maging lecturer sa iba't ibang topics tungkol sa pagsusulat. Mababasa dito ang ilang infos tungkol kay Lizzie Santos. Puwede rin ninyong i-search sa Google ang iba pa niyang mga articles na mababasa ninyo ng libre.
Tuesday, November 21, 2006
THEORIES, ANALYSIS, MC CLOUD AT ANG ACADEME
Gumagawa na naman ng kontroberysal si Scott McCloud sa bago niyang aklat na pinamagatang ‘Making Comics’.
Para sa isang Pilipinong komiks creator na tulad ko na minsan ay attached-detached sa American comics (kumporme sa sitwasyon), marami rin akong hindi sinasang-ayunan kay McCloud. Pero isa siya sa hinahangaan kong personality sa comics world. Hindi lang sa sinusulat niya, kundi sa attitude niya mismo.
Kung sa religion ay mayroong ‘monkhood’ o ‘priesthood’, sa komiks ay hindi ko alam kung ano ang itatawag dito. Pero ganito si McCloud. Ang devotion niya ay para pag-aralan at halukayin ang dapat halukayin tungkol sa komiks. Totoong gumagawa siya ng kontrobersyal, pero walang sinumang comics creators/analysts sa buong mundo na nagsasalita tulad ng sinasabi niya.
Naparatangan na rin siya na ‘Joseph Campbell’ ng komiks dahil puro myth lang daw ang pinagsasabi niya. Hindi ko alam kung sinasagot ni McCloud ang mga tumitira sa kanya, pero kung ako iyon, ito ang sasabihin ko: “E di gumawa rin kayo ng libro niyo. Mag-analyze din kayo tungkol sa komiks. Mas maraming analysis at theories, mas makulay ang mundo ng komiks. Mas mahuhukay natin ito ng husto. Mas kapani-paniwala na ang komiks nga ay isang mahalagang medium ng self-expression ng 20th century culture.”
Isang publisher ang nakausap ko. Nabasa niya ang foreword ng aking librong ‘Malikhaing Komiks’. Ito ang sabi niya sa akin, “Seryoso itong libro mo, Randy. Isa siyang reference book. Dapat ipabasa mo ito sa mga propesor. May mga propesor na ba na tumingin dito? Dapat lumapit ka sa mga universities at schools at hingian mo sila ng foreword o kahit na approval na ang librong ito ay katanggap-tanggap ng academe.”
Napailing ako. “Wala pa. Ang problema ko nga diyan ay kung paano hahanapan ng publisher. Commercially speaking, baka nga naman hindi bumenta. Sa usapin naman ng content, may mga debatable issues akong binitiwan, at maganda iyon dahil alam ko na magiging trigger iyon para mapag-aralan pang lalo ang mga isyung ito. At least mapag-iisip ko ang readers ko, hindi man kami magkasundo, nagtagumpay naman ako na pag-isipin sila.”
Malay natin, baka kapag lumabas ang librong ito ay maging simula para lumutang na ang ibang may ideas tungkol sa komiks. Baka maglabasan na ang mga historians, critics, analysts at iba pa, na alam kong mas maraming alam kesa sa akin.
Sabi pa ng publisher, “Mas magiging credible kasi ang librong ito kapag na-endorse ng propesor ng art and humanities or mga academicians.”
Naisip ko, may malalapitan nga ako. Nandiyan sina Patrick Flores, Soledad Reyes, NCCA, ilang mga sikat at kilalang personalities ng komiks. Ang mga taong ito ay talagang credible para lait-laitin ang librong ginawa ko. At isang malaking karangalan iyon sa akin.
Nang matapos ang usapan namin nu’ng publisher, napaisip-isip ako ng malalim. Handa ba talaga ako para I-presenta sa academe ang mga ideas ko tungkol sa komiks? Handa na ba ako sa isang malaking puna: “Sino ba itong Randy Valiente na ito na bigla na lang susulpot at magsusulat ng libro tungkol sa komiks? Ano na bang mga komiks ang ginawa nito? Kilala ba ito?”
Nang mabasa ko ang aklat na ‘Understanding Comics’ at ‘Reinventing Comics’ ni McCloud, pumasok agad sa isip ko: “Ang taong ito, maraming magagandang ideas at analysis tungkol sa komiks. Magkaroon kaya ang Pilipinas ng ganitong uri ng tao na hindi lang passionate tungkol sa komiks kundi isang ‘deep’ thinker sa medium at trabaho na kanyang isinasabuhay.”
Nag-abang ako ng ilang taon. Walang sumusulpot. May lumabas na libro ni Coching, may mga articles tungkol sa mga personalities ng komiks, merong mga how-to-draw, merong mga workshops tungkol sa comics illustrations and scriptwriting. Pero wala akong nakikitang sumusulpot na kasing-baliw ng ideas ni McCloud dito sa atin.
Kaya kinapalan ko ang mukha ko. Walang sumusulpot? Susubukan ko!
Alam kong maraming debatable issues akong binitiwan sa blog na ito. In fact, dito ako nakapag-ipon ng kakampi, kaibigan at kaaway. E ano ngayon? Ang mahalaga, natupad ang pangarap ko na may susulpot na baliw na McCloud ng Pilipinas. Malayo man ang agwat ng level ko sa kanya (dahil wala pa naman akong napapatunayan), pero at least alam ko na pareho kaming baliw sa komiks.
E kung hindi ba naman ako baliw, pati ba naman libro nina McCloud at Eisner ay kinokontra ko. Mga ‘banal na aklat’ ito ng comics community sa America.
Dapat ko pa bang isangguni ito sa academe? Dapat ko pa bang kunin ang approval ng mga propesor, dean at kung sinu-sinong may PhD sa arts and humanities? Maiintindihan kaya nila kapag sinabi kong: Iba ang pagkakasa ng komiks ng mga Amerkano kesa sa mga Pilipino!
What?! Anong ‘pagkakasa’? O kitam? Kapag hindi ka taga-komiks, hindi mo maiintindihan ‘yan. Kahit may masteral degree ka sa Fine arts, kapag sinabi kong: “Noong early 80s ay nauso dito ang ‘ulo-ulo, at nagpatuloy ito hanggang late 90s.”
What?! Anong ‘ulo-ulo’? O kitam? Kami lang ang nakakaintindi nu’n.
Maiintindihan kaya nila kung sabihin kong ‘word-oriented’ ang komiks natin, at kung bakit mahina sa storytelling ang mga dibuhsitang Pilipino ay dahil hindi doon ang focus ng mga ito kundi sa craftsmanship ng mismong pagdu-drawing sa pen & ink?
Maiintindihan kaya nila kapag sinabi kong maraming komiks artists ngayon na akala nila ay storytelling ang ginagawa nila pero designing at layouting pala, kung technical issues ang pag-uusapan?
Kaya nga ginagamit ko ang mga ‘terms’ at ‘katawagan’ na masasakyan ng pangkaraniwang mambabasa. Ayokong dalhin ang readers sa kung anu-anong technicalities na ginagamit ng eskuwelahan. Wala akong balak gumawa ng textbook na idadaan mo pa sa Commission on Higher Education (CHED) o isasalang mo pa sa sangkatutak na dean at principal.
Ang target market ko ay isang pangkaraniwang Pilipino, basta marunong magbasa at umintindi. Elementary (kung puwede nga lang), high school, college, o dropped-out.
Ang gusto ko lang ay mag-share ng mga lessons, ideas at experiences ko sa industriyang ito. Dahil ito ang dahilan kung bakit natuto akong magbasa, dito ako unang nagkainteres sa art (drawing), dito lumikot ang imagination ko, ito ang una kong trabaho, ito ang bumuhay sa akin financially (noong bago ako mag-fulltime sa writing sa pocketbooks, at ngayon, dahil fulltime na ulit ako sa paggawa ng komiks), ito rin ang naging training ground ko kung bakit kahit paano ay nanalo ako sa ilang literary contests, at dito rin ako na-develop kung bakit ako ganito ngayon at tingin ko ay dito na rin ako tatanda at magri-retire.
Makukuwestyon mo ako sa educational background ko (dahil repeater ako ng 2nd year high school dahil sa pagbabasa ng komiks, undergraduate din ako sa college dahil na-realize ko na mas gusto kong gumawa ng komiks kesa maging arkitekto), pero hindi mo ako makukuwesyon kung gaano ko minahal ang komiks at gaano kalaki ang ibinuhos kong oras, panahon at pag-aaral para matawag na isang ‘manlilikha ng komiks’.
Matatanong mo ang isang kalabaw kung ano ang lasa ng tubig. Pero hindi mo ito maitatanong sa isda. Dahil ito na mismo ang mundo niya, at ito ang buhay niya.
Mabigat ang papel kung ang tutumbukin ko ay maging isang lecturer na pang-academe. At hindi iyon ang purpose ko kung bakit ako nagku-komiks. Puwede akong magturo ng drawing at scriptwriting, puwede akong mag-criticize o maging analyst, pero hanggang doon lang ako. Hindi ko binalak na maging authority sa industriyang ito.
Dito sa blogworld, at sa mga forums tungkol sa komiks ng Pilipino, mas gusto kong matawag na: “Isa sa mga boses ng industriya.”
Speaking of McCloud, na hindi rin naman product ng academe kundi isang dating cartoonist at creator ng walang kakuwenta-kuwentang manga-inspired superhero character na si ‘Zot’, hehehe, isa ito sa ikinaangat na naman ng kilay ng comics community sa America:
THE FOUR CAMPS OF COMICS CREATORS
FORMALISTS
PHILOSOPHIES
The devotion to comics itself, to figuring out what the form of comics is capable of.
The eagerness to turn comics inside-out and upside-down in an effort to understand the form’s potential more fully.
The willingness to let craft and story take a back seat if necessary, in pursuit of new ideas that could change comics for the better.
WHAT ITS ABOUT
Understanding of, experimentation with, and loyalty to the comics form.
Revolution (over tradition)
Life (over art)
DOWNSIDE
May produce dry, academic or even unreadable comics by obsessing over form to the detriment of content.
WHY THEY KEEP COMICS GOING
Keep moving comics forward, staying on the forefront of each generation of new ideas.
ANIMISTS
PHILOSOPHIES
A devotion to the content of a work, putting craft entirely in the service of its subject.
The belief that if the power of the stories and characters come through, then nothing else matters.
The willingness to tell stories to seamlessly that the teller of the story all but vanishes in the telling.
WHAT ITS ABOUT
Putting content first, creating life throuogh art, trusting one’s intuition.
Tradition (over revolution)
Life (over art)
DOWNSIDE
Can produce powerful work for a time, but doesn’t always age well without a broader perspective.WHY THEY KEEP COMICS GOING: Created more readers then the other three tribes put together, and are our most valuable assets.
CLASSICISTS
PHILOSOPHIES
A devotion to beauty, craftsmanship and a tradition of excellence and mastery.
The desire to create great art that our descendants could dig up in a thousand years and say, “hey, this is good stuff.”
The understanding that perfection may not be attainable in this life – but that that’s no reason not to strive for it.
WHAT ITS ABOUT
Excellence, hard work, mastery of craft, the quest for enduring beauty.
Tradition (over revolution)
Art (over life)
DOWNSIDE
Love of harmony and balance can lead to an unintentionally static universe without real drama.
WHY THEY KEEP COMICS GOING: The backbone of comics, developing and refining a century of technique.
ICONOCLASTS
PHILOSOPHIES
The desire for honesty, authenticity, and a connection to real life.
The determination to hold up a mirror to life’s face – warts and all – and to resist pandering or selling out.
The conviction of artists to remain true to themselves while never taking themselves too serious. To fly no one’s flag -- -- not even their own.
WHAT ITS ABOUT
Honesty, vitality, authenticity and unpretentiousness, putting life first.
Revolution (over tradition)
Art (over life)
DOWNSIDE
Determination to never “sell out” can lead to some knee jerk reactions against anything even remotely popular or slick.
WHY THEY KEEP COMICS GOING
Comics’ conscience and the source of many of its most profound works.
Monday, November 20, 2006
Saturday, November 18, 2006
MGA PALAISIPAN SA KASAYSAYAN
Ilan ito sa gusto kong mapag-isipan nating lahat lalo na sa mga gumagawa ng komiks ngayon at nag-aaral ng history nito.
1.
Inakala ng marami na humina ang komiks nang magtrabaho na sa Amerika sina Nestor Redondo, Alfredo Alcala at Alex Niño, at marami pang mahuhusay na dibuhista noong early 70s. Ngunit sa katunayan, ito ang panahon na lalo pang lumalakas ang komiks sa Pilipinas.
Ayon sa article na isinulat ni E.P. Patane na lumabas sa Asia Magazine noong October 1963: “Some of the top five publishing houses (Liwayway Publ., Bulaklak Publ., Benipayo Press, G. Miranda & Sons, Bookman) average 300,000 copies a month).”
Samantalang isinulat ni Danny Mariano ang report na ito sa magasing TV Times noong September 1978, “Every week, about two million komiks-magasins, bearing 44 different titles, are sold. If we assume that six people eventually get to read each copy (which some claim is still a conservative estimate), then komiks-magasins should easily have a readership of no less that 12 million.”
“For the 12 komiks-magasin publishing houses this means weekly sales of about P1.7 million, or P88.4 million annually.”
“Among the leading komiks-magasins is Pilipino Komiks, published by Atlas publications. In 1976, Pilipino Komiks reported an average weekly circulation of 151, 481; a figure that so-called legitimate, English language can only drool over. Current circulation (as of 1978) estimates surpass the 175,000 mark, it is claimed.”
2.
Hindi rin nakahadlang ang Martial Law para mawala ang readership ng komiks. Hindi naman subersibo ang laman ng komiks kaya lalo pa itong lumakas.
At sa katunayan, sa era na ito, na-explore pang lalo ang ibang area ng paggawa ng komiks dahil sa mga programa ng gobyerno.
Mababasa sa aklat na Philippine Mass Media noong 1986 ang artikulo ni Soledad Reyes: ‘Ever since the declaration of Martial Law in 1972, the government—through its press council—has stepped in to make sure that komiks editors publish stories with a developmental thrust. Political leaders have recognized the tremendous power of the komiks to create or reinforce needs and to introduce new projects and programs.”
Dagdag pa ni Mariano, “Komiks magasins have come a long way from 1974…”
Ito na ‘yung panahon na kalat na sa halos kanto at iskinita ang distribution ng komiks. Kaya nga sa isang martial law baby na tulad ko, imposibleng hindi ko alam ang komiks dahil ito ang ‘hari ng print media’ ng panahong iyon.
Walang nakaawat at nakahadlang sa tagumpay na tinamo ng komiks noong 70s hanggang 80s. ayon pa sa artikulong ‘Komiks’ ni E.P. Patane, “The Illustrated Press, the trade paper of the Kapisanan ng mga Publisista at mga Patnugot ng Komiks-magasin sa Pilipino, cited a readership survey which found that the great bulk of komiks-magasin readers belong to C and D households, 38 percent and 41 percent respectively. Only four percent of komiks-magasin readers belong to A and B households, while 17 percent are in E homes.”
3.
Walang sinumang tao o grupo o independent publishers ang nagpaangat ng komiks sa Pilipinas noong early 90s.
Ang welga noon ng mga mangagawa ng komiks sa publications ay hindi nakaapekto ng malaki para tuluyang mawala ang komiks noong early 90s. Sa katunayan, nang humupa na ang mainit na sitwasyong ito sa pagitan ng mga contributors at publisher, nagkaroon pa ng maraming titles ng komiks tulad ng Seksi, Engkantasya, Dugo, Salamin ng Lagim, Kuwento ni Lola, Kickfighter, at marami pang iba. Dito rin nagsulputan ang maraming baguhan at batang talents sa komiks.
Ayon sa panayam ko sa Atlas editor na si KC Cordero (nagsimula siya noong 1989 sa pamumuno ni Mr. Tenorio), “Ang pinakamalakas na benta sa kasaysayan ng komiks ay ang Horoscope Komiks na pinangasiwaan ni June Clemente. 1994 ito. Nagpi-print kami ng 1.5 million copies bawat linggo. Wala ni isa mang tumalo sa komiks na iyan sa larangan ng sales at distribution sa alinmang kasaysayan ng komiks sa Pilipinas.”
Hindi ko pa gaanong kumpirmado, pero tinitingnan ko ang anggulong ‘union-busting’ ang dahilan kung bakit naipagbili sa National bookstore ang Atlas at hindi dahil sa paghina ng mga titles ng komiks.
Nagsimula na ang mabilis na pagbulusok ng komiks noong mid-90s.
Ngunit bago pa ito, nagkahati-hati na ang GASI kaya ipinanganak ang mga publications tulad ng Sonic Triangle, Infinity at West. Pero family’s decision ito ng mga Roces dahil sa usapin ng distribution ng mana sa mga anak, at hindi dahil nagkawindang-windang na ang kanilang kabuhayan dahil sa komiks.
Nandito tayo ngayon sa ‘struggling stage’ ng komiks. Ito ang malinaw na katotohanan. At hindi pa tapos ang kasaysayan ng paghihirap ng industriyang ito. Ayokong bulagin ang sarili ko sa paniniwalang malakas na ang komiks ngayon. Kapag may nakita akong kahit isang title ng komiks na lumalabas ngayon ng monthly (walang patid na monthly, buti nga hindi weekly), doon ko masasabing…malapit-lapit na tayo.
Wednesday, November 15, 2006
ANG DIGITAL AT INFORMATION AGE SA PANINGIN NI TATAY
Naalala ko nang unang sumulpot ang digital coloring sa komiks ng Amerika, partikular na sa ilang titles ng Image comics noon, katakut-takot na puna ang inabot nito sa mga dibuhistang Pilipino.
Ang unang puna, kulay lang ang nagpaganda sa comics nila. Kung tatanggalin ang kulay sa kanilang mga trabaho, doon makikita na mahina sa structure, rendering at shades & shadows ang bagong batch of artists ng American comics. Sanay kasi na makakita ang Filipino illustrator ng trabaho na sa black and white (pen & ink) pa lang ay maganda na. Kaya nagtataka sila kung bakit nawawala na sa eksena sina Berni Wrightson, Joe Kubert, at iba pa. Ang naiwan ay mga new sets of artists na kung hindi line drawing (marami ito noon sa Image) ang trabaho, ay ubod naman ng itim na parang tinapunan ng tinta ang buong page (early Jae Lee).
Mahal na mahal ng mga Pilipinong illustrators ang black and white kaya ang dating sa kanila ng computer-colored comics ay isang malaking sampal sa talento ng isang artist.
Pero maging dito man sa atin, ay kailangan na ring sumabay sa panahon. Dahil uso sa Amerika ang computer coloring, naging policy na rin sa mga publications na gawin ito. Ang problema, ang mga unang batch ng computer colorist sa mga publications ay self-study lang, may kaunting background sa Photoshop, ngunit walang knowledge sa paggamit ng kulay o kahit man lang nakakaintindi ng kaunti sa color wheel.
Ang resulta, ang mga komiks natin noon na gumamit ng computer coloring—makikita ito sa mga titles ng Kislap Publication, Solid Gold at Abante—ay masasabing mas mabuti pang hindi na lang kinulayan. Kung hindi sunog ang kulay, ay tiyak na parang rainbow ang kalalabasan, mantakin mong sa isang panel pa lang ay makikita na yata lahat ng kulay—blue, violet, yellow, red, pink, orange, green—sabog ang kinalabasan.
Kaya ang mga datihang illustrators ay galit na galit sa mga kolorista noon sa computer. Sinisira lang daw ang kanilang trabaho. Mas mabuti pang ibalik na lang ulit sa black and white ang komiks, at baka lalo pang mapaganda.
Noong nakaraang 2nd Komikon, habang abala ang lahat sa pakikipag-usap, pagtitinda at panonood sa mga palabas, tahimik lang ako sa isang sulok. Tinitingnan ko ang isang tao. Si Jun Lofamia.
Marahil ay kilala niyo na si Mang Jun sa pangalan, isa sa mahusay na dibuhistang Pilipino. Gumagawa pa rin siya ngayon sa Liwayway—komiks at spot illustrations na kinulayan sa watercolor.
Nakatayo siya sa likuran ng mga digital painters sa Wacom booth. Pinanonood niya kung paano ‘yung digital pen ay ihinahagod doon sa pinapatungan nito tapos ay nagri-register na ang kulay sa screen. Hindi ko alam kung ano ang nasa isip ni Mang Jun nang sandaling iyon, pero alam kong gulat na gulat siya. Kaya nang gawin ng Corel Painter ang lahat ng medium na naisin ng isang painter—oil, watercolor, acrylic, pastel, etc.
Natapos ang kinukulayan nu’ng digital painter, nakatingin pa rin si Mang Jun. Maganda ang kulay, sopistikado. Pero mahina ang foundation nu’ng artist sa human figure, halata dahil sablay-sablay ang proportion ng katawan ng drawing. Kung mababasa ko ang isip ni Mang Jun, baka ito ang naglalaro sa kanya: “Magaling sa teknikalidad ng computer, bihasa sa mga commands, pero mahina ang basic drawing.”
Siguro nga, dahil digital age na ngayon, nakasentro na ang mga batang artist doon sa nagagawa ng computer, pero iyong mismong foundation ng pagiging visual artist ay mahina. Masyadong nakatutok doon sa utak ng computer at hindi sa sariling utak.
Maagang dumating si Karl Comendador, maaga ring umuwi. Nakita ko sa mukha niya na para siyang ‘alien’ sa event na ito. Total stranger. Ito ang sabi niya sa akin, “Ito na pala ang crowd ng komiks ngayon. Ganito na ba ako katanda?”
Sabi ko, “Hindi ho, Mang Karl. Nag-evolved na ang lahat sa komiks. Hindi lang story at art, pati ang komiks community.”
Nakita ko ring palakad-lakad si Joemari Mongcal, niyaya ko siya sa booth ng Pilipino Komiks. Gaya ni Mang Karl, nakita ko rin sa mukha ni Mang Joe ang pagiging ‘alien’. “Ibang-iba na pala ngayon.”
Para kina Mang Jun, Mang Karl at Mang Joe, alam ko kung ano ang nasa loob ng puso nila, ayokong gamitin ang utak, mas gusto kong gamitin ang puso dahil naroon ang tunay na nararamdaman ng isang tao: ‘Ito ang pinakakakatwang nangyari sa komiks ng Pilipinas. Dahil walang dramatic exit ang nakaraang industry at lahat-lahat ng tao nito, ang biglang pag-evolved ng komiks ay pinutol ang mahahalagang kabanata ng kasaysayan ng luma at bagong henerasyon ng komiks.’
Sina Mang Jun, Mang Karl at Mang Joe ay tinubuan na ng uban, nagkaapo na sa paggawa ng komiks, ngunit sa bagong industriyang ito, hindi lang sila nagmukhang baguhan. Nagmukha silang hindi naging bahagi ng komiks kailanman.
Kasalanan ba ito ng digital at information age na nasasakyan lamang ng mga kabataan?
Hindi. Kasalanan ito ng kasaysayan. Ang gap ng old at new industry ay isang mahalagang kabanata dapat pag-usapan. Dahil sa gap na ito, naputol ang lahat ng magkukunekta sa magkaibang panahon ng industriya.
Noong nasa GASI pa ako ng early 90s, mayroong sense of history ang bawat writer at artist kahit kapiranggot. Hindi napuputol ang impormasyon magmula kina Velasquez, Coching, Redondo, Santiago, Santana, Kua at iba pang mga pigura sa komiks. Bigla itong naputol nang magsulputan na parang kabute ang mga independent publishers—na mas kilala pa ang mga Amerkano at Hapon. At dahil karamihan ng komiks creators ngayon ay bunga ng independent bodies na sumulpot noon, ang putol na kasaysayan ng old at new industry ay hindi na napag-aaralan.
Mabuti na lang at nakikilala pa rin natin ngayon sina Redondo at Niño. At lahat ito ay dahil may mga tao na nagpapahalaga sa mga pigurang ito ng komiks. Mahalagang-mahalaga ito para sa mga susunod na henerasyon.
Ang ikinakatakot ko nga, sino ang magtutuloy ng kasaysayan ng komiks sa Pilipinas kapag nawala at nagsitanda na ang lahat ng gumagawa nito ngayon—websites at blogs tungkol sa komiks. May susulpot pa kaya sa mga kabataan ngayon na kapag nakita na pakalat-kalat sa komiks convention ang mga gaya nina Mang Jun, Mang Karl at Mang Joe, ay magsasabing, “Kumusta na po kayo?”
Hindi ko masisisi ang new generation ngayon ng komiks creators kung hindi nila kilala sa mukha si Karl Comendador, pero nakatitiyak ako, sa dinami-dami ng tao na dumalo sa nagdaang Komikon (kulang-kulang 1,000), wala pang 30 ang nakakakilala sa kanyang pangalan.
Ang pagsulpot ng technology ay nagdulot ng malaking pagbabago sa ating lahat. Ang level of understanding ko ay inilalagay ko kung ano ang nasa panahon ngayon. Naiintindihan ko na kung bakit hindi na natin kailangan pang maglagay ng shades & shadows sa ating mga drawings ngayon. Kung magaling ang isang kolorista, magagawa niyang magmukhang painting ang iyong line art.
Makikita sa gawang ito n Mark Brooks kung paanong ang lineart ay napaganda sa pamamagitan ng kulay.
Hindi mo na ring kailangan pang pahirapan ang iyong sarili sa mga technicalities ng drawing tulad ng perspective at katakut-takot na linya, kaya na itong gawin ng 3d software.
Hindi na nagdu-drawing ng background si Brandon Peterson, lahat ay ginagawa na niya sa computer, paborito niyang gamitin ang 3d softwares dahil automatic na itong nakakalikha ng perspective.
Ngunit sa lahat ng ito, ang computer ay mananatiling tool lamang. At ang tool na ito ay walang pinagkaiba sa pen, brush, lapis at pambura na ginagamit ng mga traditionalists.
At kung nabubuhay din sa panahon ngayon sina Da Vinci at Michaelangelo, ang tool na tinatawag na computer, ay tiyak na pag-aaralan din nila.
Ang mundo ng komiks sa Pilipinas ay malaki na ang ipinagbago. At kailangan natin yakapin ang digital at information age sa ayaw man natin at sa gusto. At sa dalawang ito, information ang pinakamahalaga.
*****
Lumabas na sa latest issue ng Liwayway Magasin ang aking maikling report tungkol sa nakaraang Komikon. Kung wala kayong maisip na bilhin sa inyong bente pesos, ito na lang ang bilhin ninyo.
Monday, November 13, 2006
KAMAGONG
Isa sa pinakagusto kong kuwento sa komiks na naging pelikula ay ang ‘Kamagong’ na isinulat ni Carlo J. Caparas at iginuhit ni Rudy Villanueva. Pinagbidahan ito nina Lito Lapid at JC Bonnin noong late 80s.
Hindi ko lang alam kung ito ang naging sagot ni Caparas sa pelikulang ‘Bloodsport’ o ‘Kickboxer’ noon nina Jean Claude Van Damme at Tong Po. Pero may mga elemento sa takbo ng kuwento na pinagkapareho ng dalawa. Halimbawa, doon sa ending, bago sumalang sa final battle si Lito Lapid kay Ruel Vernal ay nakaranas muna siya ng bugbog at kinidnap din ang kanyang leading lady. Ganito rin ang nangyari sa pelikula ni Van Damme.
Ang Kamagong ay kuwento tungkol sa kilalang martial art ng Pilipino, ang Arnis. Maaksyon ito, kapana-panabik ang bawat eksena. Isa sa paborito kong action star ay si Lito Lapid kaya sa isang batang tulad ko noon, ang ganitong palabas ay sulit sa bulsa.
Hindi ko sigurado kung marunong ng Arnis de Mano si Caparas, marami kasing mga katawagan na kabisado at alam niya. Gaya ng mga salitang ‘sinawali’ at ‘abaniko’. Ang ‘sinawali’ ang pinakagamitin sa lahat ng estilo ng Arnis—mapa-modern o traditional Arnis man ito. Sa kabilang banda, ang ‘abaniko’ naman ay makikita lang sa ilang traditional Arnis schools.
Pero mayroon din naming sumablay. Halimbawa, ang tamang tawag doon sa kahoy na ginagamit ay hindi ‘arnis kundi ‘baston. Pero hindi naman malaking bagay iyon dahil nga napakagamitin na ng salitang ‘arnis’ na ang pinatutungkulan ay iyong kahoy.
Sa isang nag-aaral ng arnis, ang paghawak ng baston na gawa sa kamagong ay nasa senior level na. Ibig sabihin, mag-iipon ka ng napakaraming taon bago mo magamit ang kamagong. Pero sa traditional school of Arnis, ang pinakamataas na hinahawakan ay hindi na kahoy kundi gulok o bladed weapon mismo.
Nakakatuwa din ang linyang ito na ginamit ni Caparas at naging immortal na: “Lumipad ka na parang ibon, lumutang ka na parang dahon.”
Bata pa ako nang mapanood ko ang pelikulang ito, at gusto ko itong panoorin ulit ngayon. Gusto kong malaman kung magugustuhan ko pa ito tulad ng dati o naging iba na nga ang panlasa ko. Ang problema, mahirap hanapin ang ganitong pelikula dito sa atin. Mas madali pang makita ang mga lumang Hollywood movies na pinirata sa Quiapo.
Ang illustrator sa komiks ng Kamagong ay si Rudy Villanueva, ngunit madalas niyang gamitin ang R.V. Villanueva. Gumagawa pa rin siya sa Liwayway ngayon. Kilala ko si Mang Rudy dahil bayaw siya ni Hal Santiago (asawa ni Mang Rudy ang kapatid ni Sir Hal). Iisa lang sila ng compound na tinitirhan sa Pasay.
Noong tumira ako noon kina Sir Hal, madalas kong makita si Mang Rudy na nagdu-drawing mag-isa doon sa harap ng kanilang bahay—mayroon silang maliit na balkonahe at doon siya lagi nakapuwesto. Kung si Sir Hal ay maraming assistants noon, maraming estudyante, at maraming bumibisitang datihan at bagong artist, si Mang Rudy naman ay kabaligtaran. Maghapon lang itong nakaupo sa drawing table at hindi ko pa natitiyempuhan na may kausap na tagakomiks. Nilapitan ko siya minsan, sumilip lang ako sa ginagawa niya. Ngumiti lang siya. Walang usapan.
Makikita sa drawing ni Mang Rudy ang malakas na impluwensya ng pinaghalong Nestor Redondo ay ‘early Joe Kubert’ (Tarzan years nito). At isa rin siya sa pinakatahimik ang career sa komiks ngunit isa sa paboritong artist, lalo na ng mga editors, noong 70s at 80s.
Ang ‘Kamagong’ ay lumabas sa Action Mini-komiks noong 1987. Mini-komiks dahil maliit lang ang sukat ng komiks na ito, regular-sized komiks na hinati sa gitna.
Wednesday, November 08, 2006
GAANO KAHALAGA ANG EMAIL ADDRESS SA BUHAY MO?
Naintindihan ko ang sagot sa tanong na ‘yan nang maging biktima ako ng internet phishing. Sa lahat ng email account na ginagamit ko, ‘yun pa ang minalas na matiyempuhan ng kung sinumang luko-lukong hacker sa internet.
Offguard ako nang mangyari ‘yun. Ang natatandaan ko lang, nagpunta ako sa website ng isang artist, na hindi ko na rin matandaan dahil click lang ako ng click ng mga links, tapos bigla na lang may nag-appear na alert message sa anti-virus program ko. Nag-scan ako ng buong files, may na-detect na isa, hindi siya ma-delete. Pero ang nakalagay naman e harmless. So pinabayaan ko na lang. Hindi ko alam kung ‘yun nga ‘yun.
Then ‘yung gabi nga ng November 4, bigla na lang hindi ko mabuksan ang email ko. Nag-rent na ako ng ibang computer pero ganu’n pa rin. Hanggang sa mag-decide na nga ako na talagang nabiktima ako.
Hindi na bago sa akin ang freelancing. Halos kalahati ng buhay ko ay ito na ang ginagawa ko. Mula sa local publications, pati movie producers, radyo, at kung saan-saan pa na puwede akong kumita.
Bago pa matapos ang kontrata ko as game developer sa Makati, nakapag-decide na ako na magbalik ulit sa freelancing. Kung hindi man sa komiks, basta art-related at kung saan magpi-fit ang talent ko.
Internet ang puntirya ng freelancing na naisip ko. Sabi ko nga noon sa sarili, hindi na ako gagawa ulit dito sa local publication dahil inabot na ako ng kung anu-anong kamalasan dito, mula sa rejections hanggang sa singilan hanggang sa pangako na hindi naman natutupad. Kaya pinag-aralan ko ang freelancing sa web, nagbasa ako ng kung anu-anong testimonials ng iba’t ibang tao tungkol dito. Sumali ako sa kung anu-anong forums at groups. Pinag-aralan ko ang pasikut-sikot. Hindi naman ako naging bihasa, pero nagkaroon ako ng kumpiyansa sa sarili ko na kaya ko na. Hanggang sa nagkabunga naman.
Nang mai-feature ako sa Readers Digest last year, inasahan ko nang maraming kokontak sa akin. Totoo nga. Araw-araw ay may kung anu-anong dumarating na email sa akin mula sa pagbati, paghingi ng tips, at pag-inquire ng mga possible clients. Ibang klaseng exposure ang ginawa ng RD sa buhay ko. Nag-ani ako ng kredibilidad sa mga taong hindi naman ako kilala. At dahil doon lumakas pa ang loob kong makipag-deal sa kung kani-kanino sa internet. Ang suwerte ko lang siguro, malakas ang kutob ko, o kung may pagka-psychic ako o kung anuman ‘to, sa mga kausap at kapalitan ng emails, alam ko kung sino ang seryoso at kung sino ang hindi. Marami rin kasi akong nababalitaan na may mga nagbibigay ng trabaho na hindi naman nagbabayad. Well, mautak ako pagdating sa ganyan. Ang akala ng client ay nag-uusap lang kami ng normal pero ang totoo ay ginagamitan ko na siya ng ‘psychology’ o kung anuman ang tawag du’n para malaman ko kung propesyunal nga itong ka-deal ko.
Pero maliit na parte lang ‘yun ng pagiging freelancer ko sa webworld. Ang maipagmamalaki ko ay naging maayos at propesyunal ang transactions ko sa mga nakaraang projects kaya nagkaroon ako ng maraming kakilala at kaibigan. Kaya ‘yung mga projects ngayon na dumarating sa akin ay mostly referrals at galing sa mga mapagkakatiwalaang mga clients. Mayroon din akong agent sa US na nagbibigay sa akin ng trabaho kapag kailangan ang serbisyo ko, hindi ako nagpa-exclusive sa kumpanya dahil kabisado ko na ang sarili ko, gusto kong gumawa sa kung saan-saan kaya ayokong patali sa isang kontrata.
Dahil nga sa dami ng kausap ko, wala na sa isip kong ilista sa papel kahit man lang mga email address ng mga taong ito. Lahat ng contacts at informations sa kanila ay naka-save lang doon sa email ko, at sa mga folders at briefcase under din ng account na ‘yun.
Kaya siguro para sa iba, ang OA ko dahil kung saan-saan ako nag-post ng ‘announcement’ na na-hack ang email ko. Pero sa totoo lang ay kailangan kong gawin iyon dahil sa maraming bagay. Doon nakasalalay ang reputasyon ko as a freelancer sa web.
Kaya nang mangyari ‘yun, ang laki lalo ng natutunan ko. Pinagpapalitan ko lahat ng passwords ng iba’t ibang accounts ko, ikinalat ko rin ang lahat ng mahahalagang informations sa iba’t ibang emails ko. And siyempre, nagtiyaga na akong gumawa ng hard copies ng mga ito.
Kaya ngayon medyo okey na ako, hindi gaya nu’ng mga nakaraang araw na para akong ninakawan ng TV at ref sa loob ng bahay. Pero meron pa ring dalawang tao na hindi ko makontak, at hindi ko alam kung saan hahagilapin ang mga ito, wala kasi silang website o blog man lang. Ang masakit pa, may pinirmahan na akong kontrata sa kanila. Ang saklap nito. Baka isipin nila ay tinakbuhan ko na sila. Hindi na ako magtataka kung bigla na lang akong pagmumurahin ng mga ito sa kung saan-saang website dahil inakala nilang inonse ko sila.
Maraming lessons akong natutunan nang mangyari ito. Una, parang feeling ko ay naging alipin na ako ng email address na kapag nawala ito, wala na rin akong buhay. So dapat, hindi ganito. Dapat ako ang kumukontrol sa ganitong sitwasyon at hindi email ang kumukontrol sa akin.
Ikalawa, at ito ang pinaka-importante sa lahat….kailangang matindi ang anti-virus niyo. Huwag na kayong gagamit ng pirated!
Sunday, November 05, 2006
ANNOUNCEMENT!!!
My email address rpv1974(@)yahoo(dot)com has been a victim of internet phising. It has been two days that I have been trying to open the account but no success achieved.
Some of my contact persons can only be contacted through this email. Unfortunately, I wasn’t able to list down their email addresses and other contact information. I had tried to search the names of my contacts in the internet, specially those who don’t have their websites, but no single information was gathered.
From now on I’ll be using these email addresses:
dust_studio(at)yahoo(dot)com
valiente.randy(at)gmail(dot)com
randyvaliente(at)mail2artist(dot)com
I will not be using anymore the email address rpv1974@yahoo.com. If ever anybody receives any email from this address, just kindly inform me thru my new email addresses listed above.
I’m very sorry for the inconvenience this mishap has caused.
Randy P. Valiente
www.randyvaliente.com
Saturday, November 04, 2006
HELPPP!!!!
Naranasan niyo na ba ito...?
Hindi ako ako makapag-sign in sa aking rpv1974@yahoo account kahit tama na ang lahat ng informations na inilagay ko pati ang password. Ano kaya ang naging problema nito.
Baka naman may nakakaalam sa inyo kung paano ito aayusin. Help naman.
Friday, November 03, 2006
SIMULA
Hindi ko makalimutan ang sinabing ito ni Edgardo Reyes sa aklat na ‘Sa Aking Panahon’: “Kapag mali na ang unang pangungusap ko (sa paggawa ng kuwento), hindi na ako makausad…”
Bago pa lang ako nito sa pagsusulat nang mabasa ko ito. Malaking tulong ang maikling pangungusap na ito sa akin. Ang simula ang pinaka-importante sa paggawa ng kuwento. Kaya nakatanim na sa utak ko, na kapag tumatakbo ang ginagawa kong kuwento na parang walang direksyon, ibig sabihin e mali na kaagad ang tirada ko sa umpisa.
Sa paggawa ng komiks pinakamasarap gawin ang pagiging creative sa simula. Hindi lang kasi text ang pagtutuunan mo ng pansin, pati na ang visuals. Kapag nagawa mo ito ng maganda, isa lang ang maaring mangyari. Ma-hook mo ang reader.
Bihasa ang magagaling na nobelistang Pilipino sa ganitong technique tulad nina Mars Ravelo, Pablo Gomez, Jim Fernandez at Carlo Caparas. Alam nila kung paano kukunin ang pananabik ng readers.
Magalit na kayo sa akin, pero ang ganitong klase ang presentasyon ang nami-miss ko sa pagbabasa ng komiks. Paano kasi, wala na akong nakikitang ganito sa mga komiks ngayon. Ang mga komiks ngayon, dadaanin ka na lang sa splash page, o kaya spread page na super detailed ang drawing at pagkaganda-ganda ng pagkakaisip ng caption at dialogues. Pero paltos na paltos sa ‘hooking elements’.
Ganitong tirada ang makikita natin sa mga komiks ngayon:
Panel 1
Caption: Ito ang Baryo Macalindong na matatagpuan sa probinsya ng Capiz…
Illustrations guide: Ipakita ang isang baryo, may mga tao sa kalyeng nagtsitsisimisan, may mga dalang panabong na manok, may mga maliliit na pondahan. Makikita din sa di kalayuan ang isang bundok. Marami ring puno at halaman sa paligid. Typical na eksena sa probinsya.
Kung buhay pa si Mars Ravelo, at siya ang mag-I-edit nito, malamang sa basurahan pupulutin ang ganitong script.
Hindi ako nagbibiro. Maraming gumagawa ng komiks ngayon, lalo na ‘yung bagong henerasyon ngayon, na akala nila ay walang ‘hidden knowledge’ ang komiks ng Pilipino. Akala kasi nila, porke hindi na napapanahon ang drawings nina Redondo at Alcala ay tuluyang na rin dapat limutin ang paggawa ng komiks ng Pilipino. At mas tingnan ang dynamism ng West at Japan.
Pero matagal ko nang sinasabi, outer form lang kasi ng komiks ng Pilipino ang nakikita ng mga new generation komiks creators na ito. Maraming mapag-aaralan sa komiks natin na kung hindi mo inabot kung paano mag-edit si Tony Tenorio o kaya ay Joelad Santos, ay hindi mo matututunan.
Ganitong intro ang nakikita kong gagawin ni Mars Ravelo sa halimbawang binigay ko:
Panel 1
Caption: Ito ang Baryo Macalindong. Lugar ito ng iba’t ibang karakter…
Illustrations guide: Ipakita ang typical na probinsya, puno, halaman, pondahan. Makikita sa gitna ng eksena ang isang matabang babae na nakikipag-tsismisan sa isang unanong babae. Sa di kalayuan ay matatanaw ang isang babae na may dalang malaking bag, may black eye siya sa mata at umiiyak.
May hook? Hindi mo lang basta ipinakilala ang katangi-tanging lugar ng Baryo Macalindong, papasok din kaagad sa isip mo ang mga karakter na nakita mo. May koneksyon kaya sa susunod na panel ‘yung paparating na babaeng may blackeye ay may bitbit na bag?
Isa lang ang sagot sa mga tanong mo. Sundan mo sa susunod na page.
Napakasimple lang ng halimbawang ibinigay ko, pero sana ay nakuha niyo ang punto ko. Ang opening scene ang pinaka-importante sa lahat. Mapa-komiks man ito, o nobela, o pelikula. Dito mo malalaman kung mahusay ang writer na pasunurin ang readers niya.