Friday, March 30, 2007

PILIPINO KOMIKS WITH A 'P'

Naglibot ako kanina sa National Bookstore at nagulat ako sa aking nakita. May karapatan nga namang mag-react ang Atlas Publications dahil inilabas nila ang 'Pilipino Illustrated Stories'. Komiks din ito pero hindi komersyal ang loob kundi parang isang primer. Naka-feature doon kung ano ang sakit na DENGUE, kung saan ito nakukuha, paano maiiwasan, at paano gagamutin. Hindi na ito ang dating Pilipino Komiks na kinasanayan natin. Ngunit anupaman, maaring ang hinahabol ng Atlas dito ay ang pangalan na baka mapagkamalang isa na namang commercial product sa halip na educational.

Medyo iba lang ang reaksyon ko kanina nang mabasa ko nga ang sulat ng Atlas para sa Risingstar. Ang una kasing pumasok sa isip ko, halos bilang na nga sa daliri ng kamay ang lumalabas na komiks ngayon, ito at balak pang ipatigil ang isa.

Kung hahabulin ng Risingstar ang pangalang Filipino Komiks, gagastos pa sila para sa abugado. Abala pa ito sa kanila. Anuman ang maging desisyon nila, tingin ko ay para pa rin sa mabuti. Mawala man ang titulong Filipino Komiks, sana ay hindi sila madala na maglabas ulit ng komiks. At hindi pa rin naman nagbabago ang 'stand' ko at ipagsisigawan na hindi pag-aari ng Atlas ang pangalang Filipino Komiks. Kung katunog man ito ng dating komiks, ay bahala na ang korte na magpasya kung sakali mang maglalaban pa ang dalawa.

Hindi na ako bumili ng kopya ng Pilipino Komiks (nagkakahalaga ito ng P39). Dahil hindi ko na kailangan pang malaman kung ano ang Dengue. Dahil nagkaroon na ako nito noong 2001. Nag-drop ng 50 ang dugo ko, buti na lang ang active ako physically kaya hindi naman ako gaanong nahirapan. At sa araw-araw ba namang pakikipag-usap ko sa mga doktor, nurses, at interns sa ospital, ngayon ay may ideya na ako kung ano ano ang sakit na ito.

****

Nagkita kami ng hindi inaasahan ni Dr. Nolasco ng Komisyon sa Wikang Filipino kanina. Nalaman ko na isa na rin pala siya sa nagbabasa ng blog na ito. Syempre, kasama na rin ang ilang blog at websites na binanggit ko noong nakaraang Kongreso ng Komiks.

Patunay lamang ito na kahit paano ay napapansin na tayo ng mga ahensya ng gobyerno.

****

Pasensya na rin na kung minsan ay medyo 'kontrabida' ang dating ko sa aking mga kasamahan sa komiks. Hindi ko kasi maiwasang hindi mag-react sa mga isyung nagpapabahala sa akin.

Kagaya ng isyung, dapat ay bayaran tayo ng mahal para magturo. Dahil kapag mataas na ang presyo natin, tataas din ang kredibilidad natin bilang isang guro.

Tama naman ito, pero sa kabilang banda, hindi sa lahat ng oras ay aplikable ito. Tingnan natin ang ibang anggulo. Kapag magtuturo ba ako na mura lang ang ibabayad sa akin ay bababa ang kalidad ko bilang isang manlilikha ng komiks? Sa tingin ko ay hindi. Nagtuturo nga ako ng libre, mula sa mga batang mahihirap sa Bulacan, mga preso sa Correctional, at mga estudyante sa UP Los Banos, Laguna, pero tingin ko ay nakakapagpadagdag pa ito ng aking pagkatao.

Halimbawang isang sangay ng gobyerno ang kumuha sa atin para magturo? Magkano ang sisingilin natin? Kumporme. Para saan ang ituturo? Sino ang makikinabang?

Sa isyu ng Komiks Caravan, sino ang tingin ninyo ang makikinabang? Para sa akin, ang KOMIKS MISMO ANG MAKIKINABANG DITO. Dapat ba akong maningil ng mahal kung para rin naman ito sa sarili kong kapakinabangan?

Gusto ninyong maningil ng mahal? Gumawa kayo ng inyong personal na workshop.

****
May ilang nag-email sa akin na interesado na sumali sa ginagawang workshop ng Komiks Caravan dahil napanood at nabasa nila ang tungkol sa ginagawang ito ni Carlo J. Caparas. Ang totoo niyan ay hindi ko alam ang schedule ng Caravan ni Direk Caparas dahil may sarili silang lakad ng kanyang grupo. Ang Caravan na kinabibilangan ko ay under ng Komisyon sa Wikang Filipino, makikita ninyo ang schedule sa isa kong article sa bandang ibaba lang ng blog na ito.

Susubukan kong kumuha ng impormasyon at schedule ng Caravan ni Direk Caparas para mailagay ko rin dito.

FILIPINO KOMIKS WITH AN ‘F’

Nakatanggap ng sulat ang Risingstar Ent. galing sa abugado ng Atlas Publications dahil sa paggamit ng titulong ‘Filipino Komiks’. Binanggit sa sulat na ang pangalang ‘Pilipino Komiks’ ay pag-aari ng Atlas simula pa noong 1947.

Sa pagkakaintindi ko sa sulat ng Atlas, ang nakakapagpabahala sa kanila ay ang salitang ‘confusing the reading public’ dahil nga sa pagkakahawig ng ‘Filipino Komiks’ at ‘Pilipino Komiks’.

Okay, ipagpalagay na nating confusing nga. Pero pagbali-baligtarin man ang mundo, iba pa rin ang ‘F’ sa ‘P’. Wala itong pinagkaiba sa Pinoy Komiks (Pinoy is Pilipino rin naman), at sa Komix Pinoy, na ganoon pa rin naman ang ibig sabihin. I mean, laruin mo lang ang letra, rambulin mo ito at pagbali-baligtarin, iba na ang labas nito.

Si KC Cordero ang editor ng Filipino Komiks, dati siyang empleyado ng Atlas sa pamumuno ng yumaong si Mr. Tenorio. Sa pagmamahal ni Kuya KC sa industriya, kaya inilabas niya ang Filipino Komiks. Ang ginawa niyang ito ay hindi para sirain ang Atlas kundi mag-ambag sa industriya ng komiks na ngayon ay nakadapa pa rin.

Sa panahong ito na wala ni isa mang komiks na inilalabas ang Atlas, ano ang kontribusyon nila para sa industriya? Wala! Sige, inyong-inyo na ang titulong Pilipino Komiks, buhayin niyo, kung kaya niyo!

Sa panahong ito na ‘mapili’ na ang tao sa entertainment at kanilang binabasa, hindi lang basta title ang tinitingnan ngayon kundi ang CONTENT. Kahit pa ipangalandakan mo ngayon sa publiko na PILIPINO KOMIKS ang hawak mo pero kung ang laman sa loob ay kasing-tanda pa ni Lapu-lapu, at ang mga drawing at kuwento ay isinusuka na ng mambabasa, walang mangyayari sa produkto mo!

HINDI NA UUBRA NGAYON ANG STRATEGY NG LUMANG KOMIKS! MAG-EVOLVE NA KAYO!!!

May kutob ako na nakatawag ng pansin kay Mr. Alvarez (General Manager ng Atlas) ang titulong Filipino Komiks nang gawin ko ang Powerpoint Presentation noong Kongreso ng Komiks. Siguro hindi pa sila aware dito, at dahil naipakita ko nga, saka sila nag-react ng ganito.

Ang masakit dito, kung sakali bang maipatigil ninyo ang paglabas ng Filipino Komiks ay ilalabas ba ninyo ulit ang Pilipino Komiks? I’m sure na hindi rin naman! Sino ang mga contributors niyo? Mga taong kaya ninyong bayaran ng P75 per page ang drawing at P216 per story? At babayaran ninyo after publication na inaabot ng isang buwan mahigit?

Mapagmatyag na ang mga komiks people ngayon. Hindi gaya noong araw na halos dilaan ang mga tumbong ninyo dahil sa inyo lang umaasa. Ngayon hindi na kayo puwedeng kumontrol dahil nagkalat na sa mga komiks people ang trabaho galing sa iba’t ibang kumpanya, local man o abroad.

Hindi ko pa alam kung ano ang magiging aksyon ng Risingstar sa isyung ito. Pero kung sakali mang I-pullout nila sa market ang Filipino Komiks at hindi na nila ulit ito gamitin, madali lang namang mag-isip ng bagong titulo—mas CREATIVE, mas MAGANDA, mas MALAMAN, at hindi na nakasandig sa pangalang Pilipino Komiks.

Ilang mga empleyado ng Atlas ang nagbabasa ng blog na ito, siguro magandang I-print ninyo ito at ibigay sa ‘head’ ninyo.

At para sa pamunuan ng Atlas, pupurihin ko kayo sa pagtatanggol ninyo sa Pilipino Komiks kung nakikita lang sana namin na pinapaangat ninyo ang industriya at kalidad ng komiks. Kaso hindi! Sinasayang lang ninyo ang malalaking printing machine, ang distribution networks, ang National bookstore branches. Bakit hindi ninyo kayang gawin ang strategy ng PsiCom, Precious Pages, Summit Media, at ilan pang matagumpay na publishing houses? May problema ba sa management? Well….

Siyanga pala, ano nga 'yung komiks ng Atlas na ginaya sa WITCH? CHARM BA 'YUN? AS IN TALAGANG GINAYA! Sukat at quality ng papel, presyo, coloring, pati 'yung artist nu'n na si Danny Lorica, sinabi sa akin na pati drawing ng Witch ay ipinagaya sa kanya.

Narito ang sulat na ibinigay ng abugado ng Atlas sa Risingstar, paki-klik lang para sa mas malaking image.


Susubaybayan ko ang isyung ito at ilalatag ko sa bumubuo ng Kongreso ng Komiks sa April 2 sa Malakanyang. Kukuha ako ng reaksyon sa mga tao.

Thursday, March 29, 2007

KOMIKS NEWS

Sobrang busy para sa akin ang week na ito. Tinatapos ko muna ang mga trabaho dahil next week ay mawawala na naman ako para magbakasyon at maki-fiesta sa aming baryo sa Odiongan, Romblon.

May parangal para sa magwawagi ng pa-contest ni Carlo Caparas, gaganapin ito sa Malakanyang ground sa April 2, 2007, 8am. Kung sino ang gustong sumama ay magpalista agad ng pangalan. Puwede ninyo akong kontakin sa aking email, o mag-post dito. Open ito sa lahat ng gustong sumama. Pero para doon lang sa mahilig sa komiks ha. Baka kasi magkaroon ng hostage drama du'n gaya ng nangyari kahapon sa Liwasang Bonifacio (heheh) kapag iba ang purpose ninyo kung bakit gusto ninyong makapasok sa Malakanyang Palace.

Naglabas ng komiks ang ilan nating kababayan na nagtatrabaho sa Saipan. Narito ang sample ng unang labas ng kanilang komiks. Patunay lamang na kahit saan mang panig ng mundo makarating ang mga Pilipino, hindi mawawala ang pagmamahal sa komiks.

Inilabas din ni Gerry Alanguilan ang kauna-unahang story and art (tama ba?) ni Rudy Florese na pinamagatang ORAS MO NA! Mababasa ito linggu-linggo sa site na ito. Nakaka-miss na ring magbasa ng mga nobelang komiks sa Pilipino. Ito na ulit ang pagkakataon para mangyari iyon.


Magkakaroon din ng summer comics workshop si Gilbert Monsanto. Kung sino ang interesado ay dalawin lang siya sa kanyang blog para sa mga detalye.


See you guys next week...or baka next next week.

Saturday, March 24, 2007

KOMIKS CARAVAN

Marami pa ring nagtatanong sa akin kung kailan ba talaga gagawin ang 2nd session ng Kongreso ng Komiks. Nahihiya ako dahil kahit ako ay hindi ko alam kung kailan o kung tuloy pa ba ito.

Malaki ang expectation ng maraming nagku-komiks sa Kongreso ngunit parang pagkatapos nito ay parang wala nang balita kung ano na ba ang nangyayari. Ang totoo niyan ay may kani-kaniya nang programa ang mga tao ngayon na kabilang sa bumubuo ng Kongreso ng Komiks.

Ang programa ni Carlo Caparas ay libutin ang mga eskuwelahan at munisipalidad at magpa-contest sa mga estudyante tungkol sa scriptwriting at drawing. Ngayong araw na ito, papunta sila sa Meycauayan, Bulacan kasama sina Joelad Santos at ilan pang opisyal.

Sa darating na Abril, maglilibot naman ang iba pang grupo sa Visayas, hawak naman ito ng Komisyon sa Wikang Filipino sa pamumuno ni Dr. Nolasco. Pakiramdamam ko, hindi ito under ng proyekto ni Joelad Santos kundi kay Dr. Nolasco mismo.

Napakahirap buuin ng isang organisasyon kapag mayroon kayong iba’t ibang agenda. Nakita ko ito noong mag-meeting kami last week, kasama ang mga writers at illustrators, na dinaluhan din nina Joelad Santos. Minabuti ko na lang manahimik sa mga isyu, kung kukunin nila akong opisyal ay okey lang sa akin, kung hindi naman ay okey lang din.

Sa mga nakapaligid sa Kongreso ng Komiks, nakita ang dalawang klase ng tao na may magkahiwalay na plano para sa komiks. Ang una ay ang mga short-term planners. Sila iyong mga taong ang gusto ay maglabas kaagad ng komiks para magkaroon kaagad sila ng instant pera.

Ang ikalawa ay ang mga long-term planners. Isang officer ang may balak na habang ginagawa ang Caravan ay kasama na ang proposal sa mga municipalities at lugar para magkaroon doon ng distribution network kung sakaling may lalabas na komiks galing sa Maynila.

Isang representative ng malaking publisher ang dumalo sa aming meeting noong nakaraan at nagsabi na maglalabas sila ng 4 na titles ng komiks. Naglatag siya ng mga isyu para sa long-term na pagpa-publish ng komiks, halimbawa ay ang pagkakaroon ng line of books na puro graphic novels, at ang pagsasalin nito sa electronic media. Maganda ang mga plano, pero binara lang ng isang beteranong illustrator, “Marami pang paliguy-ligoy, kukunin mo ba kami?”

Maging ang Komiks Caravan ay may isyu sa pagitan ng organizer at ng mga komiks creators. Pinagtatalunan kung ano ba ang mahalaga sa Caravan, iyung ibabayad sa writer at artist na magtuturo o iyung advocacy na magbigay ng awareness sa mga tao?

Mahirap I-organize ang mga tao. Dapat ay kailangan munang ma-organize ang isip ng bawat isa. Kasama ako sa mga long-term planners para sa komiks. Narito ang mga isyu na gusto kong pagtuunan ng pansin:

1. Makapagbuo ng isang solid na samahan ng mga propesyunal na manlilikha ng komiks para sa projects na:
-a. Magbigay ng seminars at workshops para sa mga bata at baguhang gustong pumasok sa linyang ito.
-b. Makapagbuo ng team na makakagawa ng magandang produkto na puwedeng mai-propose o makahanap ng publisher/s.
2. Magkaroon ng library ng komiks. Maalagaan ang mga lumang materyales (printed komiks at mga artworks).
3. Alagaan ang karapatan ng mga gumagawa ng komiks.
4. Magkaroon ng mga taong ang linya ng pag-aaral ay tungkol sa komiks ng Pilipino (researchers, theorists, writers, speakers, etc.) para maging representative sa kahit anong gathering o okasyon.

Para sa iba, napaka-idealistic ng plano kong ito. Pero kung hindi ko ito sisimulan sa isip, hindi ito mangyayari. Matutupad ito kung may kapareho akong mga tao na ganito rin ang vision. Pero ngayong ‘sabog’ ang isip ng marami, lalo na iyong mga capable maglabas ng pera at influential, mahirap mangyari ito ngayon.

Saludo ako sa mga independent publishers sa panahong ito. Habang abala ang mga opisyal at mga may pera na gumawa ng kani-kanilang agenda para sa industriya ng komiks, kayo naman ay tuloy lang sa pagpa-publish ng komiks. Pinakamahalaga ang produkto sa lahat.

May plano akong magsarili na lang sa mga agenda ko. Parang hindi na ako komportable pang umasa sa mga organizers at may pera/power although kasama pa rin ako sa kanilang mga proyekto. Mas matutupad pa siguro kung ako na mismo ang kikilos para sa sarili ko.

Natapos ko na ang course outline para sa Tesda, ang problema ko ay kung ipapakita ko pa ba ito sa grupo o dapat pa ba akong sumangguni sa kung kani-kaninong Pontio Pilato. Mas magandang idirekta ko na itong ipakita sa Tesda mismo. Ang niri-represents ko lang dito ay ang sarili ko at ang komiks. Wala nang backer o kung sinumang mga pulitiko at known personalities. Just plain course outline para sa gustong gumawa ng komiks, isang kursong magtuturo sa mga estudyante kung paano mahalin ang komiks at hindi lang para kumita ako. Kasi kung kita lang ang gusto ko, puwede ko nang kalimutan ang lahat ng ito at tumutok na lang sa mga drawing projects ko na kikita ako ng malaki.

******
Natanggap ko na ang huling sulat sa akin ng Visionary Comics Studio, natapos na rin sa wakas ang Headlocked. Hihintayin ko na lang ngayon na matapos ang colorist para maibigay na sa printer. Mga ilang buwan ay mag-aanounce na ang studio kung kailan ito magiging available sa market.



Out na sa market ang Slambang #2 ng Fan-Atic Press kung saan mababasa sa loob ang story and art ko na ‘Silence Means Yes’ na inilabas ko dito noong mga nakaraang buwan. Maari na kayong umorder ngayon. Hinihintay ko na lang ang complimentary copies ko na dumating.



Malapit na rin ang April at lalabas na rin ang The Malay Mysteries #4 ng Shoto Press kung saan ako ang gumawa ng kalahati (50 pages) ng graphic novel na ito. Maari nang mag-pre order ngayon. Sa lahat ng indie na ginawa ko, ito ang maipagmamalaki ko ang kuwento.

Mawawala ako ng mahigit isang linggo sa pagpasok ng April. Magtitika ako ng mga kasalanan ko sa probinsya, puro drawing muna ang aasikasuhin ko doon at wala munang internet. Kailangan kong gawin iyon para matapos na kaagad ang mga trabaho. Dahil pagbalik ko, itong Komiks Caravan naman ang aasikasuhin ko. Narito ang mga schedules na ibinigay ng Komisyon sa Wikang Filipino, kaya kung narito kayo sa mga probinsyang ito, ilagay na ninyo ito sa kalendaryo:

April 24-25................. Cebu
April 26- 27.................. Iloilo
April 28-29.................. Bacolod (Hindi pa sigurado ito dahil maghihintay pa sa resulta ng Guhit Pinoy, sila ang co-organizer dito.)
April 30- May 1............ Davao
May 2- 3 .................... Cagayan de Oro
May 4- 5..................... Baguio
May 6- 7..................... Bicol
May 8- 9 .....................Pampanga

Thursday, March 22, 2007


Saturday, March 17, 2007

STYLE

Isa sa hindi ko malilimutang eksena sa pakikipag-meeting sa mga beterano ay ang pagtingin nila sa mga karamihang gumagawa ng komiks ngayon na..produkto ng manga (Japanese comics) generation.

Ako man, ay parang itinuring nila na kasama doon sa mga manga artists na makikita sa mga komiks na lumalabas ngayon sa market.

Nagulat na lang ang mga beterano nang pagdating ng exhibit ay wala ni katiting na impluwensya ng manga ang gawa ko. In fact, maraming nagtaas ng kilay at kumunot ang noo nang makita ang mga naka-exhibit kong drawings sa NCCA.

Sabi ng isang empleyado sa Komisyon sa Wikang Filipino, “Randy, parang iba yata ito sa mga ipinakita mo sa amin dati.” Pinakitaan ko kasi sila ng ilang pages ko ng Guardian Empires at iba pang mainstream comics drawing ko sa US.

Sabi naman ng isang beteranong artist nang makita ang gawa ko ng isang ‘java man’ na nasa itaas ng baliku-balikong building, “Gusto ko ang concept mo dito. Ang hindi ko lang gusto ay ang perspective nitong mga buildings. Hindi ko malaman kong nasaan ang vanishing point.”

Ang nakaintindi sa akin ay si Mang Ernie Patricio. “Gusto ko itong gawa mo dito, surreal,” itinuro niya ang drawing ko ng isang pamilya na nasa loob ng isang kahon, na iba-iba ang ground level. Sa palibot ng drawings ay nakasulatang kung anu-anong mga kabastusan jokes na lahat ay kinopya ko lang sa mga text na ipinadala sa akin ng akin mga kaibigang bastos ding tulad ko.

Ano bang style mo?

Tingin ko ay hindi na aplikable sa akin ang tanong na ito. Ayokong ma-identify sa isang style, o tatlo o kahit sampung style. Ang style para sa akin ay isang outer image na kayang pag-aralan ng kahit sino depende sa kanyang kapasidad.

Nang makatabi ko ulit si Mang Ernie nang magpunta kami sa Malakanyang, tinanong niya, “Gusto mo nang mag-painting ano? Mas masarap gumawa sa malaking kuwadro.” Siguro nababasa niya, iba ang takbo ng utak ko pagdating sa visual arts.

Tama siya.

Galing ako sa conservative traditional komiks art, at ito ang itinuro sa amin ni Hal Santiago. Ngunit habang lumalaki ako, na-expose ako sa iba’t ibang klase ng art disciplines—teatro, pelikula, literature, musika. Naging laman ako ng kalye at nakisama sa mga aktibistang ang lahat ng art na makita ko ay puro social realism—may brutal ay may malumanay. Napunta rin ako sa underground punk scene kung saan mas baliw ang mga artists na nakilala ko—isang kabigan ang nakasama ko sa exhibit, ang entry niya, gumawa siya ng pagkaganda-gandang canvass, pagkatapos ay sinalpakan ng patay na ipis ang gitna ng kuwadro. Nilagyan niya ng title, ‘Nukleyar’.

Noong una ay napamura ako, “Baliw yata itong mga hinayupak na ito! Saan ka naman nakakita na ang idi-displey mo ay ipis?”

Pero lumaon, natanggap ko ang ganitong mga oryentasyon. Siguro ibang level ang ganitong mga artist. O baka ibang dimension.

Dahil sa ganitong mga experiences sa art scenes, nadala ko sa komiks ang ganitong art appreciation. Kaya ngayon, hindi na ako naaaliw na pagbasahin mo ako ng mga mainstream comics—lalo na superheroes na mula simula hanggang matapos ay puro sapakan, tadyakan, barilan at bombahan. Binabasa ko na lang ang mga ito dahil kailangan. Kung makakapasok ako sa Marvel at matupad ang pangarap ko na makapag-drawing ng Iron Man, ay kailangan kong pag-aralan ang lahat ng ito.

Ang binabasa kong komiks ngayon ay galing lahat sa underground at independent scene ng Amerika at Europe. Mas nakaka-relate ako sa content nila. Hindi dahil sa napapangitan ako sa gawa ng mga Pinoy o dahil nagpapaka-‘deep’ ako pero, anong magagawa ko, ako ang taong gustong makakita lagi ng bago at makabasa na masa-satisfy ang gusto ko. Ang komiks sa akin ay parang ulam—kapag adobo ngayon, sana bukas ay menudo naman, o kaya sa susunod na araw ay sardinas naman. Ayoko nang buong linggo ay puro adobo na lang.

Bakit ko nasasabi ang lahat ng ito? Siguro dahil sawa na ako doon sa isyu ng style.

Sa tinagal-tagal kong nakipaglokohan dito sa mundong tinatawag na ‘demonyong art’, dumating ako sa puntong ang paghahanap ng style ay hindi na puwedeng hanapin sa labas. Kailangan mo nang puntahan kung ano nasa loob mo. Kailangan mo nang mag-explore ng sarili. Hindi na puwedeng habambuhay ay nakatali ka na lang doon sa mga reference na ilang taon mo ring dinilaan at sinamba. Kailangan mong dumating sa puntong ang pinakamagandang style ay iyong ‘maliit na tao’ na nasa loob mo mismo. Ang maliit na taong iyon ay ikaw na gustong kumawala para makita ng iba.

Hindi ko sinasabing walang kuwenta kapag nanggaya kayo ng ganito o ganoong style. Ang sinasabi ko lang ay it’s time to move on. Evolve. Gusto ninyong dalhin sa next level ang komiks. Simulan ninyong dalhin sa next level ang art appreciation ninyo.

Ang komiks ay isang ‘language’. Hindi ito isang medium na kailangan ay realistic ka mag-drawing ng mata, o macho ka kapag nag-drawing ng lalake. Ang komiks ay isang medium para iparating sa readers ang gusto mong iparating. May kani-kaniyang paraan ang bawat tao.

Isa sa pinakamagaling na American artist para sa akin na malaki ang impluwensya ng Japanese style na may halong graphic design ay si Aubrey Beardsley. Namatay siya sa edad na 26. Nakapag-produce siya ng mga drawings na halos I-ban sa buong art world. Pero habang nakikita mo ang kanyang mga trabaho, malalaman mo na ang taong ito ay genius sa art.

Si Beardsley ang isa sa ‘wild’ artist noon ng Art Nouveau era.





Siguro habang binabasa ninyo ito, naiisip ninyo na ibang dimension ang tingin ko sa komiks art. Na tingin ko ay hindi, kasing-normal lang natin ito lahat. Ang mensahe lang na gusto kong iparating ay ito…PANAHON NA PARA KUMAWALA SA WESTERN, JAPANESE O FILIPINO STYLE. PANAHON NA PARA IPAKITA SA MUNDO NA IKAW AY PRODUKTO NG SARILI MONG TALINO.

Thursday, March 15, 2007

Gusto na niyang PUMAPEL

Abangan!!!


Tuesday, March 13, 2007

INTERVIEW WITH NORMAN ISAAC

Binisita ako ni Norman Isaac nitong nakaraang araw ng linggo. Si Mang Norman ay isa sa top cartoonist sa bansa at kasama ni Roni Santiago sa paggawa ng editorial cartoons sa Manila Bulletin. Mababasa din sa nasabing newspaper ang kanyang comsctrip na ‘Norman’s Island’.

Mula noong magkita kami sa Read or Die! Convention ay lagi na kaming nagkakakontakan. Isa sa itinanong ko sa kanya ay kung bakit sa tinagal-tagal na niya na pagiging cartoonist, wala man lang siyang nailabas na libro o kahit man lang compilation ng kanyang mga strips. Naunahan pa siya ng mga batang cartoonists ngayon na makapaglabas ng kanilang sarili trabaho in book form.

Ang totoo niyan ay hindi niya nga rin alam ang sagot. Bakit nga wala pa? Walang nag-aasikaso, sabi niya. Saka kulang daw siya sa tulak. So nagpresinta na ako na tutulong sa compilation ng kanyang libro.

Sinamantala ko na rin ang pagkakataon na ma-interview siya tungkol sa kanyang karanasan sa cartooning industry.

Ito ang mga pinag-usapan namin:

Kailan kayo nagsimulang maging cartoonist?

Ang una kong published work ay noong late 70’s. Di ko na maalala kung 1978 o 1979. nagpa-contest kasi noon ang isang newspaper ng editorial cartoons. Ako ang nanalo. Tungkol ito sa Shah of Iran.

(Nagpresinta pa si Mang Norman na I-drawing ang winning entry niya sa aking notebook)



Ano ang trabaho niyo noong panahon na iyon?

Staff artist ako ng isang company—Richardson-Merrel. Gumagawa ako ng kung anu-anong artworks para sa newsletter nila. Nagli-layout. Minsan ako na rin ang nag-I-edit.

Pagkatapos ninyong manalo sa contest, naging cartoonist ba agad kayo?

Hindi pa. Napunta pa ako sa isang clothing company—sa Jag. Naging visual merchandising manager ako. Hindi ko nga alam kung bakit naging manager ako.

Kailan kayo naging fulltime cartoonist?

Noong mag-apply ako sa People’s Journal, early 80s na ‘yun. Ginawa nila akong regular cartoonist nila sa sports section. Lumalabas ang cartoons ko noon katabi ng Jai Alai features nila. Kaya kapag titingin ka ng itataya sa Jai Alai, mapapansin mo rin kaagad ang cartoons ko.

Bakit pala pinili ninyong maging cartoonist?

Painting major talaga ang kurso ko sa PWU (Phil. Womens University). Naging cartoonist ako siguro dahil sinuwerte na ako dito. Lagi akong nananalo sa mga cartoons competitions.

Nalaman ko na mas marami pa pala kayong nakuhang awards kesa kay Larry Alcala? Ano po ba ang mga kuwento ninyo dito?

Oo nga e. Hindi ko rin akalain na mas marami pa nga akong natanggap na awards kesa kay Larry. Siguro dahil mahilig akong magsasali sa mga competitions dito at sa ibang bansa. Ang first trip ko sa abroad ay dahil sa pagkakapanalo ko sa editorial cartooning. Ipinadala ako sa Bulgaria noong 1981. Meron silang tinatawag na House of Humor, cartoon festival ito, at ako ang kauna-unahang Pilipino cartoonist na nakarating dito.

After ng cartoon festival, hindi agad ako umuwi dito sa atin. Nagtuloy ako sa Belgium, meron naman silang tinatawag doon na Knokki-Heist, cartoons festival din ito. Pumunta din ako doon. Kahit konti lang ang pocket money ko, tumuloy pa rin ako. Ang ginawa ko, hindi ako nag-rent ng hotel, bumiyahe ako ng gabi, sa train ako natulog. Pagdating ko doon, marami akong naging kaibigan.

Ang lakas pala ng loob ninyo maka-attend lang kayo ng festival?

Sayang kasi ang chance. Tutal nasa labas na ako ng bansa. Sinamantala ko na.

Iyung sa ibang contest naman?

Nanalo rin ako sa poster contest, ang premyo naman ay trip to Paris, France. Ako rin ang nanalo. Then nanalo na rin ako sa isa pang cartooning contest sa US. Nadala ko pa ang buong pamilya ko doon dahil lang sa pagkakapanalo ko.

Wow! Nakapag-tour kayo nang walang gastos. Dahil sa mga awards niyo, naging established cartoonist na kayo?

Hindi ko pa masabi. Kasi contributor lang ako noon sa Manila Bulletin. Ang bayad sa akin noon P40 per drawing. Tapos nagtuturo din ako sa Fine Arts sa Holy Spirit about cartooning.

Malaki na ba ang rate na P30 nang time na ‘yun?

Maliit ‘yun kung tutuusin. Ang totoo niyan, kaya ako napasok as regular cartoonist ng Bulletin ay dahil diyan sa rate ko. Nanghihingi ako noon ng increase, may mga anak na kasi akong pinag-aaral. Sabi sa akin ni Pat Gonzalez—siya ang editor noon—kung gusto ko daw maging empleyado nila. Hindi naman ako tumanggi.

Ilang taon na kayo ngayon sa Manila Bulletin?

25 years na mahigit. Speaking of tour nga pala, nanalo din ako noong 1997, pinadala naman ako sa Tanzania, Africa. Enjoy ako sa pagiging cartoonist, halos malibot ko ang mundo dahil lang sa mga cartoons ko.

Ano sa tingin ninyo ang sekreto ng pagiging editorial cartoonist?

Dapat updated ka sa nangyayari. Alam mo kung ano ang nagaganap sa bansa natin, sa ibang bansa, sa pulitika, basta sa lahat. Dapat knowledgeable ka sa mga bagay-bagay.

Ano ang tingin niyo ang pinaka-importante sa editorial cartooning?

Para sa akin symbolic art ito. 75% ang content, 25% lang ang drawing. Hindi kailangan sobrang detalye ang mga figures mo, ang importante ay ang message.

Speaking of message, sino ang inyong personal choice pagdating sa cartooning-of course in terms of content?

Para sa akin, si Ismeraldo Izon ng Phil. Free Press, yumao na siya ngayon. Magaling siyang tumalakay sa mga issues sa pamamagitan ng kanyang cartoons.

How about sa art side, ‘yung nagagandahan kayo ang cartoons, figures, renderings?

Gusto ko si Corky Trinidad. Nasa Honolulu Star Bulletin siya ngayon. Gusto ko siya mag-drawing ng cartoons.

Sino naman sa mga humorists ang gusto ninyo?

Ang mga paborito ko—si Larry Alcala, Nonoy Marcelo at Roni Santiago. Gusto ko rin si Pol Medina, magaling siya.

Ano sa tingin ninyo ang pagkakaiba ng Manila Bulletin sa Phil. Daily Inquirer, Phil. Star at iba pa pagdating sa editorial cartooning?

Siguro mas ‘light’ ‘yung sa amin. Hindi ko alam kung puwedeng sabihing conservative. Pero hindi kami gaya ng iba na kapag gumawa ng cartoons sa mga issues ay talagang matapang.

Mas matapang ang Inquirer?

Well, mas may ‘say’ sa issues ang mga editorial cartoons nila.

Nakausap ko si Karl Comendador tungkol sa SPIC (Society of Philippine Illustrators and Cartoonists, siya ang naging second-to-the-last na naging presidente ng organisasyon, naging officer din kayo ng SPIC. Ano ang SPIC noong panahon ninyo?

Masigla ang organization namin noon. Marami kaming activities. Contests, workshops. Malalaki ang sponsors namin including San Miguel Corporations. Saka malaki ang grupo noon, magkakasama kaming lahat na komiks artists at mga taga-dyaryo.

Ang SPIC nga ang kauna-unahang illustrators and cartoonists group sa bansa. Sayang nga lang at hindi ito umabot sa panahong ito.

Oo nga. Hindi ko na rin alam kung ano ang nangyari. Bigla na lang nawala ang organisasyon.

May mga issues kung bakit kumalas ang mga cartoonists at nagtayo sila ng bago—ang SKP (Samahang Kartunista ng Pilipinas), anong masasabi ninyo tungkol dito?

Itinayo ito ni Larry Alcala. Siguro dahil nga masyadong malawak ang sakop ng SPIC realistic at cartoony ay pinagsama.

Maganda rin ang nangyari dahil napagtuunan talaga ng pansin ng SKP ang mga cartoonists. Kaya hanggang ngayon ay buhay ang grupo. Sa tingin ninyo, kung may bubuhay ulit sa SPIC sa panahong ngayon, at kukunin kayong lahat na maging advisers, susuporta kayo?

Oo naman. Marami pa namang officers ng SPIC ang nandito pa ngayon. Puwede pang lapitan si Pol Galvez, naging presidente siya ng SPIC. Andiyan pa sina Karl, sina Rico Rival, mga officers ‘yan dati.

Last question. Halimbawa pong naisipan kong I-revive ang SPIC, susuportahan ba ninyo ako? Hindi kaya ako pagtaasan ng kilay ng mga beterano? (sabay tawa)

Why not? Tingin ko nga, maraming matutuwa, magiging reunion ito ng mga illustrators at cartoonists. Ipapakita ko pa sa iyo ang mga records ng SPIC, pati ang mga pictures namin noon.

Last na last na question. Sino ang gusto ninyong gumawa ng foreword sa book ninyo?

Gusto ko si John Lent. Nag-meet na kami ng personal, meron pa akong contact sa kanya.


Saturday, March 10, 2007

PAG-AARAL AT PAGHAHANAP

Isang isyu ngayon sa board members ng Kongreso ng Komiks ang pagbubuo ng kurso sa pag-aaral ng komiks. Nasa likuran na ng proyektong ito ang NCCA at KWF at mga taga-komiks na lang ang hinihintay na mag-submit ng report tungkol dito.

Sa kasalukuyan, ang siguradong bumubuo na ng pagtuturo para sa scriptwriting ay sina Glady Gimena (manunulat sa komiks at pocketbook, propesor sa wikang Filipino sa UP), Ofelia Concepcion (isang batikang manunulat at dating editor ng Atlas), Josie Aventurado (manunulat at dating publisher). Sa linya naman ng illustrations ay wala pang nagku-commit, ang nakikita pa lang na posibleng gumawa nito ay sina Nestor Malgapo, Rico Rival at Hal Santiago, although isa rin ako sa pinag-iisipan na pumasok dito.

Nitong mga nakaraang araw, wala akong ginawa kundi mag-review ng libro ng iba’t ibang author sa drawing, painting at comics courses. Sinusuri ko kung ano ang magiging aplikable sa mga estudyante dito sa Pilipinas, at kung ano ang nababagay sa mismong komiks.

Lumabas ako sa konklusyon na: Pagkatapos kong ituro ito sa kanila, ano na ang susunod? Noong nabubuhay pa si Vincent Kua Jr., ito ang itinanong ko sa kanya: “Bakit ayaw mong magturo ulit?”

Sagot niya, “Gusto ko mang magturo, kaso saan ko dadalhin ang mga estudyante pagkatapos? Wala na rin namang komiks dito.”

Kaya sa pagnanais na makatulong, isinama ko sa binubuo kong module kung paano maging freelancer (maging sa internet), kung paano makipag-deal sa mga agents at recruiters, at pagiging propesyunal sa linyang ito.

Kailangan ang mga ito dahil ito na ang pintuan kung paano ka makakakuha ng trabaho. Hindi sapat na magaling ka lang magsulat at mag-drawing. Kailangan mong I-market ang galing at husay mo sa pagsusulat at pag-drawing.

Nasa krisis ang komiks sa Pilipinas sa kasalukuyan. Hindi gaya nu’ng araw na kapag gusto mo ng trabaho, pumunta ka lang sa GASI o Atlas, mag-sample ka ng drawing at script mo, pag natanggap ay may trabaho ka na.

Ngayon ay iba ang sitwasyon. Ang pagpipilian mo lang ngayon ay maging independent publisher o kaya ay kumuha ng agent para mai-market ka sa abroad (bihira ngayon sa mga artist ang malakas ang loob na hindi kumuha ng agent at direktang makipag-deal sa mga editors at publishers sa ibang bansa).

At ang sitwasyong ito ay hindi maituturing na ‘instant money’. Kailangan mong maghintay. Hindi gaya noon sa Atlas at GASI, paghatid mo ngayong umaga ng trabaho mo, pumila ka mamayang hapon sa cashier at siguradong may tseke ka na.

Ang kailangan sa panahong ito ay diskarte at creativity. Kailanman ay hindi ko naging problema na magkaroon ng project. Lagi akong may project, hindi sa pagyayabang. Ang problema ko lang ay kung paano magkakapera sa mga projects na ito na pinaggagawa ko.

Madaling mag-isip ng project. Ang madugo dito ay ang proseso. At ang masakit dito ay kung wala kang kikitain pagkatapos.

Isa sa malaking reklamo ng karamihan ng sumusubaybay sa Kongreso ng Komiks ay kung paano magkakapera. Iyon naman ang puno’t dulo, hindi ba?

Sa puntong ito, gusto kong kampihan si Dir. Cecille Alvarez sa pagsasabing: “Dahil ba wala nang publisher ng komiks ngayon ay hindi na rin kayo gagawa ng komiks!” Para sa iba, tanong lang ito, pero para sa akin, sermon ito ni Dir. Alvarez sa ating lahat na tagakomiks.

Bakit ka nga naman maghihintay pa ng malaking publisher tulad ng Roces kung sa panahon ngayon ay mahirap nang makatagpo nito?

Sabi ko nga, ang kailangan ngayon ay diskarte at creativity. Nag-offer na ang NCCA at KWF ng tulong. Kahit paano ay nasa likod na natin ang gobyerno (ngayon lang ito nangyari sa loob ng halos isandaang taon ng komiks). Ang kailangan nating gawin ngayon ay magkaroon ng feasibility studies at proposal dahil naghihintay lang naman ang mga government offices, CHED, DECS, at kung anu-ano pa galing sa atin.

Sa commercial world, nakahatak din ng atensyon ang ginawang press release ng Kongreso. May nabalitaan ako na isang publication ang maglalabas ng apat na titles ng komiks. Of course, madali naman kasing kunin ang atensyon ng mga commercial publishers kapag nalaman nilang kikita sila sa business na ito. Pera ang katapat kung gusto nating maraming publisher ulit ang maglabas ng komiks.

Kailangan nating I-prove na bebenta ang komiks na gagawin natin. Otherwise, wala ngang publisher na susulpot. E kahit ako naman milyunaryo, kapag alam ko na hindi bebenta ang komiks, hindi rin ako maglalabas ng pera. Magpa-publish na lang ako ng pocketbook, na alam kong maraming nagbabasa.

Ang hamon ngayon ay hindi sa NCCA o KWF o kay Caparas o kay GMA. Ang hamon ay nasa atin mismo. Kaya ba nating patunayan na magtatagumpay ulit ang komiks sa panahong ito?

Noong araw na bago magsimula ang Kongreso ng Komiks, nakatingin ako sa line of books na inilalabas ng NCCA, naka-displey ang mga ito sa gilid ng information desk. Binuklat ko isa-isa at pinag-aralan ko kung anong klaseng mga libro itong inilalabas ng NCCA. Isang maliit na libro ang nakatawag sa akin ng atensyon. Naisip kong gawin siyang komiks.

Iyan ang sinasabi kong diskarte.

Thursday, March 08, 2007

ART GROUP AND THE PALACE


Maging sa ibang bansa ay hindi mapigil ang creativity ng Pinoy. Isang bagong grupo na naman bukod sa Guhit Pinoy ang itinayo ng mga artists sa Kuwait. Ito ang ADHIKA na sa kasalukuyan ay binubuo pa lang ng limang tao. Kasama dito ang aking classmate sa Architecture na si Everlito Villacruz. Nakatakda silang magkaroon ng major exhibit ngayong taon na ito sa Kuwait mismo. Mabuhay kayo, mga kabayan!

Ito naman ang kuha namin sa Malakanyang kung saan pinarangalan ng pangulo ang mga naging personalidad ng komiks tulad nina Don Emilio Yap (publisher of Liwayway), Antonio Velasquez (father of Filipino komiks), Francisco Coching (dean of Phillipine komiks), Mars Ravelo, Larry Alcala at Carlo J. Caparas.



Tuesday, March 06, 2007


Look at how Eric Rodriguez did on my line art. Astig, 'no? He's planning to submit it on 'Expose' books, kaso na-late sa submission dahil sa deadline sa komiks hahaha. Next year na lang ulit, 'tol!





Sunday, March 04, 2007

ABOUT MY PRESENTATION

Maayos naman at malinaw ang pagkaka-deliver ng Powerpoint presentation ko sa Kongreso ng Komiks. Mas marami akong tinanggap na papuri kesa puna. Pero marami din nagtanong dahil may mga kulang sa history ng komiks na binanggit. Well, totoo naman, marami na akong hindi isinama dahil baka maubos ang oras ng Kongreso sa akin pa lang.

Tinanong nga sa akin ni Alfred Alcala Jr. kung bakit hindi ko na isinama ang pagkakabuo sa CRAF Publication nina Redondo, Alcala, Carillo at Fernandez. Kasi kung babanggitin ko ito, aangal naman sina Pablo Gomez at Ravelos dahil pati sila ay nagtayo din ng sarili.

Dalawang puna ang hindi ko makalimutan pagbaba ko ng stage. Ito ‘yung mga personal na itinanong sa akin:

1. Nag-I-exxagerate daw ako sa sinabi kong: “Karamihan ng mga ka-batch ko ngayon ay wala nang interes gumawa dito dahil kung praktikalidad ng buhay ang pag-uusapan, mas kikita nga naman sila sa US ng 50 TIMES HIGHER.”

Ayaw maniwala nang nagtanong sa akin na ganito ang kinikita ng mga artist sa US.

Okay, let’s do the Math.

Ang bayad sa Atlas at GASI kapag baguhan ka ay P75.00 per page.

75 x 50 = 3750

P3750 !!!

Punyemas! Mali nga ako. Hindi lang 50 times higher, kundi 100-500 times higher pa. Itanong ninyo kina Leinil Yu, Jay Anacleto, Lan Medina, Phillip Tan, Carlo Pagulayan, Wilson Tortosa, etc.

O, ngayon, naiintindihan niyo na kung bakit ayaw nang gumawa dito ng mga kabataang nagku-komiks?

2. Ikalawang nagtanong, masyado daw akong idealistic sa pagsasabi ko na possible nang I-market ang komiks natin ngayon sa ibang bansa—hindi lang OFWs kundi mga foreigners mismo.

Aba! Parang hindi pa siya nakuntento doon sa paliwanag ko na meron na ngang Filipino Invasion sa US Comics at merong mga fans ang Pilipino sa ibang bansa. At hindi pa siya kumbinsido doon sa sinabi ko na kung ang Japan ay nagagawa nilang ipakalat sa buong mundo ang kanilang ‘manga’, naita-translate sa iba’t ibang wika—English, Spanish, French, German, etc.—bakit hindi kayang gawin ng Pilipino? Siguro kung may dala lang akong ELMER ni Gerry Alanguilan nang time na ‘yun, baka isinungalngal ko sa mukha niya. I mean, maliit pa ang distribution ng ELMER pero nakakarating pa rin ito sa ibang bansa. Isa ito sa major leap sa marketing strategy ng komiks natin. Bakit imposible sa komiks natin na makarating sa ibang bansa? Ang kailangan lang naman dito ay makapag-create ng distribution network na kayang pasukin nang malakihan ang international scene.

Alam niyo ba ang nagtanong sa akin nito, kasama ko sa board. Malamang marami kaming pagdedebatehan nito kapag nag-meeting na kami ng masinsinan.

After few days na pinalipas ko ang ‘init’ ko para sa Kongreso ng Komiks, nagkaroon din ako ng realization na itong mga organizers ng Kongreso (Joelad, Caparas at iba pa) ay hindi mga kalaban o dating management ng komiks na kung makasermon tayo ay parang sila ang dahilan ng lahat ng problema ng industry. I mean, puwede namang huwag nang pakialaman ni Joelad Santos ang komiks dahil maganda na ang posisyon niya sa Komisyon sa Wikang Filipino. Ganoon din naman si Caparas na mas kikita pa ng maraming pera kung magpo-produce ulit ang kanyang asawa ng pelikula. Pero pinili ng dalawang ito na makisangkot ulit sa komiks. Sa tingin ko, ‘payback’ time ito para sa kanila dahil nanggaling sila sa komiks.

Ang problem lang na nakikita ko ay mga press releases at media exaggerations na nakikita ng marami. Pero anong magagawa natin? Sabi ko nga, trip nila ‘yun, pabayaan niyo sila sa trip nila.

Right now, ayoko nang sakyan ang mga isyung ‘gap between old-timers and new gen creators’. Parang ang tingin ko dapat huwag nang magkaroon ng ganitong mga ‘tag lines’. The more na ipinagdidiinan natin kung saang generation tayo galing, the more na hinahati natin ang iisang industry.

Ang main problem ngayon ay how to attract publishers para makapag-create sila ng trabaho sa mga writers, illustrators, at iba. Or kung paano mapapagaan ang sistema ng mga nagbabalak maging independent publishers—in terms of tax, marketing, etc.

What is important right now ay makapagbuo ng board (or centralized komiks body) na titingin at tututok sa mga aksyong ito ng komiks. Isang komiks body na handang makinig sa issues ng distribution, self-publishing, at problema ng mga tagakomiks. May backup man ito ng gobyerno o wala, ang mahalaga ay kailangan talagang may nag-I-exist dito na ORGANISASYON SA KOMIKS.

Ang mga ideas galing sa NCCA na handa silang maglabas ng komiks lalo na ang media content ay ayon sa isinusulong nila—isyu ng kababaihan, kahirapan, environment, etc. ay isang magandang hakbang. Isa rin sa makakatulong ang pagbubuo ng module para sa TESDA kung saan magkakaroon ng murang pag-aaral ang mga nagbabalak pumasok sa komiks (mahal kasi sa St. Benilde, ‘no, maraming Pilipino ang hindi kayang mag-enroll sa La Salle). Isa pa ay ang posibleng ugnayan ng mga taga-komiks sa CHED at DECS. Isa pa sa makakadagdag ay ang pag-iikot sa iba’t ibang sulok ng bansa at universities para magkaroon ng awareness tungkol sa komiks. Isa rin ang contest ni Caparas at ang plano niyang maging independent publisher.

Ang lahat ng ito at additional points sa pagsusulong ng industry. May kani-kaniyang paraan ang bawat isa ayon sa kanilang kakayahan, at katungkulan. Pero ang mahalaga dito ay lahat ng ito ay para sa industry ng komiks.



PARA SA MGA FANS NG ROMANCE POCKETBOOK


PAINTING EXHIBIT NI FRANCISCO ‘TOTONG’ FRANCISCO JR.



Dr. Joel Mendez and Totong Francisco.

Roderick Macutay, Melvin Culaba, Gary Custodio and Erickson Mercado.