Kailan lang ako nasabak sa animation industry pero marami rin akong natuklasan sa mundo nila. Gaya halimbawa, simula’t sapul pa ay naging tambakan nga tayo ng trabaho galing sa ibang bansa. Tama ang sinabi ng isang nag-comment dito, nangongontrata lang tayo ng trabaho galing sa Hanna Barbera o kaya ay sa Walt Disney, kaya nga nagsulputan dito ang mga animation studios gaya ng PASI, Toon City, TOEI at iba pa.
Pero dumating sa panahon na may mga tao na gumawa ng sariling animation studio na gawang Pilipino para sa Pilipino. Kung inyong matatandaan, nagkaroon noon ng Panday at Darna na ipinapalabas sa TV courtesy of Gery Garcia.
Mayroon ding mga pelikula na nai-produce na maipagmamalaking purong Pilipino, tulad ng Ibong Adarna noon.
Ngunit ang ganitong mga palabas ay hindi nagtatagal. Ang unang problema, pinansyal. Hindi kayang mag-produce ng local producer ng isang animated show/movie sa isang napakaliit na budget. Mas mahal pang gumawa ng animation kesa mag-produce ka ng isang pelikula na ang bida mo ay si Sharon Cuneta.
Hindi lang dito natatapos ang problema ng producer, hindi rin siya nakatitiyak kung kikita nga ang animated movie na kanyang ginawa. Kaya ang solusyon, gagawa na lang siya ng pitu-pito film, isang animation, katapat ng limang pelikulang bold. Mas kikita pa siya ng malaki. Iyan ang masakit na katotohanan kung bakit walang malakas ang loob na maglabas dito ng isang animated movie.
Kaya ang solusyon ng mga studios, kukuha na lang sila ng trabaho sa ibang bansa.
Late 80s, nagsulputan na parang kabute ang iba’t ibang animation studios. Inagaw nito ang karamihan ng mga komiks artists. Maging ako man ay nag-training ng ilang buwan bilang in-betweener at clean-up. Nakaapekto ito ng malaki sa komiks industry, halos lahat ng magagaling ay naglipatan na sa animation, mas convenient ang trabaho, mas malaki ang sweldo. Mahina ang singkuwenta mil noon bawat isang linggo sa isang animator.
Bigla ay nag-iba rin ang ihip ng hangin. Karamihan ng trabaho ngayon sa animation ay nasa India at China na. Kaya ang ginawa ng mga animators natin dito ay doon na rin nagtakbuhan.
Sa madramang takbo ng animation industry dito sa atin, sumulpot ang Animation Council of the Philippines (ACPI). Gusto nitong pag-isahin ang lahat ng mga animation studios dito para maging solido kung sakali mang may programa. Back-up din nito ang gobyerno. Kasabay nito, kumukuha rin ng trabaho ang ACPI sa ibang bansa para ipagawa sa mga local artists natin.
Ngunit maraming hindi sang-ayon sa ilang programa ng ACPI. Mayroon ding mga grupo na hindi pabor sa dito. Gaya halilmbawa na mas pinapaboran daw ng ACPI ang ‘outsourcing’ kesa I-develop ang local industry ng animation. Mas kinukumbinsi daw tayo na maging impleyado na lang kesa mag-produce ng sarili nating likha. Mas pinu-promote din daw ng ACPI ang mga mamahaling softwares tulad ng MAYA, 3DSMax at Photoshop at iniitsapuwera ang mga free softwares tulad ng GIMP at Blender.
Kamakailan ay nagkaroon ng programa ang ACPI, ang ANIMAHENASYON (animation festival), kung saan ipinakita dito ang gawa ng iba’t ibang animated works ng mga Pilipino.
Kasabay ng mga programang ito, nabuo na rin ang LIBINGAN ng Tuldok Animation na gawa rin ng mga Pilipino. Pinapatalastas na rin sa TV ang pelikulang URDUJA na ngayon ay nasa ilalim na ng GMA Films. Kasalukuyan na ring ginagawa ang DAYO galing sa Cutting Edge Productions kung saan ang ilan sa mga concept art at storyboards ay ako ang gumawa. Ang mga ito ay purong Pilipino, at tayo ang makikinabang.
Sa Cebu, itinayo ang Bigfoot Entertainment, ito ang pinakamalaking film production sa Asya na pag-aari ng foreigner. Nagdagsaan din dito ang mga artists pati na ang mga animators para sa isang malaking oportunidad. Kung magkakaroon ng maraming projects ang Bigfoot na sangkot ang animation, maraming nagsasabi na baka mag-migrate sa Cebu ang ilan nating animation workers.
Isang animation studio ang itinayo na nakabase sa Alabang area, hindi ko pa puwedeng sabihin kung ano ang pangalan ng studio nila. Ang kanilang project na ginagawa sa kasalukuyan, 3D animation na ipantatapat sa mga Pixar films, balak itong I-release sa international market sa mga susunod na taon. Kung magtatagumpay, ito ang kauna-unahang 3D animation na gawa sa Pilipinas na dadalhin sa Hollywood. Two years ago ay dito (sa Pilipinas) rin ginawa ang ‘Hoodwinked’ na all-Filipino ang gumawa pero foreigner ang may-ari).
Ang lahat ng ikinuwento ko sa inyo ay ilan lamang sa mga impormasyong nakuha ko sa animation industry. Malawak pa ito kung tutuusin, pero gusto ko lang iparating sa inyo na gaano man kadugo o kadrama ang pinagdadaanan ang isang industriya, isa lang ang hahangarin ng tao dito…may maibibigay ba itong trabaho?
Two years ago, ang stand ko sa blog na ito ay I-promote ang local komiks. Ipakilala sa marami ang makulay na mundo ng Filipino komiks. Hanggang ngayon ito ang prinsipyo ko. Kailangan natin ng isang cultural identity para kung haharap man tayo sa buong mundo, mayroon tayong pagkakakilanlan.
Sa kaso ng ‘art’, na isang subjective na bagay, ang cultural identity ay kusang lumalabas kahit pa mahaluan ka ng iba’t ibang impluwensya. Ito ay natural, kasama ito ng kaluluwa mo, dugo ito na dumadaloy sa ugat mo.
Kahit pa tumira ka ng ilang taon sa Amerika, kung dito ka ipinanganak sa Pilipinas at kinagisnan mo ang kultura dito, lalabas at lalabas ito kahit nakaikot ka na sa buong mundo.
Ang paggawa ng komiks ay hindi isang propaganda ng isang lahi na kailangan ay mala-Pilipino ang lahat sa isip sa salita at sa gawa, kusa itong lumabas dahil ikaw mismo ay Pilipino.
Walang masama kung binalak mong maglabas ng komiks na ang kini-cater mo lang ay ang mga Pilipino. Sarili mong desisyon iyan. At wala ring masama kung gumawa ka ng komiks na gawa ng mga Pilipino at gusto nilang bentahan ang MAS MARAMING tao sa ibang bansa. Business-wise, tatayo ako bilang isang kapitalista, iyan ay isang malaking bagay.
Nabasa ko ito sa isang comment sa blog ni KC Cordero:
‘sayang ang talents ng mga taga komiks. kahit na anong paraan na gawin kung wala na ang interes ng tao ay wala na rin magagawa .ang mga nagbabasa na lang talaga ay mga may passion sa komiks. masakit man sabihin pero talagang lipas na ang kainitan ng komiks at ang mga tao na rin ang humusga nito. nag iba na talaga ang libangan ng mga tao ngayon. di ba kayo nakakahalata?’
Masakit ito para sa ating gumagawa ng komiks. Pero totoo ito. Baka nga 1% na lang out of 100% na mga Pilipino ang talagang interesado pa sa komiks.
So, kung ganitong kagrabe ang problema natin sa ating ‘audience’, kailan darating ang hinihintay nating paglago at paglawak ulit ng komiks dito sa Pilipinas? Kung may apo na ang mga apo natin?
Kaya nga sabi ko, wala nang ibang panahon at wala nang ibang pagkakataon. Pakialaman na natin ang international market. At wala na rin naming pumipigil kung ang gusto ng iba ay manatili lang sa local market. Sarili nilang mga desisyon iyan.
Wala na tayong dapat pang hintayin. Marami nang nakikisimpatya sa atin pati gobyerno, tinatanggap na tayo ng akademya, inilalaban na tayo na maging lehitimong sining at literatura, marami nang nagbabalak na maglabas ng local publication, naglalabasan na ang mga mahuhusay at magagaling galing sa luma at bagong creators, nagsulputan na ang mga sugo at mga hari, ang mga greatest at mga most-loved. Wala nang makakaharang sa atin.
Isa na lang. Ang ating mga sarili.