Noong nagpunta ako sa ToyCon nu'ng linggo ay may nakita akong mga tables na nagpapa-signup ng mga raffle stubs. Isa ako sa naharang ng mga tsiks sa harapan nila para nga mag-signup. Tinanong ko kung ano ‘yun, ang sabi e raffle daw para sa libreng bakasyon sa Boracay o kaya sa HongKong. Pumirma naman ako, malay mo manalo nga.
Lunes ng hapon, may tumawag sa bahay. Isa daw ako sa napili sa 15 tao na binigyan ng pagkakataon na magkaroon ng libreng bakasyon kung saan ko daw gusto. Pinapupunta nila ako sa opisina nila, wala akong babayaran, ang dadalhin ko lang daw ay valid ID, at bibigyan pa nila ako ng isang libreng dinner. Naisip ko, wala namang mawawala sa akin kung pupuntahan ko. Malay mo nga naman makapagbakasyon ako na wala akong ginagastos.
Martes ng gabi, pumunta ako sa opisina nila sa Makati Ave. Sinalubong kaagad ako ng receptionist at dinala ako sa isang class na class na restaurant. Pinakain ako ng masasarap na pagkain, actually marami kami, may ilang kumakain sa ibang tables na tingin ko ay nanalo rin gaya ko.
So after ng dinner, chinika-chika ako ng isang babae, kung mahilig akong magbakasyon. Sabi ko, syempre, sino ba naman ang ayaw magpahinga kapag wala ka nang trabaho. Isinama ako ng babaeng itong sa opisina nila sa kasunod na floor ng building. Maganda ang opisina, malinis. Naabutan ko doon ang maraming mesa, bawat mesa ay may orientation na nagaganap. Sumasakay lang ako sa mga chika sa akin nu’ng babae.
Ito na, naupo kami sa isang bakanteng mesa, inilabas niya ang isang napakagandang laptop. At sinumulan na niya akong I-orient doon sa sinasabi nilang libreng bakasyon. Ipinakilala sa akin ang kumpanya, ang mga lugar na puwede kong puntahan. Tinanong pa sa akin kung saan ko gustong pumunta, sabi ko sa Egypt. Natawa pa siya kung bakit sa Egypt, sabi ko, wala lang. Para makakita ako ng mummy. Naglabas pa siya ng mga brochures ng kanilang hotel sa iba’t ibang panig ng mundo, mula Asia Pacific hanggang America hanggang Europe. So talagang nakakalaway. Sino ba naman ang ayaw magbakasyon sa mga lugar na ‘yun.
Ipinakilala niya rin ang sistema kung paano ako makakakuha ng cheap vacation. May mga sinabi siyang makakapagbakasyon daw ako sa Australia na ang gagastusin ko lang per day ay P4000. O kaya sa Germany na ang ilalabas ko lang na pera ay P12,000. Napakamura nga kung tutuusin.
Pero ito ang twist, kailangan ko munang magpa-member sa kanila.
Itinanong ko kung magkano ang membership fee. Ayaw pang sabihin, mamaya na daw. So, kuwento-kuwento na naman itong babae. Na kesyo masarap dalhin ang pamilya sa bakasyon, makakapag-bonding ako kasama ang mga mahal sa buhay, ang ang hotel services nila ay 5-star. Ang daming chenes-chenes. Tinanong ko ulit, magkano naman ang membership fee.
Ayaw pa ring sabihin. Mamaya na daw, ‘yung manager na daw nila ang magpapaliwanag. So chika-chika ulit. Dahil artist daw ako, kailangan e laging refresh ang utak ko, at dapat ay maraming makuhang ideas. Saka mahilig naman daw ako sa adventure, makakapunta na ako sa Egypt. Nakailang tanong yata ako, magkano nga ang membership fee? Sa wakas e tinablan na yata na gusto ko na talagang malaman kung magkano.
Tinawag na ng babae ang manager nila na palakad-lakad lang sa iba’t ibang mesa. Umupo sa harapan ko ang manager na lalake, inilatag sa harap ko ang listahan kung magkano ang membership fee.
Put…!!! Siguro kung hindi lang ako nakapagtimpi nabigyan ko ng roundhouse kick with back kick and axe kick itong mesa para mahati sa gitna! P449,000.000! Halos kalahating milyon ang membership fee!
Kaya nag-iba na ang timplada ko, pero syempre kailangan e hindi ko ipahalata. Sabi ko na lang, napaka-praktikal kong tao, hindi ko kayang mag-spend ng ganyang kalaking halaga para lang sa engrandeng bakasyon. Ang ganyang kalaking pera ay puwede pang magamit sa ibang bagay, sabi ko. Puwedeng bumili akong ng napakagandang computer at Cintiq, o kaya kotse, o kaya magtayo ako ng maliit ng computer shop business sa probinsya namin.
Kamukat-mukat mo e biglang sinabi ng babae na…sarado daw ang utak ko. Hindi daw puwedeng ipagkumpara ang material things sa bakasyon na kailangan ng katawan natin para ma-refresh tayo sa ating trabaho.
Mabuti na lang at nakapagtimpi ako. Sino ba namang luko-luko ang magbibigay ng halos kalahating milyon para lang sa bakasyon? Anong palagay niyo sa ‘kin, nagtatae ng pera! Bawat sentimong lumalabas sa pitaka ko ay inaalam ko kung saan ang paggagamitan. Sa panahon ngayon na ang dami-dami nang kinakaharap na problema ng bansa, nakuha mo pang alukin ako ng halos kalahating milyong bakasyon. E kung hindi ka ba naman saksakan ng manhid sa nangyayari sa ekonomiya ng Pilipinas!
Ikinuwento ko lang ito dahil siguradong matatagpuan niyo sila sa mga malls, at nag-aalok din ng ganito. Iyon lang.