Nakatanggap ako ng email noong isang gabi galing sa isang hindi ko kakilala...
'Guhit Sudlungan was reorganized in 2004. I was designated as its Adviser. Since its reorganization, Guhit Sudlungan has had series of important exhibits and achievements. Winning in most competitions such as EPSON Digital Art Competition, Faber Castel, Asian Body Painting Competition, Cocolife, and others. We lost track of all the original members. Luckily, I came across your site. With your remarkable achievements as an artist. You could certainly be an inspiration to our student artists......'
Joseph Reylan Viray, Chief of the Visual Arts Office of PUPNatuwa ako nang mabasa ko ito, pero bigla rin akong nalungkot pagkatapos. Ang Guhit Sudlungan ay may malaking bahagi sa buhay ko bilang artist. Ayoko na sanang alalahanin ang maraming bagay, pero sabi nga, kailangan nating ibahagi ang ating mga kuwento para sa bagong henerasyon. At naisip ko, ang dami-dami nang nagbago sa akin at sa paligid na ginagalawan ko. Pero kinailangan ko pa rin ang lakas ng loob para gawing public ang maikling kasaysayan na ito ng grupo.
Ang una kong art group noong college sa PUP ay ang 'Panday Pira', organisasyon ito ng mga pintor na estudyante. Ang pangunahing aktibidad nito ay tumulong sa usaping biswal ng mga grupo ng aktibista. Hindi ako gaanong aktibo sa organisasyon dahil first year college pa lang ako at mga lesson pa sa eskuwela ang hinaharap ko, kasabay din nito ay padalaw-dalaw na ako sa GASI para may pandagdag baon.
Nagkaroon ng internal na problema kaya humiwalay ang ilang miyembro sa Panday Pira, nahatak lang ako para sumali sa bagong grupong ito na tinawag na 'Pinsel ni Juan'. Sa Pinsel ako naging aktibo, habang gumagawa ako noon sa komiks ay madalas akong nasa opisina para tumulong sa mga aktibidad ng grupo. Katulad ng Panday Pira, ang Pinsel ni Juan ay mayroon ding political line. Ibig sabihin, lahat ng isyu tungkol sa aktibismo ay kasangkot ito. Mula sa mga rally, educational discussions, mass integration ay kasa-kasama ako. Ang Pinsel ang humubog sa akin ng ibang idealismo sa buhay na halos umabot pa sa muntikan nang 'pamumundok' ko.
Ngunit nagkaroon ulit ng internal problems ang organisasyon. As usual, isyung pulitikal na naman. Masyado akong nabugbog sa isyung pulitika. Kaya kahit masakit sa amin, umalis kami sa Pinsel at nagtayo ng bagong grupo. Lima kaming founders, at kami-kami lang din ang miyembro. Tinawag namin itong Guhit Sudlungan.
Ang salitang Guhit Sudlungan ay mula sa kasama naming si
Marlon Villegas. Ang ibig sabihin daw nito ay 'sining galing sa sikatan ng araw' dahil kailangan daw naming magsimula ulit. Binago namin ang takbo ng organisasyon, inalis namin ang isyung pulitikal, hindi kami nagpahawak sa alinmang grupo na may political inclinations at pinilit naming maging independent group na nakatutok lang sa art.
Ilang buwan din ang itinagal bago kami naghatak ng mga bagong miyembro at estudyante para mapalaki namin ang grupo. Isa sa naging aktibo naming estudyante ay si, tawagin na lang natin siya sa pangalan Isis.
Nang panahon ding ito, ang limang founders kabilang ako, ay nagkaroon na ng permanenteng trabaho at bihirang-bihira nang makapunta ng PUP para sa grupo. Iniwan namin kay Isis ang pamamahala sa Guhit Sudlungan at siya na rin ang nagtalaga ng kanyang mga opisyales. Hanggang sa tuluyan na kaming nawala pero madalas ko pa ring iniimbitahan si Isis at iba pa kapag nagsasagawa ako noon ng workshop sa labas ng unibersidad.
Hanggang sa tuluyan na ngang naging 'office boys' kaming lima. At kumpiyansa naman kami na maitutuloy ni Isis ang aming nasimulan dahil nababalitaan namin na dumadami na rin ang miyembro, paminsan-minsan ay nagri-report siya sa amin.
Siguro after two years na hindi ko na gaanong nababalitaan ang grupo ay nagulat na lang ako sa isang balita. Nabaril si Isis sa isang engkuwentro sa bundok! Kaya nang mag-meeting kaming magkakasama ay saka ko lang nalaman, nagkaroon ng political line ang Guhit Sudlungan. At ang nakakagulat, nag-'fulltime' si Isis at umakyat ng bundok. Ayoko nang pakahabain pa kung ano ang big sabihin nito, pero kung may alam kayo sa aktibismo at nabasa ninyo ang salitang 'fulltime' ay alam na ninyo ang ibig kong sabihin.
Dalawa lang sa mga founders ng Guhit ang nakadalo sa lamay ni Isis. Pero ilang araw ko ring iniyakan na may kasamang galit ang pagkamatay ni Isis. Hindi kasi 'kalaban' ang naka-engkuwentro nila kundi mga 'kapareho' rin. Ayoko na ring pakahabain kung paano nangyari ito dahil sa tingin ko ay pinahilom na rin ng panahon ang sugat naming lima.
Pagkatapos nito ay wala nang umimik sa mga kasama ko. Ni wala nang nagbukas ng usapin tungkol sa Guhit Sudlungan. Kinalimutan na namin ang lahat. Nagpatuloy na lang kami kung ano ang buhay na mayroon kami ngayon.
Halos magsasampung taon na rin ang nakararaan, ginulat ako ng isang email noong isang gabi. Ibang-iba na ang 'esensya' ng Guhit Sudlungan,
mayroon na silang sariling website. Natupad rin sa wakas ang pangarap namin noon na wala nang political line ang grupo kundi nakasentro lang sa sining.
Minsan may guilt pa rin sa akin, siguro kung hindi namin iniwan si Isis noon, o kahit man lang lang may regular na dumadalaw-dalaw isa man sa amin sa opisina, hindi sana mahahaluan ng pulitika ang Guhit Sudlungan dahil alam niya na hinding-hindi kami papayag. Sana buhay pa siya ngayon.
Iniimbitahan ako ng pamunuan ngayon ng Guhit Sudlungan para dalawin sila, siguro para magkaroon ng kaunting inspirational talk at workshop sa mga batang miyembro. Naiisip ko ngayon na parang 'bisita' lang talaga ako na tagalabas. Dahil matagal ko na ring inilibing sa limot ang isang masakit na nakaraan. Parang hindi ko nararamdaman na isa pala ako sa nagtatag nito. At alam ko na ang mga batang miyembro ngayon ay wala ring ideya kung paano nabuo ang 'unang' Guhit Sudlungan.
Sa aming lima, dalawa na lang kaming may regular na komunikasyon, pero nasa London pa siya. Iyong iba ay hindi ko na alam kung saan hahagilapin dahil laging paiba-iba na ang contact information. Hindi ko rin alam kung paano ko sasabihin sa kanila na nag-i-exist pa ang pangalan ng grupo ngunit ibang-iba na ito noong iniwan namin. Hindi man kami nagtagumpay noon sa unang pagkakatatag ng grupo, natupad naman ang pangarap naming lahat sa ikalawa.
Mabuhay kayo, mga miyembro ng Guhit Sudlungan!