Minumulto ba kayo ng isang pangungusap? Ang ibig kong sabihin, sa modernong pagpapaliwanag, may mga ‘sentence’ o ‘words’ ba na laging gumagambala sa inyo?
Aaminin ko, sa akin ay mayroon.
Nabili ko ang isang lumang aklat na pinamagatang ‘Karanasan’ noong mga unang taon ko sa pagsusulat, 1995 iyon. Lumabas ito noong 1977, at dahil luma na, P14.75 lang ang kuha ko dito.
Koleksyon ito ng mga salaysay at maikling kuwento galing sa mga mahuhusay na manunulat tulad nina B.S. Medina, Rogelio Ordoñez, Rolando Tinio, Genoveva Edroza, Simplicio Bisa, Fanny Garcia, Teodora Agoncillo at iba pa.
Isa maikling kuwentong hindi ko makakalimutan ay ang ‘Sa Ibabaw ng Kalabaw’ ni Rogelio Mangahas. Hindi dahil sa kuwento kundi sa unang pangungusap na ganito ang pagkakasulat: ‘Isa sa mga paaralang narating ko ay ang likod ng kalabaw.’
Hindi ako pinatahimik ng pangungusap na ito. Malakas ang impact sa akin na sa unang tirada pa lang ay gumana na agad ang analisa ko. Bakit naging paaralan ang likod ng kalabaw? Metapor kaya ito na ang bukid ay napagkukunan din ng karunungan? Ang sakahan kaya ang pinakadakilang lugar sa lahat dahil napapakain nito ang nagugutom?
Ganyang mga alalahain ang naglalaro sa utak ko noon.
Hindi maalis sa isip ko ang pangungusap na hanggang sa magsulat na ako kung saan-saan ay lagi ko itong kabuntot. May kuwento pa akong naisulat noon na ginamit ko ang pangungusap na: ‘Ang pinakamagandang paaralang narating ko ay ang ibabaw ng kalabaw.’ Romance story ito at malayung-malayo sa kuwento ni R. Mangahas. Mayroon din akong linyang naisulat sa isang short story na ganito: ‘Ang pinakadakilang paaralang nagturo sa akin ay aking sikmura.’ Tungkol naman ito sa dalawang nag-iibigan sa squatter’s area.
Ganito ka-powerful sa akin ang pangungusap na iyon ni R. Mangahas. Labinlimang taon na ang nakararaan, pero parang laging sariwa sa akin ang linya. Hanggang ngayon ay hinahanapan ko ito ng materyales, para itong balon na hindi ko pa rin mahukay-hukay. Napaka-misteryo nito sa akin na hindi ko pa rin ito magawan ng kuwento kahit sa komiks o prosa. Ipinapagamit lang ito sa akin bilang linya o sentence, pero hindi bilang isang buong kuwento.
Medyo weird nga dahil ang totoo ay marami nang naglalarong kuwento sa isip ko tungkol dito noon pa, pero agad ko ring niri-reject sa isip. Wala akong makitang katarungan.
Hanggang ngayon ay umaasa ako na magagawan ko ito ng materyales, sa kahit anong form, basta naroon ang salitang ‘paaralan’ at ‘ibabaw ng kalabaw’. Kung hindi ngayon, baka sa susunod pang fifteen years, o baka lampas pa.
Wala akong ideya kung buhay pa ngayon si Rogelio Mangahas. Pero gusto kong isang araw ay makilala ko siya ng personal, o kahit kaanak lang niya. Isa siya sa dahilan kung bakit hindi ako bumibitaw bilang isang manunulat na Pilipino.