Bago ko tapusin ang presentation ko noon sa Komiks Congress, ito ang mga hamon na binitiwan ko: “Sa panahon natin ngayon, paano natin titingnan ang komiks?”
Naglagay ako ng mga pagpipilian na may halong biswal.
1. Titingnan ba natin ito bilang entertainment?
2. Titingnan ba natin ito bilang komunikasyon?
3. Titingnan ba natin ito bilang sining at literatura?
4. Titingnan ba natin ito bilang negosyo?
5. Titingnan ba natin ito bilang pambalot ng tinapa?
Para sa marami, ang mga tanong na ito ay sarkastikong hamon. Ngunit kung tutuusin, ang tunay na nilalaman ng mga tanong na ito ay salamin ng mga nangyayari ngayon sa industriya ng komiks.
Kung susumahin ko ang mga tanong na ito, ganito ang kalalabasan: PAANO BA NATIN TITINGNAN ANG KOMIKS NGAYON, ISANG ARTFORM, O ISANG BUSINESS?
Mahalagang malaman natin ang sagot para sa ating sarili para hindi tayo maligaw. Hangga’t hindi natin ito nasasagot, hindi malalaman kung ano ang gagawin sa komiks industry.
Nari-revive ba ang business?
Yes.
Napakalakas ngayon ng Jolibee. Halimbawang dumating ang panahon na bigla itong malugi at nakatakdang magsara, ano ang magandang aksyon para buhayin ito? Simple lang. Pag-aralan ang mga produkto kung bakit hindi na ito tinatangkilik ng tao. O, magpalit ng management na may ibang sistema sa pagpapatakbo ng negosyo.
Nari-revive ba ang art?
Tanong na mahirap sagutin.
Para sa akin, hindi nari-revive ang art. Ang tamang term dito ay ‘uplift’, o kaya ay ‘dalhin sa mas mataas na level’, o kaya ay ‘dalhin sa mataas na art appreciation’.
Meron bang industriya ng painting? O kaya ay industriya ng poetry? Namamatay ba ang painting o ang poetry? Dapat ba nating I-revive ang mga ito? O dapat nating taasan pa ang pagtingin dito?
Siguro naman ay nakukuha na ninyo ang punto ko. Kung art ang tingin ninyo sa komiks, bakit ninyo ito iri-revive? Hindi ba dapat na dalhin natin ito sa next level ng art appreciation? Tigilan niyo na ang super-duper-to-the-next-level mainstream na pag-drawing ng mga maskulado, perfect as life, o naka-pattern sa sikat na Western/Japanese na approach ng drawing. Tigilan niyo na rin ang mga kuwentong normal na normal na rin ang pagkakalahad, mga plot na gasgas na gasgas na sa kalumaan, at mga characters na kopya at inspired lang sa kung anu-anong sumikat at pumatok na istorya. Jologs lahat ito sa paningin ng mga artist-to-the-highest-degree. Kung art ang tingin natin sa komiks, kailangan na nating hukayin ng husto ang form nito. Dalhin na sa mataas na pedestal ang medium na komiks at sequential art. Hukayin ang sarili! Iyan ang favorite battlecry ng artist.
Kung business naman ang tingin natin sa komiks, dapat ngang I-revive ito. Gumawa tayo ng mga drawing na kagigiliwan ng mga tao, mga kuwentong kayang sabayan at ma-appreciate ng mas marami, at presyong hindi masakit sa bulsa. Ang tunay na esensya ng business ay para kumita. Kaya kailangan natin ng mahusay na marketing strategy at papatok na produkto.
Tapos na ang Kongreso ng Komiks. May napala ba tayo? Meron. Para sa mga tulad kong kasama sa event na ito, merong naging pakinabang sa akin. Marami akong nakilalang tao. Dumami ang contact persons ko, mula sa mga kapwa manunulat at artists hanggang sa mga taong gobyerno. Makakasali ako sa Komiks Caravan, magtu-tour na ako ng libre, makakapag-share pa ako ng nalalaman ko sa maraming tao (tulad ng ginagawa ko dito sa blog, nagsi-share din naman ako dito na halos dalawang taon na ay hindi pa rin kumikita ang Google Adsense ko).
Pero sa mga hindi nakasama sa Kongreso, at sa samahang binubuo nito, malaking disappoinment ang event na ito. Maraming frustrations, maraming naasar, maraming nakunsumi. Pero ano ba talaga ang gusto nila bakit inis sila sa resulta ng Kongreso ng Komiks. Dalawa lang ang nakikita ko:
1. Pakiramdam nila ay hindi sila kasali (lalo na ang mga new gen creators at mga indies)
2. Hindi naman malinaw kung may maglalabas ng komiks
Sagutin ko ang una. Bago pa itong Kongreso ng Komiks, nagpatawag na noon ng meeting ang mga beterano para sa isang eksibit ng mga taga-komiks (ginanap ito sa bahay ni Loren Banag sa Valenzuela). Dahil nga puro beterano ang nandoon, ako na ang nag-represents sa new gen. Sinabi ko na isama sila sa exhibit. Wala namang tumutol. In fact, si Nestor Malgapo pa ang nagsabi na dapat ay kasama lahat.
So nag-post si Mario Macalindong sa Philippine Komiks Message Board ng gustong sumali sa exhibit. Basta ang tema ng artwork ay tungkol sa Philippine society na later on ay naging open na ang theme. Isa itong open invitation para sa lahat ng taga-komiks. Ang problema, sinu-sino lang ba ang nag-inquire? Nagkaroon ng series of meetings, halos linggu-linggo. Open pa rin ito sa lahat. Pero sinu-sino lang ba ang dumating.
Kaya nang mabuo na ang Kongreso ng Komiks, natural na ang makasama ay iyong mga visible lang sa mga nagaganap na meetings at nakikibalita sa amin. Hindi naman puwedeng magpa-importante pa kayo at gusto niyo pang hintayin kami na kulitin pa namin kayo isa-isa na: “Please, sama naman kami!” E open na nga sa lahat ng tagakomiks. Pati nga iyong mga hindi dapat I-announce ay ipinost na ni Mario para lang maiparating sa mga tagakomiks na kasali sila dito.
Nasa Middle East ang grupong Guhit Pinoy. Pero dahil panay ang email nila kay Mario at nakikipag-coordinate sila, kaya nakasama ang ilang gawa nila sa exhibit. E yung mga nandito lang sa Manila, ang lapit-lapit na nga, ayaw pang makipag-kontakan. Ayun! Kaya nang matapos na ang event, biglang aangal: “Bakit hindi ninyo kami isinama!”
Sa isang bagay lang ako na-disappoint sa exhibit. Hindi inaprubahan na maisali ang mga published komiks (xerox at printed), dahil suggestion ng mga beterano na sa Komikon na isama ang mga printed komiks, mas magandang ipakita sa lobby ng NCCA ang mga original artworks para makita ng publiko ang tunay na hitsura (at sukat) ng original artworks na hindi pa ito napi-print. Maganda nga namang suggestion kaya hindi na ako nakipagtalo dito. Saka, kahit maaprubahan man ang proposal ko na isali ang mga printed komiks, isa lang din naman ang nagpadala sa akin ng komiks (ang Subway Productions lang, na isang indie). Siguro kung maraming sumulat sa amin noon, at dumami ang natanggap naming printed komiks, baka naaprubahan. Kaso nga iisa lang nagbigay.
Isa rin sa nakita kong kahinaan ng mga nagpasimula ng Kongreso ay ang pag-organize. Bagsak sila sa pagpapadaloy ng programa. Naging ‘bahala na’ ang sitwasyon sa halip na makontrol nila ang dapat na itakbo ng program.
Sagutin ko naman ang ikalawa. Matatandaan ninyo na binanggit ko na ang Kongreso ng Komiks ay project ng NCCA at Komisyon sa Wikang Filipino. Wala sa bokabularyo ng dalawang ahensyang ito na I-revive ang komiks. Ang nagpapalabas lang ng press release na iri-revive ang komiks ay si Carlo Caparas. Nagkataon lang na isinabay nilang pareho (NCCA/KWF at Caparas) ang event tungkol sa komiks.
Ang NCCA ay isang ahensya kung saan inaalagaan nito ang sining at kultura ng mga Pilipino. Hindi ito ahensya para mag-revive ng kung anu-ano. Kasi kung kaya nitong mag-revive ng industry, dapat ay inuna na nito ang pelikulang Pilipino, na di hamak naman na mas papansinin ng mga tao kesa sa industriya ng komiks. Kaso nga, hindi ito ang function ng NCCA. Ito ay sangay ng gobyerno para mangalaga sa sining at kultura at hindi maging isang businessman.
Ngayong tapos na ang Kongreso ng Komiks, may plano ba silang maglabas ng komiks? May plano si Caparas. Hindi lang natin alam kung kelan. Businesswoman si Donna Villa, imposibleng ang motibo lang nila ay lumibot sa Pilipinas hanggang sa HongKong para palitawing sikat si Caparas. Matagal nang sikat si Caparas kahit wala pa itong Kongreso ng Komiks. So sa tingin ko, may pina-plano ang mag-asawa. Hindi lang natin alam kung ano. Imposible kasing lagi na lang silang naglalabas ng pera. Natural na may strategy silang ginagawa. Business? Politics? Hindi natin alam.
Ang Komisyon sa Wikang Filipino ang nagbabalak na maglabas ng komiks. Sa katunayan, nabanggit na sa akin ni Dr. Nolasco (Tagapangulo ng KWF) na mayroon silang proyekto na kasama ang publication ng komiks. Wala pa ako sa posisyon para banggitin ito ngayon.
Mayroon na ring lalabas na komiks na love story, ayaw ipasabi ni Joelad Santos kung sino ang publisher, basta ang sabi e mag-asawa daw (hmmm, ewan ko kung tama ang hinala ko) magsisimula ito sa August at balak gawing monthly ang labas. Pinag-usapan ito nang nakaraang meeting (Biyernes) at nagsisimula nang mag-imbita si Joelad Santos ng mga contributors. Pero siyempre, may question na naman dito…beterano o new gen?
Ano ang silbi ng Komiks Caravan? Marami. Una, nakakadagdag ito ng impormasyon tungkol sa komiks. Matuturuan ang mga batang may interes sa komiks. Maka-discover ng bagong talents, o publishers sa kani-kaniyang probinsya. Mabigyan sila ng tips kung paano magtrabaho sa komiks—local man o abroad. At higit sa lahat, networking. Maaring maka-tap tayo ng distribution network sa mga probi-probinsya. O kahit man lang community of fans na handang bumili ng komiks natin.
May nabalitaan ako na sa sobrang kunsumi na nararamdaman ng mga new gen at ng indies sa resulta ng Kongreso ng Komiks ay nagbabalak silang magsarili, at magbuo ng sarili nilang grupo. Good. Walang problema. Mas maraming grupo, mas maganda. Mas makulay ang industriya. Pero sana, ang mga grupong nagbabalak magtayo ay para I-uplift ang komiks at hindi para pasiklaban lang ang ibang grupo.
Hindi ko alam ang tunay na problema. Maaring dahil sa age gap, o sa lack of communication…o dahil sa ego at pride chicken!
Marami na akong grupo at organisasyon na sinalihan. Isa lang ang natutunan ko. At the end of the day, kapag mag-isa ka na sa kuwarto mo, mari-realize mo na hindi ka matutulungan ng kahit anong grupo o organisasyon. Ikaw lang ang makakatulong sa sarili mo. Maari silang maging guide, or inspiration, pero ikaw, bilang isang individual, ang gagawa ng paraan para sa sarili mo.
Puwede kang turuan ng grupo kung paano mag-drawing. Pero kapag hindi mo ito pin-praktis, walang mangyayari sa iyo. Puwede kang turuan ng grupo kung paano mag-submit sa editor. Pero kung hindi gusto ng editor ang trabaho mo, wala kang magagawa.
Kaya ang dapat na hinuhubog ay ang sarili.
Bakit natin kailangan ng organisasyon sa komiks? Simple lang. Repleksyon ito ng isang industriya. Kaya walang solid at buong organisasyon ngayon ng komiks, kasi hindi masigla ang industriya. Kaya natural na wala ring representative ng industry natin as a whole. Ang grupong nakikita natin ngayon ay representative lang ng kani-kaniyang generation at genre ng komiks.
**********
Speaking of grupo, nahatak ako ng aking mga showbiz friends sa kanilang productions and event management para maging art director. Natural go naman ako, basta sabi ko, isama ang pagtuturo ng komiks sa mga workshops na binibigay nila.
Ginawan ko sila ng sample website (pero hindi pa tapos) para lang may information sila sa web world. Ito ang link:
http://www.archerpen.co.nr/ .
Sa sobrang pagkatuwa nu’ng financer ay balak nitong maglabas ng pera para mag-publish ng komiks. Natuwa naman ako, kaya nu’ng magpatawag ng meeting para pag-usapan na ang mga projects this year, ready na sana ako para umatend. Pero hindi ako nakasipot. Saka bigla rin akong nag-isip: Punyemas! Hindi na nga ako magkandaugaga sa kadu-drawing ko, paghahawakin niyo pa ako ng komiks. Malay ko sa marketing niyan. Hayaan niyong ang mga komiks ang bumuhay sa sarili nila, wala akong panahon para buhayin sila hahaha. Joke!
Seriously, iba ang business at iba ang love. Puwede kaming maglabas ng komiks out of love, pero huwag kaming mag-I-expect na kikita kami ng malaki. Pero hindi iyon ang plano ng financer, gusto niyang maglabas ng komiks as a business, para kumita. Sa tingin ko, nasa maling sitwasyon at panahon siya. Kailangin ko pa bang bolahin ang sarili ko…BAGSAK ANG KOMIKS NGAYON!
Kung sarili kong pera, okay lang na malugi o kaya ay maghintay ng ilang buwan para makasingil. Pero sa mata ng isang businessman na wala namang pakialam sa prinsipyo ko sa komiks, tadyak ang aabutin ko kapag hindi ko mai-prove na bebenta ang produkto.
Kaya babalik pa rin tayo sa tanong na: SINING O NEGOSYO? Sa akin na isang creator, sining siyempre. Pero sa businessman, negosyo siyempre. So, sino ang dapat masunod? Yung may talent o yung may pera?