Wednesday, July 30, 2008

JOSEPH CHRISTIAN LEYENDECKER


Isa sa mga naging impluwensya ng ating mga early illustrators sa komiks ay ang trabaho ni Joseph Christian Leyendecker. Partikular na ang paggawa niya ng tupi ng damit (foldings). Masarap tingnan ang kanyang mga tupi dahil para itong telang malutong, minsan naman ay plastik na makinis. In fact, maging si Normal Rockwell ay pumulot kay Leyendecker sa paggawa ng tupi.

Ilan lamang sina Alfredo Alcala at magkapatid na Joey at Louie Celerio ang kakikitaan natin ng 'Leyendeckerish' na tupi.

Saturday, July 26, 2008

BS MATH

Elementary pa lang ay BS Math na ako. Bobo Sa Math.

Hindi ko alam kung bakit tuwing makakakita ako ng numero at kung anu-anong kalkulasyon ay hindi talaga kinakaya ng powers ko. Nagbago lang ang paningin ko sa mga numero noong 3rd year high school sa subject na Geometry. Paano kasi, sa sobrang terror ng teacher naming lalake, kapag hindi ka talaga nakasagot sa kanya ay babatuhin ka ng eraser, kasama na doon ang pagpapahiya sa iyo sa buong klase. Kaya natuto akong makinig sa kanya.

Doon ko na-realize na hindi naman pala mahirap pag-aralan ang Math. Ang kailangan mo lang talaga ay makinig at intindihin ito. Pero kahit alam ko na ang sekreto ay nawalan pa rin ako ng interes noong tumuntong ako ng 4th year hanggang sa mag-college ako. Punyemas! Dalawang beses kong kinuha ang Algebra. Itong Math ang isa sa dahilan kung bakit nawalan na rin ako ng interes na ituloy pa ang kursong Architecture. Kung sa Algebra pa nga lang ay tinubuan na ako ng amag, e di mas lalo na sa mga higher mathematics.

Pero nakatutuwan sa modern studies ngayon, lalo na sa pagtuturo sa mga bata, ay ginagawan na ng paraan ng mga eskuwelahan na magkaroon ng interes ang mga bata sa Math. Kahit anong paraan basta maging kawili-wili sa estudyante ang subject na ito.

Naalala ko ang isang page na ito na drawing ni Nestor Redondo tungkol sa buhay ni Albert Einstein kung saan tinuruan siya ng tiyuhin kung paano mapapadali ang pag-intindi sa Algebra.


Kahapong nangangalkal ako sa bookstore, nakakita ako ng isang graphic novel tungkol sa pag-aaral ng Math. Hindi ko nga lang binili dahil medyo may kamahalan. Kaya pag-uwi ko sa bahay ay hinanap ko na lang sa internet ang titile nito. At laking tuwa ko na series of books pala ito tungkol sa Math.




Walang papalit sa tunay na porma ng calculations at sa talagang paggamit ng numero sa pag-aaral, pero malaking tulong ang mga komiks na ito para makakuha ng interes at maintindihan pang lalo ng mga bata ang pag-aaral dito. Sabi nga, bago mo magustuhan ang isang bagay, kailangan mo munang magkaroon ng interes. Iyon ang unang step sa pag-unlad ng sarili.

Friday, July 25, 2008

PAULIT-ULIT NA TANONG

May nagpunta na naman kaninang mga estudyante dito sa bahay para sa research nila sa eskuwelahan. Marami-rami na rin ang dumadalaw sa akin dahil sa komiks. Isang tanong talaga ang hindi nawawala:

“Bakit po ba namatay ang industriya ng komiks?”

Naisip ko, dapat talaga magkaroon na ng isang reference material tungkol sa isyung ito ng pagkawala ng komiks. Nang sa ganun ay hindi na rin mahirapan ang mga magtatanong kung saan hahagilapin ang sagot.

Ang totoo nga niyan, lahat ng teorya at pag-aaral tungkol sa ng pagbagsak ng komiks ay tama—ekonomiya, kalidad, readership, pagsulpot ng ibang media, at monopolyo. Ang limang ito ang matibay na dahilan ng pagbagsak ng komiks, pero siyempre, para itong puno, aalamin mo ang ugat, katawan, sanga at dahon kung bakit nagkaganito. Hindi puwedeng sabay-sabay.

Halimbawa, kaya bumaba ang kalidad ay dahil mababa rin ang bayad sa mga creators dahil na rin sa ekonomiya. At dahil bumaba din naman ang readership ay dahil din sa ekonomiya. At kaya naman nagtitiyaga ang mga creators na gumawa kahit mababa ang sweldo ay dahil sa monopolyo, wala silang ibang tatakbuhang komiks publication.

Pero ito ang palaisipan, kumplikado ang daigidig ng komiks noong pumasok ang 90s. Ang totoong industriya ng komiks ay ang mass-based komiks na galing sa Atlas at GASI. Ang mga independent publishers noon ay hindi maituturing na industriya kundi MOVEMENT. Hanggang ngayon, malaking palaisipan pa rin sa akin kung meron pa bang industirya ng komiks, o lahat ngayon ay MOVEMENT na lang. Kabilang na diyan ang ‘back-to-mass-based komiks’ ni Carlo Caparas. Lahat kasi ngayon ay struggling.

Ang komiks world dito sa atin ay parang isang kuwento na narinig ko matagal na panahon na ang nakararaan:

May isang turistang Koreano ang pumasyal sa Pilipinas. Dinala siya ng tour guide sa mga nagtatataasang buildings sa Makati. Natuwa ang Koreano, dahil nakita niyang maunlad ang Pilipinas.

Pagkatapos ay dinala naman siya nito sa squatter’s area sa Tondo, sa bandang Parola, kung saan ang mga bahay ay gawa sa karton, sira-sirang yero na may gulong ng jeep, at mga pinagtagpi-tagping sako, plastik at kahoy. Sabi ng Koreano: Kanina ipinakita mo sa akin ang mga matataas na building, tapos ngayon ipinakita mo sa akin ang mga bahay na gawa sa karton. Anong klaseng bansa mayroon kayo? Ang layo ng agwat ng buhay ng mga tao sa Makati sa mga tao dito sa Tondo.

Sabi ng tourguide: Ito ang Pilipinas, may dalawang mukha.

Ganoon din ang komiks world dito sa atin, may dalawang mukha. Hindi ito gawa-gawa ko lang. Ito naman talaga ang reyalidad. At sana naman ay maunawaan ng lahat na ang ganitong mga bagay ang dapat i-resolba para sa kapakanan na rin ng mga bagong henerasyon at sa mga darating pang komiks creators.

Siguro naman ay nabalitaan na ninyo ang paparating na Manila Comic-Con ngayong Oktubre na gaganapin sa Glorietta. Sana naman ay magbigay ito ng ‘patas’ na pagkilala sa dalawang mukha ng komiks sa Pilipinas.

At sana, sa mga susunod pang komiks gatherings, conventions, forums, congress, etc. etc. ay maging isa na lang ang mukha ng komiks.

Monday, July 21, 2008

ATLAS GOLDEN STORIES


Isa sa interesting na komiks na inilabas ng Atlas Publishing noong early 90s ay ang 'Atlas Golden Stories'. Kakaiba ito dahil ang mga nobelang mababasa dito ay gawa ng mga editors ng naturang publication.

Narito ang listahan ng mga editors na gumawa ng nobela sa komiks na ito:

Ofelia Concepcion (editor of Pilipino Komiks)
June Clemente (editor of True Horoscope Stories and King Komiks)
Nona Leam Co (editor of Hiwaga Komiks)
Gaspar San Diego (editor of Espesyal Komiks)
Edwin Samonte (editor of Puro Wakas Komiks)
Sally Eugenio (editor of Tagalog Klasiks)
Alex Cruz (editor of Darna and Horror-Thriller Komiks)
Benjie Valerio (editor of TSS and Drakula Komiks)
KC Cordero (editor of True Ghost Stories at Extra Komiks)




*****
Salamat kay Michael Sacay sa paglalabas ng ad na ito sa magasing Solid Gold Horoscope and Predictions.

Saturday, July 19, 2008

THE OVERGROUND preview







Friday, July 18, 2008

DALAWANG KUWENTO SA KALSADA

Pumunta ako sa Antipolo kahapon para mag-attend ng kasal. Dalawang kuwento kaagad ang na-encounter ko sa lakad kong ito…

Unang Kuwento:

Tapos na ang kasal. Nagbibigay na ng speech ang mga kamag-anak at mahal sa buhay sa newly wed. Unang nagsalita ang tatay ng groom, sinabi niya sa una na hindi siya gaanong mahusay sa Tagalog kaya pagpasensyahan na daw siya dahil Panggalatok lang talaga ang komportable niyang salitain. Hindi rin siya sanay magsalita sa harap ng maraming tao.

Wala akong naiintindihang salitang Panggalatok pero mataman akong nakikinig. Nararamdaman ko ang nasa loob ng ama na nagsasalita patungkol sa kanyang anak, nararamdaman ko ang puso ng isang mahirap na magulang na nakuhang mapagtapos ang anak na lalake hanggang sa maging successful na manggagamot sa ibang bansa. Bawat bitaw ng salita ng ama, kahit hindi ko naiintindihan, ay pumapasok sa puso ko.

Ang sumunod na nagsalita ay ang ama ng bride. Mas magaling itong magsalita, sanay humarap sa maraming tao at mataas ang pinag-aralan. Nag-cite pa ito ng mga talata sa Bibliya patungkol sa buhay pag-aasawa. Pero hindi tumatanim sa puso ko. Hindi ko maramdaman. Hindi nito nakuhang haplusin ang kaluluwa ko. Isa lang ang kulang sa tingin ko, hindi galing sa puso ang mga salita sa bibig nito. Para lang mga bersong sinaulo para sa isang speech program.

Maraming misteryo ang komunikasyon. Minsan, may mga bagay na simple pero mas mahirap intindihin, may mga bagay din namang kumplikado pero mas madali palang unawain.

Ikalawang Kuwento:

Pauwi na ako galing ng Antipolo. Nakasakay ako sa FX papuntang Cubao. May magsyotang pumara sa bandang Masinag market. Iyung babae lang ang sasakay, humalik pa sa labi ng lalake bago umakyat ng sasakyan.

Tumabi siya sa upuan ko. Amoy na amoy ko ang babae, bagong ligo. Kakagigil. May hitsura pa naman. At medyo seksi ang suot na damit.

Habang nasa biyahe ay panay ang text ng babae. Iniisip ko, kaki-kiss niyo lang ng boypren mo e nami-miss mo agad. Medyo umiral pa nga ang kahayupan ko, baka nga katatapos niyo lang mag-check in dahil kasa-shower mo pa lang.

Ilang minuto pa ay nakarating na kami ng Cubao. Magkasunod lang kaming bumaba nu’ng babae. Nasa likuran lang ako ng babae habang papunta kami sa kanto. Nagulat ako dahil pagdating doon ay may isang lalakeng nakatayo sa harap ng motorsiklo, bigla ring humalik ang babae dito. Sa labi din. Talagang nanlaki ang mata ko.

Putragis! Kagu-goodbye kiss lang sa syota niya du’n sa Masinag e meron pa palang nag-aabang dito sa Cubao.

Thursday, July 17, 2008

BOOKAY UKAY


May bagong tayong bookstore sa UP Village, Diliman. Ito ang BOOKAY UKAY. Bukod sa mura na ang mga libro ay maraming titles dito ang hindi niyo makikita sa ibang bookstores.

Tumatanggap sila ng consignment sa lahat ng uri ng reading materials. Kaya kayong lahat na gumagawa ng independent komiks, puwede ninyong i-display sa kanila ang inyong mga gawa.

Ang kanilang address ay nasa: 55 MAGINHAWA ST, UP VILLAGE, DILIMAN, QUEZON CITY. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang kanilang website: http://bookay.multiply.com/
Medyo radikal ang konsepto ng bookstore na ito, kaya magugulat kayo dahil pati mga banned na libro ay makikita ninyo dito.

Sa launching pa lang ng bookstore ay nagkaroon na ng tugtugan, poetry reading, at performance art, gaya ng makikita ninyo sa larawan.

Tuesday, July 15, 2008

IKE LOZADA--KOMIKS WRITER

Trivia lang po. Alam niyo ba na ang artistang si Ike Lozada ay naging nobelista din sa komiks. Narito po ang katibayan.

Sunday, July 13, 2008

90's SEX COMEDY KOMIKS

Ang natatandaan ko na unang 'sex-oriented movie' na napanood ko sa sinehan ay ang 'First Lesson' na pinagbibidahan nina Gretchen Barreto at Romnick Sarmienta. High school pa lang ako nito, at nakapagtatakang pinapasok kami (kasama ko ang mga kaklase ko) sa loob ng sinehan dahil naka-uniporme kami. Kunsabagay, pinanood namin ang pelikulang ito sa isang nanggigitatang sinehan sa Kalentong, Mandaluyong.

Pagkatapos nito ay napansin kong dumarami na ang mga nagsulputang palabas na may ganito ring tema. Nagsipaghubaran na ang karamihan ng mga 'young stars' noon gaya nina Rita Avila, Rachel Lobangco, at iba pa. Hanggang nagsulputan na sina Rosanna Roces at Priscilla Almeda (Abby Viduya). At paglipas pa ng ilang panahon ay naglabasan na ang mga pitu-pito movies. Pitu-pito dahil ang mga pelikulang ito ay ginawa lang daw ng pitong araw. Maliit ang budget, pipitsugin ang mga artista pero tumatabo ng malaki ang mga producers.

Kasabay ng pelikula ay naglabasan na rin ang mga sex-oriented stories sa komiks. Pero iba ito kesa noong naglabasan ng 1970s. Sex-comedy na ang bagong batch na ito ng babasahing pang-masa. Lumakas sa market ang konseptong ito at tumabo rin ang ilang publications dito.

Narito ang ilang titles ng mga komiks na iyon:




Naglabasan na rin ang mga tabloids na mas 'brutal' ang laman kesa sa komiks. Mayroon na ring mga underground pocketbooks na nagsulputan noon na very graphic ang description ng mga sex scenes. Naalarma ang maraming indibidwal at grupo sa pagsulpot na ito ng mga 'malalaswang palabas at babasahin'. Naging laman ito ng mga balita, nagkaroon ng mga rally at demonstrasyon ang mga religious at moralists group, pati magulang at estudyante.

Sa mundo ng pelikula, ang nakita kong pumatay sa mga 'pitu-pito films' na ito ay ang mga may-ari ng sinehan. Partikular na ang SM Cinemas na siyang nangunguna ngayong sinehan sa bansa, ay hindi na tumanggap ng ganitong pelikula na ipapalabas kaya itinigil na rin ng mga producers na maglabas ng ganito.

Sa mundo naman ng komiks, hindi moralist group ang pumatay dito, at lalong hindi ang mga demonstrasyon sa kalye, ang pumatay dito ay katulad din ng pagkamatay ng iba pang titulo ng komiks.

*****
May ginawa akong drawings para sa July issue ng MAXIM Magazine. Medyo na-miss ko kasing gumawa ng mga medyo 'seksi' na drawing.

Ang kaibahan lang ng mga babasahing ito kesa noong 90s ay medyo 'classy' ngayon at para sa 'A' audience. Pero nabalita na naman kamakailan na ipinatitigil ni Cong. Benny Abante ang paglalabas ng mga magasing tulad ng ganito. Kung magkakagayon ay magiging collector's item na naman ang FHM, Playboy Philippines, Playhouse, MAXIM, at iba pa.

*****
Isa pa sa hinihintay kong -irelease ay ang libro ni Klitorika. Isa din sa pinangangambahan ko ay baka maharang din ito ng may-ari ng mga bookstores dahil nga sa pamagat pa lang ay aakalain na ng marami na puro kalaswaan lang naman ang laman nito.

Ako po ang nagsulat ng foreword ng aklat na ito, at masasabi ko na hindi lang sex ang laman nito kundi mas malalim pa doon. Ito ay isang uri ng 'pag-alis' sa tinatawag nating 'normal society' sa mga relasyon at pakikipag-ibigan na hindi gaanong napapansin ng marami.

Sana naman ay lumabas na ang aklat na ito ngayong linggong ito.

Friday, July 11, 2008

SAMAHANG KARTUNISTA NG PILIPINAS ROSTER BOOK

Dumaan ako sa book launching ng 'Samahang Kartunista ng Pilipinas Roster Book' na ginanap sa National Press Club, Intramuros, Manila. Dinaluhan ito ng mga miyembro ng SKP at mga kaibigan sa media. Kasama ring dumalo ang tanyag na international comics historian na si Prof. John A. Lent.

Mabuti na lang pala at nakadalo ako dahil hindi ipinagbibili ang libro ng SKP kaya hindi ito magiging available sa mga bookstores.

Ang mga members ng SKP na nasa libro ay sina: Freely Abrigo, Jun Aquino, Rene Aranda, Chong Ardivilla, Syeri Baet, Romy Buen, Dengcoy Miel, Stanley Chi, Neil Doloricon, Dennis Collantes, William Contreras, Hazel Manzano, Arvie Villena, Manny Francisco, Norman Isaac, Barry Jose, Ariel Atienza, Aileen Casis, Tatum at Tito Milambiling, Ed Padilla, Boni at Nick Pertierra, Mimi Romualdez, Roger Sanchez, Roni Santiago, Paolo Simbulan, Mike Tejido, Boy Togonon, Blademir Usi, Boboy Yonzon III, Lito Yonzon, at Tonton Young.

Signing of Memorandum of Agreement between NPC-SKP. NPC Pres. Benny Antiporda, Prof. John A. Lent and SKP Pres. Boboy Yonzon III.

Prof. Lent talking with Manila Bulletin senior cartoonist Norman Isaac.

SKP members.

Thursday, July 10, 2008

ACTION FIGURE

Hindi ako mahilig sa laruan na kinahuhumalingan ngayon ng mga toy collectors. Pero meron akong isang 'action figure' sa bahay na malaki ang naitutulong sa akin. Ito ang wooden figure na siyang praktisan ng lahat ng artist.

Tuwing may workshop ay lagi kong dala ito dahil ginagawa kong kopyahan ng mga estudyante sa pagbubulto ng tao kasama na rin ang shades and shadows.

May nakita akong mga wooden figures sa internet na mas magandang tingnan at kalapit na talaga sa hitsura ng tao. Ang problema ay wala pa yatang nakakarating dito sa Pilipinas dahil ilang beses na rin akong nagtanong sa mga art shops dito at parang hindi nila alam na may ganito.

Narito ang hitsura ng mga tinutukoy ko.

May nakita rin akong laruan na mas malapit-lapit na ang bulto sa tunay na tao. Kung may makita akong ganito sa mga toy shops ay baka bumili ako. Noong nakaraang ToyCon kasi ay wala rin ako nakita na kahit kahawig man lang nito.

Dito ko lang ito nakita.

Tuesday, July 08, 2008

KOMIKS PARA SA ESKUWELAHAN


May nabili akong textbook ng Social Studies na pinamagatang 'Journey Across Time: The Early Ages in Graphic Novel'. Ang sumulat nito ay dalawang propesor ng San Diego State University na sina Douglas Fisher, Ph.D. at Nancy Frey, Ph.D.

Ang kabuuan ng aklat ay tungkol sa kasaysayan na pinag-aaralan sa eskuwelahan, mula sa mga cavemen hanggang sa Age of Enlightenment and Revolution. Nakakaakit para sa estudyanteng basahin ang textbook na ito dahil nasa anyo ng komiks.

Siguro dapat nang magkaroon ng pag-aaral ang mga eskuwelahan na gumamit ng format ng komiks sa mga subjects na tinatamad ang mga batang pag-aralan. Lalo pa sa panahong ito na bumababa ang readership ng mga Pilipino.

Narito ang isang paragraph sa introduction ng textbook na may pamagat na 'Letter to the Teacher':

"While controversy about graphic novels persists--especially among people who worry that graphic novels will bring the end of traditional books--our experiences with adolescents, as well as a number of current research studies, suggest that graphic novels are an important adjunct in our instruction. Graphic novels are viable options for students with disabilities, struggling readers, and English language learners, but they are more powerful than that. Graphic novels are motivating and engaging for all students. They allow us to differentiate out instruction and provide universal access to the curriculum."

Saturday, July 05, 2008

PENCIL LINES

Gandang-ganda ako sa pencil lines ng mga pintor. Para bang bawat guhit ay may hininga. Siguro dahil nasanay sila sa mga 'loose and organic strokes'. Ganitong klase ng mga strokes ang gusto kong i-explore pagdating ng araw.

Pero sa ngayon, mahirap itong gawin sa komiks. Lalo pa naa-adopt na natin ang American style of comics illustrations na mayroon nang ibang inker sa pencils natin. Sa komiks, hindi puwedeng 'loose' ang lapis mo dahil hindi ka masusundan ng inker. Kailangan sure ang bawat lines mo.

Noong panahon ni Da Vinci, normal na ang ganitong mga pencil strokes.

Sa ngayon, madalas ay sa mga pintor ko na nga lang ito nakikita. Kaya kapag nakakakita ako ng mga illustrators na may ganitong strokes ay talagang malaki ang paghanga ko. Ang ibig sabihin nito, kontrolado na nila ang bawat contours ng kanilang ginagawa kaya napakalambot na ng kanilang hagod.

Narito ang ilang halimbawa:

Rico Rival

Ismael Esber

*****
Salamat nga pala kay Edbon Sevilleno at kahit busy ay naisingit niya pang gawan ako ng sketch noong birthday ko. Mabuhay ang Guhit Pinoy!

Tuesday, July 01, 2008

PASOK SA FILMFEST ANG DAYO

Congratulations sa DAYO team dahil pasok sa 2008 Metro Manila Film Festival ang naturang animation. Sana ay mag-trigger pang lalo ito na magkaroon ng original content ang ating mga animation shows.

Bubuy, ang main character sa DAYO. Character created by Tito Romero, digital painting by me.

Balete concept by yours truly.

Characters and design copyright © by Cutting Edge Productions .

*****

Metro Filmfest announces 8 official entries
By Maridol Rañoa-Bismark
Tuesday, July 1, 2008

For the first time in its 34-year history, the annual Metro Manila Film Festival has included an animation film as one of its official entries. Cutting Edge Productions’ Dayo, directed by Robert Quilao with Artemio Abad Jr. and Eric Cabatug, was chosen as one of the eight official entries in this year’s Metro Manila Film Festival Philippines, which kicks off on Dec. 25, Christmas Day.

Other official entries, as announced by Julie Borje, chair of the Selection Committee yesterday, are Baler (Viva Communications) , Desperadas 2 (Regal Entertainment, Inc.), Shake, Rattle & Roll X (Regal Entertainment, Inc.), Magkaibigan (Maverick Films, Inc.), One Night Only (Canary Films); Escaleras and Ungasis (20 years After) (OctoArts Films) and Tanging Ina Nyong Lahat (Star Cinema).

Unlike last year which had nine official entries, this year’s entries are down to eight since all of them will be shown simultaneously as one batch during the 10-day run of the filmfest. Last year, the entries were spread out into two batches: The first shown on Dec. 25 and the second on Jan. 1 early this year.

This year’s official entries were chosen on the basis of the following criteria: Story, creativity, innovativeness, global appeal, commercial viability, Filipino cultural/historical value, and the production outfit’s capacity to produce the film in time for the December filmfest.