Ilang beses na akong nakakita ng komiks galing Japan, HongKong at Korea, pero ang komiks na galing Thailand ay wala pa akong ideya kung ano ang hitsura. Kaya nang mapunta ako sa Bangkok, isa sa naging target ko ay mapunta sa mga bookstores nila kung saan makakakita ako nito.
PUBLICATIONS
Bago tayo pumunta sa komiks ay hayaan niyo munang ipakita ko sa inyo ang ilan nilang publications na nakita ko. Sa dalawang bookstores na napasok ko, kasama na ang 7-11, mayroon silang hiwalay na rack para sa mga magazines, komiks at newspapers. Ang isa sa natuklasan ko, lalo na sa 7-11, wala akong nakitang reading material na galing sa ibang bansa. Although may nakita ako na Thai version ng Maxim at FHM. Dalawang broadsheet lang ang nakita kong nakasulat sa English, lahat ay nasa Thai language na.
(Hindi kasinlaswa ang loob ng Maxim gaya ng inaasahan ko. Medyo conservative ang mga pictures sa loob, at kaunti lamang ang mga 'sex stuff/articles'. Mas marami pang showbiz stories, events at happenings.)Marami akong nakitang showbiz magazine sa kanila, sa tingin ko ay mas marami pa kesa sa titles ng mga showbiz magazines dito sa atin.
Sangkatutak din ang kanilang mga libro, kasama na ang mga translations ng mga American books—Harry Potter, The Secret, etc. Marami silang titles ng mga romance novels, horror, fantasy, art books, at iba pa. Pero sa nakita ko, parang mas marami pa rin ang publications natin dito sa Pilipinas sa kabuuan. Isa sa teorya ko ay dahil siguro sa language barrier. Kaya nating mag-print ng dalawang version—Filipino at English—at I-market natin ito sa ibang bansa. Samantalang ang Thai publication ay doon lang umiikot sa kanilang bansa dahil sila lang ang nakakaintindi kaya limitado lamang ang kopya ng mga ito.
(Kaunti ang librong published sa English. Karamihan sa mga librong ito ay para lang talaga sa mga foreigners at turistang interesado sa kultura at bansa nila.)(Tuwang-tuwa ako nang makita ko ang magasin na ito. Dahil naka-selyado, binuksan ko ito noong nasa hotel na ako, napakamot na lang ako sa ulo nang malaman ko na nakasulat pala ito sa Thai, wala tuloy akong maintindihan kahit isang article.)(Magasin tungkol sa Muay Thai. Napaka-popular nito sa kanila ilang artista sa magasin at telebisyon ang nakita kong pinu-promote ito.)
KOMIKS
Dito sa Pilipinas, matagal ko nang napapansin, may division ang komiks natin. Nahahati ito sa tinatawag na ‘bangketa’ komiks at ‘bookstore’ komiks. Ang una ay lagi nang ikinakabit sa ‘masang’ mambabasa samantalang ang ikalawa naman ay sa mga ‘collectors’ at medyo nakaaangat sa buhay.
Sa Thailand, wala akong kinakitaan ng ganito. Nabili ko ang mga komiks sa 7-11 at sa mga bookstores, may nakita kasi akong mga newsstands sa bangketa pero wala naman akong nakitang komiks.
Lahat ng komiks nila ay nakasulat sa kanilang lengguwahe. Ultimo editorial box ay wala kang maiintindihan.
Ang pinakamurang komiks na nakita ko ay nagkakahalaga ng 5 baht (kung iku-convert natin ito sa peso, mga P6 lang ito dahil 1.26 baht lang ang halaga ng piso, kaunti lang ang diperensya).
Ang sukat nito ay katulad ng mga pocket komiks natin noon sa Atlas (Action, Ninja, etc.), 50 pages, newsprint at black and white lang ang loob.
Ang sumunod na nakita ko ay 15 baht, ganoon din ang sukat, ngunit mayroong 250+ pages, black and white.
Mayroon ding 15 baht 115 pages pero colored ang kalahati, newsprint din na mas maputi.
Mayroon ding 45-150 baht ngunit mas makakapal na ito at colored. Marami rin silang reprint ng komiks galing sa ibang bansa, halos lahat ay galing sa Japan at Hongkong na translated na sa Thai. Wala akong nakita ni isang American o Europian comics na naka-translate sa language nila. At ang nakakagulat, nang mapunta ako sa isang bookstore, nakita ko ang mga American comics na nakasilid sa isang nakabukas na kahon (hindi naka-display sa rack) at nakalagay lang ito sa isang tabi. Mayroong nabuong teorya sa utak ko nang matuklasan ko ang tagpong ito, idi-discuss ko ito habang lumalaon ang article na ito.
(Karamihang nakita kong reprint Hongkong komiks ay mula sa Tony Wong Productions. Ito rin ang publisher ng mga magagaling na Hongkong comics artists na sina Ma Wing Shing at Kho Fuk Long.)(Malakas ang impluwensya ng Japanese manga at anime sa kanilang youth culture. Hindi na nakapagtataka ito.)(Makikita sa mga murang komiks nila (pati sa mga showbiz at iba pang magasin) ang mga patalastas na ito tungkol sa sex--phone sex at dating.)(Kahit sa mga pambatang komiks tulad nito...)(...ay may mga ganoon ding patalastas. Ang litrato ng mga babaeng nakahubad ay pinalitan ng litrato ng mga cute na baby na naghahalikan o kaya ay litrato ng mga cute na pusa at aso.)FORM AND PRESENTATION
Sa cover pa lang, nalaman ko na ang Thai komiks ay malaki ang pagkakahawig sa Filipino komiks (sa tradisyunal nating paraan at hindi tulad ng mga independent komiks natin ngayon).
Lahat ng kuwentong nakita ko ay short stories na may minimum na 15 pages hanggang 30 pages. Mas mahaba kesa sa atin na mayroon lamang 4-5 pages ang isang kuwento.
Kung inyong natatandaan ang ‘transitions’ sa komiks na sinasabi ni Scott McCloud, ang Thai komiks ay katulad din natin na ang ginagamit ay’subject-to-subject’, ‘scene-to-scene’ at ‘aspect-to-aspect’ transitions.
Mahaba sila gumamit ng captions at dialogues, katulad ng mga komiks natin noong 50’s t 60’s.
Sa illustrations, masasabi ko na hindi papantay sa husay ng mga Filipino ang kanilang mga artists pagdating sa rendering, human figure at layouting. Well, nakita ko kasi ang karamihan ng komiks nila at wala ni isa man akong nakita na nasa level ng ating mga matitinik na illustrators—datihan man o baguhan.
HULING PAGTINGIN
Gaya ng nabanggit ko, ang karamihang nakita kong reprint ng komiks sa Thailand ay galing sa Japan at Hongkong. Hindi nakapagtatakang mayroon silang mga illustrators na kakikitaan ng mga impluwensyang ito.
Ang nakita kong mga American comics na nakalagay sa kahon ay patunay lamang na ang lengguwahe ay isang malaking bagay sa kanila. Karamihan ng Thai people ay hindi marunong magbasa ng ‘alphabet’ natin.
Malaking aspeto ang kultura at lengguwahe ng isang bansa tungo sa kanilang mga babasahin. Sa paningin natin, lalo na ng isang comics creator na gaya ko, na gumagawa sa American comics, at sanay makakita ng mga Europian at American comics, ang Thai komiks ay isang lumang tradisyon ng isang lumang anyo ng komiks.
Ngunit sa point of view ng isang Thai na ipinanganak, nagkaisip at lumaki sa Thailand, ang kanilang komiks ay angkop na angkop sa kanilang panlasa. Hindi natin ito mahuhusgahan sa standard natin bilang isang ‘international’ reader.
Sa bansang tulad ng Pilipinas na malaki ang papel ng mga Western countries sa ating kultura at ekonomiya, handa tayong sumuong sa mga ‘international standards’. Hindi nakapagtatakang nang bumagsak ang ilang American banks kamakailan, isa tayo sa parang naputulan ng paa.