Friday, April 30, 2010

1ST PAMPANGA TOYCON/ FREE COMICBOOK DAY

Ngayong May 1 ay nasa 1st Pampanga Toy Convention ako sa SM San Fernando. Dahil may sariling table ang pinsan ko na may-ari ng isang toy store sa Pampanga, magdadala na rin ako ng kopya ng Pinoy Komiks Rebyu at iba pang komiks na puwedeng ipagbili. Kung kayo ay malapit sa lugar, hanapin niyo lang ako dahil maghapon naman ako sa event.

Kasabay din nito ang Free Comic Book Day kung saan mamimigay ng libreng komiks ang mga comics shops sa buong mundo. Dito sa Pilipinas, kasabay ng FCBD ay magkakaroon ng signing sina Leinil Yu, Gerry Alanguilan at Edgar Tadeo sa Comic Odyssey Robinsons Galleria.

Isang beses pa lang akong naka-attend ng FCBD at sa dami ng taong nanghihingi ng komiks ay pinapayuhan kong agahan na ninyo ang pagpunta.

*****
Paningit: Huwag ding kalilimutang ang May 1 ay Labor day!

At ayon kay Confucius: "Choose a job you love, and you will never have to work a day in your life."

Thursday, April 29, 2010

OUT OF PICTURE

Isa na siguro sa pinakamagandang comics anthology na nakita ko sa kasalukuyan ay itong 'Out of Picture'. Volume 2 lang meron ako at wala na akong makitang volume 1.

Kakaiba ito sa mga 'usual' comics na nakikita natin dahil ang lahat ng gumawa dito ay galing sa isang studio na puro concept/ storyboard/ production artist. Sila ay mula sa animation at wala yatang nanggaling sa komiks.







Monday, April 26, 2010

ANG MUNDONG ITO NG BISWAL

Naalala ko ang nabasa ko minsan, in the near future daw, ayon sa sumulat, ang pakikipag-communicate natin sa kapwa ay magiging visual na. Mag-i-evolve na ang lingguwahe ng mundo at karamihang makikita natin (at mababasa) ay hindi na letra kundi mga visual images at graphics. Halimbawa daw diyan ay ang mga symbols sa kalsada, sa loob ng building, at sa iba pang public places. Magiging standard daw sa atin ito kahit saang bansa ka pa nanggaling ay maiintindihan ito.

Halimbawa daw, nakatanim na sa utak natin ang stoplight, na kapag naging green ay 'go', kapag pula ay 'stop'. Hindi man tayo mag-seminar tungkol dito ay alam natin kung ano ang ibig sabihin ng green, yellow at red sa stoplight.

Ano man ang kahihinatnan ng mundo sa hinaharap, makasasabay pa rin naman tayo. Lalo pa't nasanay na tayo sa komiks bilang 'visual communicator'.

Sa shortfilm na ito ni Alex Roman, talagang piyesta ang mata mo sa ganda ng mga visuals. Hindi ko alam kung bakit tatlong ulit ko itong pinanood. Siguro talagang inspiring lang ito para sa isang visual artist.

The Third & The Seventh from Alex Roman on Vimeo.

Nang una ko ring makita ang image na ito ay iba ang nasa utak ko. Nang titigan ko ng husto ay hindi pala gaya ng inaakala ko. Isa ito sa halimbawa ng biswal na kayang manipulahin ang utak ng tao. O talagang grin minded lang ako?

Friday, April 23, 2010

ELEKSYON NA

Ayon sa isang kanta ni Jess Santiago, may tatlo daw panahon sa Pilipinas: tag-araw, tag-ulan, at eleksyon. Paano nga namang hindi, alam na alam mo kapag malapit na ang eleksyon. Nagkalat na sa paligid ang banderitas, posters, tarpaulin ng mga kandidato. Puro pulitika na rin ang laman ng balita. Kumbaga, kung sakali mang may importante kang gagawin, ipagpaliban mo muna dahil tiyak na maaapektuhan ng eleksyon. Patapusin mo muna.

Wala ka na ring mababalitaan ngayon kundi pabanguhan at siraan ng mga kandidato. Ang masakit, mayroon pang patayan. Hindi ko makuha ang logic na: para ka lang makapagsilbi sa tao ay papatay ka ng tao. Alam na alam mo talaga na ang motibo ay hindi para magsilbi kundi kumuha lang ng kapangyarihan.

Pero isa sa pinaka-interesting para sa akin kapag dumadating ang ganitong panahon ay ang pagkolekta ko ng komiks ng mga kandidato. Kaunti pa lang ang nakukuha ko ngayon, mahirap kasi talagang tyempuhan. Kaya kung meron man kayong makuhang komiks ng pulitiko, pakibigyan na rin ninyo ako.

Pero bukod sa komiks ay mayroon pang mga nakatutuwang ipinamimigay ang mga kandidato. gaya nitong 'mani' na nakuha ko kagabi galing sa isang kaibigan.

Ito naman ay 'candy' ni GMA na hindi ko na lang kinain at idinagdag ko na lang sa koleksyon ko. Ipinamigay ito noong nakaraang eleksyon kung saan mahigpit niyang kalaban si FPJ.

Ilang linggo na lang at botohan na. At may aaminin ako sa inyo, hanggang ngayon ay hindi pa ako makapag-decide kung sino ang iboboto ko. Mahirap mamili, lalo na kung umaasa ka sa taong sana ay makapagdulot ng maganda sa Pilipinas.

Karapatan nating mamuhay ng maayos at tama. Pero kung ang naririnig lang natin sa mga pulitiko ngayon ay bangayan at siraan, at wala man lang mga malinaw na platapormang inilalatag, para na lang ulit tayong nagtapon ng boto.

Wednesday, April 21, 2010

TEKS

Bago pa man magkaroon ng mga playing cards (Magic The Gathering, Pokemon cards, etc.), ay mayroon nang 'teks'.

Natatandaan ko na kolektor din ako ng 'teks' noong bata pa ako. Mayroon akong isang bag nito na iba't iba ang title. Sayang nga lang, dahil nakailang lipat din kami ng bahay noon kaya hindi ko na nai-save ang mga ito.

Ang 'teks' ay mga cards na na nasa pormang panel ng komiks. Bawat isa ay may number na kapag pinagsunod-sunod ay makakabuo ng buong istorya. Karaniwang ang lumalabas na 'teks' ay galing sa pelikula. Kumbaga ay para nitong tina-translate sa printed form ang isang hit movie.

Kung pag-aaralang mabuti, ang 'teks' ay impluwensya ng komiks sa kabuuang hitsura nito.

Ang pinakamalaking ambag siguro ng 'teks' sa kulturang popular ng Pilipinas ay ang uri ng pagbibilang nito. Ang 'half' ay tinatawag na 'cha'. Kaya kapag sinabing 'two-and-a-half', ito ay bibilangin na 'dalawa-cha'.

Ang 'teks' na nasa itaas ay mula sa http://flyandflea.blogspot.com/.

Monday, April 19, 2010

SUMMER KOMIKON/ JESS JODLOMAN ART FOLIO

Kasama kong dumating sa Summer Komikon ang writer/poet na si Abet Umil, may dala siyang camera. Kasalukuyan kaming gumagawa ng full-lenght documentary film tungkol sa Philippine komiks kasama si Fermin Salvador. Medyo mahaba-haba ito kaya matatagalan din bago matapos.

Pasensya na sa napangakuan ko na ma-interview, kinapos kami sa oras (at battery ng video camera). Isa pa ay plinano na lang namin na gawin ang mga mga interviews sa bahay-bahay ng mga tagakomiks dahil masyadong maingay sa Komikon.

Kailangan ko ding umuwi ng maaga dahil sa isa pang lakad. Wala nga akong nabiling komiks maliban sa ilang kopya na ibinigay ng mga kaibigan at kakilala. Abangan ko na lang sa Sputnik at Comic Odyssey ang mga gawa ninyo.

Nagdala ng ilang kopya si Jeri Barrios ng 'Estrella'. Ang ilan ay ipinamigay niya para magsilbing pagpapakilala ng kanyang karakter.

*****

Nag-release din ng ilang kopya ng 'art folio' si Jess Jodloman.




Mayroon na ring webpage si Mang Jess na matatagpuan dito: http://jessmjodloman.multiply.com/ , under construction pa ito at kasalukuyang inaayos ng anak na si Grace.

Thursday, April 15, 2010

'SPECIAL BOX' NA PUWEDE SA KOMIKS



Kanina lang dumating ang order kong mga special boxes na puwedeng paglagyan ng kahit ano. Una kong nakita ito ay komiks kaagad ang naisip kong ilagay dito dahil eksakto ang sukat para sa dalawang komiks na magkatabi.

Ang kagandahan sa lalagyan na ito ay naitutupi at puwedeng bitbitin kahit saan. May iba't ibang designs ang cover (may foam sa itaas), at sa maniwala kayo at sa hindi, puwede itong upuan dahil matibay na board ang ginamit na materyales.

Kung maaga-aga lang sana ang order ko ay nakakuha ako ng table sa Summer Komikon at ang mga 'special boxes' na ito ang isasama ko sa ititinda.

Tuesday, April 13, 2010

SUMMER KOMIKON NGAYONG SABADO NA


Alamin dito ang iba pang impormasyon tungkol sa Summer Komikon.

Monday, April 12, 2010

OUTBOUND 2


Puwede na ang pre-order ng OUTBOUND #2. Nag-contribute lang ako ng black & white chapter cover para sa isang short story sa loob.

Narito ang iba pang impormasyon tungkol sa comics anthology na ito.

Friday, April 09, 2010

ESTRELLA

Si Jeri Barrios ay matagal-tagal ko na ring kaibigan. Model siya sa mga commercials at artista sa telebisyon at pelikula. Hindi ko akalain na mahilig pala siya sa komiks. Madalas niya akong tinatanong kung paano pumasok sa komiks, pero hindi ko masyadong siniseryoso ang tanong niya. Akala ko kasi, hindi rin siya seryoso dahil nasa mundo na siya ng showbusiness. Pero habang tumatagal, tuwing magkikita kami at nagkakausap sa internet, lagi naming paksa ang komiks. Na may ginagawa siya ngayong karakter, at ginagawa niya ang mga pages. Hanggang nito nakaraang araw lang ay ipinakita niya ang buong pages ng 'Estrella'. Natapos niya ang buong kuwento nito!

Seryoso si Jeri, sa isip ko. May puwang komiks sa puso niya. Sa busy niyang schedules sa mga shootings at tapings, nagawa niyang matapos ang komiks na ito na kinukuwento na niya sa akin noong bago pa man matapos ang 2009.

Nagpapatulong siya sa akin kung paano niya mailalabas ang komiks na ito. Gusto niyang gastusan sa printing. Sabi ko, ipasok muna namin sa Komikon na naka-xerox. Kaso mukhang late na kami sa deadline para makakuha ng puwesto sa indie booth. Pero pipilitin kong makagawa ng paraan, kahit makipatong man lang kami ng ilang kopya sa table ng mga kakilala. Ang mahalaga ay mabigyan ng katugunan ang pangarap ni Jeri na mabasa ng ibang tao ang komiks na gawa niya.

Ang mga pages sa ibaba ay gawa ni Jeri mula sa istorya, drawing, coloring at lettering.


Monday, April 05, 2010

RENAISSANCE ART AUCTION

Bukas na para sa auction ang mga artworks na ginamit para sa librong Renaissance. Alamin ang iba pang impormasyon dito.

Thursday, April 01, 2010

GINTONG HULA

Ang komiks-magasin na ito ay inilabas ng Agoja Atlantis Publications noong May 2001 kung saan malapit na rin ang national election. Ang nasa likod nito ay sina Chai Aquino (publisher) at Judy Lou de Pio (editor). Ang laman ng magasin ay 'new age faith and practices'. Ako ang unang nag-layout ng magasin na kalaunan ay iniwan ko na rin at naging contributing writer na lang ako.

Isa sa mga seryosong article na sinulat ko para sa magasin.

Dalawang komiks stories lang ang laman ng magasin na kalaunan ay naging isa na lang.

Hindi ko malilimutan ang magasin na ito dahil mayroon din akong column dito na pinamagatang 'Showbits' na tungkol sa local showbiz. Oo, aaminin ko, minsan ay naging showbiz writer din ako hehehe. Pero hindi ninyo malalaman ako pala iyon dahil gumamit ako ng pen name na 'Totoy Payaso'.

Uma-attend pa ako noon ng presscon ng mga artista, pero kadalasan ay nasasagap ko lang ang tsismis at balita sa mga kaibigang showbiz reporters, isa pa ay nagpi-freelance pa ako bilang graphic artist ng Intrigue Magazine, kaya puro balitang ka-showbizan na lang ang nabubungaran ko linggu-linggo.

Napaka-'holy' ng aura ng opisina ng Gintong Hula, paano'y ang mga taong involved ay puro new age religion practitioners. Ako lang yata ang hindi. Ang editor na si Ms. Judy Lou ay award-winning set designer sa pelikula at certified manghuhula.

May isang sekreto ang Gintong Hula na ako na lang yata ang nakaalam, of course, ang editor at at ang 'acting' publisher, dahil isa ako sa ipinatawag nang buuin ito. Ang totoo ay isa si Alfred Guerrero III sa nagpapatakbo nito. Hindi mababasa sa editorial box ang pangalan niya. Si Alfred ay anak ng mga Guerrero na may-ari ng Kislap at Counterpoint Publications. Si Alfred din ang nagsimula ng lumalaki na sanang West Publication na naputol din nang mag-takeover na ang Kislap sa compound ng Counterpoint.

Mas progressive mag-isip si Alfred, kung nagkaroon sana siya ng papel sa mga titles ng Kislap komiks noon, siguro ay baka napalago pa niya ang 'traditional' local komiks. Kung makakakuha kayo ng 1st issue ng anumang komiks ng West Publications ay malalaman ninyo ang sinasabi ko.

At kung bakit nagsara ang West at hindi rin nagtagal sa pamilihan ang Gintong Hula...ay isa na namang mahabang kuwento.