.
Wednesday, April 30, 2008
Sunday, April 27, 2008
BALITANG KOMIKS
May bago na namang webkomiks ang binuksan, at galing ito sa mga beteranong creators natin. Basahin at tingnan ang kanilang mga obra dito:
http://www.webkomiks.com
*****
Free Comicbook Day sa May 3, 2008. Narito ang patalastas galing sa Comic Odyssey:
COME JOIN US ON SATURDAY, MAY 3 2008 FOR the Free Comic Book Day at our ROBINSONS GALLERIA Branch from 12pm-5pm. We will be giving out FREE COMIC BOOK DAY edition comics from various publishers.
These FCBD edition comics will be limited to (3) copies per customer, however, we will also be giving out THOUSANDS AND THOUSANDS of other comics for FREE with no set limit.
To celebrate Free Comic Book Day, we will also be offering:
*50% off all back issues in the comic bins
*Raffle prizes every half hour
Tutal ay tanghali naman ito at tapos na ang komiks workshop ko sa umaga, malamang ay pumunta ako dito, at kung makakapagsama ako ng estudyante ay mas maganda. Siyempre, tatanggi ba naman ako sa libreng komiks, hehehe.
*****
Available na ang TRESE ni Budjette Tan at Ka-jo Baldisimo sa mga bookstores.
Hindi pa ako nakakakuha ng kopya pero interessado na akong mabasa ito. Isa si Budjette sa naging contributor natin sa 'Komiks sa Paninging ng mga Tagakomiks'. Siya ang founder ng Alamat Komiks.
Friday, April 25, 2008
BALITANG SHOWBIZ...NOON
Isa sa kinatutuwaan kong tingnan at basahin sa mga lumang komiks ay ang mga balitang showbiz noong araw. Masarap basahin ang mga tsismis ng mga artista dahil kahit paano ay magkakaroon ka ng idea sa entertainment industry noon. Nakatutuwa ring tingnan ang mga pictures nila, ang hitsura ng buhok, damit, make up, at iba pa. Para ka talagang sumakay sa time machine kapag nagbabasa ka ng lumang komiks.
Ang walang kamatayang Bobot-Vilma love team.
Ang isa sa pinaka-unforgettable na kontrabida ni Darna noon. Darna si Vilma Santos, at giant si Ike Lozada. Nasa kanan naman ang poging-poging si Tirso Cruz III.
Ang mga action stars noong araw na hindi ko kilala.
Ang cover ng komiks na hindi mukhang komiks, mas mukhang showbiz magasin.
Eddie Mesa, ang original Elvis Presley ng Pilipinas.
Ang pinakaaabangang tandem nina Dolphy at Panchito.
Ang mga singers at artista na kahit isa ay wala man lang akong kilala.
Wednesday, April 23, 2008
UNANG SWELDO
Hindi ko na gaanong natandaan kung magkano ang kinita ko sa unang sweldo ko ng drawing sa GASI, P200 plus ito. Basta malinaw pa sa alaala ko na ang kauna-unahang nabili kong foreign comics galing sa sweldo na 'yun ay itong graphic novel na 'Flash Gordon' na ginawa ni Dan Barry at Bob Fujitani. Ang gumawa ng cover nito ay si Boris Vallejo (in pen and ink at hindi painted kung saan kilala siya ng husto).
Ang Flash Gordon kasi ni Alex Raymond (kasama ng Prince Valiant ni Hal Foster) ang tumanim talaga sa utak ko dahil paborito ang mga ito ni Hal Santiago. Kaya nang makita ko ito ay hindi ko na pinakawalan. Ang natatandaan ko, nabili ko ito ng P25 sa Harrison Plaza.
Ibinili ko rin ng laruang piano ang kapatid kong babae na nagkakahalaga ng P100 plus. Ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na nagregalo ako sa kapatid ko.
Monday, April 21, 2008
ENVIRONMENT AND BACKGROUNDS
Ang lesson namin noong Sabado sa komiks workshop ay tungkol sa backgrounds. Ipinaliwanag ko na karamihan ng sakit ng mga komiks illustrators pagdating sa paglalagay ng background ay ang 'tapal-tapal system'. Ang ibig sabihin nito, para lang masabi na may background ang isang eksena ay maglalagay na lang ng mga elemento ng background kung saan-saang parte. Halimbawa, kung ang eksena ay sa gubat maglalagay lang ng dahon-dahon o sanga sa kung saan-saan.
Isa din ito sa sakit ko pag gusto kong mapadali ang trabaho. Pero noong mapunta ako sa game development 2 years ago, ang mga naging assignment ko ay gumawa ng mga environment designs. Doon ay hindi na puwede ang mga pandaraya ko sa komiks. Hindi kasi puwedeng maglagay lang ng tapal-tapal na elements dahil iko-construct ito sa 3d. Kailangan ay possible na itayo sa real world at functional ang design at para mag-fit ang mga characters.
Ngayon, kapag medyo nahihirapan ako sa paglalagay ng backgrounds sa eksena, gumagawa muna ako ng rough floor plan para alam ko kung saan nakapuwesto ang bawat elemento pati na ang mga characters.
Ilan sa mga nakita kong Filipino artists na mahusay gumawa at puwedeng i-construct sa real world ang mga environments ay sina:
Steve Gan
Alfredo Alcala
Floro Derry
Gerry Alanguilan
Ilan naman sa mga foreign komiks artists na mahusay sa ganito ay sina:
Juanjo Guarnido
Van Hamme
Regis Loisel
at Jiro Taniguchi.
Saturday, April 19, 2008
Friday, April 18, 2008
ELEGANCE
Ano ang pagkakapareho ng drawing nina...
Alphonse Mucha
Charles Dana Gibson
Joseph Christian Leyendecker
Nestor Redondo
Tony de Zuñiga
Hal Santiago
Adam Hughes
Travis Charest
at Leinil Yu?
Alam niyo kung ano?
ELEGANCE.
May touch ng 'elitism' ang kanilang mga human figure.
Ang 'elegant' na human figure ay nagmula sa Western art. At kung babalikan pa natin ng mas malayo ang history, mauugat natin ito sa Greek art.
Ang kagandahan sa elegant na human figure ay kaya nitong tumayo sa sariling paa. Ibig sabihin, kahit wala nang masyadong detalye at background ay malakas pa rin ang dating nito sa tumitingin.
Bihira na tayong makakita ngayon ng mga human figure at facial features na elegante ang drawing sa komiks. Isa sa obserbasyon ko ay dahil masyado nang nahuhumaling ang marami sa 'stylized' na drawings (kasama diyan ang anime, manga at cartoony).
Kung titingnan ang mga drawings sa itaas, maging sina Mucha, de Zuñiga, Charest at Yu ay may pagka-stylized ang drawings, pero malakas ang foundation ng classical drawings sa gawa nila kaya elegante pa rin ang kanilang mga pigura.
Thursday, April 17, 2008
Tuesday, April 15, 2008
Monday, April 14, 2008
NESTOR INFANTE POCKETBOOK COVERS
Tumawag noong isang araw si Don Santos at sinabing meron siyang nakatagong cover ng ginawa kong pocketbook noon na si Nestor Infante ang nag-painting, sa sobrang tuwa ko ay tinanong ko kaagad kung ipinagbibili niya, kaso hindi daw muna. Sinabik lang ako ni Mang Don. Gustong-gusto ko kasi talagang magkaroon ng original na trabaho ni Infante.
Hanga na ako sa storytelling at dynamism ng gawa ni Infante sa komiks noon pa man, nagulat na lang ako nang makita ko ang mga paintings niya sa pocketbooks ko, hindi talaga maipagkakailang napakahusay ng taong ito.
Sunday, April 13, 2008
MGA ‘WILD YEARS’ SA KOMIKS
Anong gagawin mo kung mag-isa ka sa buhay? Medyo bata ka mag-isip at malakas ang iyong katawan? Lahat ng mga mahal mo sa buhay ay may kani-kaniyang pamilya na? Tapos umuupa ka sa isang boarding house na maliit ang bayad? Tapos kumikita ka sa pagsusulat ng komiks at pocketbook dalawang beses sa isang linggo? Wala kang ibang sinusuportahan at pinapakain kundi ang sarili mo? Walang sumisita sa iyo kahit gabihin ka ng uwi o kaya ay gumagapang ka sa kalasingan dahil sa alak?
Dumating ako sa point ng buhay ko na nakaramdam ako ng total freedom.
Freedom na talagang para wala na akong iniisip na kinabukasan. Lahat yata ng alak ay natikman ko, sigarilyo, nood ng banda gabi-gabi, nood ng sine, basa ng libro na kahit ano ang tema—mula sa pambata hanggang sa mga libro ng satanista, sama sa mga mountaineers sa bundok, nakipagsigawan sa mga rally, natulog sa kalye, ilang araw na hindi umuuwi sa boarding house para lang manggulo sa mga kaibigan sa kani-kanilang bahay, walang girlfriend, nasanay na hindi maligo at magsipilyo ng ilang araw, hindi na nag-aahit at nagpapagupit ng buhok.
Tapos bigla ay hindi na ako nanonood ng sine at nagpupunta sa mall, hindi na rin ako kumain ng karne dahil sa animal rights ek-ek . Naging active ako sa underground punk scene, kapag may mga forums at gigs ay punta naman ako—sa Marikina, Antipolo, Makati, Baguio, basta lahat ng venue na pinagdadausan ng punk activities.
Ang ganitong klase ng lifestyle ay nakaapekto sa aking pagsusulat. Kamakailan nga, nang tingnan ko ang mga luma kong kuwento, napapakamot na lang ako sa ulo. ‘Ganito ba ako ka-radikal noon?’ Pero hindi ko puwedeng itanggi, sa mga panahong ito nakaramdam ako na lumalalim ang paksa ng isinusulat ko. Hindi ako kuntento sa lagi lang may ‘twist’ sa dulo, o kaya may ‘aral. Gusto ko laging may iniiwang tatak sa aking mambabasa—artistiko man ito o pilosopiya.
Ilan lamang itong ‘Diwa ng Himagsikan’ at ‘Zen Aura’ na mayroon nang salamin kung ano ang lifestyle ko noon. Sa pocketbook naman, gumagawa na ako ng mga konseptong buti na lang ay natitipuhan ng editor ng Counterpoint. Ang mga kuwentong ‘Umuulan ng Snow sa Recto’ at ‘Pula ang Tala Para Kay Jesus’ ang ilan sa mga paborito ko.
Pero ito ang nakakatawa, dahil mahina na ang komiks at unti-unti na ring nawawala ang mga pocketbooks na tumatanggap ng temang gusto ko, napilitan akong sumabak sa trend noon sa publication, pikit-mata akong nagsulat ng romance pocketbook. Hindi ko nga maisip kung paano akong nakapagsulat ng mga kuwentong romansa samantalang wala akong karoma-romansa sa katawan. Ito ang time na hindi ko talaga feel na writer ako. Kaya kahit nagkakandarapa na ang mga writers noon para lang makasingit ng trabaho sa komiks ay nakisali pa rin ako. Kailangan ay may outlet ako ng kuwentong gusto kong isulat kung ayaw kong mabaliw dito sa mga romansang hindi ko naman nararamdaman! Hindi na pera ang habol ko noon sa pagpunta sa komiks publication, alam ko naman na wala na doon, nasa romance na.
Gumagamit ako noon ng pen name na ‘Natasha Rose’ sa Precious Hearts Romances samantalang ginagamit ko naman ang tunay kong pangalan sa ibang publications.
Pero dahil masyado nang ‘wild’ ang utak ko, hindi na rin ako kuntento sa mainstream komiks. Tumakbo ako sa underground scene. Naalala ko noon, hindi pa uso ang mga naglalabasang xerox na komiks na ginagawa ngayon ng mga independent creators, iyon na ang pinaggagawa ko noon sa UG punk scene. Ang lahat ng produkto sa underground ay DIY (do-it-yourself), may distribution network ang mga punk ng kanilang mga fanzines, kaya nakisabay ako dito.
Satisfied ako sa ganitong buhay noon. Tuwing dadalaw ako noon sa GASI, makasingil lang ako ng P240 (sa isang short story) ay magyayaya na ako ng inuman sa mga kasama sa komiks. Ang madalas ko noong kasama sa mga tomaan at lasingan ay ang writer na sina Arman Campos, Vincent Barredo, Michael Sacay, illustrator na si Rommel Fabian, at editor na si Steven Dimaya. Patibayan kami kung mag-inuman, walang tumitigil hangga’t walang gumagapang at sumusuka.
Halos limang taon din akong nagpahaba ng buhok, tukso nga sa akin e para daw akong si Alanis Morrissette pag nakatalikod. Tapos bigla na lang akong nagpakalbo. Ang dami talagang nabaliw sa akin.
Kung susumahin ang mga karanasang ito, ‘wild years’ talaga para sa akin. Few years ago, dumating sa point na na parang gusto ko nang kalimutan ang lahat ng mga experiences na ito. Para kasing hindi ko ma-imagine na naging ganito ako. Pero naisip ko, bakit ko kalilimutan? Parte ito ng aking ‘growing up’ years. Siguro kung hindi nangyari ito, hindi rin siguro ako nag-mature. Along the way kasi ng ‘wild years’ na ito, ang dami kong natutunan dahil iba’t ibang klase ng tao ang nakasama ko—mula sa mga pinakamahihirap sa kalye hanggang sa mga stock holders ng stock exchange sa Makati, mula sa pinaka-konserbatibo hanggang sa mga pinakamalilibog, mula sa pinakamatitinong kausap hanggang sa pinakagago.
Nalaman ko tuloy, kahit pala ang daming nagkaloko-loko at nabuwisit noon sa pagbagsak ng GASI at iba pang publications ng komiks, at kahit nakaramdam din ako ng sakit at panghihinayang, hindi ko naman pala ito gaanong ininda. Buhay ‘jeprox’ kasi ako. Red Horse at Tanduay lang ang katapat ng frustrations ko noon.
Naniniwala pa rin ako na lalakas pa ang local komiks, pero for the meantime, kailangan ko rin namang kumain kaya gumagawa ako sa US comics. At kapag may nag-iimbita naman sa akin dito, bukas ang pintuan ko na mag-contribute sa abot ng aking makakaya. At isa nga sa hanggang ngayon ay pinag-iisipan ko pa, ang magturo ng komiks illustrations ng buong taon dahil sa imbitasyon ng isang kolehiyo. Ang hindi ko kasi kinakalimutan ay ang mag-share ng nalalaman, hindi lang kung paano gumawa ng komiks, kundi paano maging bahagi ng industriyang ito.
Friday, April 11, 2008
MADZHIE SANGALANG 1948-2008
Nabalitaan ko galing kay Dell Barras na sumakabilang buhay na si Amado 'Madzhie' Sangalang noong April 3, 2008. Nakikiramay po kami sa kanyang mga naulila.
Narito ang ilang trabaho ni Mang Madz noong nandito pa siya sa Pilipinas.
Narito na ang SINDAK!!!
Mabibili na sa 7-11 at Filbars and SINDAK Komiks-Magazine. Malapit na rin itong makita sa National Bookstore. Para sa karagdagang impormasyon, pumunta sa http://comicspotting.blogspot.com/
Wednesday, April 09, 2008
ANG AKING MAKINILYA
Nitong mga nakaraang linggo ay bigla na lang pumasok sa kukote ko na magkaroon ng documentation ng mga karanasan ko sa publication. Naisip ko kasi, hangga’t malinaw pa sa memorya ko ay kailangan ko nang isulat, baka kasi dumating ang time na makalimutan ko na. Napakarami ko pa namang makukulay na karanasan, na siguro, kahit isa o dalawang tao lang ang makabasa at maging inspirasyon ito, ay malaking kasiyahan na sa akin.
Ang pinakamahal ko sigurong gamit na nabili noong nasa publication pa ako ay ang makinilya (typewriter). Noon kasing illustrator pa lang ako, ang madalas ko lang bilhin ay cartolina, ink, pen at brush—na kahit pagsama-samahin pa ang presyo sa isang bilihan ay hindi pa yata aabot ng P300.
1993 noon, wala na sa isip ko ang publication. Nakapasok ako sa head office ng Mister Donut bilang in-house artist. Nagdi-design ako ng mga posters, streamers at banners tuwing may promo ang kumpanya. Huminto na ako sa pag-aaral nito dahil na-realize ko na hindi ko pala gustong maging Architect balang araw.
1995 nang ideklara ng Naquepo Food Corp. na ibenta ang Mister Donut sa RAMCAR (ito rin ang may-ari ngayon ng KFC). Na-retain ang ilang tao kasama sana ako, pero napagpasyahan ko na hindi ko na rin kaya ang mag-design ng poster araw-araw. Feeling ko ay hindi ako maggu-grow sa ganitong sistema.
Nag-resign ako sa kumpanya, at sa tatlong taon na itinagal ko sa trabaho, nakakuha ako ng separation pay na P12,000.
Pasilip-silip na ako sa mga bangketa noong 1995 kung anong komiks ang lumalabas kaya kahit paano ay naa-update ako sa mga titles. Kaya nang nakuha ko nga ang separation pay ko ay hindi na ako nag-aksya pa ng panahon na maghanap ng ibang trabaho, tumakbo na kaagad ako sa publication. Sinubukan ko ulit mag-drawing pero sandali lang at nagsulat na ako.
Ang natira sa perang nakuha ko ay ibinili ko ng second hand na typewriter na nakita ko sa isang lumang ukay-ukay sa Cubao. Nagkakahalaga ito ng P1,200. Medyo maliit ang sukat nito, magaan at puwedeng dalhin kahit saan ako abutin.
Ang makinilyang ito ang pinaka-importanteng bagay sa akin noon. Mawala na lahat ng brief ko, huwag lang itong makinilya. Kunsabagay, apat na piraso lang yata ang brief ko noon hehe. Ito ang bumuhay sa akin sa napakahabang panahon ng aking pagiging writer. Nakapag-produce na ito ng mahigit isandaang kuwento sa komiks, mahigit 50 pocketbooks, at hindi mabilang na articles sa dyaryo, songhits, magasin at iba pa. Ito rin ang naging dahilan kung bakit nakakuha ako ng awards sa Center for Arts Foundation at AIDS Society of the Phils. sa mga isinulat kong kuwento.
Taong 2000 nang bumigay itong makinilya ko. Ilang letra ang ayaw nang gumana, kapag pinipindot ay bigla na lang kumakapyos at ayaw nang bumalik. Isang kaibigan ang nakita kong may makinilya sa bahay pero hindi naman ginagamit. Sabi ko, hiramin ko muna kesa naman nakatambak lang, iiwan ko muna sa kanya itong luma ko, balikan ko na lang kapag naisipan ko nang ipagawa.
Lumipas ang marami pang taon at hindi ko na rin naisauli ang hiniram kong makinilya, at hindi ko na rin nakuha ang dati kong ginagamit.
Ang dami na ring nagbago sa aking trabaho, nagbalik na ulit ako sa pagdu-drawing, at hindi ko na ulit hinawakan ang makinilyang nahiram ko. Itinambak ko na lang ito sa itaas ng cabinet, hindi ko alam kung tinubuan na ito ng lumot o baka ginawa na itong boarding house ng mga ipis at daga.
Last year, nang maglipat ako ng bahay, hinanap ko ang makinilyang ito. Hindi ko makita sa itaas ng cabinet. Nahalungkat ko na ang lahat ng sulok ng bahay pero hindi ko talaga makita. Naisip ko, baka ibinenta ito ng dating katulong namin sa bahay, o baka iniuwi sa kanila, siguro naisip niya na hindi ko naman ginagamit.
Nakailang upgrade na ako ng desktop computer, at meron na rin akong laptop. Mas masarap mag-type dito, ang dali ring mag-edit, at napakadaling gamitin. Pero hanggang ngayon ay naaalala ko pa rin ang pakiramdam ng gumagamit ng makinilya—ang madiing tipa sa bawat letra, ang kalyo sa mga daliri sa kapipindot, ang dumi ng ribbon kapag pinapalitan ko ito, ang pagpahid ng liquid paper kapag nagkakamali, ang amoy ng alikabok sa loob ng makinilya, at higit sa lahat, ang ingay ng takatak tuwing gagawa ako ng kuwento sa gabi.
Siguro kapag ang isang bagay na nakasama mo sa hirap at ginhawa, sa lahat ng iyong pagtitiis at pagsisikap, hindi mo ito makakalimutan kahit ang dami-dami nang nagbago sa iyo. Nararamdaman mo pa rin ito hanggang ngayon.
Kung mayroon siguro akong idi-displey sa bahay ko na magiging proud ako ng husto, ito ang makinilya ko. Hindi ko alam kung nasaan na ito ngayon (iyong una kong ginamit) dahil naglipat na rin ang kaibigan ko at hindi na yata ito dinala. Pero madali itong makilala, pinirmahan ko ito ng pangalan ko (ginamitan ko ng pentel pen) sa itaas katabi ng shift button, nakalagay din doon ang petsa kung kailan ko ito binili. Iniisip ko nga minsan, sana matiyempuhan ko ito sa Ebay.
Monday, April 07, 2008
ANG GRUPONG WINDANG
Ang dami palang nakaka-relate sa akin na mga 90s komiks creators ng mga hirap na dinanas ko sa publication. Akala ko kasi sa akin lang nangyari, marami pala kami. Pero huwag naman sanang ma-misinterpret na puro hirap na lang ang nararanasan namin noon sa publication. Mas marami kaming masasayang araw. At ang mga masasayang araw na iyon ang nami-miss ko hanggang ngayon.
1996 ay hindi na ako nagpupunta ng GASI at Atlas. Nag-stick na lang ako sa West Publications (nasa likod lang ito ng opisina ng Counterpoint Publishing sa Roces Ave.). Ang nagpapatakbo ng West ay si Alfred Guerrero Jr., anak ni Alfredo Guerrero Sr. na siya namang nagpapatakbo ng Counterpoint.
Ang lahat ng editorial people ng West ay galing sa GASI. At hindi lang sila basta hinugot dahil may experience na sila sa publication, sila ang new breed ng pinakamagagaling noon na nagpapatakbo ng komiks. Nangunguna dito sina Cely Barria-Santiago (editor ng Shocker Komiks ng GASI) at Aloy Tuazon Serrano.
Medyo weird ang oras ng pasok sa West, pag umaga, sarado ang opisina, nagdadatingan ang mga tao ay hapon na. Kaya kahit pumunta ka ng alas nuwebe ng gabi, siguradong maaabutan mo pa sila. Kaya karamihan ng writers at artists na pumupunta sa West ay medyo pagabi na kung magkita-kita.
Wala na akong masyadong nasasamahang illustrators ng time na ito dahil nag-fulltime na nga ako sa pagsusulat. Naging soloista na ako tuwing pupunta ng publication. Minsan ay inabot ako ng gabi sa West, ang naabutan ko lang ay ang writer na si Rosahlee Bautista. Hindi ko gaanong kilala si Rosahlee, pag pumupunta kasi ito ng West, deretso kaagad sa editor pagkatapos ay uuwi na. Hindi nakikipagkuwentuhan sa ibang contributors. Si Rosahlee ay produkto ng Atlas, ang pagkakaalam ko ay si Tita Ofelia Concepcion ang unang nagbigay ng break sa kanya.
Baby si Rosahlee ng West dahil halos lahat yata ng komiks nila ay naroon ang trabaho niya. Magaling magsulat si Rosahlee. First time ko siyang nakakuwentuhan ng time na ‘yun. Niyaya niya ako kung gusto kong sumama. Sabi niya ay may pupuntahan silang isang theater group sa Quezon City at naghahanap ng mga writers. Sabi ko, sige go ako. Para ma-try ko ring magsulat sa ibang medium.
Kaya pala ginabi rin si Rosahlee ay may hinihintay pa siyang iba pang writers na sasama din. Maya-maya ay dumating sina Alexis Macalinao at Michael Sacay. Si Alex, nakikita ko paminsan-minsan ang trabaho sa West, pero madalas ay sa GASI lang siya kasama si Michael. Hindi ko sila kilala, nababasa ko lang ang mga pangalan nila. Pagkatapos nga naming magkakila-kilala ay isa na lang daw ang hinihintay namin.
Ilang saglit pa ay dumating si Marife Necesito, siya ang kontak nina Rosahlee sa theater group na sinasabi nila. Dalawang beses ko pa lang nakikita si Marife sa West, katulad ni Rosahlee, hindi rin ito nakikipagkuwentuhan sa iba. Medyo suplada. Pero kapag dumarating na ay naglilingunan na ang mga ‘manyak’ na contributors. Maganda kasi si Marife.
Ang pinuntahan namin ay ang Balintataw theater na itinayo ni Cecil Guidote-Alvarez. Doon na-develop ang pagkakaibigan naming lima. Mayroon ‘common force’ na nagtulak sa amin para maging close sa isa’t isa, saka siguro pare-pareho kaming mga weird. Kaya ang unang project namin sa Balintataw, hindi ko alam kung paanong nangyari, bigla na lang kaming tinawag na Grupong Windang.
Ang salitang ‘windang’ ay isang Filipino word na ang pinakamalapit yatang ibig sabihin ay ‘walang direksyon’ o ‘pasaway’. Nag-fit sa amin ang word dahil tingin ko ay pasaway naman talaga kami noon sa Balintataw.
Nakilala ko ng husto si Alexis dahil magkasama kaming umuupa noon ng boarding house. Nalaman ko na ang tunay niyang pangalan ay Paul Cubos. Naglayas siya galing sa Camiguin dahil pinipilit siya ng tatay na maging pulis samantalang ang hilig niya ay magsulat. Lakas-loob siyang nagpunta noon sa Atlas para mag-apply na writer. Dahil walang matuluyan sa Maynila, kung saan-saan siya napatira noon—kina Pablo Gomez at Joemari Moncal. Kasa-kasama ko sa hirap at ginhawa si Alexis, naroong maghapon na ang kinakain lang namin ay tinapay dahil pareho kaming walang pera.
Sa hirap ng sitwasyon namin, nasaksihan ko ang paghihirap na dinanas ni Alexis, hanggang sa bigla na lang siyang naging Born-again Christian. Ang basa ko sa kanya noon, kapag wala ka nang ibang matatakbuhan, kapag feeling mo ay binagsakan ka na ng lahat, wala ka nang iba pang malalapitan kundi ang Diyos.
Noong humina na ang komiks ay nag-iba na rin ang takbo ng utak ni Alex, hindi na siya gaanong nakipagsapalaran sa pocketbook gaya ko. Nagpaalam siya sa akin, gusto na niyang umuwi sa Camiguin at hihingi na ng sorry sa mga magulang niya dahil sa paglalayas niya. After a year, nabalitaan ko na lang na nag-aaral pala siya para maging isang Pastor.
Si Rosahlee Bautista naman ay graduate ng Biology at isa nang teacher pero iniwan ang mga ito para magsulat sa komiks. Mataas ang pangarap ni Rosahlee pero hindi lang talaga mabigyan ng break na maayos-ayos. Pagktapos naming mabigo noon sa komiks, nagpatuloy pa siya sa Balintataw hanggang sa maging kanang-kamay ng director na si Seigfried Sepulveda. Then, nabalitaan ko na lang na umentra na pala siya sa showbiz, una ay nagging showbiz reporter hanggang sa mag-manage na ng artista. Naging scriptwriter at assistant director siya sa El Niño Films na ang lahat ng ipinapalabas noon ay puro ‘kalibugan’. Nang humina ang ‘bold films’ ay iniwan na rin ni Rosahlee ang showbiz, na-realize niya na hindi rin ito ang mundo niya. Ngayon ay naka-base siya sa Pangasinan at nagma-manage ng isang maliit na business, ilang beses ko siyang niyaya na magsulat ulit pero tingin ko ay hindi na siya interesado, o talagang gusto na niyang mag-iba ng linya.
Si Michael Sacay naman ay graduate ng Political Science na bigla na lang noon sumulpot sa GASI dahil feeling niya ay kaya rin niyang magsulat. Magaling magsulat si Mike, in fact, naging baby naman siya ng Sonic Triangle, naglabas pa ng special komiks ang Sonic noon na puro Michael Sacay ang laman ng istorya at iba-iba ang nag-drawing. Nang humina ang komiks, tumakbo sa songhits si Mike para maging reporter ng music industry. Hanggang sa mabarkada siya sa mga banda, sumama sa mga music events at maging booker ng mga musikero. Pumalaot siya sa mundo ng musika, hanggang ngayon. Noong isang taon ay naaksidente siya, nabangga ng isang van habang tumatawid sa kalsada, mabuti na lang at hindi malala, pero ilang buwan din siyang hindi umalis ng bahay dahil iba na ang porma ng kanyang balikat dahil sa aksidente.
Si Marife Necesito naman ay isang theater actress noon pa man bago siya mapadpad sa Atlas. Estudyante siya ng isang magaling na actress na si Angie Ferro. Isa rin siyang pintor at paborito niyang medium ang oil pastel. Artist-at-heart itong si Marife. Noong mauso ang bold films ay binalak rin yata niyang makipagsabayan pero dahil may prinsipyo, hindi rin natuloy. At isa pa, kung papalaot man siya sa mundo ng pelikula, ang gusto niya ay makilala sa pag-arte at hindi bilang isang ‘artista na showbiz’. Sa ngayon ay makikita pa rin si Marife sa mga TV commercials at indie films. Katatapos lang niyang gawin ang isang international film na nai-shoot sa New York.
Sa aming lima, sa palagay ko ay ako ang umuwi sa tunay kong ‘bahay’. Ang komiks. Siguro dahil wala na akong ibang pupuntahan kundi ito, kaya wala na akong choice kundi bumalik dito. Saka naintindihan ko ang kasabihang: ‘There’s no place like home’ sa tunay nitong esensya.
Hindi ko alam kung babalik pa sa komiks ang apat na ito. Sa palagay ko ay hindi na. Ano naman ang babalikan nila? Ang Sterling? Ang indies? Siguro kung babalik sila, for-the-love-of-komiks na lang at hindi bilang hanapbuhay gaya ko. Saka naisip ko, baka ayaw na nila ng sakit ng ulo dahil masaya na sila kung nasaan man sila ngayon.
ANG GRUPONG WINDANG. Michael Sacay, Alexis Macalinao (Paul Cubos), ako, Rosahlee Bautista at Marife Necesito.
Thursday, April 03, 2008
ANG ATLAS AT GASI SA PANINGIN NG ISANG CONTRIBUTOR
Una akong nakatuntong sa bakuran ng GASI noong 1988 nang isama ako ni Joseph Christian Santiago. Nakipag-meeting siya noon sa editor ng Lovelife Komiks at nasa tabi lang ako nakikinig. Second year high school ako noon.
Magmula noon ay nagustuhan ko na ang eksena sa publication. Ang mga nakakalat na contributors tuwing may singilan at pasahan ng script, ang amoy ng imprenta, ang artists area (na nasa tabi ng CR) na paboritong tambayan ng writers at illustrators.
1989 nang una akong mabigyan ng trabaho sa Love Affair Komiks. Hindi na ito nasundan sa naturang komiks. Alam kong pinagbigyan lang ako ng editor, dahil makaraan ang maraming taon, nang muli kong makita ang drawing ko, talagang hindi pa ako puwede.
Ganun pa man ay ganado pa rin ako. Ang daming bata at baguhang contributors sa GASI. Marami riin akong nakilalang tulad ko ay ilang rejects na rin ang inabot—mapa-script man o drawing. Ang daming komiks ng GASI, at karamihan ng mga titles ay may espasyo para sa mga baguhang tulad ko. Pero nakailang pabalik-balik na ako sa mga editors pero talagang walang nagkakagusto ng drawing ko.
Sa GASI ako unang nasaktan, nagsumikap, nangarap, minsan pa nga ay nag-isip ng paghihiganti sa mga editors. Hindi na talaga ako makakuha ng trabaho.
Doon ko naisipang bumisita sa Atlas na noon ay nasa Roces Ave. pa lang. Pero na-discourage ako dahil ilang kaibigan ang nagpahina ng loob ko, “Ang hirap pumasok doon! Medyo traditional sila, sa drawing at sa istorya.” Binuklat ko nga ulit ang mga komiks ng Atlas, tama nga sila. Halos karamihan ng komiks ay puro beterano ang laman. Hindi ako puwedeng makipagsabayan, maraming-marami pa akong kakaining bigas.
Kaya nag-stick na lang ako sa GASI dahil mas malaki ang tsansa ko—bestseller noon ang Shocker at Space Horror Komiks (SciFi pa dati ang laman nito at hindi horror)—na karamihan ay puro baguhang creators ang laman. Pero talagang hindi pa rin ako makahanap ng trabaho dahil kulang pa talaga ang gawa ko. Kaya no choice ako kundi gumawa sa iba kung ayaw kong magutom.
Ang illustrator na si Boots Felizardo ang unang nagyaya sa akin sa Atlas. Gumagawa siya noon sa Ninja Komiks na hawak ni KC Cordero. Ang style ng drawing ni Boots ay pang-porno at bold komiks (hindi ako nagbibiro dahil halos lahat ng eksena niya ay puro nakakalibog), kaya nagtataka ako kung bakit nakakagawa siya sa Ninja. Lumakas tuloy ang loob ko, kung siya nga nakapasok, tiyak na kakayanin ko rin.
Una kong nakilala si KC Cordero, nararamdaman ko noon na alangan pa siyang bigyan ako ng trabaho dahil lahat ng samples na pinakita ko ay love story at horror galing sa GASI. Medyo kabado ako dahil alam ng mga contributors ng GASI na iba ang level ng mga tao sa Atlas, mas conservative at hindi gaanong nagpapapasok ng mga bagong estilo.
Binigyan ako ng script ni Kuya KC. Sabi niya, “Actual na script ‘yan ha. Pag nagustuhan ko, ilalabas natin, pag hindi, pasensya na lang.” Tuwang-tuwa ako. Sinong may sabing wala akong pag-asa sa Atlas? Ito at nakakuha ako ng script!
After ng isang linggo, ipinasa ko na ang trabaho. Kabado pa rin ako habang tinitingnan ni Kuya KC ang drawing ko. Ang lakas ng kutob ko noon, reject ito! Biglang sabi niya, “Baguhin mo itong page na ito. The rest, okay na.”
Pagkatapos kong marinig iyon ay para akong nakahinga ng maluwag. Ginawa ko ang page na ipinaulit at ipinasa ko after ng ilang araw. Hanggang ngayon ay hawak ko ang rejected page na iyon. Narito:
Iyon ang una at huling gawa ko sa Atlas (under Roces management) bago ako tumigil ng halos limang taon dahil sa hirap ng kita.
1995, bumalik ako sa komiks. Sa GASI ako unang tumakbo dahil dala ko pa rin ang lesson na mahirap pa rin pumasok sa Atlas kapag bago ang estilo mo.
Ilang script din ang nai-drawing ko noon sa GASI, pero ilang beses din akong nakaranas ng rejection. Isa ito sa hindi tinanggap sa akin noon sa Pantasya Komiks, akala ko noon ay nakagawa ako ng bagong estilo iyon pala ay hindi rin pala ako uubra.
Ang hirap ng buhay ng baguhang illustrator gaya ko, kaya nakapag-decide ako noon, hinding-hindi na ako hahawak ng lapis, magsusulat na lang ako. Iyon ang nag-trigger kung bakit ako naging writer (daw).
Pagkalipas ng napakaraming taon, na-realize ko, walang pumasok sa komiks na hindi na-reject-an. Walang instant genius sa komiks. Lahat ng bagay ay pinagsisikapan. Kasama dito ang pagtitiis. Experience ang malaking dahilan kung bakit malakas ang loob ko na gawing career habambuhay ang komiks. Ngayon ko lang nalaman, hindi pala training ground ang GASI at Atlas noon…ang mga ito ay mismong battlefield.
Kung hindi ako nasaktan noon sa mga publications na ito, malamang ay wala ako ngayon sa komiks. Dahil alam ko na hindi lang ako napadaan noon sa publication, talagang may mga peklat itong iniwan sa akin.
Araw noon ng Biyernes, kasama kong nakaupo ang isang illustrator. Dalawa lang kaming tao sa hallway. Maya-maya ay dumating ang isang editor, hindi ko alam kung lasing dahil susuray-suray. Sabi nu’ng kasama ko, “Sir, magri-release ba kayo ng script?”
Sabay tawa ng editor, “Walang release ngayon, hold ako!”
Hindi ko alam kung paano nangyari, basta bigla na lang kaming hinabol ng lasing na editor, tawa siya ng tawa. Takbo naman kami na tawa rin ng tawa. Paglabas namin sa gate, sabi ng kasama ko, “Hayup na ‘yun, pinag-tripan pa tayo. Lasing na lasing si loko!”
Tatawa-tawa lang kaming umuwi pero ang totoo ay pareho kaming nasaktan dahil hindi kami nabigyan ng trabaho.