Saturday, May 31, 2008

PAPEL

Vellum cartolina ang papel na paborito kong gamitin sa pagdu-drawing, mapakomiks man o ibang artworks. Nakasanayan ko na ito dahil mahigit sampung taon ko na itong ginagamit. Eksakto lang ang texture nito mapa-lapis man o tinta ang gamitin ko.

Bukod dito ay marami pa akong papel na ginagamit. Tatlong klase ng sketchpad ang ginagamit ko, iba’t iba ang tatak at sizes, binibitbit ko ito kapag gusto kong mag-outdoor sketching. Kapag mga simpleng artworks naman ay gumagamit din naman ako ng oslo at bond paper na eksakto lang ang sukat sa scanner.

Noong mga early 90’s, nasubukan kong magdrawing sa komiks na ang ginagamit ko ay likuran ng posters na madalas nating makita sa mga tindahan. May kilala akong nagdi-deliver noon ng sigarilyo at alak sa mga tindahan, madalas akong humingi noon ng posters sa kanila.

Siguro ay dalawang taon ko nang napapansin na mahirap nang hanapin ang vellum cartolina sa mga bookstores, lalo na sa National Bookstore, na sa tingin ko ay pinaka-kumpleto sa ganito at iba pang office supplies. Kaya kapag nakakatiyempo ako ay bumibili na ako ng marami dahil alam kong mag-iikot na naman ako sa ibang branches nila para makabili.

May ‘special paper’ ang komiks. Dati ay meron nito sa GASI, sampung piso, apat na piraso. Ito ‘yung papel na may boarder lines na at may guides sa paneling. Ganito ring klase ng papel ang ginagamit ng mga comics artists sa US. Naging available ito sa isang comics shop dito sa Pilipinas, ang problema ay pagkamahal-mahal. Sa pagkakaalala ko ay 20 piraso sa halagang mahigit P800.

Sa ngayon ay debatable pa para sa mga artists kung dapat na nga bang iwan ang paggamit ng papel sa pagdu-drawing. Of course, maraming tumututol dito. Mas masarap pa rin daw kasi ang feel ng may hinahawakang papel, pati nga daw amoy. Bilang traditionalist na tulad ko, totoo nga naman ito.

Pero inisip ko rin, 50-100 years from now, iba na ang takbo ng utak ng mga tao. Nakikita ko nga in the future na magkakaroon na ng krisis sa papel dahil kaunti na lang ang puno sa mundo, kaya magsi-shift na ang mga tao sa digital (na nangyayari na rin ngayon). Magiging normal na ang e-books, e-magazines, e-newspapers, at lahat na ng may ‘e’.

Hindi lang mga illustrators ang gumagawa ngayon ng digital artworks, pati mga fine artists ay nag-I-exhibit na ngayon gamit ang photoshop at related softwares. Baka sa future, hindi na uso ang canvass, ang lahat ng nag-I-exhibit ay monitor na ang gamit.

Hindi ko rin akalain na makakapag-drawing ako ng direkta sa computer gamit ang pen tablet. Nalaman ko na masarap pala kapag nakasanayan mo. Noong una ay nanginginig pa ang kamay ko dahil ang hirap kontrolin. Pero dahil nakasanayan kong gawin, nai-enjoy ko na ito. Ngayon nga, feeling ko ay mas gusto ko pang magbabad sa paggamit ng pen tablet kesa humawak ng lapis at pen.

Siguro dahil nakagamayan ko na. At mas napapadali ang trabaho, madaling maglinis ng digital artwork, madaling I-rotate, inverse, erase, sukatin at iba pa. Hindi ko na rin kailangan pang mag-scan.

Ang problema nga lang sa digital artwork, wala kang original drawing. Wala kang ititinda sa Ebay kung sakaling magkahirap-hirap ang buhay mo (hehehe). Ang kagandahan naman dito, puwede kang mag-print kahit ilang libo at puwede mo rin namang itinda sa Ebay sa mas mababang presyo. At baka nga mas kumita ka pa ng malaki kesa sa presyo ng isang original artwork.

Friday, May 30, 2008

CANCEL

Galing kay Mario Macalindong:

Tumawag si Mang Danny Acuna sa akin ngayon Friday at sinabing e email na lang po ang BW artworks nyo at siya na ang bahalang magprint. Bahala na siguro siya mag resize ng artworks. Pakisama na rin ng contact/email ad para ilakip sa artworks. Ang plano kasi niya ay idagdag iyan sa mga nauna niyang catalog para dalhin sa San Diego Convention sa July.

Ito po ang email ad ni Mang Danny...

danny_acuna@yahoo.com


Paumanhin mo sa konting pagbabago. Kinansel niya kasi ang meeting sa Jun 6 sa di inaasahang pangyayari.

Salamat!

Thursday, May 29, 2008

PARA SA MGA ILLUSTRATORS...

Mga kakomiks, pakibalita na lang po nito sa mga intresado, thanks!


Pupunta si Danny Acuna sa San Diego Comics Convention sa July...Nangangailangan pa siya ng pangdagdag na artworks sa libro niyang dadalhin. 'Yung mga kilala nating magagaling na mga tropang kabataan ang naiisip ko. Baka interesado sila, magdala sila ng artwork (original man o photocopy). Poster style, B&W komiks. 'Yung matindi!

Kapag original ay payag silang dalhin ni Danny. Kung photocopy naman ay isasama na lang sa contents ng libro bilang catalog. Wala munang money involve dito, pero si Danny ay agent para imarket ang artworks sa Convention.

Para lalo maintindihan ay pumunta sila sa meeting, dala ang kanilang artwork(s). Ito ay gaganapin sa June 6, Friday 3pm, sa Bamboo City restaurant sa Cubao. Ito ay naroon sa tabi ng Chowking sa kalyeng kinaroroonan ng National Bookstore at Gateway. Kaibayo lang ito ng Farmers Market.

Paki-inform lang sila. Thanks.
P.S. Para sa karagdagang impormasyon, try nyo mag-email dito...

Wednesday, May 28, 2008

MAGKAIBA

Isa sa pinakamatiyagang comics artist na kita ko ay si Drew Friedman. Ang ginagamit niyang technique sa rendering ay pointillism o stippling. Kung hindi ka matiyaga sa estilong ito ay malamang na hindi ka tatagal sa isang panel pa lang dahil maghapon kang magtututuldok para makabuo ng pigura.


Sa kabilang banda, ang pinakamadaling technique naman na nakita ko ay itong gawa ni Marilyn Macgregor. Line drawing na nga, sobrang minimal pa ng mga objects sa loob ng panel.

Magkaiba ng proseso at technique, pero isa lang ang purpose, ang bigyan ang readers ng kuwento sa pamamagitan ng words at pictures.

Isa lang din ang ibig sabihin nito, maging ang visual ng komiks ay may magkaibang mundo. Kumbaga sa Chinese philosophy, mayroon ding Yin at Yang.

Tuesday, May 27, 2008

BUONG ARAW NA MUSIKA

Bilang isang dating musikero, natutunan ko rin na ma-appreciate ang iba't ibang klase ng musika. Kaya bukod siguro sa lapis at papel ay itong radyo o CD player ang hindi talaga nawawala sa tabi ko. Kung ang ibang artist at writer ay nagtatrabaho na walang ingay sa paligid, sa akin naman ay kabaligtaran. Gusto kong may naririnig na sound kahit kaunti. Para kasi akong nalulunod kapag sobrang tahimik ang paligid.

Of course, gusto ko rin naman ng tahimik pero mas lamang na may musika sa tabi ko.

Minsan nga may schedule pa ako ng pagpapatugtog. Narito ang halimbawa:

Kapag umaga, habang nag-aalmusal ay ganitong klase ng music ang naririnig ko. Kinukondisyon nito ang sarili para gumanda ang buong araw ko.



Kapag nagsisimula na akong magtrabaho, ganitong klase ng music ang gusto kong naririnig dahil masarap mag-drawing habang sinasabayan mo ng pagkanta. Gusto ko ang folk songs dahil eksakto lang sa timbre ng boses ko.



Kapag tanghali na at mataas na ang energy ko, sinasabayan ko na ng ganito. Mas sumisigla ako sa pagta-trabaho.

Jump Around - House of Pain

Kapag medyo nagsawa na sa drumbeats ay pinapalitan ko naman ng ganito.



Sa gabi naman, pampa-relax naman ang hanap ko after ng maghapong paggawa. Mga ganitong klase ang pinakikinggan ko.

Louis Armstrong - What a Wonderful World - Louis Armstrong

Sunday, May 25, 2008

ANG PINAKAMADALING PAGGAWA NG KOMIKS

Nang una kong makita ang komiks ni David Rees ay natawa na lang ako. Paano kasi ay puro cliparts lang ang ginamit niyang visual, copy-paste lahat. Sumikat sa ganitong klase ng komiks si Reese. Nabasa ko sa isang interview, kaya ganu’n ang komiks niya ay dahil hindi siya marunong mag-drawing pero gustong-gusto niyang gumawa ng komiks. Kaya ang tanging solusyon niya ay ipunin ang lahat ng koleksyon niyang cliparts at doon na lang siya kumukuha ng ilalagay sa bawat panels.

Sa aking personal na opinyon, ang komiks naman talaga sa tunay nitong esensya ay hindi pagalingan mag-drawing. Ang importante sa komiks ay ang ‘proper delivery’ ng words at pictures na madaling maintindihan ng readers. Relative kasi ang beauty. Maraming nagagandahan sa gawa ni Alex Ross pero may mga tao ring mas gusto ang gawa ni Robert Crumb.

Kaya nu’ng huling araw ko sa komiks workshop, sinabi ko sa mga estudyante na hindi porke nahihirapan kayong mag-drawing ng human figure ay hindi na kayo puwedeng gumawa ng komiks. Puwede naman kayong gumawa ng kuwento na ang bida ay kaldero na may mata, o kaya ay arinola na naglalakad at nagsasalita. I mean, creativity ang puno’t dulo ng paggawa ng komiks. Kaya mong bigyang buhay ang lahat ng non-living things sa mundong ito at gawin mo siyang parang human being na nag-iisip at nagkakaroon ng problema.

Sa panahon natin ngayon na malaki na ang naitutulong ng computer, naiisip ko nga na mas mahirap pa ang ginagawa ni David Rees dahil mayroon na ngayong mga softwares na makagagawa ka ng komiks na hindi mo na kailangan pang isa-isahin ang mga cliparts. Narito ang ilan sa mga nakita ko:

Readwritethink


Comic Book Creator

Tokyopop Manga Creator

Comic Creator

Strip Creator

Comic Strip Creator

Makebeliefs Comix

Manga Studio

Kaya kung may magsabi sa inyo na bago kayo makagawa ng komiks ay kailangan munang mahusay kayong mag-drawing ng tao…hindi totoo ‘yun. Ang ‘graphic narrative’ o ‘sequential art’ o komiks ay ang pagsasanga-sanga ng mga images at words para makabuo ka ng kuwento.

Friday, May 23, 2008

THE EAGLE AWARDS 2008 RESULTS


Narito ang listahan ng mga nanalo sa katatapos lamang na The Eagle Awards na ginanap sa United Kingdom. Alam ko namang napakaliit ng tsansa ko na mapili dito bilang 'Newcomer Artist' pero nakatataba sa puso dahil kahit paano ay nakasama ako sa listahan ng mga pinagpilian.

Una kong pinasasalamatan dito ang aking writer na si Michael Kingston, si Chuck Edward Sellner at ang Visionary Comics Studio para sa Headlocked comics. Inilalakad na nila para maging available worldwide ang comics na ito. Kasalukuyan na ring pina-proces para magkaroon ng libreng download sa Wowio ang preview issue nito.

Narito ang mga nanalo sa 2008 Eagle Awards:

Favorite Newcomer Writer
MATT FRACTION

Favourite Newcomer Artist
DAVID AJA

Favourite Comics Writer
ALAN MOORE

Favourite Comics Writer/Artist
ALAN DAVIS

Favourite Comics Artist: Pencils
FRANK CHO

Favourite Comics Artist: Inks
D'ISRAELI (MATT BROOKER)

Favourite Artist: Fully-Painted Artwork
ALEX ROSS

Favourite Colourist
LAURA MARTIN

Favourite Letterer
DAVE GIBBONS

Favourite Editor
THARG (MATT SMITH)

Favourite Publisher
MARVEL

Favourite Colour Comicbook - American
HELLBOY: DARKNESS CALLS

Favourite Colour Comicbook - British
SPECTACULAR SPIDER-MAN

Favourite Black and White Comicbook - American
THE WALKING DEAD

Favourite Black and White Comicbook - British
HOW TO DATE A GIRL IN 10 DAYS

Favourite New Comicbook
THOR

Favourite Manga
DEATH NOTE

Favourite European Comics
REQUIEM, VAMPIRE KNIGHT

Favourite Comics Story published during 2007
CAPTAIN AMERICA 25-30: THE DEATH OF CAPTAIN AMERICA

Favourite Comics Cover published during 2007
WORLD WAR HULK 1A (DAVID FINCH)

Favourite Original Graphic Novel
THE LEAGUE OF EXTRAORDINARY GENTLEMAN: BLACK DOSSIER

Favourite Reprint Compilation
ABSOLUTE SANDMAN VOLUME 2

Favourite Comics Hero
BATMAN

Favourite Comics Villain
JOKER

Favourite Magazine About Comics
WIZARD

Favourite Comics-Related Book
OUR GODS WEAR SPANDEX: The Secret History of Comic Book Heroes (Chris Knowles)

Favourite Comics-Based Movie Or TV
300

Favourite Comics Related Website
MARVEL.COM

Favourite Web-Based Comic
THE ORDER OF THE STICK

Roll of Honour
MIKE MIGNOLA

Wednesday, May 21, 2008

MASAYA DITO

Opisina ng Comelec.

Ako: “Sir, ipa-follow up ko lang ho sana ‘yung voter’s ID ko.”

Empleyado: “Kailan ka nag-apply?”

Ako: (sarkastiko) “Naku, tagal na ho, August 2006 pa. 2008 na ho ngayon!”

Empleyado: “Ay, wala pa ho ‘yan! 2003 pa lang ang nagagawa namin.”

Naulol ako! Limang taon pala ang hihintayin mo bago ka makakuha ng voter’s ID.

**

Minsan, may mga pangyayari na hindi tayo nagri-react kahit ilang beses na natin itong napapanood sa TV at nababasa sa dyaryo. Maiintindihan lang natin kapag nararanasan na natin ng aktuwal.

Last month, ito ang bill ko sa kuryente:




Dumating ang bago kong bill, nagulat ako. Biglang dumoble! Wala namang nagbago sa activities ko ng paggamit ng kuryente!




**

Maraming eksena dito sa bansa natin na mapapailing ka na lang. Sasarilinin mo na lang ang inis. Minsan nga matatawa ka na lang pero ang totoo ay napipikon ka na sa galit.

Pero kung napanood ninyo ang pelikulang ‘The Kite Runner’, mas masarap pa rin pala ang mabuhay dito sa Pilipinas. At least hindi pa nangyayari dito na nagpapatayan na tayo pare-pareho dahil sa hirap ng buhay—gaya din ng nangyayari ngayon sa ilang bansa sa Aprika.



Minsan naisip ko, proud din pala ako bilang Pilipino. Nakikilala tayo sa buong mundo sa iba’t ibang larangan tulad ng pagkanta, boxing, billiards, maging sa komiks. Ang husay natin sa taglay nating talento. Gusto natin ay nag-I-excel tayo dito. Kita mo, kinatatakutan ang gangs ng mga Pinoy sa ibang bansa. At tingnan mo din, naging number 1 pa tayo sa pinaka-corrupt na bansa sa Asya. O di ba, ang gagaling natin?

Monday, May 19, 2008

The Art of Hannibal Ibarra




Mahirap makakita ng 'pure' fantasy artist sa Pilipinas. Pure dahil wala siyang ibang hilig gawin kundi fantasy. Ganito si Hannibal Ibarra, nasa fantasy artworks ang kanyang passion. Nagsimula siya sa komiks hanggang sa mapunta sa animation.

Ilan sa nagbigay ng malaking impluwensya sa kanya ay sina Alex Niño, Brian Froud, Alan Lee Frank Frazetta at Zdzislaw Beksinski.

Isa sa concept artist ng Dayo animation. At follower ni J. Krishnamurti.

Sunday, May 18, 2008

JAPANESE SPIRIT

May napanood akong documentary film noong high school ako, hindi ko na matandaan ang title, tungkol ito sa World War 2. May isang Japanese General doon ang nagsalita na parang ganito:

“Puwede niyo kaming talunin sa gerang ito (World War 2), pero kailanman ay hindi niyo kami matatalo sa ‘spirit’.”

Mukhang tama nga siya. Pagkatapos tapunan ng Atomic Bomb ang Japan ay nagdanas ito ng katakut-takot na hirap. Isa sa pinakamadramang anime na napanood ko ay ang ‘Tombstone for Fireflies’ tungkol sa kaganapang ito.

Pagkalipas ng maraming taon, narito na ang Japan, isa sa pinakamaunlad na bansa sa buong mundo. Hindi lang technology ang ipinagmamalaki nila ngayon sa mundo, maging ang kanilang kultura ay kinakain na ang halos karamihan ng kultura ng ibang bansa maging sa West.

Ang pop culture ng Japan ay kalat na sa buong mundo. Lalo pa itong lumalakas at parang mahirap na yata itong pigilan. Nagkalat na ang cosplay, fashion, anime, manga, j-pop/rock.

Dito lang sa Pilipinas, wala kang mapupuntahang event dito ng teenagers na walang halong Japanese culture—cosplay at anime. May mga separate events din para lang dito, gaya nitong Mangaholix at ang kauna-unahang comics convention na ginawa ng Culture Crash. Maging ang Philippine Comics convention natin, mas marami pang makikitang Japanese-inspired culture kesa sa local, karamihan ng indie comics ay manga/anime-inspired ang drawing pati ang kuwento.

Patunay lang ito na nagtagumpay ang Japan sa ‘spirit’ na tinatawag nila.

Isang meeting na lang at tapos na ang workshop ko sa Asia Pacific College. Sa 8 sessions namin ay nakabisado ko na ang mga estudyante pagdating sa drawing. Ano pa nga ba kundi anime at manga ang kanilang hilig. Kahapon (Sabado) habang binibigyan ko sila ng exercise tungkol sa character design, nag-uusap ang dalawa kong estudyante. Pinakikinggan ko lang sila. Alam niyo ang topic, anime!

Sa pag-uusap nila, para bang alam na alam nila ang bawat characters at palabas na kanilang pinapanood, magkapareho sila ng wavelength, samantalang doon lang naman sila sa workshop nagkakilala.

Last week naman, nagdala ako ng iba’t ibang komiks, alam niyo ba kung ano ang unang dinampot? Dolis ni Maki Kusumuto. Binuklat-buklat lang nila ang compilation ng mga trabaho ni Nestor Redondo, nagtatawanan pa nga habang binabasa ang pagkalalim-lalim na dialogues ng lumang komiks natin.

Kahapon, habang nagbubuklat ako ng mga libro sa isang bookstore ay nakita ko itong ‘One Thousand Years of Manga’, tiningnan ko ang mga pages at mga drawings. May mga nabasa ako ditong tiyak na manggagalaiti ang mga Western comics historians dahil may mga ebidensya ang Japan na sila ang kauna-unahang naglabas ng komiks na ginawa sa papel.

Naisip ko, ang ganitong mga eksena ay hindi lang basta problema ng drawing o writing, ito na ang reyalidad ng tinatawag na ‘cultural invasion’. Masyado nang malalim ang involvement natin sa Japanese culture. Paano natin ito masusolusyunan samantalang maging ang mga first-world countries sa West ay ganito rin ang nangyayari?

Nakakatawa nga minsan ang nangyayari sa mundo, tayong mga Asians ay nagpapaka-Western samantalang ang Western ay nagpapaka-Asian. Cultural chaos. May purong culture pa ba ngayon sa buong mundo? Maging ang mga tribal people natin tulad ng Tasaday at Mangyan ay gumagamit na rin ng cellphone at internet at nakikpag-chat na sa mga Amerkano para magkaroon ng asawang foreigner. Maging si Joma Sison na radikal sa pagsusulong ng Filipino culture ay mayroon nang Friendster account.

Noong college ako, may nakita akong isang poster na may nakasulat na ganito: END 2000 YEARS OF CULTURE! React to death dito ang mga aktibista, paano kasi e napaka-anarkista ng pananaw na ito. Pero parang naiintindihan ko na kung sinuman ang nagsulat nito. Kultura nga kaya ang dahilan kung bakit magulo ang mundo?

So, para sa akin, may gagawin ba akong aksyon tungkol dito? Wala. Let’s enjoy the show na lang kung ano ang nangyayari sa mundo. Isa lang naman ang puwede mong gawin para mag-survive ka. Pag-aralan mo lang si Charles Darwin, mag-evolved at mag-adopt ka.

May krisis sa bigas ang Pilipinas? Kaya mo bang ten years from now ay tinapay na lang ang kinakain mo? Hindi ko alam kung kaya ko ito. Pero ngayon ko lang napapansin, nakakaya ko na palang hindi kumain ng kanin sa loob ng dalawang araw, burger lang o kaya ay pasta ay nabubusog na rin ako.

Thursday, May 15, 2008

SAVED ORIGINALS

Nakakalat lang sa hallway ng Kislap Publication ang mga original pages ng komiks. Dinadaan-daanan at naaapak-apakan ng mga tao. Walang pumapansin dito. Naghihintay na lang na damputin para maitapon na at sunugin.

Wala pa sa isip ko noon na mahalaga ang mga original pages sa pag-aaral ng local komiks industry, ang sa akin lang ay magkaroon ako ng kopya ng mga drawings na ito. Kumuha ako ng maraming drawings para lang magkaroon ng remembrance. Laking pasalamat ko sa sarili dahil mahalaga talaga sa akin bawat butil ng komiks--mula sa sketches at published works--kaya nakapagtabi ako.

Narito ang ilan sa mga naisalba ko buhat sa pagkakatapon at pagkasunog:

Mar Santana
Jun Borillo

Rudy Villanueva

Lan Medina

Elmo Bondoc


Lui Antonio
Rommel Fabian

Noah Salonga

...kasama na diyan ang isa sa pinakalumang cover na nagawa ko sa Space Horror Komiks. Nanlilimahid na ito sa kalumaan.

Kasama na rin diyan ang ilang painted covers ng pocketbook na gawa nina:

Romy Don

Ner Jedeliz

Ilan lamang ito dahil marami pa akong naitagong gawa ng mga artists na hindi na masyadong kilala ngayon.

Na-realize ko na mahalaga pala sa akin ang industriyang ito dahil sa kahirapan ng sitwasyon namin noon sa publication ay nakuha ko pang dumampot ng mga original drawings na ito. Ngayon hawak ko na ang mga ito ay hindi ko na siguro ito pakakawalan hanggang sa tumanda na ako.

Sa mga susunod na henerasyon ay maikukuwento ko sa mga komiks creators na hindi ko nakuha ang mga ito sa Ebay o ipinagbili sa akin. Isinalba ko ito galing sa basurahan.

Wednesday, May 14, 2008

SOLONG TRABAHO

Kislap Publishing. 2003.

Biglang nagpatawag ng meeting si Mrs. Guerrero. “Kaya bumabagsak itong publication natin ay dahil malalayo kayo sa Diyos, hindi kayo nagpi-pray at hindi kayo nagbabasa ng Bible!”

Nawindang kaming lahat sa mensahe ng aming amo.

Mula nang araw na iyon, tuwing alas otso ng umaga, ay nagtitipun-tipon kami sa opisina ni Mrs. Guerrero para mag-Bible study. Lahat ng editorial people—mula editor, assistant, art director, layout artist, encoder, etc. Kung hindi na ninyo itatanong, Born-Again Christians sina Mr. Alfredo Guerrero at ang buo niyang pamilya. Kaya kahit anuman ang pananampalataya naming lahat, dahil sila ang nagpapasuweldo sa amin, kailangan ay magbasa kami ng Bibliya at mag-sharing ng talata tuwing umaga.

Noong una ay medyo may kantiyawan pa kami pagkatapos. Lalo na doon sa mga malokong editors na hindi sanay sa ganitong mga eksena. Nang tumagal, marami nang nagpapa-late sa pagpasok sa opisina para lang makaiwas sa Bible study. Kaya madalas din ang sermon ni Mrs. Guerrero sa mga umiiwas.

Lahat na yata ng ‘powers’ ay ginamit na para mag-survive ang Kislap Publications—mula material, universal hanggang spiritual power—pero talaga hindi na pumapalo sa market ang kumpanya.

Biglang isang araw na lang, halos sabay-sabay na nag-resign ang mga tao. Wala nang nag-handle sa komiks, songhits at puzzle books. Ang naiwan na lang na hindi nag-resign ay ang mga tao ng showbiz magazine.

Nagbalik ako sa pagiging freelance writer kahit gutom. Kailangan maka-survive pa rin. Isang araw ay bigla na lang akong tinawagan ako ni Andy Desuyo, editor ng showbiz mag. Ipinapatawag daw ako ni Mrs. Guerrero.

“Bakit daw?” medyo kabado pa ako. Baka may nagawa akong mali dati, o kung may naiwan akong obligasyon.

“Gustong ibigay sa ‘yo ang tatlong songhits. Ikaw daw ang mag-handle.”

Nagulat ako. “Tatlong songhits?”

Nang sumunod na araw ay nasa opisina na ulit ako ni Mrs. Guerrero. Nalaman ko na talagang halos wala nang tao sa Kislap Publications. Naiwang nakatengga ang mga materyales. Kaya bilang solusyon, naghanap sila ng mga freelancers na may experience na para mapabilis ang trabaho. At siguro, naisip nila na makakatipid sila sa akin. Dahil kaya ko nang mag-edit, magsulat ng balita at artikulo ay kaya ko pang I-layout ang buong songhits mula cover hanggang back cover.

Napakaliit ng alok na bayad sa akin para sa isang issue (tingnan niyo na lang ang kontrata namin kung magkano). Pero tinanggap ko pa rin. Una, minamani ko na lang ang paggawa ng songhits dahil ang dami naming materyales sa opisina, isa pa, hindi mahirap maghanap ng mga kanta dahil isang klik lang ito sa internet. Ikalawa, hindi mahirap I-layout ang songhits dahil may template na, irarambol-rambol ko lang ang mga kanta at sa isang iglap ay mayroon na akong bagong isyu. Sa isang bagong songhits ay mga 2 o 3 kanta lang naman ang idinagdag ko, minsan nga ay wala pa. At ikatlo, kahit paano ay may pera sa music industry, showbiz e, pag mga launching o presscon, o kaya nagpatawagng interview ang isang musikero, lusob ako dahil may ‘payola’.

Ang tatlong songhits na ito ay tinatapos ko sa loob ng dalawang araw. Guinnes World Record ito.

Maganda ang opisina ng Kislap, bawat cubicle ay may nakaharang na salamin na nagsisilbing kuwarto. Dahil kaunti na lang ang tao sa loob, lahat ng galaw sa Kislap ay napag-aaralan ko na.

Dito ko nasaksihan kung paano itapon sa basurahan ang lahat ng original illustrations sa komiks. Dito ko rin nakita kung paano itambak na lang sa bodega ang libu-libong compilations ng mga komiks mula noong 40s hanggang 90s at halos amagin na lang ito. Kung maibabalik ko lang ang panahon, sana ay hiniling ko na lang kay Mrs. Guerrero na huwag na akong bayaran ng pera. Bawat isyu na lang sana ng songhits na magawa ko ay kapalit ng isang compilation ng komiks.

Nakakapanghinayang dahil nang magsawa na rin ako sa kagagawa ng songhits ay nakikita ko pa rin ang mga bulto-bultong compilations na ito, ang ilan pa nga dito ay binabasa ko kapag nagpapahinga ako. Hindi ko alam kung ano na ang nagyari sa mga kopya ng komiks, nang isara na kasi ang opisina ng Kislap sa Roces Ave., nabalitaan ko na lang na karamihan ng mga nakatambak sa bodega ay sinunog kundi man ay itinapon.

Monday, May 12, 2008

NOON AT NGAYON

NOON

Bidang Lalake: At sana...ang pagmamahal na iyon ay malangkapan ng pag-ibig! Kung magkakagayon, ako na ang pinakamapalad na lalaki sa ibabaw ng lupa.

NGAYON

Bidang Lalake: Ganado ako talaga pag kaharap kita. Kasi nakaka-L (libog) ka...um!

Sunday, May 11, 2008

WEBHOST DILEMMA

Sino ba naman ang hindi mag-iinit ang ulo kung bigla ka na lang sisingilin ng webhost tapos wala namang serbisyong ibinibigay?

Ganyan ang nangyari sa official website ko sa www.randyvaliente.com , na wala ka nang makikita ngayon kundi patalastas. Nangyari ito noon pang November last year, siningil ako ng webhost dahil kailangan ko na daw magbayad. Binigyan niya pa ako ng deadline na isang linggo para makapagbayad. So, hindi ko naman na pinatagal, kinabukasan ay nag-deposit na agad ako sa bank account niya. Akala ko ay okay na, after a week, bigla na lang nag-down ang server. Ilang beses kong tinanong, sabi ay may inaayos lang.

Ilang linggo ko ring tinanong ang webhost kung bakit hindi na nagbalik ang website ko samantalang kababayad ko lang, hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam ang sagot. Hanggang sa hindi na talaga siya nagparamdam sa akin. Ang masakit pa, iyong host kong www.filwebhosting.com ay bigla na lang ding naglaho. Ang saklap ng nangyari sa akin dahil kababayad ko lang ng para sa 2 years service nila.

Ang hindi ko pa maintindihan ngayon, hindi ko mabawi ang www.randyvaliente.com at may babayaran na naman ako. Kaya malamang, para hindi na ako masiraan ng bait sa mga mandurugas na ito ay baka .net o .org o .ph na lang ang gamitin ko.

Kaya pansamantala, ang website ko (na luma na din ang laman) ay pansamantala ko munang inilagay sa libreng site, makikita ito ngayon sa www.rvaliente.co.cc

Friday, May 09, 2008

70s ARTISTS WITH COCHING

Perry Cruz, Francisco Coching at Don Santos. Ipinadala ito sa akin ni Mang Don. Kuha ito noong 1980 sa bahay nina Coching sa Pasay.

Kahit na matagal nang tumigil si Coching sa paggawa ng komiks (noon pang early 70s) ay patuloy pa rin siyang dinadalaw ng mga artists at writers noong 80s.

Thursday, May 08, 2008

DEADLINE

‘All of my life, I have been punctual. Everything I do has always been on the clock. I never missed a deadline—better to be an hour early than a minute late—and on my tombstone will be the epitaph: HERE LIES JULIUS SCHWARTZ. HE MET HIS LAST DEADLINE.’

Julius Schwartz
Man of Two Worlds;
One of the most influential editors in comicbook history



Gaano kahalaga ang deadline sa komiks? Tinatanong pa ba ito? Kapag hindi mo nagawa ang deadline mo, natural na hindi lalabas ang komiks sa tamang oras nito. Hindi lang readers ang maiinis sa iyo kundi ang editor at publisher din. Swerte ko dahil sa tinagal-tagal kong gumagawa sa komiks, at maging sa iba pang art jobs, ay hindi pa ako sumasablay sa deadline. Hindi lang ako magaling sa time management, ginagalang ko pa ang oras.

Isang linggo akong walang internet, hindi ko alam kung bakit. Sabi ng PLDT e nagkaroon daw ng diperensya ang poste malapit sa lugar namin. Buti na lang talaga, tapos na ang lahat ng obligasyon ko. Ito ang ikinakatakot ko kapag nawalan ako ng internet, tapos may isi-send akong pagkalaki-laking files. Hindi ka naman puwedeng gumamit ng FTP sa public internet.

Hindi ko akalaing tatagal ako sa Headlocked, independent comics ito tungkol sa buhay ng isang wrestler. Hindi ito ang pinakamagandang drawing sa tingin ng writer at publisher nito, pero natutuwa siya sa akin dahil kahit kailan ay hindi ako pumapaltos sa deadline. Kaya hindi ko akalaing sa akin pa rin pala ibibigay ang 3rd book.



Pagkatapos ng maghapong pagtatrabaho ay naging bisyo ko na ang manood ng tv o dvd sa gabi bago matulog. Isa sa hindi ko malilimutang napanood ko kamakailan ay ang Indian film na Kabul Express. Bihirang-bihira akong maka-appreciate ng pelikula na talagang tumatanim sa utak ko. Isa na siguro ito. Mahusay ang bawat eksena, cinematography, music, lalong-lalo na ang mga dialogues. Sa tingin ko hindi ito ang tipo ng karamihan ng mga comics people na mahilig sa fantasy stories at pagandahan ng special effects, pero magandang I-try niyo ring panoorin for a change.