Tuesday, March 31, 2009

AKLAT PARA SA KULTURANG POPULAR


Nakita ko sa bookstore ang series of books na ito na sinulat ni Rolando B. Tolentino. Nagkainteres agad ako dahil isa sa mga libro ay pinamagatang ‘Si Darna, ang Mahal na Birhen ng Peñafrancia, at si Pepsi Paloma’.

Sa isang aklat naman na pinamagatang ‘Ang Bago, Bawal, at Kasalukuyan’ ay mababasa sa likuran ang ganito:

‘Kahit pa ang kulturang popular ay dinadambana na para sa lahat, marami pa ring complex na usapin na kaakibat nito. Kailan nagiging bago ang bago? Ano ang ipinagbabawal sa baliw? Ano ang kasalukuyang sining sa espasyo ng mall at kasaysayan sa komiks?’

Masarap basahin ang laman ng dalawang librong ito. Lumampas pa ito kesa sa ini-expect ko. Mababasa sa loob ang mga talatang:

‘Si Narda ay nagiging si Darna dahil sa kolektibong ideal tungo sa pagbabago, sa paglaban para mabago ang mga kalakarang di umaayos sa interes ng nakararami. Ang pagsigawa ng “Darna” ay ang kolektibong impit na tinig ng mga historical na naisantabi. Ito ang tinig na hudyat ng pagbabago.

Kakaiba ang ganitong proseso dahil ang tanging nagpapaiba ng personalidad ni Superman kay Clark Kent o ni Wonder Woman sa kanyang totoong pagkatao ay ang makapal na grado ng salamin. Ang pagtanggal ng salamin ang hudyat ng ating suspension o disbelief. Muling idinidiin nito ang kapangyarihan ng bisyon para sa pag-unawa at suspension ng realidad.

Kung ganito, naiigpawan ang Kanluraning modelo ng pagbuo ng sabjek at identidad. Sa modelong ito, lumilikha ng hierarchy ng identidad at ang kawalan nito. Ako ay nagiging ako dahil kayo ay kaiba. Pananatilihin ko kayong kakaiba dahil kailangan kong panatilihin na ang ako ay ako.’

Marami ring mga palaisipan sa mga aklat na ito. Gaya ng:

· Ang basehan ng ating pag-asa ay ang ating kakulangan.


· Tunay ang sinabi ni St. Brad Pitt sa pelikula na “Things that you own eventually own you.” Ang pinaglilingkuran at nagmamay-ari sa ating komoditi ang nagdidikta kung ano ang dapat nating piliing libangan.


· Manonood tayo ng sine, at napapaisip tayo tungkol sa mundong isinisiwalat sa atin ng higanteng tabing. Napapaiyak at tumatawa tayo sa mga taong hindi naman natin kaanu-ano. Nakikita natin sa kanila ang ating buhay. Pinagtatrabaho tayo na matagpuan natin ang ating sarili sa kanila, mga taong kilala na natin pero hindi naman tayo kilala maliban sa masa ng manonood at fans. Kilala natin silang gumaganap sa pelikula bago pa man tayo nanonood, pinagtatrabahuhan na natin ito para maging kakilala natin sila. Sila na alam natin ang kasaysayan ng mga relasyon, paboritong awit at pagkain, memorable na anecdotes at iba pa—sila na mas kilala natin kaysa sa ating mga kaibigan at kapamilya—ay hindi man lamang tayo bibigyan ng limang segundo kung sakaling makita natin sa loob ng mall. Kilala natin sila pero hindi nila tayo kilala. Anong klaseng relasyon ito?


· Maganda. Ayaw ng lipunan ng pangit. Walang santo at birhen na pango, may peklat, maitim, mataba. Maganda ang nagmamaganda. Kahit pangit ang nagdarasal, maganda ang kanyang pinagdarasalan.


· Kung ang tao ay hind hayop, bakit maraming taong nag-aasal hayop? Kung ang tao ay tao, bakit mahirap magpakatao? Kung ang tao ay mas mataas sa hayop, ano ang giraffe?


· Hayop. Parang mura. Puwedeng para sa kahit ano. Hayop sa ganda! Hayop ka! Hayop ka man, ang galing mo! Hayop sa sarap. Masahol ka pa sa hayop! Hayop, kahayup-hayupan! Nasa paraan ng pagbigkas ang kahulugan ng salita. Kaya kailangang may social skills ka para makarinig di lamang ng salita, kundi pati tono ng pananalita at ng konteksto ng pagsasalita.

Ilan lamang iyan sa maaring mababasa sa mga aklat na ito. Highly recommended ito sa mga seryosong nag-aaral ng pop culture.


Monday, March 30, 2009

SHORTSTACK

Coming soon!

Sunday, March 29, 2009

CADIZ CITY COMICS ART WORKSHOP

For more infos, please visit John Becaro's site.

Friday, March 27, 2009

PHIL. ANIMATION MAG LAUNCH

Matagumpay na naidaos ang launch ng Philippine Animation Magazine kahapon sa Eastwood, Libis. Dinaluhan ito ng mga estudyante at animators galing sa iba't ibang studios dito sa Maynila.

Binabati ko ang lahat ng bumubuo ng magasin lalo na ang tatlong tao na nagbuo ng konseptong ito--sina Joy Bacon, Lina Valdez at Eric Tansingco. Mabuhay kayo!

Libreng ipinamimigay ang magasin na lumalabas ng apat na beses sa isang taon. Para sa karagdagang impormasyon, mag-log on sa Anima Dreams website.

Wednesday, March 25, 2009

SI BEBE LAGINGYARI

(Sinadyang baguhin ang pangalan ng mga tauhan sa kuwentong ito upang protektahan ang kanilang pagkatao.)

Nakita ko na lang isang hapon na sumulpot sa publication ang dalagang si Bebe Lagingyari. Matangkad, balingkinitan ang katawan pero may hugis, medyo kayumanggi ang kutis pero makinis, at higit sa lahat, virginal beauty, parang walang muwang sa mundo.

Napag-alaman ko na aspiring illustrator pala siya. May talento si Bebe, kaunting praktis lang at puwede na siyang sumabak sa mundo ng komiks bilang dibuhista. Pero bago iyon, kailangan muna niya ng guidance dahil talagang kailangan pa niyang I-workout ng husto ang pagdu-drawing.

Una siyang lumapit kay Ninja Call Me Last Night, isang editor. Nabigyan agad siya ng script para trabahuhin. Kaya nang lumabas sa komiks ang drawing ni Bebe, nagtaasan ang kilay ng mga tsismoso at tsismosa sa publication. “Bakit nakapasa ito? Kulang pa ito, a?”

“Baka may gusto si Ninja kaya tinanggap?”

Hanggang sa kung saan-saan na napunta ang isyu. Kesyo baka nai-hotel ni Ninja si Bebe, iyon ang kapalit ng script. Pero wala namang makapagpatunay. Basta ang pagkakaalam ng lahat, habang lumilipas ang mga linggo at buwan, mas nagiging close nga sina Ninja at Bebe. Para ngang may nangyayari. Pero wala namang problema dahil binata pa si Ninja noong panahong iyon.

Habang nabibigyan ng trabaho ni Ninja si Bebe, ay kasabay din nito na nagbibigay naman ng lesson at payo si Robo Rat sa dalaga. Si Robo nga pala ay isang batikang dibuhista. Matulungin itong si Robo sa mga baguhan, maganda ang track record nito. Tumutulong talaga sa nangangailangan.

Pero dahil nga nagkalat ang mga bubwit at mga nguso sa publication, natsismis din na nai-Sogo ni Robo si Bebe.

Mahirap paniwalaan dahil parang wala sa tipo ni Bebe ang kung anumang iniisip ng mga tao. Nababaitan nga ako sa kanya kasi ang amo-amo ng mukha niya. Hanggang sa nakakuwentuhan ko siya ng matagal…at doon ko nalaman…na may ‘diperensya’ sa kanya.

Hindi diperensya na ‘may sayad’ siya o kung anupaman. Nalaman ko na puno pala ng kadramahan ang kanyang buhay. Siya ang bumubuhay sa maraming kapatid. Sinabi rin niya noon na kahit anong trabaho ay papasukin niya para lang magkapera. Nakakaawa ang sitwasyon ni Bebe. Siya pa lang kasi ang may kapasidad na magtrabaho dahil puro bata pa ang kasama sa bahay.

Si Smurf ay isa ring illustrator. Mabait si Smurf, tahimik, mapagmahal sa trabaho. May gusto siya kay Bebe. Mahal niya ito. Parang mahirap ngang paniwalaan na sa dinami-dami ng tsismis na nangyari kay Bebe na sumasama kung kani-kaninong lalake sa publication, ay totoo pa rin ang pagmamahal ni Smurf. Handa niyang pakasalan si Bebe.

Pero walang nangyari. Hindi type ni Bebe si Smurf. Mahirap intindihin, pero ganoon daw talaga ang damdamin ng tao. Kung sino iyong nagmamahal at nagpapahalaga sa iyo, iyon pa ang hindi mo pinapansin.

Hanggang sa nawala na ang publication. Nalipat na sa mga sister companies ang mga editors. Nawala na rin na parang bula si Bebe. May nakapagsabi, naging hostess daw si Bebe sa isang beerhouse. May nagsabi naman, naging agogo dancer.

Maraming buwan din ang lumipas, nasa ibang publication na si Ninja, bigla na lang sumulpot ulit si Bebe. Wala namang nagbago sa kanyang hitsura, ganoon pa rin, maamo ang mukha, walang gaslaw sa katawan. At dahil patuloy pa rin ang pagbibigay ng trabaho ni Ninja, hindi mawala-wala ang tsismis sa kanila ni Bebe.

Hanggang isang araw, nagbida na lang si Might Man Yuck, na nai-date niya si Bebe. Si Mighty Man ay layout/graphic artist ng publication. Walang naniniwala sa kanya na nangyari ito. Hanggang sa ilabas niya ang ilang litrato ni Bebe na nakahubad, hindi lang basta nakahubad, ang ilan ay nakabukaka, nakatuwad, nakatihaya. Parang isang professional porno star na sanay humarap sa camera. Hindi ako makapaniwala! Pero heto at may ebidensya. Si Bebe nga!

Biglang nag-akyatan lahat ng kalibugan sa ulo ng mga lalakeng nakakita. Ganito pala ka-‘game’ si Bebe? Siguro kung uso na ang cellphone na may camera noon, baka nagkalat na ang scandal ni Bebe sa mga pirata sa Quiapo at sa YouPorn.

Hanggang sa nawala na ng tuluyan si Bebe sa publication. Siguro dahil bumagsak na rin ang publication, wala na rin namang trabaho. Naglaho na parang bula sa aming lahat ang alalaal ni Bebe.

Pagkalipas ng napakahabang taon, halos magsasampung taon, nagkita kami ni Ninja nang hindi sinasadya. Wala na siya sa alinmang publication. Malayo na ang linya ng kanyang trabaho kesa dati. Isa sa napagkuwentuhan namin ay ang tungkol kay Bebe.

Nakita daw niya ito minsan, sobrang payat, madungis ang katawan, apat ang anak, at may asawang nagmamaneho ng sidecar. Wala na daw ang dati nitong ganda, hindi na ito ang dating puwedeng pag-agawan ng mga lalake sa publication. Naging isa na lang itong pangkaraniwang nanay na may bitbit na anak habang nakasuot ng gulanit na duster sa tabi ng kalsada.

Biniro ko pa si Ninja. “Baka naman isa du’n ang anak mo?”

“Hindi, a,” tanggi niya. Hanggang ngayon, todo tanggi pa rin siya na may nangyari sa kanila ni Bebe noon. Pero halata naman. “Naawa ako, ‘tol. Binigyan ko nga ng pera para may panggatas ‘yung anak.”

Nakakalungkot minsan ang kuwento ng mga tao. Pero ganito talaga ang realidad.

Noong nakaraang Komikon 2008 ay nakita ko pa si Smurf. Nasa animation na siya, pero interesado pa rin siya sa komiks kaya siya nandoon.

Mukhang masaya si Smurf. Parang kuntento na siya sa buhay. Gusto kong ikuwento kung ano ang nangyari kay Bebe ayon sa kuwento ni Ninja. Pero pinigil ko na lang ang aking sarili. Pinabayaan ko na lang sa alaala ni Smurf…na si Bebe ay gaya pa rin ng dati, kaakit-akit at makinis ang kutis, at minsan ay minahal niya ng husto.

Saturday, March 21, 2009

Philippine Animation Magazine

ANIMADREAMS, INC
Philippine Animation Magazine
(Launch)


(Simultaneous ACTIVITIES)
March 26, 2009 (Thursday)
5:00 PM to 9:00 PM



1. ANIMATION DEMO

FLASH ANIMATION - Charles Rodriguez (PWD)
WEB DESIGN - c/o: Manila Christian Computer for the Deaf
2D DIGITAL CU & IB - Cutting Edge Productions
3D Animation - Ron Sapinoso
VOICE ACTING - Creativoices Productions

2. PRODUCT DEMO

PLDT SMENation
Challenge Systems
YNZAL Marketing
Other participating sponsors

3. ART ACTIVITIES

HENNA TATTOO - Guhit Pinoy, Take One
FACE PAINTING - Guhit Pinoy, Take One
CARICATURE - Guhit Pinoy, Take One

4. SCREENING

Super Ingo - ABS-CBN
DAYO Trailer & MTV (Lipad) - CUTTING EDGE PRODUCTIONS
TV Series - TOEI

5. DISTRIBUTION (flyers, business cards, etc.)

Participating Sponsors
ACPI members

6. POSTING OF TARPAULIN w/ STANDEE

Sponsors, Exhibitors

7. MEDIA COVERAGE - HERO TV, STUDIO 23, others
9. RAFFLE - ATI, YNZAL, IAS, TOEI, PLDT, HERO,
CHALLENGE

10. REGISTRATION - Volunteers

Philippine Animation Magazine
(Launching)

VENUE : CENTRAL PLAZA, EASTWOOD CITY
DATE : MARCH 26, 2009 Thursday
TIME : 5:00 PM to 9:00 PM

P R O G R A M


REGISTRATION

OPENING PRAYERS Pastor Alex

NATIONAL ANTHEM MCCID “Deaf Students”

OPENING REMARKS

INSPIRATIONAL MESSAGE
NGU – Office of the President
LGU – Hon. VM Herbert Bautista
CICT – Comm. Monchito Ibrahim
ACPI – Nestor Palabrica
GDAP – Ranulf Goss

INTRODUCTION “AnimaDreams"
Emcee-Wilson Go

ENTERTAINMENT (Band) 2 Days Ago (Phil. Digi Awards Promising new artist)

PRESENTATION OF SPONSORS
Emcee-Wilson Go

CLOSING REMARKS Joy Bacon, Eric Tansingco & Lina Valdez

ENTERTAINMENT AnimaDreams Dancers
(Band) 2 Days Ago (Phil. Digi Awards Promising new artist)

COCKTAILS
c/o: Sponsors

Thursday, March 19, 2009

DAHIL TAMBAK ANG TRABAHO

Masyado nang madugo ang trabaho noong mga huling buwan ko sa Kislap Publications noong early 2000. Wala nang masyadong writers sa komiks, magasin at songhits. Lumayas na ang mga contributors dahil hindi na nababayaran ng maayos. Ilang editors na rin ang nag-resign dahil madalas na ring huli ang sweldo.

Isa ako sa mga naiwang empleyedo bilang layout/graphic artist/assistant editor/writer/illustrator/colorist. Kabilaan ang ginagawa kong layout sa komiks, magasin at songhits, ganoon din ang mga editors na halos anim na titles ang hawak na lumalabas kada-isang linggo. Patayan talaga sa trabaho. Kung mahina-hina ang memorya mo ay malamang magrambol-rambol ang mga laman at deadlines ng bawat titulo.

Kahit hindi rin ako kolorista ay nakapagkulay din ako ng ilang Lan Medina covers sa mga horror komiks. At kahit hindi rin ako showbiz reporter ay madalas din ako sa mga presscon ng artista para may representative ang mga magasin, nakakatawa kasi para sa ilan na bawat isang editor ay may hawak na limang magasin. Makukuwestyon kaagad ang quality.

Kasagsagan ng trabaho sa opisina, biglang pumasok sa kuwarto namin ang janitor. Busy ako sa pag-layout, busy din ang editor sa paghahanap ng mga articles sa songhits at pagri-recycle ng mga kwento sa komiks. “Sir, pinatatawag kayong dalawa ni Ma’am,’ sabi ng janitor sa editor.

“Bakit daw?” halatang kinabahan ang editor.

“Hindi ko alam, e.”

May tension para sa amin kapag ipinatawag kami sa opisina ng may-ari. Kailanman ay hindi kami ipinatawag para purihin, lagi kaming ipinapatawag para sermunan. Kaya alam na namin na katakot-takot na sermunan na naman ito.

Pag-alis ng janitor ay tinabihan ako ng editor. “Ano kaya ‘yun, ‘tol? Mukhang may problema na naman a.”

Maya-maya ay pumasok ang stripper sa kuwarto, nag-alala ang mukha na nagsalita sa harap namin. “Nakausap niyo na ba si Ma’am?”

“Bakit daw?” mas lalong kinabahan ang editor.

“May mali sa layout ng songhits. Yung cover, napunta sa likod, yung back cover naman ay napunta sa harap,” direktang sinabi ng stripper.

Ako naman ang biglang kinabahan. Putragis! Ako ang nag-layout nu’n.

“Pwede pa naman sigurong baguhin. Isasalang na ba sa printing?” tanong ng editor.

“Hindi. Nai-print na lahat ng kopya!”

Anak ng….! Napunta yata sa leeg ang yagbols ko. Bigla ring namutla ang editor. Malaking disgrasya ito! Paano mong ikakalat sa buong Pilipinas ang isang songhits na ang cover ay nasa likod? Ano tayo, nasa Japan?

Pag-alis ng stripper ay matagal kaming tumahimik ng editor. “Anong gagawin natin, ‘tol?” Pinilit niyang maging kalmado. Kaso talagang hindi maalis ang tension, bigla na siyang nanisi. “Hayup ka kasi, tol, dapat tiningnan mo muna.”

“E hayup ka rin, tol,’ ganito lang talaga kami magbiruan, “dapat na-double check mo muna. Di ba lahat ng natatapos kong layout tinitingnan mo.”

“E hayup naman kasing stripper ‘yun, dapat tiningnan niya rin na mali ang cover. Dapat nakita rin niya yun!” susog naman ng editor.

“E hayup din naman kasing mga tao sa printing, dapat tinitingnan muna nila kung maayos yung film bago isalang sa imprenta.” Dagdag ko naman.

Kung sinu-sinong hayup na ang sinisi namin. Malamang lahat ng hayup sa arko ni Noah ay nasisi na namin. Pero ang suma-tutal, kami pa rin talaga ang may kasalanan.

Kaya habang papalapit kami sa opisina ng may-ari ay sobra na ang kaba naming dalawa ni editor. Pagpasok pa lang ng pinto, nanlilisik kaagad ang mata ni Ma’am sa amin. “O, anong ginawa niyo? Nakita niyo ba ‘yung songhits?”

Bigla e umiyak na lang ang editor. Putragis! First time kong nakita ang luha ni loko. Takot na takot siguro kaya hindi napigil. Naglalaro kasi sa isip namin, paano kung pabayaran sa amin ang lahat ng kopya? Lagi na ngang late ang sweldo, mag-aabono pa kami. Paano kung bigla kaming tanggalin sa trabaho, hindi kami nakapaghanda, saan kami lilipat?

For the first time, biglang lumambing ang boses ni Ma’am. “Sige okay lang, basta sa susunod ayusin niyo na ha.” Walang halong galit, at may pahabol pa, “...saka cute naman tingnan, di ba. Kakaiba. Nasa likod ang cover.”

Kaya habang tumutulo ang luha ni editor, ako naman ay panay ang halaklak sa loob. “Anak ng teteng…! Cute ba ‘yun? Nasa likod ang cover?”

Kaya habang pabalik kami sa kuwarto namin, panay ang kantyaw ko sa editor. “Ang laki mong tao, iyakin ka pala.” Sabay tawa.

“Hayup ka! Sa susunod na magkamali ka ulit, ikaw ang isasalang ko sa imprenta!” sagot naman ng editor.

Ilang araw din kaming nagkantyawan sa loob ng opisina. Dapat daw lahat ng title namin ay sa likod ang cover. Kasi cute.

Tuesday, March 17, 2009

IVAN ACUÑA PAINTING LAUNCH

Ito na siguro ang pinakasosyal na painting exhibit na napuntahan ko. Isinama lang ako dito ng kaibigang si Mary Ong kagabi. Siguro dahil ang madalas ko lang puntahan ay launching sa mga universities, malls at regular museum. Itong painting exhibit ni Ivan Acuña na pinamagatang 'The Heart Behind the Art of Life' ay ginanap sa gallery area ng Peninsula Manila sa Makati.


Gallery entrance.

Unang painting sa entrance.

Ivan Acuña and me.

Ivan and Mary.

Guests with mediamen.

Guests.

Ang paborito ko sa mga paintings niya.

Lobby, overlooking sa gallery.

Monday, March 16, 2009

ANG KASUNDUAN

Taong 1999.

Tinawagan ako ng editor. “Randy, gusto sana kitang bigyan ng column sa songhits. Kaso…kulang ang budget. Alam mo naman dito, lahat tinitipid ng publication.”

Masarap magsulat sa songhits. Bukod sa gusto ko ang music industry ay makakakuha ako ng ‘payola’ sa mga recording artists at companies. Wala itong pinagkaiba sa showbiz. Nalaman ko na kapag nagsulat ka sa entertainment industry ay hindi mo na gaanong papansinin ang ibabayad sa iyo ng publication sa article, o tsismis na isusulat mo. Mas malaki ang kikitain mo sa mga artista, manager at producer.

“Pero huwag kang mag-alala…” dugtong pa ng editor, “lahat ng script sa komiks na ipapasa mo ay tatanggapin ko. Wala akong iri-reject.” Kung hindi na ninyo itatanong, sa sobrang pagtitipid noon ng publication sa empleyado, dalawang komiks at tatlong songhits ang hawak ng editor na ito. Siya ang nagha-handle ng limang titles na lumalabas kada-linggo.

At doon pumasok sa isip ko na gawing pera-pera na lang ang pagsusulat sa komiks. Mamamatay na rin naman ito mga ilang panahon na lang, pagkakakitaan ko na ito ngayon na. Kaya gumawa ako ng mga script na halos labinlimang minuto ko lang yatang inupuan sa makinilya. Tinambakan ko ng mga walang kakuwenta-kuwentang kuwento ang editor. Kaya bilang isang dating kuwentista ay naging isa na lang akong kuwentutero.

Madalas akong kantyawan ng mga kasamahan, “Tol, ano ba naman ‘tong kuwento mo. Inisip mo ba ‘to?”

Tatawa-tawa lang ako. Alam naman ito ng editor. Wala lang magawa si loko, dahil hindi rin naman niya ako binabayaran sa songhits. Patas lang kami.

Walang quality control ang komiks. Wala nang mga letter senders na dumadating. Hindi na rin ito chini-check ng editor-in-chief.

Kaya habang gumagawa ako ng magagandang article sa songhits ay siya namang kabaligtaran nito ng mga trabaho ko sa komiks.

“Randy, magsusulat ako ng script ha. Sa iyo ko ipapangalan. Ikaw na rin sumingil, balatuhan na lang kita.” Sabi ulit ng editor. Nagkaroon kasi ng patakaran sa publication na bawal nang magsulat ang mga editor sa alinmang komiks, hayaan na lang daw ito sa mga ‘nagugutom’ na writers.

Pero matigas ang ulo ni editor. Hindi lang si editor, pati iyong iba pang mister, misis at miss editors. Sumisimple sa pagsusulat ng script sa komiks pero sa iba ipinapangalan at ipinapasingil.

Ayun! Nagkagutum-gutom lalo ang mga writers. Sobrang konti na nga komiks na pagpapasahan ng script, sinisingitan pa ito ng mga editor.

Ang pangyayaring ito ay nangyayari sa lahat ng bagay hindi lang sa komiks. Sa sandali ng kagutuman at kawalang pag-asa, kami-kami na lang ang nagkakainan. Dog eats dog. Survival of the fittest. Matira ang matibay. Kawalan ng delikadesa. Ito ang mga huling araw sa publication.

Kung gaano ninyo pinupuri ang gawa nina Mars Ravelo, Francisco Coching at Nestor Redondo noong araw, sa palagay ko ay hindi ninyo kayang sikmurain ang ang mga pangyayari noong mga taong 2000.

Nagulat ako isang hapon na pumunta ako sa publication. Nakita kong nagsasalitang mag-isa sa waiting area ang isang writer/artist. Nagtaka ako, sinong kinakausap nito. Mamaya-maya ay dumating ang isa pang kakilalang illustrator, napansin din niya. Nagkatinginan kami. Kaya sumimple siya ng bulong sa akin, “Hindi kaya nabaliw na ‘yan dahil wala nang masingil.” Sabay ngisi na parang aso.

Kaya may katibayan na ako, may literal na nabaliw na sa komiks. Hindi ko lang alam kung nasaan na siya ngayon.

Thursday, March 12, 2009

BOOKSALE GOODIES

Nadadagdagan na ang laman ng Booksale, hindi lang mga libro ang nakikita ko nitong mga nakaraang buwan. Few months ago ay nabili kong itong Joe Kubert's Comicbook Studio, training kit ito para sa mga bata na gustong matuto kung paano gumawa ng komiks. Para itong kahon na may lamang lapis, pens, pambura, sketch pad, notepad, blank comicbook, at instructional book.


Mayroon na rin silang tindang imported sketchpad. Sa napakamurang halaga ay sulit ito. Suki na ako ng Booksale, at dahil kilala na ako ng saleslady, kapag may bagong dumating na related sa komiks at art ay tini-text kaagad niya ako. Napag-alaman ko rin na puwedeng bumili ng maramihan sa bodega nila sa Parañaque, ang pagkakaalam ko ay minimum ng P5000.

Tuesday, March 10, 2009

GANDA LALAKE

Sa palagay ko ay magugustuhan ni Bebe Gandanghari ang komiks kapag ganito ang mga title. Ano sa palagay niyo?


ANG NATUTUNAN KO SA SINGAPORE

Nang paalis pa lang ang eroplano sa Ninoy Aquino International Airport ay excited na akong makakita ng komiks na gawa sa Singapore. Ito ang habit ko kapag napupunta sa isang lugar, naghahanap ako ng local reading material. Interesado akong malaman kung ano ang nangyayari sa kani-kanilang komunidad lalo na pagdating sa art world.

Hindi ko alam kung anong meron sa Singapore, ang pagkakaalam ko lang, bawal manigarilyo at ngumuya ng bubble gum sa kalye.

Pagdating ko doon, isa sa una kong napansin ay ang pagtawid ng mga tao sa kalye. Sanay silang gumamit ng mga tawiran, hindi gaya dito na bigla-bigla na tatawid kung saan-saan. Marunong din silang kumilala sa traffic light, kahit walang sasakyan, basta naka-stop pa ang pagtawid ng tao ay talagang walang tumatawid. Ganoon din ang mga sasakyan na hindi basta-basta umaandar na lang hangga't wala pang go-signal.

Doon ko nalaman na napaka-sibilisado ng mga taong ito. Ganitong klase ng lipunan ang masarap tirhan.

Habang naghahanap ako ng komiks at artbook sa isang bookstore kasama ko ang pinsan ko ay nakita ko ang librong ito na pinamagatang 'From Third World to First', gusto ko sanang bilhin kaso medyo may kamahalan at wala sa budget ko. Kaya hanggang ngayon ay interesado talaga akong mabasa ito.


Isang gabi na namamasyal kami, ang pinsan ko at isang kaibigan na doon nagta-trabaho, ay naisipan naming mag-picture taking habang background namin ang naggagandahang ilaw sa isang fountain. Dahil nakaupo kami sa isang wooden chair, at may bitbit akong bag na may lamang kung anu-ano, kasama ang passport ko at id sa convention na pinunatahan ko, binitbit ko ito para magpakuha ng picture. Sabi nu'ng isa naming kaibigan, "Iwanan mo lang 'yan diyan. Hindi mawawala 'yan."

"Wala bang kukuha dito?" tanong ko. Medyo may distansya kasi ang fountain at kapag hindi mo binantayan ang bag mo ay baka bigla na lang akong masalisihan, iyon ang nasa isip ko.

"Wala, 'no," sagot niya. "Walang kukuha niyan, kahit iwan mo ng buong magdamag, 'andiyan pa rin 'yan kinabukasan."

Nakaramdam ako ng hiya sa sarili ko. Wala ba akong tiwala sa mga tao? Siguro dahil ilang beses na akong nanakawan ng wallet, cellphone, pera, relo, sapatos at kung anu-ano pa sa mga sulok-sulok ng Maynila. May inupahan nga akong isang bahay noon, nag-iwan lang ako ng tsinelas sa labas ng pinto, pagbalik ko ay wala na. Pati ba naman tsinelas na mumurahin ay pinagtiyagaan pa?

Nagkaroon ng malaking impact sa akin ang pagbisita ko sa Singapore, magmula noon ay nagkainteres na akong pag-aralan kung ano ang mayroon sa kanila.



Kapag nanonood ako ng balita dito sa atin, naiiling na lang ako. Minsan ay pinapatay ko na lang ang TV. Hindi na ako maka-connect sa mga katsismisan, bangayan sa gobyerno, mga balitang kalye, corruption, lovelife ng mga artista, mga melodrama at emotional na palabas na wala namang katorya-torya, at pataasan ng ihi ng kung sinu-sinong personalities. Minsan ay sumasagi sa isip ko na kapag na-detached na ako sa Pilipinas ay baka bigla na lang akong lumayas dito. Hindi ko alam kung nagiging suwail na akong Pilipino o talagang iba na ang pananaw ko sa buhay.

Ang dami kong bitbit na babasahin (komiks, magasin at libro) nang umuwi ako sa Pilipinas. Pero hindi ang mga iyon ang natutunan ko sa Singapore, hindi rin ang 5-day na exhibit, discussions, talk at video showing sa convention. Ang pinakamalaking natutunan ko ay kung gaano kalaki ang problema ng Pilipinas mula sa pag-uugali ng mga tao, ekonomiya, pulitika at paraan ng pamumuhay.

Friday, March 06, 2009

ALEX NINO AT ANG CONCEPT ART

Hindi nakakasawang tingnan itong mga concept art ni Alex Niño sa pelikulang Mulan. Nang makita ko ang ilan dito sa mini-exhibit noong nakaraang buwan ay halos binabaran ko ito ng tingin.

Hindi lang ang ganda ng concept ang art ang makikita sa gawa ni Niño, kasama na dito ang confidence sa kanyang art. Solid na solid ang pagiging master.




Images taken from Animation Treasure blog.


Bukod sa pag-iipon ng komiks at art books, nahihilig ako ngayong mangolekta ng libro tungkol sa mga concept art. Marami ring magagaling na artists sa linyang ito. Na kung seryoso ka talaga sa pag-aaral ng visual arts, marami ka ring mapupulot sa kanila.

Ilan sa mga concept artists na hinahangaan ko ay sina:

Ryan Church


Syd Mead

Craig Mullins

Ian McCaig


Feng Zhu

Wednesday, March 04, 2009

SUPERHERO-DOMINATED MEDIUM



Nang mapanood ko ang documentary video na ito ng Discovery Channel, pumasok sa isip ko na talagang SUPERHERO-DOMINATED ANG MEDIUM NG KOMIKS.

Ikinahon nito ang komiks bilang isang porma ng art/literature na superheroes lang ang laman. At vice versa, kapag superheroes din naman ang nagiging paksa, komiks din kaagad ang naiisip ng mga tao.

Kasalanan ito ng American comicbooks. Hindi sa sinasabi kong mali ito, pero sila ang nag-set ng 'views' sa mga taong hindi gaanong kabisado kung ano ang laman ng iba pang komiks. Ang dalawang pinakamalaking publication ng komiks sa buong mundo ay ang Marvel at DC, na 99.9% ng inilalabas ay superhero stories, at widely-circulated, kaya ano pa nga ba ang dapat i-expect ng mga tao.

Tungkol sa video, ang paksa ay ang mga taong nagtataglay ng 'superhero-like qualities' na isang realidad. Kaya ang porma ng presentasyon nito ay 'very comics'. Para ka talagang nagbuklat ng Marvel/DC comics habang pinapanood mo ang video. Maganda rin ang pagkagawa dahil mas naging interesting ang presentation nito dahil nagiging 'pop' sa halip na maging boring na technically-driven scientific documentary.

Sunday, March 01, 2009

MY OTHER BLOG


Nagbukas ako ng bagong blog na walang kinalaman sa komiks. Naisip ko kasi na ang dami kong litrato galing sa mga travels ko, pati mga sketches at drawings ng kung anu-ano, na gusto kong i-share na rin dito sa webworld.

Hindi ako professional na photographer, zero ako pagdating sa camera technicalities. Ang puhunan ko lang talaga ay ang mata ko bilang illustrator. Kung ano ang trip kong kuhanan ay iyon lang ang ginagawa ko.

Ang kagandahan lang, dahil ang traning ko ay komiks, sanay akong maglaro ng words at images. At magandang praktis na rin dahil iniisipan ko ng meaning (kahit wala) ang isang litrato.

Ito ang link sa bago kong blog:

LENS & PENS