"So, ano ang masasabi mo ngayong itinanghal nang
National Artist si Carlo J. Caparas? May space na sa art scene ang komiks sa Pilipinas."
Ano ba 'yang national artist na 'yan? Kapareho ba 'yan ng national fruit, national animal, national flower? Matagal na akong hindi naniniwala diyan. Kapag sinabing 'national', naka-relasyon sa bansa o pambansang usapin. Kapag sinabi namang 'artist', naka-relasyon iyan sa gawang sining. Kaya kapag pinagsama, ang 'national artist' ay simbolo ng isang indibidwal na gumawa/gumagawa ng sining na may integridad at sumisimbolo ng nasyon na kanyang kinabibilangan. Sa madaling salita, ang National Artist ay ehemplo ng kanyang mga kababayan na may pagpapahalaga sa sariling kultura, tradisyon, paniniwala, at sining.
Ngunit ang lahat ng award-award ay pulitika, galing man ito sa gobyerno o hindi. At ang pulitika ay kayang imanipula.
Nang sabihin ng manunulat na si Edgardo Reyes kung sakaling ma-nominate siya: "National artist? Malaki-laki 'yan a. Masarap tanggihan 'yan!", hindi siya nagpapatawa, sinabi lang niya na ang parangal na Pambansang Alagad ng Sining ay wala nang kredibilidad.
Sa personal kong opinyon, marami rin namang kwalipikado na may titulong Pambansang Alagad ng Sining, pero marami ring hindi. Selection lang naman ito ng mga nasa posisyon at kung sino ang nakaupo, ang may kaibigan, at ang may 'bata-bata'.
Maraming karapat-dapat gaya nitong Si Arch. Francisco Mañosa (na ngayon lang din naging National Artist), kung saan isinulong niya ang tradisyong Pilipinismo sa arkitektura. Ilan sa mga idinisenyo niya ay ang Shrine ng EDSA, Coconut Palace, Amanpulo Resort, at ang pag-restore ng Las Piñas Church. Siya ang tinaguriang 'Champion of Modern Philippine Vernacular Architecture'. At nang malaman nga ng maraming arkitekto, at mga estudyante ng arkitektura ang pagkakatanghal na ito kay Mañosa, ay walang pagsidlan ang kanilang kasiyahan. Wala kang mababalitaan na may nagprotesta.
Ganitong mga kwalipikasyon ang karapat-dapat para maging National Artist.
Sa kaso ng ilan (hindi, marami yata) nating mga National Artist, maraming kuwestyon ang lumulutang sa kanilang kredibilidad. At kung delikadesa lang din naman ang pag-uusapan, kung alam mong maraming kumukuwestyon sa iyong kredibilidad, mabuti pang i-give up mo na lang muna ang ambisyong maging National Artist, mag-ipon ka muna ng respeto sa mga tao lalo na sa iyong mga kasamahan.
Sa pitong biniyayaan ng pagiging National Artist nitong mga nakaraang araw, si Carlo J. Caparas ang naging pinaka-kontrobersyal, kasama na rin si Cecille Guidote-Alvarez (na nakuha ang pagiging National Artist for theater samantalang siya rin ang pinuno ng NCCA).
Pero ituon na lang muna natin ang sentro kay Carlo J. Caparas. Ang nakuha niya ay National Artist for visual art at film.
FILM
Malaki ang respeto ko kay Carlo J. Caparas bilang indibidwal, at bilang dukha na nagsumikap para makamit ang pangarap. Pero kailanman ay hindi papasa sa panlasa ko ni sa kalingkingan ng pinakapatay kong kuko sa paa alinman sa mga pelikulang ginawa niya.
Ang huling pelikulang pinanood ko na siya ang direktor ay ang
Tirad Pass: The Story of Gen. Gregorio del Pilar, pinanood ko ito sa cable nang nasa Baguio ako two weeks ago. Sinubukan ko lang kung maa-absorb ko. Pero talagang hindi pumapasok. Ang daming butas sa dialogues, settings, costumes, at kung anu-ano pa. Ni hindi nga yata ako nangalahati sa pinanood ko at inilipat ko na lang sa ibang channel.
Mananatiling hilaw para sa akin si Direk Carlo bilang direktor sa pelikula. Mas papaboran ko pa si Celso Ad Castillo kung mainstream directing din lang ang pag-uusapan.
VISUAL ART
Isang masalimuot na medium ang komiks para sa ganitong award. Saan mo nga naman ilalagay ang komiks, sa visual arts o sa literature?
Kung ipapasok mo ang komiks sa literature, wala ni sinumang scriptwriter sa komiks ang papasa sa kwalipikasyon ng literatura. Bakit kanyo? Dahil ang 'literatura ay laro ng mga salita', samantalang ang komiks ay 'laro ng biswal na may salita'. Sa ganitong punto ay mas angkop na ipasok ang komiks sa visual arts.
Si Francisco V. Coching, nang maging nominado bilang National Artist ay ipinasok sa 'visual arts' at hindi sa 'literature'. So, saan magaling si Coching, sa pag-drawing o pagsusulat? Kung ipapasok din si Larry Alcala sa naturang award, malamang ay sa 'visual arts' din siya mapupunta. Pero paano kung si Mars Ravelo?
Sa tingin ninyo ay tatanggapin siya ng 'literature'? Darna, Kapten Barbel, Dyesebel, Tiny Tony? May puwang ba sa literatura ang ganitong mga karakter ng pantasya? Ano ang kayang i-represent ng Darna bilang Pilipino sa mundo? Na ito ay galing sa Superman at Wonderwoman?
Sa kaso ni Caparas, dahil nga mas malapit-lapit sa 'visual arts' ang komiks kesa sa 'literature', mas safe na ipinasok na nga lang siya bilang National Artist for visual art. Ang problema, mas malaki pa rin ang credentials ni Coching, kung mundo lang din ng komiks ang pag-uusapan. Tiningala si Coching ng halos lahat ng Filipino illustrators sa alinmang panahon. Ang impluwensyang ito ay tumagal mag-iisang siglo na ngayon, dahil hanggang ngayon ay marami pa ring nakatunghay sa gawa ni Coching kahit matagal na siyang nawala.
PAGMUMUNI-MUNI
Si Caparas, para sa akin, ay isang 'popular icon', katulad ni Stan Lee ng American comicbooks, pero hindi sila maaring maging 'literary hero'.
Kaya nga ang titulong 'National Artist' para sa akin, na matagal nang kinukuwestyon ang kredibilidad ng nakararaming alagad ng sining mula sa pelikula, visual art, music, dance, theater, at iba pa, ay para na lamang 'noontime show' na Pera O Bayong.
Kasi kung may kredibilidad nga ang ganitong award-giving body, e bakit todo-react-to-the highest-level-divided-by-two ang lahat ng tagakomiks, taga-pelikula at taga-literatura nang mabalitaang National Artist na sina Carlo Caparas at Cecille Guidote-Alvarez? May mali, ibig sabihin.