Naalala niyo pa ba ito? Mahigit isang taon na ring pinagtalunan ito dito sa aking blog.
Ngayong may publisher na sumulpot na katulad ng dapat kong asahan pagdating sa publishing business, ang pagtatalunan na lang natin ngayon ay ang mismong laman ng komiks.
Hindi ko pa masyadong kabisado ang laman ng komiks na lalabas under Sterling- Caparas, pero nakita ko na ang ilang pages na ginawa ng mga beteranong dibuhista, pati mga script/nobela ng mga writers.
Sa aking nakita, ang mga nobela at short stories (kasama na dito ang presentation) ay naka-pattern sa dating komiks. Puwede kong sabihin na ang pinagkunan talaga nito ay ang 70’s-80’s era ng komiks.
Wala namang problema dito kung tutuusin. Ngunit may mga nasisilip ako na dapat nating pag-aralan sa panahong ito:
1. READERS
- Ako ang klase ng reader na nagbabasa ng komiks noong 70s-80s komiks. Ang mga kasamahan kong nagbabasa ay mas matanda sa akin at mas bata sa akin ng ilang taon lang. So, sa lalabas na komiks, ang pangunahing makaka-relate sa komiks ay ang mga readers na tulad ko ang orientation sa kinagisnang komiks.
- Kung ang mga tulad ko (early 30s pataas) ang makaka-relate sa komiks na lalabas, paano nila ito ii-inject sa akin. Ang mga priorities ko sa panahon ngayon ay ang trabaho, pamilya, at ikabubuhay. Sa madaling salita, mas mature ako ngayon kesa noong nagbabasa ako ng komiks noong 70s-80s.
- Ayon sa statistics, mas mahirap ang buhay ngayon kumpara noong 70s at 80s. Ang mga dating nasa bracket noon ng B and C market (high-middle class and lower), ay nalipat na ngayon sa D at meron pang napunta sa E.
- Kaya, kung ang dating B at C ay napunta na ngayon sa D at E, inaasahan natin na ang mga readers na ito ay ‘medyo nakaaangat’ na ang level of understanding. Kaya pa kaya natin silang aliwin sa mga kuwentong ‘Flor de Luna’ o ‘Flor de Liza’ o mas gusto na nilang manood ng mga Koreanovela tulad ng ‘Full House’ o ‘Foxy Lady’?
- Sa madaling salita, ang mga halimbawang ibinigay ko sa itaas ay para sa mga readers na kasing-panahon ko. Puntahan natin ang readers na ipinanganak ng mid-80s hanggang 90s hanggang sa kasalukuyan. Ito ang mga readers na hindi na naabutan ang kasikatan ng komiks, hindi na ito ang kanilang ‘national book’. Ang naabutan nila ay ang family computer, vcd/dvd, manga/anime/American superheroes, alternative/undergrounds scenes ng music at art, internet, gadgets, sub-cultures at high-end pop culture. Paano natin ii-inject sa kanila ang komiks na ang presentation ay 70s-80s komiks?
- Kung ipinalabas kaya ang Transformers sa 80s format nito, tatangkilikin pa kaya ito ng mga audience ngayon? Kailan dapat ipasok ang pagri-reminisce at ang radikal presentation na hinahanap ngayon?
- Paano natin ipagkakasundo ang B,C, D at E market noong 70s-80s sa B,C, D at E market ngayon? Iyan ang mga palaisipang dapat maglaro sa isip natin ngayon.
2. CREATORS
- Karamihan ng writers at artists na hawak ngayon ng Sterling-Caparas ay mga beterano. Totoo, magagaling na sila. Kaya na nilang magsulat at mag-drawing kahit nakapikit ang mata. Kabisadong-kabisado na nila ang craft nila. Ang tanong: Kabisado pa ba nila ang readers/audience ngayon?
- Puwede ba nating sabihin na dapat readers ang mag-adjust sa kanilang presentation o sila ang dapat mag-adjust sa mga readers ngayon?
- Nasa panahon na tayo ng ‘globalized culture’. Malaya nang nakakapasok ngayon sa utak ng marami ang impormasyon galing sa iba’t ibang sources sa buong mundo (tv, movie, internet, magazine, etc), so ang ini-expect ng readers/audience ngayon ay hindi na katulad ng mga naunang creators. Alam na nila kung paano mag-differentiate ng ‘old school’ sa ‘new school’. Aware na sila kung ano ang itinuturing nilang ‘classic’.
- In short, alam na nila kung ano ang ‘classic na totoo’ at ang ‘naging classic dahil hindi marunong sumabay sa panahon’. Alam na nila ngayon ang ‘valued item’ sa hindi gaanong pinahahalagahan.
Ilan lamang ito sa mga dapat nating pag-aralan sa panahon ngayon. Sabi ko nga, ang problema ng komiks ngayon ay napakalaki, makikita natin ang mga details na ito kapag titingnan natin ito ng microscopic at macroscopic.
Malaki ang tsansa ng Sterling-Direk Caparas komiks pagdating sa marketing at distribution. In fact, ito ngayon ang nakikita kong pinaka-the best na marketing strategy ng komiks. Hindi na ako aangal dito. Ito ang matagal ko nang isinisigaw sa blog na ito. Ibalik ang komiks sa lipunang Pilipino! Komiks na available sa lahat ng klase ng readers! Affordable at hindi mahirap hanapin.
Ang malaking tanong na lang sa akin ngayon: Kaya pa bang makipagsabayan ng komiks na ito, in terms of content, sa iba pang klase ng media at entertainment ngayon?
Masasagot natin iyan, makalipas ang ilang buwan kapag lumabas na ang komiks na ito. Sa ngayon, maghihintay muna tayo. At patuloy na mag-aaral kung paano natin iaangat ang industriyang ito—artistically at commercially.